Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 113

Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios

113 Purihin nʼyo ang Panginoon!
    Kayong mga lingkod ng Panginoon, purihin nʼyo siya!
Purihin nʼyo ang Panginoon,
    ngayon at magpakailanman.
Mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw,
    ang pangalan ng Panginoon ay dapat papurihan.

Maghahari ang Panginoon sa lahat ng bansa,
    ang kanyang kaluwalhatian ay hindi mapapantayan.
Walang katulad ang Panginoon na ating Dios,
    na nakaupo sa kanyang trono sa itaas.
Yumuyuko siya upang tingnan ang kalangitan at ang sanlibutan.
Tinutulungan niya ang mga dukha at nangangailangan sa kanilang kagipitan.
At silaʼy pinararangalang kasama ng mararangal na tao
    mula sa kanyang mga mamamayan.
Pinaliligaya niya ang baog na babae sa tahanan nito,
    sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga anak.

    Purihin ninyo ang Panginoon!

Exodus 23:1-9

Hustisya at Katarungan

23 “Huwag kayong magbabalita ng kasinungalingan. Huwag kayong magsisinungaling para tumulong sa isang taong masama.

“Huwag kayong makikiisa sa karamihan sa paggawa ng masama. Kung sasaksi kayo sa isang kaso, huwag nʼyong babaluktutin ang hustisya para lang masunod ang opinyon ng karamihan. Huwag ninyong papaboran ang kaso ng mga mahihirap dahil lang sa kanilang kalagayan.

“Kung makita ninyong nakawala ang baka o asno ng inyong kaaway, kailangang isauli ninyo ito sa kanya. Kung makita ninyong natumba ang asno ng inyong kaaway dahil sa bigat ng karga nito, huwag nʼyo itong pabayaan kundi tulungan itong makatayo.

“Siguraduhin ninyong mabibigyan ng hustisya ang mga mahihirap sa kaso nila. Huwag kayong magbibintang sa iba nang walang katotohanan. Huwag ninyong papatayin ang mga inosenteng tao, dahil parurusahan ko ang sinumang gagawa nito.

“Huwag kayong tatanggap ng suhol dahil bumubulag ito sa tao sa katotohanan, at hindi nabibigyan ng hustisya ang mga inosente.

“Huwag ninyong pagmamalupitan ang mga dayuhan, dahil kayo mismo ang nakakaalam ng damdamin ng isang dayuhan, dahil mga dayuhan din kayo noon sa Egipto.

Roma 3:1-8

Kung ganoon, ano ang kalamangan ng pagiging isang Judio? At ano ang kahalagahan ng pagiging tuli? Totoong nakakahigit ang mga Judio sa maraming bagay. Una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang salita ng Dios. Kung hindi naging tapat ang ilan sa pagsunod sa Dios, nangangahulugan bang hindi na rin magiging tapat ang Dios sa pagtupad sa kanyang mga pangako? Aba hindi! Sapagkat tapat ang Dios sa kanyang mga salita, maging sinungaling man ang lahat ng tao. Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Mapapatunayang tapat ka sa iyong salita, at laging tama sa iyong paghatol.”[a]

Baka naman may magsabi, “Kung sa pamamagitan ng mga ginagawa naming masama ay makikita ang kabutihan ng Dios, hindi makatarungan ang Dios kung parusahan niya kami.” (Ganyan ang pangangatwiran ng tao.) Aba, hindi maaari iyan. Sapagkat kung ganyan, paano niya hahatulan ang mga tao sa mundo?

Baka naman mayroon ding magsabi, “Kung sa aking pagsisinungaling ay lumalabas na hindi sinungaling ang Dios, at dahil dito papupurihan pa siya, bakit niya ako parurusahan bilang isang makasalanan?” Kung ganito ang iyong pangangatwiran, para mo na ring sinasabi na gumawa tayo ng masama para lumabas ang mabuti. At ayon sa mga taong naninira sa amin, ganyan daw ang aming itinuturo. Ang mga taong iyan ay nararapat lamang na parusahan ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®