Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 142

Maskil(A) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.

142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
    sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
    sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
    ang aking landas ay iyong nalalaman!

Sa daan na aking tinatahak
    sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
    walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
    walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.

Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
    aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
    ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
Pakinggan mo ang aking pagsamo,
    sapagkat ako'y dinalang napakababa.

Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
    sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
Ilabas mo ako sa bilangguan,
    upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
    sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.

Amos 9:11-15

Manunumbalik ang Israel

11 “Sa(A) araw na iyon ay ibabangon ko
    ang tabernakulo ni David na bumagsak,
at lalagyan ko ng bakod ang mga sira niyon;
    at ibabangon ko ang mga guho niyon,
    at muli kong itatayo na gaya ng mga araw nang una;
12 upang kanilang angkinin ang nalabi ng Edom,
    at ang lahat ng bansa na tinatawag sa aking pangalan,”
    sabi ng Panginoon na gumagawa nito.

13 “Ang mga araw ay dumarating,” sabi ng Panginoon,
    “na aabutan ng nag-aararo ang nag-aani,
    at ng tagapisa ng ubas ang nagtatanim ng binhi;
ang mga bundok ay magpapatulo ng matamis na alak,
    at lahat ng mga burol ay matutunaw.
14 At aking ibabalik ang kapalaran ng aking bayang Israel,
    at kanilang muling itatayo ang mga wasak na bayan, at titirahan nila iyon,
at sila'y magtatanim ng ubasan, at iinom ng alak niyon;
    gagawa rin sila ng mga halamanan, at kakain ng bunga ng mga iyon.
15 At aking ilalagay sila sa kanilang lupain;
    at hindi na sila palalayasin pa sa kanilang lupain,
    na ibinigay ko sa kanila,” sabi ng Panginoon mong Diyos.

Lucas 7:31-35

31 “Sa ano ko nga ihahambing ang mga tao ng lahing ito at ano ang kanilang katulad?

32 Tulad sila sa mga batang nakaupo sa pamilihan at sumisigaw sa isa't isa, na sinasabi,

‘Tinutugtugan namin kayo ng plauta at hindi kayo sumayaw;
    tumangis kami at hindi kayo umiyak.’

33 Sapagkat dumating si Juan na Tagapagbautismo na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, ‘Siya'y may demonyo.’

34 Dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom at inyong sinasabi, ‘Tingnan ninyo, ang isang taong matakaw at maglalasing, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’

35 Kaya't ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng lahat ng kanyang mga anak.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001