Revised Common Lectionary (Complementary)
Isang Awit para sa Handog na Pasasalamat.
100 Sumigaw kayo na may kagalakan sa Panginoon, lahat na mga lupain!
2 Maglingkod kayo sa Panginoon na may kagalakan;
magsilapit kayo sa kanyang harapan na may awitan.
3 Kilalanin ninyo na ang Panginoon ay Diyos!
Siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kanya;
tayo'y kanyang bayan, at mga tupa ng kanyang pastulan.
4 Magsipasok kayo sa kanyang mga pintuan na may pagpapasalamat,
at sa kanyang mga bulwagan na may pagpupuri!
Magpasalamat kayo sa kanya, at purihin ninyo ang pangalan niya!
5 Sapagkat(A) ang Panginoon ay mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
at ang kanyang katapatan ay sa lahat ng salinlahi.
Si David ay Ginawang Hari ng Israel at Juda(A)
5 Pagkatapos ay pumaroon ang lahat ng mga lipi ng Israel kay David sa Hebron, na nagsasabi, “Kami ay iyong buto at laman.
2 Sa nakaraang panahon, nang si Saul ay hari sa amin, ikaw ang nangunguna at nagdadala sa Israel. Sinabi ng Panginoon sa iyo, ‘Ikaw ay magiging pastol ng aking bayang Israel at ikaw ay magiging pinuno sa Israel.’”
3 Kaya't pumunta ang lahat ng matatanda sa Israel sa hari na nasa Hebron; at si Haring David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ng Panginoon at kanilang binuhusan ng langis si David bilang hari sa Israel.
4 Si(B) David ay tatlumpung taong gulang nang siya'y magsimulang maghari, at siya'y nagharing apatnapung taon.
5 Sa Hebron ay naghari siya sa Juda ng pitong taon at anim na buwan; at sa Jerusalem ay naghari siya ng tatlumpu't tatlong taon sa buong Israel at Juda.
Ang Zion ay Sinakop
6 Ang(C) hari at ang kanyang mga tauhan ay pumunta sa Jerusalem laban sa mga Jebuseo na naninirahan sa lupain, na nagsabi kay David, “Hindi ka makakapasok dito, kundi ang mga bulag at pilay ang hahadlang sa iyo,” na iniisip, “Si David ay hindi makakapasok dito.”
7 Gayunma'y sinakop ni David ang kuta ng Zion na siyang lunsod ni David.
8 Sinabi ni David nang araw na iyon, “Sinumang sumalakay sa mga Jebuseo ay umakyat siya sa inaagusan ng tubig upang salakayin ang pilay at ang bulag, na kinapopootan ng kaluluwa ni David.” Kaya't kanilang sinasabi, “Ang mga bulag at pilay ay hindi makakapasok sa bahay.”
9 Nanirahan si David sa kuta at tinawag itong lunsod ni David. At itinayo ni David ang lunsod sa palibot mula sa Milo hanggang sa loob.
10 Si David ay dumakila ng dumakila, sapagkat ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo ay kasama niya.
11 Si Hiram na hari sa Tiro ay nagpadala kay David ng mga sugo, ng mga puno ng sedro, mga karpintero, at mga kantero at ipinagtayo ng bahay si David.
12 Nabatid ni David na itinalaga siya ng Panginoon bilang hari ng Israel, at kanyang itinaas ang kanyang kaharian alang-alang sa kanyang bayang Israel.
Ang Nawalang Tupa(A)
15 Noon,(B) ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit sa kanya upang makinig.
2 Ang mga Fariseo at mga eskriba ay nagbulung-bulungan, na nagsasabi, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at kumakaing kasalo nila.”
3 Kaya't isinalaysay niya sa kanila ang talinghagang ito:
4 “Sino sa inyo na mayroong isandaang tupa at mawalan ng isa sa mga iyon ay hindi iiwan ang siyamnapu't siyam sa ilang at hahanapin ang nawawala, hanggang sa ito'y kanyang matagpuan?
5 At kapag natagpuan niya, pinapasan niya ito sa kanyang balikat na nagagalak.
6 Pag-uwi niya sa tahanan, tinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at ang kanyang mga kapitbahay na sinasabi sa kanila, ‘Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang aking tupang nawala.’
7 Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kaysa siyamnapu't siyam na taong matutuwid na hindi nangangailangan ng pagsisisi.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001