Revised Common Lectionary (Complementary)
Isang Awit para sa Handog na Pasasalamat.
100 Sumigaw kayo na may kagalakan sa Panginoon, lahat na mga lupain!
2 Maglingkod kayo sa Panginoon na may kagalakan;
magsilapit kayo sa kanyang harapan na may awitan.
3 Kilalanin ninyo na ang Panginoon ay Diyos!
Siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kanya;
tayo'y kanyang bayan, at mga tupa ng kanyang pastulan.
4 Magsipasok kayo sa kanyang mga pintuan na may pagpapasalamat,
at sa kanyang mga bulwagan na may pagpupuri!
Magpasalamat kayo sa kanya, at purihin ninyo ang pangalan niya!
5 Sapagkat(A) ang Panginoon ay mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
at ang kanyang katapatan ay sa lahat ng salinlahi.
14 At ang Panginoon ay makikita sa itaas nila;
at lalabas ang kanyang pana na parang kidlat;
patutunugin ng Panginoong Diyos ang trumpeta,
at hahayo na kasama ang ipu-ipo ng timog.
15 Iingatan sila ng Panginoon ng mga hukbo;
at kanilang lalamunin at tatapakan ang mga batong pantirador;
at kanilang iinumin ang kanilang dugo na gaya ng alak;
at sila'y mapupunong parang mga mangkok,
na basang-basa na gaya ng mga sulok ng dambana.
16 Ililigtas sila ng Panginoon nilang Diyos sa araw na iyon
sapagkat sila ang kawan ng kanyang bayan;
sapagkat gaya ng mga bato ng isang korona
ay magniningning sila sa kanyang lupain.
17 Sapagkat napakalaki ng kanyang kabutihan, at napakalaki ng kanyang kagandahan!
Pagiginhawahin ng trigo ang mga binata,
at ng bagong alak ang mga dalaga.
Ang Pagbabalik ng Juda at Israel
10 Hingin ninyo sa Panginoon ang ulan
sa kapanahunan ng ulan sa tagsibol,
mula sa Panginoon na gumagawa ng ulap na may dalang unos,
at kanyang bibigyan sila ng ulan,
sa bawat isa'y ng damo sa parang.
2 Sapagkat(A) ang mga diyus-diyosan ng sambahayan ay nagsalita ng walang kabuluhan,
at ang mga manghuhula ay nakakakita ng kabulaanan;
at sila'y nagpapahayag ng huwad na panaginip,
at nagbibigay ng walang kabuluhang kaaliwan.
Kaya't ang mga tao ay gumagala na gaya ng mga tupa,
sila'y nagdadalamhati, sapagkat walang pastol.
Nagpaalam si Pablo sa Matatanda sa Efeso
17 Mula sa Mileto ay nagpasugo siya sa Efeso at ipinatawag ang matatanda ng iglesya.
18 Nang sila'y makarating sa kanya, ay sinabi niya sa kanila,
“Nalalaman ninyo kung paanong namuhay akong kasama ninyo sa buong panahon mula sa unang araw na ako'y tumuntong sa Asia,
19 na naglilingkod sa Panginoon ng buong kapakumbabaan at may luha, at may mga pagsubok na dumating sa akin dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio.
20 Hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang anumang bagay na kapaki-pakinabang, at hayag na nagtuturo sa inyo, at sa mga bahay-bahay,
21 na nagpapatotoo sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego tungkol sa pagsisisi tungo sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
22 At ngayon, bilang bihag sa Espiritu[a] ay patungo ako sa Jerusalem, na hindi nalalaman ang mga bagay na mangyayari sa akin doon;
23 maliban na ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa akin sa bawat lunsod, na sinasabing ang mga tanikala at ang kapighatian ay naghihintay sa akin.
24 Ngunit(A) hindi ko itinuturing ang aking buhay na mahalaga sa aking sarili, upang maganap ko lamang ang aking katungkulan at ang ministeryong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo sa magandang balita ng biyaya ng Diyos.
25 “At ngayon, nalalaman ko na kayong lahat na aking nilibot na pinapangaralan ng kaharian, ay hindi na muling makikita pa ang aking mukha.
26 Kaya nga pinatototohanan ko sa inyo sa araw na ito, na ako'y walang pananagutan sa dugo ng sinuman sa inyo,[b]
27 sapagkat hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang buong kapasiyahan ng Diyos.
28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila'y inilagay kayo ng Espiritu Santo na mga tagapangasiwa[c] upang pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos[d] na binili niya ng kanyang sariling dugo.
29 Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa kalagitnaan ninyo ang mababangis na asong-gubat na walang patawad sa kawan;
30 at lilitaw mula sa inyo na ring kasamahan ang mga taong magsasalita ng mga bagay na lihis, upang akitin ang mga alagad na sumunod sa kanila.
31 Kaya't kayo'y maging handa at alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon ay hindi ako tumigil sa gabi at araw ng pagbibigay-babala na may pagluha sa bawat isa.
32 Ngayo'y ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salita ng kanyang biyaya, na makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana na kasama ng lahat na mga ginawang banal.
33 Hindi ko pinag-imbutan ang pilak, o ang ginto, o ang damit ninuman.
34 Kayo mismo ang nakakaalam na ang mga kamay na ito ay naglingkod sa aking mga pangangailangan at sa mga kasama ko.
35 Sa lahat ng bagay ay ipinakita ko sa inyo na sa ganitong paggawa ay dapat tulungan ang mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya mismo ang nagsabi, ‘Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.’”
36 Pagkatapos niyang magsalita ay lumuhod siya at nanalanging kasama nilang lahat.
37 At silang lahat ay nag-iyakan, niyakap si Pablo at siya'y hinagkan,
38 na ikinalulungkot higit sa lahat ang salitang sinabi niya, na siya'y hindi na nila makikita pang muli. Pagkatapos ay kanilang inihatid siya sa barko.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001