Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ni David.
23 Ang Panginoon ay aking pastol; hindi ako magkukulang;
2 pinahihiga(A) niya ako sa luntiang pastulan,
inaakay niya ako sa tabi ng mga tubig na pahingahan.
3 Pinanunumbalik niya ang aking kaluluwa.
Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran
alang-alang sa kanyang pangalan.
4 Bagaman ako'y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan,
wala akong katatakutang kasamaan;
sapagkat ikaw ay kasama ko,
ang iyong pamalo at ang iyong tungkod,
inaaliw ako ng mga ito.
5 Ipinaghahanda mo ako ng hapag
sa harapan ng aking mga kaaway;
iyong binuhusan ng langis ang aking ulo,
umaapaw ang aking saro.
6 Tiyak na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin
sa lahat ng mga araw ng aking buhay;
at ako'y maninirahan sa bahay ng Panginoon
magpakailanman.[a]
Huwad at Tunay na Pagsamba
10 Pakinggan ninyo ang salita na sinasabi ng Panginoon sa inyo, O sambahayan ng Israel.
2 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Huwag ninyong pag-aralan ang lakad ng mga bansa,
ni mabagabag sa mga tanda ng mga langit,
sapagkat ang mga bansa ay nababagabag sa mga iyon,
3 sapagkat ang mga kaugalian ng mga sambayanan ay walang kabuluhan.
Isang punungkahoy mula sa gubat ang pinuputol,
at nilililok sa pamamagitan ng palakol ng mga kamay ng manlililok.
4 Ginagayakan ito ng mga tao ng pilak at ginto;
pinatatatag nila ito ng martilyo at mga pako,
upang huwag itong makilos.
5 Sila ay gaya ng mga panakot-uwak sa gitna ng taniman ng pipino,
at hindi sila makapagsalita.
Kailangan silang pasanin,
sapagkat hindi sila makalakad.
Huwag ninyong katakutan ang mga iyon,
sapagkat sila'y hindi makakagawa ng masama,
ni wala ring magagawang mabuti.”
6 Walang gaya mo, O Panginoon;
ikaw ay dakila, at ang iyong pangalan ay dakila sa kapangyarihan.
7 Sinong(A) hindi matatakot sa iyo, O Hari ng mga bansa?
Sapagkat ito'y nararapat sa iyo;
sapagkat sa lahat ng mga pantas ng mga bansa
at sa lahat nilang mga kaharian
ay walang gaya mo.
8 Sila'y pawang mga mangmang at hangal,
ang turo ng mga diyus-diyosan ay kahoy lamang!
9 Pinitpit na pilak ang dinadala mula sa Tarsis,
at ginto mula sa Uphaz.
Ang mga ito'y gawa ng manlililok at ng mga kamay ng platero;
ang kanilang damit ay bughaw at kulay ube;
ang mga ito'y gawang lahat ng mga bihasang manggagawa.
10 Ngunit ang Panginoon ang tunay na Diyos;
siya ang buháy na Diyos at walang hanggang Hari.
Sa kanyang poot ang lupa'y nayayanig,
at hindi matatagalan ng mga bansa ang kanyang galit.
11 Kaya't ganito ang inyong sasabihin sa kanila: “Ang mga diyos na hindi gumawa ng langit at ng lupa ay malilipol sa lupa, at sa silong ng mga langit.”[a]
12 Siya ang gumawa ng lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,
na nagtatag ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang karunungan,
at sa pamamagitan ng kanyang kaunawaan ay iniladlad niya ang kalangitan.
13 Kapag siya'y nagsasalita
ay may hugong ng tubig sa mga langit,
at kanyang pinaiilanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa.
Gumagawa siya ng mga kidlat para sa ulan,
at naglalabas siya ng hangin mula sa kanyang mga kamalig.
14 Bawat tao ay hangal at walang kaalaman;
bawat platero ay inilalagay sa kahihiyan ng kanyang mga diyus-diyosan;
sapagkat ang kanyang mga larawan ay kabulaanan,
at walang hininga sa mga iyon.
15 Sila'y walang kabuluhan, isang gawa ng panlilinlang;
sa panahon ng pagpaparusa sa kanila ay malilipol sila.
16 Hindi gaya ng mga ito ang bahagi ng Jacob,
sapagkat siya ang nag-anyo sa lahat ng mga bagay;
at ang Israel ay siyang lipi ng kanyang mana;
ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan.
Si Cristo ang Pangunahin sa Lahat ng Bagay
15 Siya ang larawan ng Diyos na hindi nakikita, ang panganay sa lahat ng mga nilalang;
16 sapagkat sa pamamagitan niya nilalang ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na hindi nakikita, maging mga trono o mga pagka-panginoon, maging mga pinuno o mga may kapangyarihan—lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kanya.
17 Siya mismo ay una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nahahawakang sama-sama sa kanya.[a]
18 Siya(A) ang ulo ng katawan, ang iglesya; siya ang pasimula, ang panganay mula sa mga patay, upang siya ay maging pangunahin sa lahat ng mga bagay.
19 Sapagkat minagaling na ang buong kapuspusan ay manirahan sa kanya,
20 at(B) sa pamamagitan niya ay pagkasunduin ng Diyos sa kanyang sarili ang lahat ng mga bagay, sa lupa man o sa langit, na ginagawa ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang krus.
21 At kayo, na nang dati ay hiwalay at mga kaaway sa pag-iisip, sa pamamagitan ng masasamang gawa,
22 ay pinakipagkasundo niya ngayon sa kanyang katawang laman, sa pamamagitan ng kamatayan, upang kayo'y iharap na mga banal at walang dungis at walang kapintasan sa harapan niya,
23 kung kayo'y nagpapatuloy na matatag at matibay sa pananampalataya, at hindi nakikilos sa pag-asa sa ebanghelyo na inyong narinig, na ipinangaral sa lahat ng mga nilalang sa silong ng langit. Akong si Pablo ay naging ministro ng ebanghelyong ito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001