Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 62

Magtiwala sa Pag-iingat ng Dios

62 Sa Dios lang ako may kapahingahan;
ang kaligtasan koʼy nagmumula sa kanya.
Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
    Siya ang aking tanggulan, kaya ligtas ako sa kapahamakan.
Kayong mga kaaway ko, hanggang kailan kayo sasalakay upang akoʼy patayin?
    Tulad koʼy pader na malapit nang magiba at bakod na malapit nang matumba.
Gusto lamang ninyong maalis ako sa aking mataas na katungkulan.
    Tuwang-tuwa kayo sa pagsisinungaling.
    Kunwariʼy pinupuri ninyo ako ngunit sa puso ninyoʼy isinusumpa ako.
Sa Dios ko lang matatamo ang kapahingahan dahil binibigyan niya ako ng pag-asa.
Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
    Siya ang aking tanggulan kaya ligtas ako sa kapahamakan.
Nasa Dios ang aking kaligtasan at karangalan.
    Siya ang matibay kong batong kanlungan.
    Siya ang nag-iingat sa akin.
Kayong mga mamamayan ng Dios, magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng oras!
    Sabihin sa kanya ang lahat ng inyong suliranin,
    dahil siya ang nag-iingat sa atin.
Ang tao, dakila man o mangmang, ay hindi mapagkakatiwalaan.
    Pareho lang silang walang kabuluhan.
    Magaan pa sila kaysa sa hangin kapag tinimbang.
10 Huwag kayong umasa sa perang nakuha sa pangingikil at pagnanakaw.
    Dumami man ang inyong kayamanan,
    huwag ninyo itong mahalin.
11 Hindi lang isang beses kong narinig na sinabi ng Dios na nasa kanya ang kapangyarihan
12 at tapat ang kanyang pag-ibig.
    Tiyak na gagantimpalaan ng Panginoon ang tao ayon sa kanyang mga ginawa.

Hosea 10:9-15

Hinatulan ang Israel

Sinabi ng Panginoon, “Kayong mga mamamayan ng Israel ay patuloy sa pagkakasala mula pa noong magkasala ang inyong mga ninuno roon sa Gibea. Hindi kayo nagbago. Kaya kayong mga lahi ng masasama ay lulusubin sa Gibea. 10 Gusto ko na kayong parusahan. Kaya magsasanib ang mga bansa upang lusubin kayo[a] dahil sa patuloy ninyong pagkakasala. 11 Noon, para kayong dumalagang baka na sinanay na gumiik at gustong-gusto ang gawaing ito. Pero ngayon, pahihirapan ko kayong mga taga-Israel[b] at pati ang mga taga-Juda. Magiging tulad kayo ng dumalagang baka na sisingkawan ang makinis niyang leeg at pahihirapan sa paghila ng pang-araro. 12 Sinabi ko sa inyo, ‘Palambutin ninyo ang inyong mga puso tulad ng binungkal na lupa. Magtanim kayo ng katuwiran at mag-aani kayo ng pagmamahal. Sapagkat panahon na para magbalik-loob kayo sa akin hanggang sa aking pagdating, at pauulanan ko kayo ng tagumpay.’[c]

13 “Pero nagtanim kayo ng kasamaan, kaya nag-ani rin kayo ng kasamaan. Nagsinungaling kayo, at iyan ang bunga ng inyong kasamaan. At dahil sa nagtitiwala kayo sa sarili ninyong kakayahan, tulad halimbawa sa marami ninyong mga kawal, 14 darating ang digmaan sa inyong mga mamamayan at magigiba ang inyong mga napapaderang lungsod. Gagawin ng mga kalaban ninyo ang ginawa ni Shalman[d] sa lungsod ng Bet Arbel nang pagluray-lurayin niya ang mga ina at ang kanilang mga anak. 15 Ganyan din ang mangyayari sa inyong mga taga-Betel, dahil sukdulan na ang kasamaan ninyo. Sa pagbubukang-liwayway, siguradong mamamatay ang hari ng Israel.”

Santiago 5:1-6

Paalala sa mga Mayayaman

Kayong mayayaman, makinig kayo! Umiyak kayoʼt maghinagpis dahil sa mga kahirapang darating sa inyo. Nabubulok na ang mga kayamanan nʼyo at sinisira na ng insekto ang mga damit ninyo. Itinatago nʼyo lang ang mga pera nʼyo at hindi naman napapakinabangan. Sa mga huling araw, hahatulan kayo sa impyerno dahil sa pera ninyong hindi naman ginamit sa kabutihan. Sayang lang ang mga itinago nʼyo dahil malapit na ang katapusan ng mundo. Pakinggan ninyo ang reklamo ng mga manggagawa laban sa inyo. Pinagtrabaho ninyo sila sa inyong bukirin pero hindi ninyo binigyan ng sahod. Nakarating na sa Panginoong Makapangyarihan ang mga hinaing nila. Namuhay kayo nang marangya at maluho sa mundong ito. Para nʼyo na ring pinataba ang sarili nʼyo para sa araw ng pagkatay. Hinatulan ninyoʼt ipinapatay ang mga taong walang kasalanan kahit hindi sila lumalaban sa inyo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®