Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 51:1-10

Paghingi ng Kapatawaran sa Dios

51 O Dios, kaawaan nʼyo po ako
    ayon sa inyong tapat na pagmamahal.
    At ayon sa inyong labis na pagmamalasakit sa akin,
    ang lahat ng pagsuway ko ay inyong pawiin at akoʼy patawarin.
Hugasan nʼyo ako, at linisin nʼyo nang lubos sa aking kasamaan,
dahil inaamin ko ang aking mga pagsuway,
    at lagi kong iniisip ang aking mga kasalanan.
Tanging sa inyo lamang ako nagkasala.
    Gumawa ako ng masama sa inyong paningin.
    Kaya makatarungan kayo sa inyong pagbibintang sa akin.
    Karapat-dapat lang na hatulan nʼyo ako.
Akoʼy makasalanan at masama mula pa noong akoʼy isinilang,
    kahit noong ipinaglilihi pa lang ako.
Ang nais nʼyo ay isang pusong tapat,
    kung kayaʼt ipagkaloob nʼyo sa aking kaloob-looban ang karunungan.
Linisin at hugasan nʼyo ako sa aking mga kasalanan
    upang lubusang luminis ang pusoʼt kaluluwa ko.[a]
Ipadama nʼyo sa akin ang kasiyahan at kaligayahan
    upang sa aba kong kalagayan, muling mapasaakin ang kagalakan.
Kalimutan nʼyo ang aking mga kasalanan,
    at pawiin ang lahat kong kasamaan.
10 Ilikha nʼyo ako ng busilak na puso, O Dios,
    at bigyan ako ng bagong espiritu na matapat.

Genesis 8:20-9:7

Naghandog si Noe

20 Gumawa si Noe ng altar para sa Panginoon. Pagkatapos, kumuha siya ng isa sa bawat uri ng hayop na malinis[a] pati rin sa bawat uri ng mga ibon na malinis, at sinunog niya ito sa altar bilang handog sa Panginoon. 21 Nang naamoy ng Panginoon ang mabangong samyo nito, sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi ko na muling susumpain ang lupa dahil sa ginawa ng tao, kahit alam kong makasalanan ang tao mula nang bata pa siya. Hindi ko na talaga muling lilipulin ang lahat ng nabubuhay katulad ng aking ginawa noon. 22 Habang nagpapatuloy ang mundo, may panahon ng pagtatanim at pag-ani. May taglamig at may tag-init, may tag-ulan at may tag-araw, at may araw at may gabi.”

Ang Kasunduan ng Dios kay Noe

Binasbasan ng Dios si Noe at ang mga anak niya at sinabi, “Magkaroon kayo ng mga anak para dumami at mangalat kayo sa buong mundo. Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop: ang mga lumalakad, lumilipad, gumagapang, at ang mga nakatira sa tubig. Kayo ang maghahari sa kanilang lahat. Makakakain na kayo ngayon ng mga hayop. Ibinibigay ko ito sa inyo bilang pagkain, kagaya ng mga ibinigay ko sa inyo na mga pananim na makakain.

“Pero huwag ninyong kakainin ang hayop na nang mamatay ay hindi lumabas ang dugo, dahil ang dugo ay simbolo ng buhay. Sisingilin ko ang sinumang papatay sa inyo, kahit ang mga hayop. Sisingilin ko ang sinumang papatay sa kanyang kapwa.

“Ang sinumang pumatay sa kanyang kapwa ay papatayin din ng kanyang kapwa. Sapagkat ang tao ay ginawa ng Dios na kawangis niya. Ngayon, magkaroon kayo ng mga anak para dumami at mangalat sa buong mundo.”

Juan 10:11-21

11 “Ako ang mabuting pastol, at ang isang mabuting pastol ay handang mag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga tupa. 12 Hindi siya katulad ng bayarang pastol ng mga tupa, sapagkat ang ganitong tagapagbantay ay tumatakas at iniiwan ang mga tupa kapag nakakita ng asong lobo na paparating. Kaya sinasalakay ng lobo ang mga tupa at nagkakawatak-watak sila. 13 Tumatakas siya dahil bayaran lang siya at walang malasakit sa mga tupa. 14-15 Ako ang mabuting pastol. Kung paano ako nakikilala ng aking Ama at kung paano ko siya nakikilala, ganyan din ang pagkakakilala ko sa aking mga tupa at ang pagkakakilala nila sa akin. At iniaalay ko ang aking buhay para sa kanila. 16 May iba pa akong mga tupa na wala sa kawan na ito ng mga Judio. Kinakailangan ko rin silang tipunin. Pakikinggan din nila ang mga salita ko, at ang lahat ng nakikinig sa akin ay magiging isang kawan na lang na may iisang pastol.

17 “Mahal ako ng Ama, dahil iniaalay ko ang aking buhay para sa kanila, at pagkatapos ay muli akong mabubuhay. 18 Walang makakakuha ng aking buhay, kundi kusa ko itong ibinibigay. May kapangyarihan akong ibigay ito, at may kapangyarihan din akong bawiin ito. Sinabi ito ng aking Ama sa akin.”

19 Dahil sa sinabing ito ni Jesus, nagkaroon na naman ng pagtatalo ang mga Judio. 20 Marami sa kanila ang nagsasabi, “Baliw siya at sinasaniban ng masamang espiritu. Bakit nʼyo siya pinapakinggan?” 21 Pero sinabi naman ng iba, “Hindi makakapagturo nang ganyan ang sinasaniban ng masamang espiritu. At isa pa, paano siya makakapagpagaling ng bulag kung totoong sinasaniban nga siya?”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®