Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios
113 Purihin nʼyo ang Panginoon!
Kayong mga lingkod ng Panginoon, purihin nʼyo siya!
2 Purihin nʼyo ang Panginoon,
ngayon at magpakailanman.
3 Mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw,
ang pangalan ng Panginoon ay dapat papurihan.
4 Maghahari ang Panginoon sa lahat ng bansa,
ang kanyang kaluwalhatian ay hindi mapapantayan.
5 Walang katulad ang Panginoon na ating Dios,
na nakaupo sa kanyang trono sa itaas.
6 Yumuyuko siya upang tingnan ang kalangitan at ang sanlibutan.
7 Tinutulungan niya ang mga dukha at nangangailangan sa kanilang kagipitan.
8 At silaʼy pinararangalang kasama ng mararangal na tao
mula sa kanyang mga mamamayan.
9 Pinaliligaya niya ang baog na babae sa tahanan nito,
sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga anak.
Purihin ninyo ang Panginoon!
17 Sinabi rin sa akin ng Panginoon, 18 “Anak ng tao, ang mga mamamayan ng Israel ay wala nang halaga sa akin. Tulad sila ng sari-saring latak ng tanso, lata, bakal at tingga na naiwan pagkatapos dalisayin ang pilak sa hurno. 19 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sapagkat wala kayong kabuluhan, titipunin ko kayo sa Jerusalem, 20-21 katulad ng taong nagtitipon ng pilak, tanso, bakal, tingga at lata sa nagniningas na hurno para tunawin. Titipunin ko kayo sa Jerusalem para ibuhos sa inyo ang galit ko at doon ko kayo parurusahan na parang mga metal na tinutunaw. 22 Kung paanong ang pilak ay tinutunaw sa hurno, tutunawin din kayo sa Jerusalem at malalaman ninyo na ako, ang Panginoon, ang nagpadama ng galit ko sa inyo!”
23 Sinabing muli sa akin ng Panginoon, 24 “Anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita na dahil ayaw nilang linisin ko sila, hindi ko sila kaaawaan[a] sa araw na ibuhos ko sa kanila ang aking galit. 25 Ang mga pinuno nila ay nagpaplano ng masama. Para silang umaatungal na leon na lumalapa ng kanyang biktima. Pumapatay sila ng tao, kumukuha ng mga kayamanan at mahahalagang bagay, at marami ang naging biyuda dahil sa mga pagpatay nila. 26 Ang mga pari nilaʼy hindi sumusunod sa mga utos ko at nilalapastangan nila ang mga bagay na itinuturing kong banal. Para sa kanila, walang pagkakaiba ang banal at ang hindi banal, ang malinis at ang marumi, at hindi nila sinusunod ang mga ipinapagawa ko sa kanila sa Araw ng Pamamahinga. Hindi nila ako iginagalang. 27 Ang mga pinuno nilaʼy parang mga lobong lumalapa sa mga biktima nito. Pumapatay sila para magkapera. 28 Pinagtatakpan ng kanilang mga propeta ang mga kasalanan nila sa pamamagitan ng mga hindi totoong pangitain at mga hula. Sinasabi nilang iyon daw ang sinabi ng Panginoong Dios kahit na hindi ito sinabi ng Panginoon. 29 Nandaraya at nagnanakaw ang mga tao. Inaapi nila ang mahihirap, ang mga nangangailangan at ang mga dayuhang naninirahang kasama nila. Hindi nila binibigyan ng katarungan ang mga ito.
30 “Naghahanap ako ng taong makapagtatanggol ng lungsod, at mamamagitan sa akin at sa mga tao para hindi ko gibain ang lungsod na ito, pero wala akong nakita. 31 Kaya ibubuhos ko ang matinding galit ko sa kanila. Lilipulin ko sila dahil sa ginawa nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Pag-ibig ng Dios
31 Ngayon, kung iisipin natin ang mga bagay na ito, masasabi nating panig sa atin ang Dios, at dahil dito, walang magtatagumpay laban sa atin. 32 Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait sa halip ay ibinigay para sa atin, tiyak na ibibigay din niya sa atin ang lahat ng bagay. 33 Sino ang maaaring mag-akusa sa mga pinili ng Dios? Ang Dios na mismo ang nagturing sa atin na matuwid. 34 Wala ring makakahatol sa atin ng kaparusahan, dahil si Cristo Jesus na mismo ang hinatulang mamatay para sa atin. At hindi lang iyan, muli siyang binuhay at nasa kanang kamay na ngayon ng Dios at namamagitan para sa atin. 35 Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo, kahit dumanas pa tayo ng mga pagsubok, paghihirap, pag-uusig, gutom, kawalan,[a] panganib, o maging kamatayan. 36 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan,
“Alang-alang sa iyo, palaging nasa panganib ang aming buhay. Para kaming mga tupang kakatayin.”[b]
37 Pero kahit ganito ang kalagayan natin, kayang-kaya nating pagtagumpayan ito sa tulong ni Cristo na nagmamahal sa atin. 38-39 Sapagkat natitiyak ko na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios na ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. Maging kamatayan o buhay, mga anghel o anumang makapangyarihang espiritu, ang kasalukuyang panahon o ang hinaharap, ang mga kapangyarihan, ang mga nasa itaas o mga nasa ibaba, o kahit ano pang mga bagay sa buong mundo ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®