Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 57

Dalangin para Tulungan ng Dios

57 O Dios, maawa kayo sa akin, dahil sa inyo ako nanganganlong.
    Katulad ng sisiw na sumisilong sa ilalim ng pakpak ng inahing manok, sisilong ako sa inyo hanggang sa wala ng kapahamakan.
Tumatawag ako sa inyo, Kataas-taasang Dios,
    sa inyo na nagsasagawa ng layunin sa aking buhay.
Mula sa langit ay magpapadala kayo ng tulong upang akoʼy iligtas.
    Ilalagay nʼyo sa kahihiyan ang mga kaaway ko.
    Ipapakita nʼyo ang inyong pag-ibig at katapatan sa akin.
Napapaligiran ako ng mga kaaway,
    parang mga leong handang lumapa ng tao.
    Ang mga ngipin nilaʼy parang sibat at pana,
    mga dilaʼy kasintalim ng espada.
O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
Nabagabag ako dahil naglagay ng bitag ang aking mga kaaway.
    Naghukay rin sila sa aking dadaanan, ngunit sila rin ang nahulog dito.
O Dios, lubos akong nagtitiwala sa inyo.
    Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
Gigising ako ng maaga at ihahanda ko ang aking sarili at ang aking instrumentong may mga kwerdas para magpuri sa inyo.
Panginoon, pupurihin ko kayo sa gitna ng mga mamamayan.
    At sa gitna ng mga bansa, ikaw ay aking aawitan.
10 Dahil ang pag-ibig nʼyo at katapatan ay hindi mapantayan at lampas pa sa kalangitan.
11 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa buong kalangitan at sa buong mundo.

1 Samuel 25:23-35

23 Nang makita ni Abigail si David, dali-dali siyang bumaba sa kanyang asno at lumuhod sa harapan ni David bilang paggalang. 24 Sinabi niya, “Pakiusap po, pakinggan nʼyo ako. Inaako ko na po ang pagkakamali ng aking asawa. 25 Huwag nʼyo na pong pag-aksayahan ng panahon si Nabal. Napakasama niyang tao. Nababagay lang sa kanya ang pangalan niyang Nabal, na ang ibig sabihin ay ‘hangal.’ Ipagpaumanhin nʼyo po pero hindi ko nakita ang mga mensaherong pinapunta nʼyo kay Nabal.

26 “Ngayon po, niloob ng Panginoon na hindi matuloy ang paghihiganti at pagpatay ninyo para hindi madungisan ang inyong mga kamay. Sa kapangyarihan ng buhay na Panginoon at ng buhay nʼyo, nawaʼy matulad kay Nabal ang kahihinatnan ng inyong mga kaaway at ng lahat ng naghahangad ng masama laban sa inyo. 27 Kaya, kung maaari, tanggapin ninyo ang mga regalong ito na dinala ko para sa inyo at sa inyong mga tauhan. 28 Patawarin nʼyo po sana ako kung mayroon man akong mga pagkukulang. Nakakatiyak ako na gagawin kayong hari ng Panginoon at magpapatuloy ang paghahari ninyo sa lahat ng inyong salinlahi, dahil nakikipaglaban kayo para sa kanya. Wala sanang makakapanaig na kasamaan sa inyo habang kayoʼy nabubuhay. 29 Kahit may humahabol sa inyo para patayin kayo, iingatan kayo ng Panginoon na inyong Dios. Ililigtas kayo ng kanyang mga kamay tulad ng pag-iingat ng isang tao sa isang mamahaling bagay. Pero ang inyong mga kaaway ay ihahagis na parang batong ibinala sa tirador. 30 Kapag natupad na ang lahat ng kabutihang ipinangako sa inyo ng Panginoon at maging hari na kayo ng Israel, 31 hindi kayo uusigin ng inyong konsensya dahil hindi kayo naghiganti at pumatay ng walang sapat na dahilan. At kapag pinagtagumpay na kayo ng Panginoon, nakikiusap ako na huwag nʼyo po akong kalimutan na inyong lingkod.”

32 Sinabi ni David kay Abigail, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagpadala sa iyo ngayong araw na ito para makipagkita sa akin. 33 Salamat sa Dios sa mabuti mong pagpapasya. Dahil dito, iniwas mo ako sa paghihiganti at pagpatay. 34 Kung hindi ka nagmadaling makipagkita sa akin, wala sanang matitirang buhay na lalaki sa sambahayan ni Nabal bukas ng umaga. Isinumpa ko iyan sa buhay na Panginoon, ang Dios ng Israel, na siyang pumigil sa akin sa paggawa sa iyo ng masama.” 35 Tinanggap ni David ang mga regalo ni Abigail at sinabi, “Umuwi ka na at huwag ka nang mag-alala. Gagawin ko ang mga sinabi mo.”

Santiago 5:7-12

Pagtitiyaga at Pananalangin

Mga kapatid, maging matiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Pagmasdan ninyo ang magsasaka: matiyaga niyang hinihintay ang unang pag-ulan. At pagkatapos niyang magtanim, matiyaga rin siyang naghihintay sa susunod na ulan at anihan. Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob dahil nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.

Huwag kayong magsisihan, mga kapatid, para hindi kayo hatulan ng Dios. Malapit nang dumating ang Hukom. 10 Tularan nʼyo ang pagtitiyaga at pagtitiis ng mga propeta na mga tagapagsalita ng Panginoon. 11 Hindi baʼt itinuturing nating mapalad ang mga taong nagtitiis? Alam nʼyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at alam naman ninyo kung paano siya tinulungan ng Panginoon sa bandang huli. Sadyang mabuti at maawain ang Panginoon.

12 Higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa sa mga pangako ninyo. Huwag ninyong sabihin, “Saksi ko ang langit,” o “Saksi ko ang lupa,” o ano pa man. Sabihin nʼyo lang na “Oo” kung oo, at “Hindi” kung hindi, para hindi kayo hatulan ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®