Revised Common Lectionary (Complementary)
7 Sinabi ng mga tao, “O Panginoon, nagkasala po kami sa inyo. Palagi kaming lumalayo sa inyo kaya dapat lang kaming parusahan. Pero tulungan po ninyo kami ngayon, alang-alang sa karangalan ng pangalan ninyo. 8 O Panginoon, kayo po ang tanging pag-asa ng Israel, ang Tagapagligtas niya sa panahon ng kaguluhan. Bakit naging parang dayuhan kayo rito sa amin? Bakit po kayo parang manlalakbay na tumitigil lang ng isang gabi sa bansa namin? 9 Katulad rin po ba kayo ng taong walang magagawa at sundalong walang kakayahang magligtas? Kasama namin kayo, O Panginoon, at kami ay inyong mga mamamayan, kaya huwag nʼyo po kaming pababayaan.”
10 Ito ang sagot ng Panginoon sa mga tao: “Talagang gusto na ninyong lumayo sa akin; ang sarili lang ninyong kagustuhan ang inyong sinusunod. Kaya ayaw ko na kayong tanggapin bilang aking mga mamamayan. Hindi ko makakalimutan ang kasamaan ninyo at parurusahan ko kayo.”
Lumapit ang mga Tao sa Panginoon
19 O Panginoon, talaga bang itinakwil nʼyo na ang Juda? Talaga bang galit po kayo sa Jerusalem?[a] Bakit nʼyo po kami pinarusahan ng ganito at parang wala na kaming pag-asang gumaling? Umasa po kaming bibigyan nʼyo kami ng kapayapaan, pero hindi naman ito dumating. Umasa po kaming mapapabuti ang kalagayan namin, pero takot ang dumating sa amin. 20 O Panginoon, kinikilala namin ang kasamaan namin, pati ang kasalanan ng mga ninuno namin. Nagkasala po kami sa inyo. 21 Huwag nʼyo po kaming itakwil, alang-alang sa karangalan ng pangalan ninyo. Huwag nʼyo pong ilagay sa kahihiyan ang marangal nʼyong trono. Alalahanin nʼyo po ang kasunduan nʼyo sa amin. Nawaʼy huwag nʼyo itong sirain. 22 Wala ni isang walang kwentang mga dios-diosan ng mga bansa ang makapagpapaulan o makapagpapaambon. Kahit ang langit mismo ay hindi makapagpapaulan. Kayo lang, Panginoon na aming Dios ang tanging makakagawa nito, kaya sa inyo po kami nagtitiwala.
Pananabik sa Templo ng Dios
84 Panginoong Makapangyarihan, kay ganda ng inyong templo!
2 Gustong-gusto kong pumunta roon!
Nananabik akong pumasok sa inyong templo, Panginoon.
Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo,
O Dios na buhay.
3 Panginoong Makapangyarihan, aking Hari at Dios,
kahit na ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay.
4 Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong templo;
lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.
5 Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo
at nananabik na makapunta sa inyong templo.
6 Habang binabaybay nila ang tuyong lambak ng Baca,[a]
iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan.
7 Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Dios doon sa Zion.[b]
6 Ang buhay ko ay iaalay na, dahil dumating na ang panahon ng pagpanaw ko. 7 Puspusan akong nakipaglaban sa paligsahan. Natapos ko ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya. 8 At ngayon, may inilaan ang Dios sa akin na korona ng katuwiran.[a] Ibibigay ito sa akin ng makatarungang Panginoon sa araw ng paghuhukom niya. At hindi lang ako ang bibigyan, kundi maging ang lahat ng nananabik sa pagbabalik niya.
16 Walang sumama sa akin sa unang paglilitis sa akin; iniwan ako ng lahat. Patawarin sana sila ng Dios. 17 Ngunit hindi ako pinabayaan ng Panginoon; binigyan niya ako ng lakas para maipahayag nang husto ang Magandang Balita sa mga hindi Judio. Iniligtas niya ako sa tiyak na kamatayan.[a] 18 Ililigtas ako ng Panginoon sa lahat ng kasamaan, at dadalhin niya akong ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin ang Dios magpakailanman! Amen!
Ang Kwento tungkol sa Pariseo at sa Maniningil ng Buwis
9 May mga tao roon na matuwid ang tingin sa sarili at humahamak sa iba. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila ang talinghagang ito: 10 “May dalawang lalaking pumunta sa templo upang manalangin. Ang isaʼy Pariseo at ang isaʼy maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin tungkol sa kanyang sarili. Sinabi niya, ‘O Dios, nagpapasalamat ako sa inyo dahil hindi ako katulad ng iba na magnanakaw, mandaraya at mangangalunya o katulad ng maniningil ng buwis na iyon. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo, at nagbibigay ako ng ikapu[a] ng lahat ng kinikita ko!’ 13 Ang maniningil naman ng buwis ay nakatayo sa malayo, at hindi man lang makatingala sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘Dios ko, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan.’ 14 Sinasabi ko sa inyo na ang maniningil ng buwis na iyon ay umuwing itinuring nang matuwid ng Dios, ngunit ang Pariseo ay hindi. Sapagkat ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®