Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 123

Awit ng Pag-akyat.

123 Sa iyo'y aking itinitingin ang mga mata ko,
    O ikaw na sa kalangitan ay nakaupo sa trono!
Gaya ng mga mata ng mga alipin
    na nakatingin sa kamay ng kanilang panginoon,
gaya ng mga mata ng alilang babae
    na nakatingin sa kamay ng kanyang panginoong babae,
gayon tumitingin ang aming mga mata sa Panginoon naming Diyos,
    hanggang sa siya'y maawa sa amin.

Maawa ka sa amin, O Panginoon, maawa ka sa amin,
    sapagkat labis-labis na ang paghamak sa amin.
Ang aming kaluluwa'y lubos na napupuno
    ng paglibak ng mga nasa kaginhawahan,
    ng paghamak ng palalo.

Jeremias 7:27-34

27 “Kaya't sasabihin mo ang lahat ng salitang ito sa kanila, ngunit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila, ngunit hindi sila sasagot sa iyo.

28 At sasabihin mo sa kanila, ‘Ito ang bansang hindi sumunod sa tinig ng Panginoon nilang Diyos, at hindi tumanggap ng pagtutuwid. Ang katotohanan ay naglaho na; ito ay nahiwalay sa kanilang bibig.

29 Gupitin mo ang iyong buhok, at itapon mo,
    tumaghoy ka sa mga lantad na kaitaasan;
sapagkat itinakuwil at pinabayaan ng Panginoon
    ang salinlahi ng kanyang poot.'

30 “Sapagkat ang mga anak ni Juda ay gumawa ng masama sa aking paningin, sabi ng Panginoon; kanilang inilagay ang kanilang mga karumaldumal sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang dungisan ito.

31 At(A) sila'y nagtayo ng mga mataas na dako ng Tofet, na nasa libis ng anak ni Hinom, upang sunugin sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at babae, na hindi ko ipinag-utos, o dumating man sa aking pag-iisip.

32 Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na siya tatawaging Tofet, o ang libis ng anak ni Hinom, kundi ang libis ng Katayan. Sapagkat sila'y maglilibing sa Tofet, hanggang sa mawalan ng lugar saanman.

33 Ang mga bangkay ng mga taong ito ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid, at para sa mga hayop sa lupa; at walang bubugaw sa mga iyon.

34 At(B) aking patitigilin sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem ang tinig ng pagsasaya at ang tinig ng katuwaan, ang tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, sapagkat ang lupain ay mawawasak.

Mateo 8:18-22

Ang Pagsunod kay Jesus(A)

18 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao sa palibot niya, ipinag-utos niyang tumawid sa kabilang pampang.

19 Lumapit ang isang eskriba at nagsabi sa kanya, “Guro, susunod ako sa iyo saan ka man magtungo.”

20 Sinabi ni Jesus sa kanya, “May mga lungga ang mga asong-gubat, at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad; ngunit ang Anak ng Tao ay walang mapagpahingahan ng kanyang ulo.”

21 Isa pa sa mga alagad ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, hayaan mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama.”

22 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin; at hayaan mong ang mga patay ang maglibing sa sarili nilang mga patay.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001