Revised Common Lectionary (Complementary)
Magtiwala sa Pag-iingat ng Dios
62 Sa Dios lang ako may kapahingahan;
ang kaligtasan koʼy nagmumula sa kanya.
2 Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
Siya ang aking tanggulan, kaya ligtas ako sa kapahamakan.
3 Kayong mga kaaway ko, hanggang kailan kayo sasalakay upang akoʼy patayin?
Tulad koʼy pader na malapit nang magiba at bakod na malapit nang matumba.
4 Gusto lamang ninyong maalis ako sa aking mataas na katungkulan.
Tuwang-tuwa kayo sa pagsisinungaling.
Kunwariʼy pinupuri ninyo ako ngunit sa puso ninyoʼy isinusumpa ako.
5 Sa Dios ko lang matatamo ang kapahingahan dahil binibigyan niya ako ng pag-asa.
6 Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
Siya ang aking tanggulan kaya ligtas ako sa kapahamakan.
7 Nasa Dios ang aking kaligtasan at karangalan.
Siya ang matibay kong batong kanlungan.
Siya ang nag-iingat sa akin.
8 Kayong mga mamamayan ng Dios, magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng oras!
Sabihin sa kanya ang lahat ng inyong suliranin,
dahil siya ang nag-iingat sa atin.
9 Ang tao, dakila man o mangmang, ay hindi mapagkakatiwalaan.
Pareho lang silang walang kabuluhan.
Magaan pa sila kaysa sa hangin kapag tinimbang.
10 Huwag kayong umasa sa perang nakuha sa pangingikil at pagnanakaw.
Dumami man ang inyong kayamanan,
huwag ninyo itong mahalin.
11 Hindi lang isang beses kong narinig na sinabi ng Dios na nasa kanya ang kapangyarihan
12 at tapat ang kanyang pag-ibig.
Tiyak na gagantimpalaan ng Panginoon ang tao ayon sa kanyang mga ginawa.
Kinamumuhian ng Panginoon ang Pagmamataas ng Israel
8 Sumumpa ang Panginoong Dios, ang Dios na Makapangyarihan. Sinabi niya, “Kinamumuhian ko ang pagmamataas ng mga lahi ni Jacob, at kinasusuklaman ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod. Kaya ipapasakop ko sa kaaway ang kanilang lungsod at ang lahat ng naroroon.”
9 Kung may sampung tao na matitira sa isang bahay, lahat sila ay mamamatay. 10 Ang bangkay ng namatay ay kukunin ng kanyang kamag-anak upang sunugin. Tatanungin niya ang nagtatago[a] sa kaloob-looban ng bahay, “May kasama ka pa riyan?”[b] Kapag sumagot siya ng wala, sasabihin ng nagtanong, “Tumahimik ka na! Baka mabanggit mo pa ang pangalan ng Panginoon at maparusahan tayo.” 11 Ang totoo, kapag ang Panginoon na ang nag-uutos, mawawasak ang lahat ng bahay, malaki man o maliit.
12 Makakatakbo ba ang kabayo sa batuhan? Makakapag-araro ba ang baka roon? Siyempre hindi! Pero binaliktad ninyo ang katarungan para mapahamak ang tao, at ang katarungan ay ginawa ninyong masama. 13 Tuwang-tuwa kayo nang nasakop ninyo ang mga bayan ng Lo Debar at Karnaim, at sinasabi ninyo, “Natalo natin sila sa pamamagitan ng sarili nating kalakasan.” 14 Pero ito ang sagot ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, “Kayong mga mamamayan ng Israel ay ipasasalakay ko sa isang bansa. Pahihirapan nila kayo at sasakupin ang inyong lugar mula Lebo Hamat hanggang sa lambak ng Araba.”
Ang Sulat para sa Iglesya sa Laodicea
14 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Laodicea:
“Ito ang mensahe ng tinatawag na Amen, ang tapat at tunay na saksi. Siya ang pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Dios: 15-16 Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Alam kong hindi kayo malamig o mainit. Gusto ko sanang malamig kayo o mainit. Ngunit dahil maligamgam kayo, isusuka ko kayo. 17 Sinasabi ninyo na mayaman kayo, sagana sa lahat ng bagay at wala nang pangangailangan. Ngunit hindi nʼyo alam na kaawa-awa kayo dahil mahirap kayo sa pananampalataya, bulag sa katotohanan at hubad sa paningin ng Dios. 18 Kaya pinapayuhan ko kayong bumili sa akin ng ginto na dinalisay sa apoy[a] upang maging totoong mayaman kayo. Bumili rin kayo sa akin ng puting damit upang matakpan ang nakakahiya ninyong kahubaran, at pati na rin ng gamot sa mata upang makita ninyo ang katotohanan. 19 Ang lahat ng minamahal ko ay tinutuwid ko at dinidisiplina. Kaya magsisi kayo at ituwid ang ugali ninyo. 20 Narito ako sa labas ng pintuan ninyo at kumakatok. Kung may makarinig sa akin at buksan ang pinto, papasok ako at magsasalo kami sa pagkain. 21 Ang magtatagumpay ay pauupuin ko sa tabi ng aking trono,[b] tulad ko na nagtagumpay at naupo sa tabi ng trono ng aking Ama.
22 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®