Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Amos 8:4-7

Ang Kasalanan ng mga Mayayamang Israelita

Makinig kayo, kayong mga nanggigipit sa mga mahihirap at nagtatangkang lipulin sila. Inip na inip kayong matapos ang Pista ng Pagsisimula ng Buwan[a] o Araw ng Pamamahinga para makapagbenta na kayo ng mga inaning butil at makapandaya sa mga mamimili sa pamamagitan ng inyong madayang timbangan at pantakal ng trigo. Nagmamadali kayong makapagbenta ng mga butil na hinaluan ng ipa, para makabili kayo ng taong dukha na ipinagbibiling alipin dahil hindi siya makabayad ng kanyang utang, kahit ang utang niya ay kasinghalaga lamang ng isang pares ng sandalyas. Kaya sumumpa ang Panginoon, ang Dios na ipinagmamalaki ng mga lahi ni Jacob, “Hindi ko makakalimutan ang lahat ng kasamaan na ginawa ninyo.

Salmo 113

Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios

113 Purihin nʼyo ang Panginoon!
    Kayong mga lingkod ng Panginoon, purihin nʼyo siya!
Purihin nʼyo ang Panginoon,
    ngayon at magpakailanman.
Mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw,
    ang pangalan ng Panginoon ay dapat papurihan.

Maghahari ang Panginoon sa lahat ng bansa,
    ang kanyang kaluwalhatian ay hindi mapapantayan.
Walang katulad ang Panginoon na ating Dios,
    na nakaupo sa kanyang trono sa itaas.
Yumuyuko siya upang tingnan ang kalangitan at ang sanlibutan.
Tinutulungan niya ang mga dukha at nangangailangan sa kanilang kagipitan.
At silaʼy pinararangalang kasama ng mararangal na tao
    mula sa kanyang mga mamamayan.
Pinaliligaya niya ang baog na babae sa tahanan nito,
    sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga anak.

    Purihin ninyo ang Panginoon!

1 Timoteo 2:1-7

Mga Bilin Tungkol sa Panalangin

Una sa lahat, ipinapakiusap kong ipanalangin nʼyo ang lahat ng tao. Ipaabot ninyo sa Dios ang kahilingan nʼyo para sa kanila nang may pasasalamat. Ipanalangin nʼyo ang mga hari at mga may kapangyarihan para makapamuhay tayo nang tahimik at mapayapa na may kabanalan at tamang pag-uugali. Mabuti ito at nakalulugod sa Dios na ating Tagapagligtas. Nais niyang maligtas ang lahat ng tao at malaman ang katotohanan. Sapagkat iisa lang ang Dios at iisa lang ang tagapamagitan sa Dios at sa mga tao. Itoʼy walang iba kundi ang taong si Cristo Jesus. Ibinigay niya ang buhay niya bilang pantubos sa lahat ng tao. Ito ang nagpapatunay na nais ng Dios na maligtas ang lahat ng tao, at inihayag niya ito sa takdang panahon. At ito ang dahilan ng pagkahirang ko bilang apostol at tagapangaral sa mga hindi Judio tungkol sa pananampalataya at katotohanan. Totoo ang sinasabi ko, at hindi ako nagsisinungaling.

Lucas 16:1-13

Ang Tusong Katiwala

16 Nagkwento pa si Jesus sa mga tagasunod niya: “May isang mayaman na may katiwala. Nabalitaan niyang nilustay ng katiwalang ito ang mga ari-arian niya. Kaya ipinatawag niya ang katiwalang ito at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Kuwentahin na natin ang lahat ng ipinagkatiwala ko sa iyo dahil aalisin na kita bilang katiwala.’ Naisip ng katiwala, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Aalisin na ako bilang katiwala. Hindi ko kakayanin ang mabibigat na trabaho tulad ng paghuhukay, at nahihiya naman akong mamalimos. Alam ko na! Gagawa ako ng paraan para tanggapin ako ng mga tao sa tahanan nila kapag inalis na ako sa trabaho ko.’ Isa-isa niyang ipinatawag ang mga may utang sa amo niya. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa amo ko?’ Sumagot ito, ‘100 banga[a] ng langis ng olibo.’ ‘Heto ang kasulatan ng pagkakautang mo. Maupo ka at isulat mong 50 na lang ang utang mo,’ sabi ng katiwala. At tinanong naman niya ang isa pa, ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘100 sako ng trigo.’ ‘Heto ang kasulatan ng pagkakautang mo. Isulat mong 80 na lang ang utang mo,’ sabi ng katiwala. Nang malaman ng amo ang ginawa ng madayang katiwala, pinuri niya ang kanyang katiwala dahil kumilos ito nang may karunungan. Sapagkat mas marunong ang mga taong makamundo kaysa sa mga taong naliwanagan na tungkol sa Dios.

“Kaya sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ninyo sa mundong ito para kapag naubos man ito ay may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan. 10 Ang taong mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaking bagay. At ang taong madaya sa maliliit na bagay ay magiging madaya rin sa malalaking bagay. 11 Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng kayamanan na talagang para sa inyo?

13 “Walang aliping makapaglilingkod nang sabay sa dalawang amo. Sapagkat tatanggihan niya ang isa at susundin naman ang isa, magiging tapat siya sa isa at tatalikuran ang isa. Ganoon din naman, hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Dios at sa kayamanan.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®