Revised Common Lectionary (Complementary)
Papuri sa Dios na Tagapagligtas
146 Purihin ang Panginoon!
Karapat-dapat na purihin ang Panginoon.
2 Buong buhay akong magpupuri sa Panginoon.
Aawitan ko ang aking Dios ng mga papuri habang akoʼy nabubuhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga makapangyarihang tao o kaninuman,
dahil silaʼy hindi makapagliligtas.
4 Kapag silaʼy namatay, babalik sila sa lupa,
at ang kanilang mga binabalak ay mawawalang lahat.
5 Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob,
na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios,
6 na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito.
Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.
7 Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,
at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo.
8 Pinagagaling niya ang mga bulag para makakita,
pinalalakas ang mga nanghihina,
at ang mga matuwid ay minamahal niya.
9 Iniingatan niya ang mga dayuhan,
tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,
ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.
10 Mga taga-Zion, ang Panginoon na inyong Dios ay maghahari magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
2 Ang Panginoon ang lumikha sa tao, mayaman man o mahirap.
3 Ang taong may pang-unawa ay umiiwas kung may panganib, ngunit ang hangal ay sumusuong sa panganib, kaya napapahamak.
4 Ang paggalang sa Panginoon at pagpapakumbaba ay magdudulot sa iyo ng mahabang buhay, kayamanan at karangalan.
5 Lumalakad ang taong masama sa daang matinik at may mga patibong. Ang nag-iingat sa sarili ay umiiwas sa daang iyon.
6 Ituro sa bata ang tamang pag-uugali, at hindi niya ito malilimutan hanggang sa kanyang pagtanda.
7 Ang mahihirap ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng mayayaman, at ang nangungutang ay alipin ng nagpapautang.
8 Ang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan, at matitigil na ang kanyang pamiminsala sa iba.
9 Ang nagbibigay ng pagkain sa dukha ay tiyak na pagpapalain.
10 Kapag pinalayas mo ang mga taong nanunuya, mawawala na ang alitan, kaguluhan at pang-iinsulto.
11 Ang taong may malinis na puso at mahinahon magsalita ay magiging kaibigan ng hari.
12 Binabantayan ng Panginoon ang mga taong may karunungan, ngunit sinisira niya ang plano ng mga taksil.
13 Ang taong tamad ay laging may dahilan, sinasabi niyang baka siya ay lapain ng leon sa daan.
14 Salita ng masamang babae ay parang malalim na hukay, at doon nahuhulog ang kinamumuhian ng Panginoon.
15 Likas sa mga bata ang pagiging pilyo, ngunit magiging matuwid sila kung didisiplinahin.
16 Ang nagreregalo sa mayaman o nang-aapi sa mahihirap para yumaman ay hahantong din sa karalitaan.
8 Hindi sa inuutusan ko kayo; sinasabi ko lamang sa inyo ang ginagawang pagtulong ng iba para maipakita rin ninyo sa amin na tunay ang inyong pagmamahal. 9 Sapagkat alam naman ninyo ang biyayang ipinakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman siya doon sa langit ay nagpakadukha siya dito sa mundo alang-alang sa atin, para sa pamamagitan ng kanyang kahirapan ay maging mayaman tayo.
10 Kaya ito ang maipapayo ko sa inyo: Makabubuti kung ipagpapatuloy ninyo ang inumpisahan ninyong pagbibigay noong nakaraang taon. Kayo ang unang nakaisip nito, at kayo rin ang unang nagsagawa. 11 Kaya ituloy ninyo ito! Pagsikapan ninyong tapusin ang gawain na masigasig ninyong inumpisahan, at magbigay kayo sa abot ng inyong makakaya. 12 Sapagkat kung kusang-loob ang inyong pagbibigay, tatanggapin ng Dios ang anumang makayanan ninyo. Hindi niya kayo pinagbibigay nang hindi ninyo kaya. 13 Hindi ko sinasabi na magbigay kayo para guminhawa ang iba at kayo naman ang maghirap, kundi para magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa ating kalagayan. 14 Sa ngayon ay masagana kayo, kaya nararapat lamang na tulungan ninyo ang nangangailangan. Sa panahon na kayo naman ang mangailangan, at sila ang masagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa ganoon, magkakapantay-pantay ang kalagayan ng isaʼt isa. 15 Ayon nga sa Kasulatan,
“Ang nagtipon ng marami ay hindi sumobra,
at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinulang.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®