Revised Common Lectionary (Complementary)
Maskil(A) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.
142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
2 Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
3 Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
ang aking landas ay iyong nalalaman!
Sa daan na aking tinatahak
sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
4 Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.
5 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
6 Pakinggan mo ang aking pagsamo,
sapagkat ako'y dinalang napakababa.
Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
7 Ilabas mo ako sa bilangguan,
upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.
Ang mga Hatol ng Panginoon
9 Nakita ko ang Panginoon na nakatayo sa tabi ng dambana, at kanyang sinabi:
“Hampasin mo ang mga kapitel,
upang ang mga tuntungan ay mauga;
at basagin mo sila sa ulo nilang lahat,
at aking papatayin ng tabak ang nalabi sa kanila;
hindi sila magkakaroon ng takas na makakaalis,
o sinuman na makakatakas.
2 “Bagaman sila'y humukay hanggang sa Sheol,
mula roo'y kukunin sila ng aking kamay;
bagaman sila'y umakyat hanggang sa langit,
mula roo'y ibababa ko sila.
3 At bagaman sila'y magtago sa tuktok ng Carmel,
mula roo'y hahanapin ko sila at kukunin,
at bagaman sila'y magkubli sa aking paningin sa kailaliman ng dagat,
mula roo'y uutusan ko ang ahas, at tutuklawin sila niyon.
4 At bagaman sila'y mapunta sa pagkabihag sa harapan ng kanilang mga kaaway,
doon ay aking uutusan ang tabak, at papatayin sila niyon.
at aking itititig ang aking mga mata sa kanila
sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti.”
Pinagtangkaan ang Buhay ni Pablo
12 Kinaumagahan, nagkatipon ang mga Judio, at nagsabwatan sa pamamagitan ng isang sumpa, na hindi sila kakain ni iinom man hanggang sa kanilang mapatay si Pablo.
13 Mahigit sa apatnapu ang sumama sa sabwatang ito.
14 Pumunta sila sa mga punong pari at sa matatanda, at nagsabi, “Kami ay namanata sa ilalim ng mahigpit na sumpa, na hindi titikim ng anumang pagkain hanggang sa mapatay namin si Pablo.
15 Kaya't kayo, pati ang Sanhedrin ay sabihan ninyo ang punong kapitan na kanyang ibaba siya sa inyo, na kunwari'y ibig ninyong siyasatin ng lalong ganap ang paratang tungkol sa kanya. At nakahanda na kaming patayin siya bago siya lumapit.”
16 Ngunit narinig ng anak na lalaki ng kapatid na babae ni Pablo ang tungkol sa kanilang pag-aabang kaya siya'y pumunta sa himpilan at ibinalita kay Pablo.
17 At tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturion, at sinabi, “Dalhin mo ang binatang ito sa punong kapitan sapagkat siya'y mayroong sasabihin sa kanya.”
18 Kaya't siya'y isinama at dinala sa punong kapitan, at sinabi, “Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at ipinakiusap sa aking dalhin ko sa iyo ang binatang ito na mayroong sasabihin sa iyo.”
19 At hinawakan siya sa kamay ng punong kapitan at sa isang tabi ay lihim na tinanong siya, “Ano ang sasabihin mo sa akin?”
20 Sinabi niya, “Pinagkasunduan ng mga Judio na sa iyo'y ipakiusap na iyong dalhin bukas si Pablo sa Sanhedrin, na kunwari'y may sisiyasatin pa silang mabuti tungkol sa kanya.
21 Subalit huwag kang maniniwala sa kanila, sapagkat mahigit na apatnapu sa kanilang mga tao ang nag-aabang sa kanya. Sila'y namanata sa ilalim ng isang sumpa na hindi kakain ni iinom man hanggang sa siya'y kanilang mapatay. Ngayo'y handa na sila at naghihintay ng iyong pagsang-ayon.”
22 Kaya't pinaalis ng punong kapitan ang binata, at ipinagbilin sa kanya, “Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinagbigay-alam mo sa akin ang mga bagay na ito.”
Ipinadala si Pablo kay Gobernador Felix
23 Pagkatapos ay kanyang tinawag ang dalawa sa mga senturion, at sinabi, “Sa ikatlong oras[a] ng gabi, ihanda ninyo ang dalawandaang kawal kasama ang pitumpung mangangabayo at dalawandaang may sibat upang magtungo sa Cesarea.
24 Ipaghanda rin ninyo sila ng mga hayop na masasakyan ni Pablo, at siya'y ihatid na ligtas kay Felix na gobernador.”
25 At siya'y sumulat ng isang sulat, na ganito:
26 “Si Claudio Lisias sa kagalang-galang na gobernador Felix, ay bumabati.
27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin sana nila, ngunit nang malaman kong siya'y mamamayan ng Roma dumating ako na may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko.
28 At sa pagnanais kong malaman ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, ay dinala ko siya sa kanilang Sanhedrin.
29 Nalaman ko na siya'y kanilang isinasakdal tungkol sa mga usaping may kinalaman sa kanilang kautusan, ngunit walang anumang paratang laban sa kanya na marapat sa kamatayan o sa mga tanikala.
30 Nang ipaalam sa akin na may banta laban sa taong iyan, ipinadala ko siya agad sa iyo, at aking ipinag-utos din sa mga nagsasakdal sa kanya na sabihin sa harapan mo ang laban sa kanya.”
31 Kaya't kinuha si Pablo ng mga kawal, ayon sa iniutos sa kanila, at nang gabi ay dinala siya sa Antipatris.
32 Nang sumunod na araw, pinabayaan nilang samahan siya ng mga mangangabayo, samantalang sila'y nagbalik sa himpilan.
33 Nang makarating sila sa Cesarea at maibigay ang sulat sa gobernador, iniharap din nila si Pablo sa kanya.
34 At pagkabasa sa sulat, itinanong niya kung taga-saang lalawigan siya at nang malaman niya na siya'y taga-Cilicia,
35 ay sinabi niya, “Papakinggan kita pagdating ng mga nagsakdal sa iyo.” At ipinag-utos niya na siya'y bantayan sa palasyo ni Herodes.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001