Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 1

Mapalad ang Taong Matuwid

Mapalad ang taong hindi namumuhay ayon sa payo ng masasama,
    o sumusunod sa mali nilang halimbawa,
    at hindi nakikisama sa mgataong nangungutya.
Sa halip ay nagagalak siyang sumunod sa mga aral na mula sa Panginoon,
    at araw-gabi ito ay kanyang pinagbubulay-bulayan.
Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na itinanim sa tabi ng sapa,
    na namumunga sa takdang panahon at hindi nalalanta ang mga dahon.
    Magtatagumpay siya sa anumang kanyang ginagawa.
Ngunit iba ang mga taong masama;
    silaʼy parang ipa na tinatangay ng hangin.
Parurusahan sila ng Dios sa araw ng paghatol,
    at ihihiwalay sa mga matuwid.
Sapagkat pinapatnubayan ng Panginoon ang mga matuwid,
    ngunit ang buhay ng taong masama ay hahantong sa kapahamakan.

Deuteronomio 29:2-20

Ipinatawag ni Moises ang lahat ng Israelita at sinabi sa kanila, “Nakita ninyo ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa lahat ng opisyal niya at sa buong bansa nito. Nakita ninyo noon ang matinding pagsubok[a], ang mga himala at ang mga kamangha-manghang gawa. Pero hanggang ngayon, hindi pa ito ipinauunawa ng Panginoon sa inyo. Sa loob ng 40 taon na pinangunahan ko kayo sa ilang, hindi naluma ang mga damit at sandalyas ninyo. Wala kayong pagkain doon o katas ng ubas o ng iba pang inumin, pero binigyan kayo ng Panginoon ng mga kailangan ninyo para malaman ninyong siya ang Panginoon na inyong Dios.

“Pagdating natin sa lugar na ito, nakipaglaban sa atin si Haring Sihon ng Heshbon at si Haring Og ng Bashan, pero tinalo natin sila. Inagaw natin ang lupain nila at ibinigay ito sa mga lahi nina Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase bilang mana nila.

“Kaya sundin ninyong mabuti ang mga ipinatutupad ng kasunduang ito, para maging matagumpay kayo sa lahat ng ginagawa ninyo. 10 Sa araw na ito, nakatayo kayo sa harap ng presensya ng Panginoon na inyong Dios: ang mga pinuno ng mga angkan ninyo, ang mga tagapamahala, ang mga opisyal at lahat ng kalalakihan ng Israel, 11 ang mga asawaʼt mga anak ninyo, at ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo na inyong tagasibak at taga-igib. 12 Nakatayo kayo rito ngayon para gawin ang kasunduan sa Panginoon na inyong Dios. Sinusumpaan ng Panginoon ang kasunduang ito ngayon. 13 Gusto niyang mapatunayan sa inyo sa araw na ito na kayo ang mamamayan niya at siya ang Dios ninyo ayon sa ipinangako niya sa inyo at sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob. 14-15 Pero hindi lang kayo na nakatayo ngayon dito sa presensya ng Panginoon na inyong Dios ang saklaw ng kasunduang ito, kundi pati ang lahat ng inyong lahi na ipapanganak pa lang.

16 “Nalalaman ninyo kung paano tayo nanirahan sa Egipto noon at kung paano tayo naglakbay sa lupain ng iba pang mga bansa papunta sa lugar na ito. 17 Nakita ninyo ang kanilang kasuklam-suklam na mga dios-diosan na ginawa mula sa kahoy, bato, pilak at ginto. 18 Siguraduhin ninyong wala ni isa sa inyo, babae o lalaki, sambahayan o angkan, na tatalikod sa Panginoon na ating Dios at sasamba sa mga dios ng mga bansang iyon para wala ni isa sa inyo ang maging katulad ng ugat na tumutubong mapait at nakakalason. 19 Ang sinumang nakarinig ng mga babala ng sumpang ito ay huwag mag-iisip na hindi siya masasaktan kahit na magpatuloy siya sa kanyang gusto. Pagbagsak ang idudulot nito sa inyong lahat. 20 Hindi siya patatawarin ng Panginoon. Maglalagablab ang galit ng Panginoon sa kanya tulad ng apoy, at mangyayari sa kanya ang lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na ito, at buburahin ng Panginoon ang kanyang pangalan sa mundo.

Mateo 10:34-42

Ang Pagkakahati-hati ng Sambahayan Dahil kay Cristo(A)

34 “Huwag ninyong isipin na naparito ako sa lupa upang magkaroon nang maayos na relasyon ang mga tao. Naparito ako upang magkaroon sila ng hidwaan.[a] 35 Dahil sa akin, kokontrahin ng anak na lalaki ang kanyang ama, at kokontrahin ng anak na babae ang kanyang ina. Ganoon din ang gagawin ng manugang na babae sa kanyang biyenang babae. 36 Ang magiging kaaway ng isang tao ay ang sarili niyang sambahayan.[b]

37 “Ang nagmamahal sa kanyang mga magulang ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang nagmamahal sa kanyang anak ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang sinumang ayaw sumunod sa akin dahil natatakot siyang mamatay para sa akin[c] ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”

Mga Gantimpala(B)

40 “Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa kanyang pagkapropeta ay makakatanggap ng gantimpalang naaayon para sa isang propeta. At ang tumatanggap sa matuwid na tao dahil sa kanyang pagkamatuwid ay makakatanggap ng gantimpalang naaayon para sa matuwid na tao. 42 At ang sinumang magbibigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa pinakahamak kong tagasunod ay tiyak na makakatanggap ng gantimpala.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®