Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 145:10-18

10 Lahat mong mga gawa, O Panginoon, ay magpapasalamat sa iyo,
    at pupurihin ka ng lahat ng mga banal mo!
11 Sasabihin nila ang kaluwalhatian ng iyong kaharian,
    at ibabalita ang iyong kapangyarihan;
12 upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang iyong[a] mga gawang makapangyarihan,
    at ang maluwalhating kaningningan ng iyong kaharian.
13 Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian,
    at nananatili sa lahat ng mga salinlahi ang iyong kapangyarihan.
14 Inaalalayan ng Panginoon ang lahat ng nalulugmok,
    at itinatayo ang lahat ng nakayukod.
15 Ang mga mata ng lahat sa iyo ay nakatingin,
    at ibinibigay mo sa kanila sa tamang panahon ang kanilang pagkain.
16 Binubuksan mo ang iyong kamay,
    binibigyang-kasiyahan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.
17 Ang Panginoon ay matuwid sa lahat ng pamamaraan niya,
    at mabait sa lahat niyang mga gawa.
18 Ang Panginoon ay malapit sa lahat ng sa kanya'y nananawagan,
    sa lahat ng tumatawag sa kanya sa katotohanan.

2 Mga Hari 4:38-41

Dalawa Pang Kababalaghan

38 Nang si Eliseo ay bumalik sa Gilgal, may taggutom sa lupain. Habang ang mga anak ng mga propeta ay nakaupo sa harapan niya, sinabi niya sa kanyang lingkod, “Isalang mo ang malaking palayok, at ipagluto mo ng pagkain ang mga anak ng mga propeta.”

39 Ang isa sa kanila ay lumabas sa parang upang manguha ng mga gulayin, at nakakita ng isang baging na ligaw. Namitas siya roon hanggang sa ang kanyang kandungan ay napuno ng ligaw na bunga. Siya'y bumalik at pinagputul-putol ang mga iyon sa palayok ng pagkain, na hindi nalalaman kung ano ang mga iyon.

40 Kanilang inihain ang ilan upang kainin ng mga tao. Subalit nang sila'y kumakain ng niluto, sila'y nagsisigaw, “O tao ng Diyos, may kamatayan sa palayok.” Hindi nila makain iyon.

41 Ngunit kanyang sinabi, “Magdala rito ng kaunting harina.” Iyon ay kanyang inilagay sa palayok, at kanyang sinabi, “Ihain ninyo sa mga tao ninyo upang sila'y makakain.” At hindi na nagkaroon pa ng anumang nakakasama sa palayok.

Juan 4:31-38

31 Samantala, hinimok siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, kumain ka.”

32 Subalit sinabi niya sa kanila, “Ako'y may pagkain na hindi ninyo nalalaman.”

33 Kaya't sinabi ng mga alagad sa isa't isa, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”

34 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang kanyang gawain.

35 Hindi ba sinasabi ninyo, ‘May apat na buwan pa at darating na ang pag-aani?’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, masdan ninyo ang inyong paligid[a] at inyong tingnan ang mga bukid na mapuputi na upang anihin.

36 Ang umaani ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan, upang ang naghahasik at ang umaani ay magkasamang magalak.

37 Sapagkat dito'y totoo ang kasabihan, ‘Isa ang naghahasik, at iba ang umaani.’

38 Kayo'y sinugo ko upang anihin ang hindi ninyo pinagpaguran; iba ang nagpagod at kayo'y pumasok sa kanilang pinagpaguran.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001