Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:81-88

CAPH.

81 Nanghihina ang aking kaluluwa para sa pagliligtas mo;
    sa iyong salita ay umaasa ako.
82 Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa iyong pangako;
    aking itinatanong, “Kailan mo ako aaliwin?”
83 Sapagkat ako'y naging parang balat na lalagyan ng alak na nasa usok;
    hindi ko kinalilimutan ang iyong mga tuntunin.
84 Gaano karami ang mga araw ng iyong lingkod?
    Kailan mo hahatulan ang mga umuusig sa akin?
85 Ang mapagmataas ay gumawa ng hukay na patibong para sa akin,
    mga taong hindi sang-ayon sa iyong tuntunin.
86 Tiyak ang lahat ng mga utos mo;
    kanilang inuusig ako ng kasinungalingan, tulungan mo ako.
87 Halos sa ibabaw ng lupa ako ay kanilang winakasan,
    ngunit ang mga tuntunin mo ay hindi ko tinalikuran.
88 Muli mo akong buhayin ayon sa iyong tapat na pag-ibig,
    upang aking maingatan ang mga patotoo ng iyong bibig.

Jeremias 16:1-13

Ang Kalooban ng Panginoon para kay Jeremias

16 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Huwag kang mag-aasawa, o magkakaroon man ng mga anak na lalaki o babae sa lugar na ito:

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga anak na lalaki at babae na ipinanganak sa lugar na ito, at tungkol sa mga ina at ama na nagsilang sa kanila sa lupaing ito:

Sila'y mamamatay sa mga masaklap na pagkamatay. Hindi sila tatangisan, ni ililibing man sila. Sila'y magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng lupa. Sila'y mamamatay sa tabak at pagkagutom, at ang kanilang mga bangkay ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid, at ng mga hayop sa lupa.

“Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: Huwag kang pumasok sa bahay ng pagluluksa, o pumaroon upang tumaghoy, o umiyak man sa mga iyon; sapagkat aking inalis ang kapayapaan ko sa bayang ito at ang aking tapat na pag-ibig at habag, sabi ng Panginoon.

Ang dakila at hamak ay kapwa mamamatay sa lupaing ito; sila'y hindi malilibing, at walang tataghoy para sa kanila o maghihiwa ng sarili o magpapakalbo man para sa kanila.

Walang magpuputol ng tinapay para sa nagluluksa, upang aliwin sila dahil sa namatay; ni ang sinuman ay magbibigay sa kanya ng saro ng kaaliwan upang inumin para sa kanyang ama o ina.

Huwag kang papasok sa bahay na may handaan upang makasalo nila sa pagkain at pag-inom.

Sapagkat(A) ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Aking patitigilin sa lugar na ito, sa harapan ng inyong mga mata at sa inyong mga araw, ang tinig ng katuwaan at kasayahan, ang mga tinig ng lalaking ikakasal at ng babaing ikakasal.

10 “At kapag sinabi mo sa mga taong ito ang lahat ng mga salitang ito, at kanilang sasabihin sa iyo, ‘Bakit binigkas ng Panginoon ang lahat ng malaking kasamaang ito laban sa amin? Ano ang aming kasamaan? Ano ang kasalanang nagawa namin laban sa Panginoon naming Diyos?’

11 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, ‘Sapagkat tinalikuran ako ng inyong mga ninuno, at nagsisunod sa ibang mga diyos, naglingkod sa kanila, nagsisamba sa kanila, tinalikuran ako, at hindi iningatan ang aking kautusan, sabi ng Panginoon.

12 At yamang kayo'y nagsigawa ng kasamaan na higit kaysa inyong mga ninuno, sapagkat, masdan ninyo, lumalakad ang bawat isa sa inyo ayon sa katigasan ng kanya-kanyang masamang kalooban, at ayaw makinig sa akin.

13 Kaya't itataboy ko kayo mula sa lupaing ito tungo sa lupaing hindi ninyo kilala, ni ng inyong mga ninuno. Doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos araw at gabi, sapagkat hindi ako magpapakita sa inyo ng anumang paglingap.’

Santiago 5:7-12

Katiyagaan sa Kahirapan

Kaya, maging matiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Hinihintay ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa, na siya'y nagtitiis para dito hanggang sa ito ay tumanggap ng una at huling ulan.

Maging matiyaga rin kayo. Patatagin ninyo ang inyong mga puso, sapagkat ang pagdating ng Panginoon ay malapit na.[a]

Mga kapatid, huwag kayong magbulung-bulungan laban sa isa't isa, upang huwag kayong mahatulan. Tingnan ninyo, ang hukom ay nakatayo sa harapan ng mga pintuan.

10 Mga kapatid, kunin ninyong halimbawa ng pagtitiis at ng pagtitiyaga ang mga propeta na nagsalita sa pangalan ng Panginoon.

11 Tunay(A) na tinatawag nating mapapalad ang mga nagtiis. Narinig ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at inyong nakita ang layunin ng Panginoon, kung paanong ang Panginoon ay punô ng pagkahabag at pagkamaawain.

12 Ngunit(B) higit sa lahat, mga kapatid ko, huwag ninyong ipanumpa ang langit o ang lupa, o ang anumang ibang panunumpa, kundi ang inyong “Oo” ay maging oo; at ang inyong “Hindi” ay maging hindi, upang kayo'y huwag mahulog sa ilalim ng kahatulan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001