Revised Common Lectionary (Complementary)
May Nakipagbuno kay Jacob sa Peniel
22 Nang gabing iyon, bumangon si Jacob at isinama ang dalawa niyang asawa, ang dalawang alipin niyang babae at ang 11 anak niya, at pinatawid sila sa Ilog ng Jabok. 23 Ipinatawid din ni Jacob ang lahat ng ari-arian niya. 24 Nang nag-iisa na siya, may dumating na isang lalaki at nakipagbuno sa kanya. Nagbunuan sila hanggang mag-uumaga. 25 Nang mapansin niya na hindi niya matatalo si Jacob, pinisil niya ang balakang ni Jacob at nalinsad ang magkatapat na buto nito. 26 At sinabi ng tao, “Bitawan mo na ako dahil mag-uumaga na.”
Pero sumagot si Jacob, “Hindi kita bibitawan hanggaʼt hindi mo ako babasbasan.”
27 Nagtanong ang tao sa kanya, “Anong pangalan mo?”
Sumagot siya, “Jacob.”
28 Sinabi ng tao, “Simula ngayon hindi na Jacob ang pangalan mo kundi Israel[a] na dahil nakipagbuno ka sa Dios at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”
29 Nagtanong din si Jacob sa kanya, “Sabihin mo rin sa akin ang pangalan mo.”
Pero sumagot ang tao, “Huwag mo nang itanong ang pangalan ko.” Pagkatapos, binasbasan niya si Jacob doon.
30 Pinangalanan ni Jacob ang lugar na iyon na Peniel,[b] dahil sinabi niya, “Nakita ko ang mukha ng Dios pero buhay pa rin ako.”
31 Sumisikat na ang araw nang umalis si Jacob sa Peniel. Pipilay-pilay siya dahil nalinsad ang buto niya sa balakang.
Ang Panginoon ang Aking Tagapag-ingat
121 Tumitingin ako sa mga bundok;
saan kaya nanggagaling ang aking saklolo?
2 Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa Panginoon,
na gumawa ng langit at ng lupa.
3 Hindi niya papayagan na ikaw ay mabuwal.
Siyang nag-iingat sa iyo ay hindi natutulog.
4 Pakinggan mo ito!
Ang nag-iingat sa mga taga-Israel ay hindi umiidlip o natutulog.
5 Ang Panginoon ang nag-iingat sa iyo;
siyaʼy kasama mo upang ikaw ay patnubayan.
6 Hindi makakasakit sa iyo ang init ng araw o ang liwanag ng buwan kung gabi.[a]
7 Iingatan ka ng Panginoon sa anumang kapahamakan;
pati ang buhay moʼy kanyang iingatan.
8 Ang Panginoon ang mag-iingat sa iyo nasaan ka man,
ngayon at magpakailanman.
14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga bagay na natutunan mo at pinanaligan, dahil alam mo kung kanino mo ito natutunan. 15 Mula pa sa pagkabata, alam mo na ang Banal na Kasulatan, na nakapagbibigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Lahat ng Kasulatan ay isinulat sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, at mapapakinabangan sa pagtuturo ng katotohanan, pagsasaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa matuwid na pamumuhay, 17 para maging handa sa lahat ng mabubuting gawa ang naglilingkod sa Dios.
4 Inaatasan kita sa presensya ng Dios at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buhay at mga patay, at muling babalik at maghahari: 2 Maging handa ka sa pangangaral ng Salita ng Dios sa anumang panahon. Ilantad mo ang mga maling aral; pagsabihan ang mga tao sa mga mali nilang gawain, at patatagin ang pananampalataya nila sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. 3 Sapagkat darating ang panahon na ayaw nang makinig ng mga tao sa tamang aral. Sa halip, hahanap sila ng mga gurong magtuturo lamang ng gusto nilang marinig para masunod nila ang kanilang layaw. 4 Hindi na nila pakikinggan ang katotohanan at babaling sila sa mga aral na gawa-gawa lang ng tao. 5 Ngunit ikaw, maging mapagpigil ka sa lahat ng oras; magtiis ka sa mga paghihirap. Gawin mo ang tungkulin mo bilang tagapangaral ng Magandang Balita, at tuparin mo ang mga tungkulin mo bilang lingkod ng Dios.
Aral Tungkol sa Pananalangin
18 Nagkwento si Jesus sa mga tagasunod niya upang turuan silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. 2 Sinabi niya, “Sa isang bayan ay may isang hukom na walang takot sa Dios at walang iginagalang na tao.[a] 3 Sa bayan ding iyon ay may isang biyuda na palaging pumupunta sa hukom at nagsasabi, ‘Bigyan nʼyo po ako ng katarungan at ipagtanggol nʼyo ako laban sa mga kaaway ko!’ 4 Noong una ay hindi pinapansin ng hukom ang biyuda, pero bandang huli ay sinabi niya, ‘Kahit hindi ako natatakot sa Dios at walang iginagalang na tao, 5 bibigyan ko ng katarungan ang babaeng ito para hindi na niya ako gambalain ulit. Dahil kung hindi, iinisin niya ako sa kapaparito niya.’ ” 6 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Narinig ninyo ang sinabi ng masamang hukom? 7 Ang Dios pa kaya ang hindi magbigay ng katarungan sa mga pinili niya na tumatawag sa kanya araw at gabi? 8 Tinitiyak ko sa inyo na bibigyan niya agad sila ng katarungan. Ngunit kung ako na Anak ng Tao ay bumalik na rito sa mundo, may makikita kaya akong mga taong sumasampalataya sa akin?”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®