Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 85:8-13

Aking papakinggan kung ano ang sasabihin ng Diyos na Panginoon,
    sapagkat siya'y magsasalita ng kapayapaan sa kanyang bayan
    at sa kanyang mga banal, ngunit huwag silang muling manumbalik sa kahangalan.
Tunay na ang kanyang pagliligtas ay malapit sa kanila na natatakot sa kanya;
    upang ang kaluwalhatian ay manahan sa aming lupain.
10 Magsasalubong ang tapat na pag-ibig at katapatan,
    ang katuwiran at kapayapaan ay maghahalikan.
11 Bubukal sa lupa ang katotohanan,
    at tumitingin mula sa langit ang katuwiran.
12 Oo, ibibigay ng Panginoon kung ano ang mabuti;
    at ang ating lupain ay magbibigay ng kanyang ani.
13 Mangunguna sa kanya ang katuwiran,
    at ang kanyang mga yapak ay gagawing daan.

Amos 4:6-13

“At binigyan ko naman kayo ng kalinisan ng mga ngipin sa lahat ninyong mga lunsod,
    at kakulangan ng tinapay sa lahat ninyong mga dako;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.

“At pinigil ko rin ang ulan sa inyo,
    nang tatlong buwan na lamang at pag-aani na;
ako'y nagpaulan sa isang bayan, at hindi ko pinaulan sa kabilang bayan:
    ang isang bukid ay inulanan, at ang bukid na hindi inulanan ay natuyo.
Sa gayo'y dalawa o tatlong bayan ang gumala sa isang bayan
    upang uminom ng tubig, at hindi napawi ang uhaw;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.

“Aking sinalot kayo ng pagkalanta at ng amag.
    Sinira ko ang inyong mga halamanan at ang inyong mga ubasan;
    ang inyong mga puno ng igos at mga puno ng olibo ay nilamon ng balang;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.

10 “Aking pinarating sa gitna ninyo ang salot na gaya ng sa Ehipto;
    ang inyong mga binata ay pinatay ko ng tabak,
kasama ang inyong mga kabayong nabihag;
    at aking pinaalingasaw ang baho ng inyong kampo hanggang sa mga butas ng inyong ilong;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.

11 “Ibinuwal(A) ko kayo
    gaya nang ibinuwal ng Diyos ang Sodoma at Gomorra,
    at kayo'y naging gaya ng nagniningas na kahoy na inagaw sa apoy;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
12 “Kaya't ganito ang gagawin ko sa iyo, O Israel;
    sapagkat aking gagawin ito sa iyo,
    humanda ka sa pagsalubong sa iyong Diyos, O Israel!”

13 Sapagkat, narito, siyang nag-aanyo ng mga bundok, at lumilikha ng hangin,
    at nagpapahayag sa tao kung ano ang kanyang iniisip;
na nagpapadilim ng umaga,
    at yumayapak sa matataas na dako ng lupa—
ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo, ang kanyang pangalan!

Lucas 1:57-80

Isinilang si Juan na Tagapagbautismo

57 Dumating na kay Elizabeth ang panahon ng panganganak at siya'y nagsilang ng isang anak na lalaki.

58 Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na nagpakita ang Panginoon ng dakilang awa sa kanya at sila'y nakigalak sa kanya.

59 Nang(A) ikawalong araw ay dumating sila upang tuliin ang sanggol. Siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kanyang ama,

60 ngunit sumagot ang kanyang ina at nagsabi, “Hindi. Ang itatawag sa kanya ay Juan.”

61 At sinabi nila sa kanya, “Wala kang kamag-anak na may ganitong pangalan.”

62 Sinenyasan nila ang kanyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol.[a]

63 Humingi siya ng isang sulatan at kanyang isinulat, “Ang kanyang pangalan ay Juan.” At namangha silang lahat.

64 Biglang nabuksan ang kanyang bibig, nakalaya ang kanyang dila, at siya'y nagsalita na pinupuri ang Diyos.

65 Nagkaroon ng takot ang lahat ng nakatira sa palibot nila, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pinag-usapan sa buong lupaing maburol ng Judea.

66 Lahat ng mga nakarinig ay inilagay ang mga ito sa kanilang puso, na sinasabi, “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat ang kamay ng Panginoon ay sumasakanya.

Ang Propesiya ni Zacarias

67 Si Zacarias na kanyang ama ay napuno ng Espiritu Santo at sinabi ang propesiyang ito,

68 “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
    sapagkat kanyang dinalaw at tinubos ang kanyang bayan,
69 at nagtaas ng isang sungay ng kaligtasan para sa atin
    sa sambahayan ni David na kanyang lingkod,
70 gaya nang sinabi niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula noong unang panahon,
71 upang tayo ay maligtas mula sa ating mga kaaway, at mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin,
72 upang ipakita ang habag sa ating mga magulang,[b]
    at alalahanin ang kanyang banal na tipan,
73 ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham,
74 na ipagkaloob sa atin, na tayong iniligtas mula sa kamay ng ating mga kaaway,
ay maglingkod sa kanya nang walang takot,
75 sa kabanalan at katuwiran
    sa harapan niya sa lahat ng ating mga araw.
76 At(B) ikaw, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan,
    sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daan;
77 upang magbigay ng kaalaman ng kaligtasan sa kanyang bayan,
    sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan,
78 sa pamamagitan ng magiliw na habag ng ating Diyos,
kapag ang pagbubukang-liwayway buhat sa itaas ay sumilay[c] sa atin,
79 upang(C) bigyang-liwanag ang mga nakaupo sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan,
upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.”

80 Lumaki ang sanggol at lumakas sa espiritu. At siya ay nasa mga ilang hanggang sa araw ng kanyang pagpapakita sa Israel.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001