Revised Common Lectionary (Complementary)
CAPH.
81 Nanghihina ang aking kaluluwa para sa pagliligtas mo;
sa iyong salita ay umaasa ako.
82 Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa iyong pangako;
aking itinatanong, “Kailan mo ako aaliwin?”
83 Sapagkat ako'y naging parang balat na lalagyan ng alak na nasa usok;
hindi ko kinalilimutan ang iyong mga tuntunin.
84 Gaano karami ang mga araw ng iyong lingkod?
Kailan mo hahatulan ang mga umuusig sa akin?
85 Ang mapagmataas ay gumawa ng hukay na patibong para sa akin,
mga taong hindi sang-ayon sa iyong tuntunin.
86 Tiyak ang lahat ng mga utos mo;
kanilang inuusig ako ng kasinungalingan, tulungan mo ako.
87 Halos sa ibabaw ng lupa ako ay kanilang winakasan,
ngunit ang mga tuntunin mo ay hindi ko tinalikuran.
88 Muli mo akong buhayin ayon sa iyong tapat na pag-ibig,
upang aking maingatan ang mga patotoo ng iyong bibig.
Ang Pagbabalik mula sa Pagkabihag
14 “Kaya't ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na sasabihin pa, ‘Habang buháy ang Panginoon, na nag-ahon sa sambahayan ng Israel mula sa lupain ng Ehipto;’
15 kundi, ‘Habang buháy ang Panginoon, na nag-ahon sa sambayanan ng Israel mula sa hilagang lupain at mula sa lahat ng lupain na pinagtabuyan niya sa kanila!’ Sapagkat ibabalik ko sila sa kanilang sariling lupain na ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.
16 “Narito, ipasusundo ko ang maraming mangingisda, at kanilang huhulihin sila, sabi ng Panginoon. At pagkatapos ay ipasusundo ko ang maraming mangangaso, at kanilang huhulihin sila sa bawat bundok at burol, at sa mga bitak ng malalaking bato.
17 Sapagkat ang aking mga mata ay nasa lahat ng kanilang lakad, sila'y hindi nakukubli sa akin o nalilingid man ang kanilang kasamaan sa harap ng aking mga mata.
18 At akin munang dalawang ulit na gagantihan ang kanilang kasamaan at ang kanilang kasalanan, sapagkat kanilang dinumihan ang aking lupain ng mga bangkay ng kanilang karumaldumal na mga diyus-diyosan, at kanilang pinuno ang aking mana ng kanilang mga kasuklamsuklam.”
19 O Panginoon, aking kalakasan at aking tanggulan,
at aking kanlungan sa araw ng kaguluhan,
sa iyo pupunta ang mga bansa
mula sa mga hangganan ng daigdig, at magsasabi,
“Ang aming mga ninuno ay walang minana kundi mga kasinungalingan,
mga walang kabuluhang bagay na hindi mapapakinabangan.
20 Makakagawa ba ang tao para sa kanyang sarili ng mga diyos?
Ang mga iyon ay hindi mga diyos!”
21 “Kaya't ipapaalam ko sa kanila, minsan pa ay ipapaalam ko sa kanila ang aking lakas at ang aking kapangyarihan; at malalaman nila na ang aking pangalan ay Panginoon.”
Si Jesus at ang Kanyang mga Kapatid
7 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay pumunta si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang dumaan sa Judea, sapagkat pinagsisikapan ng mga Judio na siya'y patayin.
2 Malapit(A) na noon ang pista ng mga Judio, ang pista ng mga Tabernakulo.[a]
3 Sinabi sa kanya ng kanyang mga kapatid, “Umalis ka rito at pumunta ka sa Judea, upang makita ng iyong mga alagad ang iyong mga ginagawa.
4 Sapagkat walang taong nagnanais makilala ang gumagawa ng anumang bagay sa lihim. Kung ginagawa mo ang mga bagay na ito ay ipakilala mo ang iyong sarili sa sanlibutan.”
5 Sapagkat maging ang kanyang mga kapatid man ay hindi sumampalataya sa kanya.
6 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi pa dumating ang aking oras, subalit ang inyong oras ay laging naririyan.
7 Hindi kayo maaaring kapootan ng sanlibutan, ngunit ako'y kinapopootan nito, sapagkat ako'y nagpapatotoo laban dito na masasama ang kanyang mga gawa.
8 Kayo na ang pumunta sa pista. Ako'y hindi pupunta sa pistang ito, sapagkat hindi pa dumating ang aking oras.”
9 At nang masabi ang mga bagay na ito ay nanatili siya sa Galilea.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001