Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 23:1-6

Ang Pag-asa sa Hinaharap

23 “Kahabag-habag ang mga pastol na pumapatay at nagpapangalat sa mga tupa ng aking pastulan!” sabi ng Panginoon.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga pastol na nangangalaga sa aking bayan: “Inyong pinangalat ang aking kawan, at itinaboy ninyo sila, at hindi ninyo sila dinalaw. Dadalawin ko kayo dahil sa inyong masasamang gawa, sabi ng Panginoon.

Pagkatapos ay titipunin ko mismo ang nalabi sa aking kawan mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang mga kulungan at sila'y magiging mabunga at darami.

Ako'y maglalagay ng mga pastol na mag-aalaga sa kanila at hindi na sila matatakot, o manlulupaypay pa, o mawawala man ang sinuman sa kanila, sabi ng Panginoon.

“Narito(A) ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magbabangon para kay David ng isang matuwid na Sanga. At siya'y mamumuno bilang hari at gagawang may katalinuhan, at maggagawad ng katarungan at katuwiran sa lupain.

Sa kanyang mga araw ay maliligtas ang Juda at ang Israel ay tiwasay na maninirahan. At ito ang pangalan na itatawag sa kanya: ‘Ang Panginoon ang ating katuwiran.’

Mga Awit 23

Awit ni David.

23 Ang Panginoon ay aking pastol; hindi ako magkukulang;
    pinahihiga(A) niya ako sa luntiang pastulan,
inaakay niya ako sa tabi ng mga tubig na pahingahan.
    Pinanunumbalik niya ang aking kaluluwa.
Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran
    alang-alang sa kanyang pangalan.

Bagaman ako'y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan,
    wala akong katatakutang kasamaan;
sapagkat ikaw ay kasama ko,
    ang iyong pamalo at ang iyong tungkod,
    inaaliw ako ng mga ito.

Ipinaghahanda mo ako ng hapag
    sa harapan ng aking mga kaaway;
iyong binuhusan ng langis ang aking ulo,
    umaapaw ang aking saro.
Tiyak na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin
    sa lahat ng mga araw ng aking buhay;
at ako'y maninirahan sa bahay ng Panginoon
    magpakailanman.[a]

Efeso 2:11-22

Iisa kay Cristo

11 Kaya nga, alalahanin ninyo na noong una, kayo'y mga Hentil sa laman, tinatawag na di-tuli ng mga tinatawag na tuli sa laman, na ginawa ng mga kamay ng tao,

12 na nang panahong iyon, kayo ay walang Cristo, hiwalay sa pagiging mamamayan ng Israel, at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako, walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan.

13 Subalit ngayon ay na kay Cristo Jesus, kayo na noong una ay malayo, ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.

14 Sapagkat siya ang ating kapayapaan, na kanyang pinag-isa ang dalawa, at sa pamamagitan ng kanyang laman ay giniba ang gitnang pader ng alitang humahati.

15 Kanyang(A) pinawalang-bisa ang kautusang mga batas sa mga alituntunin upang siya ay lumalang sa kanyang sarili ng isang bagong tao, kapalit ng dalawa, sa gayo'y gumagawa ng kapayapaan,

16 at(B) kanyang papagkasunduin ang dalawa sa isang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus, na sa pamamagitan niyon ay pinatay ang alitan.

17 At(C) siya'y dumating at ipinangaral ang kapayapaan sa inyo na malalayo, at kapayapaan sa mga malalapit.

18 Sapagkat sa pamamagitan niya, kapwa tayong makakalapit sa isang Espiritu patungo sa Ama.

19 Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at banyaga, kundi kayo'y mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos,

20 na itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok.

21 Sa kanya ang buong gusali ay nakalapat na mabuti at lumalaki tungo sa pagiging isang banal na templo sa Panginoon;

22 na sa kanya kayo rin ay magkasamang itinatayo upang maging tahanan ng Diyos sa Espiritu.

Marcos 6:30-34

Ang Pagpapakain sa Limang Libo(A)

30 Ang mga apostol ay nagtipon sa harap ni Jesus at ibinalita nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro.

31 At sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo ng bukod sa isang dakong ilang at magpahinga kayo nang sandali.” Sapagkat marami ang nagpaparoo't parito at sila'y hindi man lamang nagkaroon ng panahong kumain.

32 Umalis nga silang bukod, sakay ng isang bangka patungo sa isang dakong ilang.

33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at sila'y nakilala. Kaya't tumakbo sila mula sa lahat ng mga bayan at nauna pang dumating sa kanila.

34 Pagbaba(B) niya sa pampang nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila, sapagkat sila'y tulad sa mga tupa na walang pastol. At sila'y sinimulan niyang turuan ng maraming bagay.

Marcos 6:53-56

Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(A)

53 Nang makatawid na sila, narating nila ang lupain ng Genesaret at dumaong doon.

54 At nang bumaba sila sa bangka, agad siyang nakilala ng mga tao.

55 Tumakbo sila sa palibot ng buong lupaing iyon at pinasimulan nilang dalhin ang mga maysakit na nasa kanilang higaan, saanman nila mabalitaan na naroon siya.

56 At saanman siya pumasok sa mga nayon, o sa mga lunsod o bukid inilalagay nila sa mga pamilihan ang mga maysakit, at pinapakiusapan siya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng humipo nito[a] ay pawang gumaling.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001