Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kahihinatnan ng Masama at Mabuting Tao
37 Huwag kang mainis o mainggit man sa masasama,
2 dahil tulad ng damo, silaʼy madaling matutuyo,
at tulad ng sariwang halaman, silaʼy malalanta.
3 Magtiwala ka sa Panginoon at gumawa ng mabuti.
Sa gayon ay mananahan ka nang ligtas sa lupaing ito.
4 Sa Panginoon mo hanapin ang kaligayahan,
at ibibigay niya sa iyo ang ninanais mo.
5 Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa;
magtiwala ka sa kanya at tutulungan ka niya.
6 Ihahayag niya nang malinaw na ikaw ay matuwid at makatarungan,
kasingliwanag ng sinag ng araw sa katanghaliang tapat.
7 Pumanatag ka sa piling ng Panginoon,
at matiyagang maghintay sa gagawin niya.
Huwag mong kaiinggitan ang masasama na gumiginhawa,
kahit pa magtagumpay ang masasamang plano nila.
8 Huwag kang magagalit. Pigilan mo ang iyong poot.
Ni huwag kang mababalisa, dahil ito sa iyo ay makakasama.
9 Ang masama ay ipagtatabuyan,
ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay mananatili sa lupaing ito.
Ang Mensahe para kay Haring Ahaz
7 Noong si Ahaz na anak ni Jotam at apo ni Uzia ang hari ng Juda, sinalakay ang Jerusalem. Sinalakay ito ni Haring Rezin ng Aram[a] at ni Haring Peka ng Israel, na anak ni Remalia. Pero hindi nila naagaw ang Jerusalem.
2 Nang mabalitaan ng hari ng Juda[b] na nagkampihan ang Aram at Israel,[c] siya at ang mga mamamayan niya ay nanginig sa takot. Nanginig sila na parang punong niyayanig ng hangin.
3 Sinabi ng Panginoon kay Isaias, “Isama mo ang anak mong si Shear Jashub[d] at salubungin ninyo si Ahaz sa dulo ng daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig, malapit sa daan papunta sa pinaglalabahan. 4 Ito ang sasabihin mo sa kanya, ‘Humanda ka! Pumanatag ka at huwag matakot. Huwag kang kabahan dahil sa tindi ng galit nina Haring Rezin ng Aram at Haring Peka na anak ni Remalia. Ang dalawang itoʼy parang mga tuod ng puno na umuusok pero walang apoy. 5 Nagplano sila ng masama laban sa iyo. Nagkasundo sila at sinabi, 6 “Lusubin natin ang Juda at sakupin. Pagkatapos, paghati-hatian natin ang kanyang lupain at gawing hari roon ang anak ni Tabeel.”
7 “ ‘Pero sinabi ng Panginoong Dios na hindi mangyayari iyon. 8-9 Sapagkat ang Damascus ay kabisera lang ng Aram, at si Rezin ay sa Damascus lang naghahari. At ang Samaria ay kabisera lang ng Israel, at si Peka na anak ni Remalia ay sa Samaria rin lang naghahari. Tungkol naman sa Israel, mawawasak ito sa loob ng 65 taon, at hindi na ito matatawag na bansa. Kung hindi matatag ang pananalig nʼyo sa Dios, tiyak na mapapahamak kayo.’ ”
Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Bulag(A)
29 Nang papaalis na sa Jerico si Jesus at ang mga tagasunod niya, sinundan sila ng napakaraming tao. 30 Samantala, may dalawang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumaraan si Jesus, sumigaw sila, “Panginoon, Anak ni David,[a] maawa po kayo sa amin!” 31 Pero sinaway sila ng mga tao at pinagsabihang manahimik. Ngunit lalo pa nilang nilakasan ang kanilang pagsigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa amin!” 32 Tumigil si Jesus, tinawag sila, at tinanong, “Ano ang gusto ninyong gawin ko sa inyo?” 33 Sumagot sila, “Panginoon, gusto po naming makakita.” 34 Naawa si Jesus sa kanila, kaya hinipo niya ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita at sumunod kay Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®