Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 61

Panalangin para Ingatan ng Dios

61 O Dios, pakinggan nʼyo ang aking panawagan.
    Dinggin nʼyo ang aking dalangin.
Mula sa dulo ng mundo,
    tumatawag ako sa inyo dahil nawalan na ako ng pag-asa.
    Dalhin nʼyo ako sa lugar na ligtas sa panganib,[a]
dahil kayo ang aking kanlungan,
    tulad kayo ng isang toreng matibay
    na pananggalang laban sa kaaway.
Hayaan nʼyo akong tumira sa inyong templo magpakailanman
at ingatan nʼyo ako tulad ng manok na nag-iingat ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
Dahil napakinggan nʼyo, O Dios, ang aking mga pangako sa
    at binigyan nʼyo ako ng mga bagay na ibinibigay nʼyo sa mga may takot sa inyo.
Pahabain nʼyo ang buhay ng hari at paghariin nʼyo siya sa mahabang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga lahi.
Sanaʼy maghari siya magpakailanman na kasama nʼyo, O Dios,
    at ingatan nʼyo siya sa inyong pag-ibig at katapatan.
At akoʼy palaging aawit ng papuri sa inyo,
    at tutuparin kong lagi ang aking mga pangako sa inyo.

2 Hari 5:19-27

19 Sinabi ni Eliseo, “Umalis ka nang payapa.”

Pero hindi pa nakakalayo si Naaman, 20 sinabi ni Gehazi sa sarili niya, “Hindi dapat hinayaan ng aking amo na paalisin ang Arameong si Naaman nang hindi tinatanggap ang regalong dala niya. Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon na hahabulin ko siya at kukuha ako ng kahit ano sa kanya.”

21 Kaya nagmamadaling hinabol ni Gehazi si Naaman. Nang makita ni Naaman si Gehazi na tumatakbo papunta sa kanya, bumaba siya sa karwahe at sinalubong ito. Nagtanong si Naaman, “May masama bang nangyari?” 22 Sumagot si Gehazi, “Wala naman po. Isinugo po ako ng aking amo para sabihin sa inyo na may dumating na dalawang binatang propeta mula sa kaburulan ng Efraim. Pakibigyan ninyo sila ng 35 kilong pilak at dalawang pirasong damit.” 23 Sinabi ni Naaman, “Oo, narito ang 70 kilong pilak.” At pinilit niya si Gehazi na tanggapin iyon. Ipinasok ni Naaman ang pilak sa dalawang sisidlan kasama ang dalawang pirasong damit, ibinigay ito sa dalawa niyang lingkod at dinala kay Gehazi. 24 Pagdating ng mga lingkod sa bundok, kinuha ni Gehazi ang dalawang sisidlan at pinabalik sila. Pagkatapos, dinala niya iyon sa bahay niya at itinago. 25 Nang pumunta siya kay Eliseo, tinanong siya nito, “Saan ka nanggaling, Gehazi?” Sumagot si Gehazi, “Wala po akong pinuntahan.” 26 Pero sinabi ni Eliseo, “Hindi mo ba alam na ang espiritu ko ay naroon, nang bumaba si Naaman sa karwahe niya para salubungin ka? Hindi ito ang oras para tumanggap ng pera, damit, taniman ng olibo, ubasan, mga baka, tupa, at mga utusan. 27 Dahil sa ginawa mong ito, malilipat sa iyo ang malubhang sakit sa balat ni Naaman at sa mga lahi mo magpakailanman.” Nang umalis na si Gehazi, nagkaroon nga siya ng mapanganib na sakit sa balat at naging kasingputi ng niyebe ang balat niya.

Efeso 6:10-20

Mga Kagamitang Pandigma na Kaloob ng Dios

10 At bilang pangwakas, magpakatatag kayo sa Panginoon sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan. 11 Gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios para malabanan nʼyo ang mga lalang ng diyablo. 12 Sapagkat ang kalaban natin ay hindi mga tao kundi masasamang espiritu sa himpapawid – mga pinuno, may kapangyarihan at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa mundong ito. 13 Kaya gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios, para sa oras na dumating ang kasamaan ay magawa ninyong makipaglaban, at pagkatapos ng pakikipaglaban ay manatili pa rin kayong matatag.

14 Kaya maging handa kayo. Gawin ninyong sinturon ang katotohanan. Isuot nʼyo ang pagkamatuwid bilang pananggalang sa dibdib ninyo. 15 Isuot nʼyo bilang sapatos ang pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita na nagbibigay ng kapayapaan. 16 Hindi lang iyan, gamitin din ninyo bilang panangga ang pananampalataya ninyo para hindi kayo tablan ng mga panunukso ni Satanas na parang mga palasong nagliliyab. 17 Isuot nʼyo bilang helmet ang tinanggap ninyong kaligtasan, at gamitin nʼyo bilang espada ang Salita ng Dios na kaloob ng Banal na Espiritu. 18 At manalangin kayo sa lahat ng oras sa tulong ng Banal na Espiritu. Ipanalangin nʼyo ang lahat ng dapat ipanalangin. Huwag kayong magpabaya; patuloy kayong manalangin lalo na para sa lahat ng mga pinabanal.[a] 19 Ipanalangin din ninyo ako sa tuwing mangangaral ako, na bigyan ako ng Dios ng wastong pananalita para maipahayag ko nang buong tapang ang Magandang Balita na inilihim noon. 20 Sapagkat isinugo ako ng Dios para mangaral ng Magandang Balitang ito na siyang dahilan ng pagkakabilanggo ko. Kaya kung maaari, ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang gaya ng nararapat.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®