Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 62

Magtiwala sa Pag-iingat ng Dios

62 Sa Dios lang ako may kapahingahan;
ang kaligtasan koʼy nagmumula sa kanya.
Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
    Siya ang aking tanggulan, kaya ligtas ako sa kapahamakan.
Kayong mga kaaway ko, hanggang kailan kayo sasalakay upang akoʼy patayin?
    Tulad koʼy pader na malapit nang magiba at bakod na malapit nang matumba.
Gusto lamang ninyong maalis ako sa aking mataas na katungkulan.
    Tuwang-tuwa kayo sa pagsisinungaling.
    Kunwariʼy pinupuri ninyo ako ngunit sa puso ninyoʼy isinusumpa ako.
Sa Dios ko lang matatamo ang kapahingahan dahil binibigyan niya ako ng pag-asa.
Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
    Siya ang aking tanggulan kaya ligtas ako sa kapahamakan.
Nasa Dios ang aking kaligtasan at karangalan.
    Siya ang matibay kong batong kanlungan.
    Siya ang nag-iingat sa akin.
Kayong mga mamamayan ng Dios, magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng oras!
    Sabihin sa kanya ang lahat ng inyong suliranin,
    dahil siya ang nag-iingat sa atin.
Ang tao, dakila man o mangmang, ay hindi mapagkakatiwalaan.
    Pareho lang silang walang kabuluhan.
    Magaan pa sila kaysa sa hangin kapag tinimbang.
10 Huwag kayong umasa sa perang nakuha sa pangingikil at pagnanakaw.
    Dumami man ang inyong kayamanan,
    huwag ninyo itong mahalin.
11 Hindi lang isang beses kong narinig na sinabi ng Dios na nasa kanya ang kapangyarihan
12 at tapat ang kanyang pag-ibig.
    Tiyak na gagantimpalaan ng Panginoon ang tao ayon sa kanyang mga ginawa.

Hosea 12:2-14

May mga paratang din ang Panginoon laban sa mga taga-Juda na lahi ni Jacob. Parurusahan niya sila ayon sa kanilang pag-uugali; gagantihan niya sila ayon sa kanilang mga ginawa. Noong si Jacob na kanilang ninuno ay nasa tiyan pa lamang ng kanyang ina, nais na niyang lampasan ang kanyang kakambal.[a] At noong lumaki na siya, nakipagbuno siya sa Dios sa pamamagitan ng anghel,[b] at nagtagumpay siya. Umiiyak siya habang nagmamakaawang pagpalain siya ng anghel. Nakita niya ang Dios sa Betel, at doon nakipag-usap ang Dios sa kanya.[c] Siya ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa lahat. Panginoon ang kanyang pangalan.

Kaya kayong mga lahi ni Jacob, magbalik-loob na kayo sa Dios at ipakita ninyo ang pag-ibig at katarungan. At patuloy kayong magtiwala sa kanya.

Dagdag na Sumbat ng Panginoon sa Israel

Sinabi ng Panginoon, “Mahilig mandaya ang mga negosyante ninyo. Gumagamit sila ng mga timbangang may daya. Nagyayabang pa kayong mga taga-Israel at sinasabing, ‘Nakapag-ipon kami ng kayamanan at napakayaman na namin ngayon. Walang makapagsasabing yumaman kami sa masamang paraan, dahil kasalanan ang gawin iyon.’ Kaya ako, ang Panginoon ninyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto, ay nagsasabi: Patitirahin ko kayong muli sa mga kubol[d] gaya ng ginagawa ninyo noon sa panahon ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol.[e]

10 “Nakipag-usap ako sa mga propeta at binigyan ko sila ng maraming pangitain. Sa pamamagitan nila, nagbabala ako sa inyo na mapapahamak kayo. 11 Pero patuloy pa rin ang mga taga-Gilead sa kanilang kasamaan, at sila ay naging walang kabuluhan. At ang mga taga-Gilgal naman ay naghahandog ng mga toro sa kanilang mga dios-diosan. Kaya gigibain ang kanilang mga altar at itoʼy magiging bunton ng mga bato na kinuha sa inararong bukirin.

12 “Tumakas si Jacob at pumunta sa Aram[f] at doon naglingkod bilang pastol para magkaasawa. 13 Sa pamamagitan ng propetang si Moises, inilabas ko kayong mga Israelita sa Egipto at inalagaan. 14 Dahil marami kayong pinatay, ginalit ninyo ako na inyong Panginoon. Kaya parurusahan ko kayo at pagbabayarin sa paglapastangan ninyo sa akin.”

Mateo 19:16-22

Ang Lalaking Mayaman(A)

16 May isang lalaki naman na lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, ano po ba ang mabuti kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 17 Sumagot si Jesus, “Bakit itinatanong mo sa akin kung ano ang mabuti? Isa lang ang mabuti, at walang iba kundi ang Dios. Kung gusto mong magkaroon ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.” 18 “Alin po sa mga ito?” tanong ng lalaki. Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, 19 igalang mo ang iyong ama at ina,[a] at mahalin mo ang kapwa mo tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”[b] 20 Sinabi ng binata, “Sinusunod ko po ang lahat ng iyan. Ano pa po ba ang kulang sa akin?” 21 Sumagot si Jesus, “Kung nais mong maging ganap sa harap ng Dios, umuwi ka at ipagbili ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 22 Nang marinig iyon ng binata, umalis siyang malungkot, dahil napakayaman niya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®