Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kahihinatnan ng Masama at Mabuting Tao
37 Huwag kang mainis o mainggit man sa masasama,
2 dahil tulad ng damo, silaʼy madaling matutuyo,
at tulad ng sariwang halaman, silaʼy malalanta.
3 Magtiwala ka sa Panginoon at gumawa ng mabuti.
Sa gayon ay mananahan ka nang ligtas sa lupaing ito.
4 Sa Panginoon mo hanapin ang kaligayahan,
at ibibigay niya sa iyo ang ninanais mo.
5 Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa;
magtiwala ka sa kanya at tutulungan ka niya.
6 Ihahayag niya nang malinaw na ikaw ay matuwid at makatarungan,
kasingliwanag ng sinag ng araw sa katanghaliang tapat.
7 Pumanatag ka sa piling ng Panginoon,
at matiyagang maghintay sa gagawin niya.
Huwag mong kaiinggitan ang masasama na gumiginhawa,
kahit pa magtagumpay ang masasamang plano nila.
8 Huwag kang magagalit. Pigilan mo ang iyong poot.
Ni huwag kang mababalisa, dahil ito sa iyo ay makakasama.
9 Ang masama ay ipagtatabuyan,
ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay mananatili sa lupaing ito.
Ang Paghahari ni Hezekia sa Juda(A)
18 Naging hari ng Juda ang anak ni Ahaz na si Hezekia nang ikatlong taon ng paghahari ng anak ni Elah na si Hoshea sa Israel. 2 Si Hezekia ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Abijah na anak ni Zacarias. 3 Matuwid ang ginawa ni Hezekia sa paningin ng Panginoon, tulad ng ginawa ng ninuno niyang si David. 4 Ipinatanggal niya ang mga sambahan sa matataas na lugar, ipinadurog ang mga alaalang bato at ipinagiba ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Ipinadurog din niya ang tansong ahas na ginawa ni Moises, dahil mula noong nagsunog dito ng insenso si Moises ay sinamba na ito ng mga mamamayan ng Israel. Tinawag na Nehushtan ang tansong ahas.
5 Nagtiwala si Hezekia sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Walang naging hari sa Juda na katulad niya, kahit ang mga nauna o mga sumunod pa sa kanya. 6 Nanatili siyang tapat sa Panginoon at hindi siya tumalikod sa kanya. Sinunod niya ang mga utos na ibinigay ng Panginoon kay Moises. 7 Sumakanya ang Panginoon kaya nagtagumpay siya sa lahat ng ginawa niya. Nagrebelde siya sa hari ng Asiria at hindi niya ito pinaglingkuran. 8 Nasakop ni Hezekia ang Filistia hanggang sa Gaza at mga hangganan nito, mula sa mga bantayang tore hanggang sa napapaderang lungsod.
28 Pagkatapos, tumayo ang kumander at sumigaw sa wikang Hebreo, “Pakinggan ninyo ang mensahe ng makapangyarihang hari ng Asiria! 29 Ito ang sinabi niya: Huwag kayong magpaloko kay Hezekia. Hindi niya kayo maililigtas mula sa mga kamay ko! 30 Huwag kayong maniwala sa kanya na magtiwala sa Panginoon kapag sinabi niya, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon; hindi ipapaubaya ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria.’
31 “Huwag kayong makinig kay Hezekia! Ito ang ipinapasabi ng hari ng Asiria: Huwag na kayong lumaban sa akin; sumuko na lang kayo! Papayagan ko kayong kainin ang bunga ng inyong mga ubasan at mga puno ng igos at inumin ang tubig sa sarili ninyong mga balon, 32 hanggang sa dumating ako at dadalhin ko kayo sa lupaing katulad din ng inyong lupain na may mga ubasan na magbibigay sa inyo ng bagong katas ng ubas at may mga trigo na magagawa ninyong tinapay, at mayroon ding mga punong olibo at mga pulot. Piliin ninyo ang mabuhay kaysa ang mamatay. Huwag ninyong pakinggan si Hezekia! Inililigaw lang niya kayo kapag sinasabi niyang, ‘Ililigtas tayo ng Panginoon!’ 33 May mga dios ba sa ibang bansa na nailigtas ang kanilang bayan mula sa kamay ng hari ng Asiria? 34 May nagawa ba ang mga dios ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena, at Iva? Nailigtas ba nila ang Samaria mula sa mga kamay ko? 35 Alin sa mga dios ng mga bansang ito ang nakapagligtas sa kanilang bansa laban sa akin? Kaya papaano maililigtas ng Panginoon ang Jerusalem mula sa mga kamay ko?” 36 Hindi sumagot ang mga tao dahil inutusan sila ni Haring Hezekia na huwag sumagot.
Ang Sulat para sa Iglesya sa Smirna
8 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Smirna:
“Ito ang mensahe niya na siyang simula at katapusan ng lahat, na namatay ngunit muling nabuhay: 9 Alam ko ang inyong pagtitiis. Alam ko ring mahirap kayo, ngunit mayaman sa espiritwal na mga bagay. Alam kong hinahamak kayo ng mga taong nagsasabing mga Judio sila, ngunit ang totooʼy mga kampon sila ni Satanas. 10 Huwag kayong matakot sa mga paghihirap na malapit na ninyong danasin. Tandaan ninyo: Ipapabilanggo ni Satanas ang ilan sa inyo upang subukan kayo. Daranas kayo ng pang-uusig sa loob ng sampung araw. Manatili kayong tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan ko kayo ng buhay na walang hanggan.
11 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.
“Ang magtatagumpay ay hindi makakaranas ng ikalawang kamatayan.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®