Revised Common Lectionary (Complementary)
111 Purihin ninyo ang Panginoon!
Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso,
sa kapulungan ng matuwid at sa kapisanan.
2 Dakila ang mga gawa ng Panginoon,
na pinag-aralan ng lahat na nalulugod sa mga iyon.
3 Ang kanyang gawa ay puno ng karangalan at kamahalan,
at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
4 Ginawa niyang maalala ang kanyang kahanga-hangang mga gawa,
ang Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya.
5 Siya'y naglalaan ng pagkain sa mga natatakot sa kanya,
lagi niyang aalalahanin ang tipan niya.
6 Ipinaalam niya sa kanyang bayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
7 Ang mga gawa ng kanyang mga kamay ay matuwid at makatarungan;
ang lahat niyang mga tuntunin ay mapagkakatiwalaan,
8 ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman,
ang mga iyon ay ginagawa sa katapatan at katuwiran.
9 Siya'y nagsugo ng katubusan sa kanyang bayan;
kanyang iniutos ang kanyang tipan magpakailanman.
Banal at kagalang-galang ang kanyang pangalan.
10 Ang(A) pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan;
ang lahat na nagsisigawa nito ay may mabuting kaunawaan.
Ang kanyang kapurihan ay mananatili magpakailanman!
Ang Dugo ng Tipan
24 Kanyang sinabi kay Moises, “Umakyat ka sa kinaroroonan ng Panginoon, ikaw, at sina Aaron, Nadab at Abihu, at pitumpu sa matatanda sa Israel, at sumamba kayo mula sa malayo.
2 Si Moises lamang ang lalapit sa Panginoon; subalit ang iba ay huwag lalapit, at ang bayan ay huwag aakyat na kasama niya.”
3 Dumating si Moises at sinabi sa bayan ang lahat ng mga salita ng Panginoon at ang lahat ng mga tuntunin; at ang buong bayan ay sumagot na may isang tinig, at nagsabi, “Lahat ng mga salita na sinabi ng Panginoon ay aming gagawin.”
4 Isinulat ni Moises ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at bumangon siya ng maaga kinaumagahan, at nagtayo ng isang dambana sa paanan ng bundok, at ng labindalawang haligi, ayon sa labindalawang lipi ng Israel.
5 Kanyang sinugo ang mga kabataang lalaki mula sa mga anak ni Israel, na nag-alay ng mga handog na sinusunog at nag-alay ng mga baka bilang handog pangkapayapaan sa Panginoon.
6 Kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo at inilagay sa mga palanggana, at ang kalahati ng dugo ay iwinisik sa ibabaw ng dambana.
7 Kanyang kinuha ang aklat ng tipan, binasa sa pandinig ng bayan, at kanilang sinabi, “Lahat ng sinabi ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magiging masunurin.”
8 At(A) kinuha ni Moises ang dugo at iwinisik sa bayan, at sinabi, “Tingnan ninyo ang dugo ng tipan na ginawa ng Panginoon sa inyo ayon sa lahat ng mga salitang ito.”
9 Nang magkagayo'y umakyat sina Moises, Aaron, Nadab, at Abihu, at ang pitumpung matatanda sa Israel,
10 at kanilang nakita ang Diyos ng Israel. Sa ilalim ng kanyang mga paa ay mayroong parang isang tuntungan na yari sa mga batong zafiro, at tulad ng langit sa kaliwanagan.
11 Hindi ipinatong ng Diyos[a] ang kanyang kamay sa mga pinuno ng mga anak ni Israel; nakita rin nila ang Diyos, at sila'y kumain at uminom.
Ang Balak ni Pablo na Dumalaw sa Roma
22 Ito(A) ang dahilan kaya't madalas akong nahahadlangan sa pagpunta sa inyo.
23 Subalit ngayon, yamang ako ay wala nang lugar para sa gawain sa mga lupaing ito, at yamang matagal ko nang nais na pumunta sa inyo,
24 inaasahan kong makikita ko kayo sa aking paglalakbay patungo sa Espanya, at ako'y tutulungan ninyo patungo doon, pagkatapos makasama kayo na may kasiyahan nang kaunting panahon.
25 Ngunit(B) ngayon, ako'y patungong Jerusalem, upang maglingkod sa mga banal.
26 Sapagkat minabuti ng Macedonia at ng Acaia na gumawa ng isang ambagang laan sa mga dukha sa mga banal na nasa Jerusalem.
27 Ito'y(C) kalugud-lugod sa kanila; at sila ay may utang na loob sa kanila, sapagkat kung ang mga Hentil ay naging mga kabahagi sa kanilang mga bagay na espirituwal, nararapat naman nilang paglingkuran ang mga iyon sa mga bagay na ayon sa laman.
28 Kapag nagampanan ko na ito, at aking maibigay na sa kanila ang nalikom, magdaraan ako sa inyo patungong Espanya.
29 At nalalaman ko na pagpunta ko sa inyo, ay darating akong puspos ng pagpapala ng ebanghelyo ni Cristo.
30 Ngayo'y isinasamo ko sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa pag-ibig ng Espiritu, na kayo'y magsikap na kasama ko sa inyong mga panalangin sa Diyos para sa akin,
31 upang ako'y mailigtas sa mga hindi sumasampalataya na nasa Judea, at upang ang aking pamamahagi sa Jerusalem ay maging kalugud-lugod sa mga banal;
32 upang sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ako'y makarating sa inyo na may kagalakan, at makapagpahingang kasama ninyo.
33 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan ay sumainyo nawang lahat. Amen.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001