Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 12

Panalangin para Tulungan ng Dios

12 Panginoon, tulungan nʼyo po kami,
    dahil wala nang makadios,
    at wala na ring may paninindigan.
Nagsisinungaling sila sa kanilang kapwa.
    Nambobola sila para makapandaya ng iba.
Panginoon, patigilin nʼyo na sana ang mga mayayabang at mambobola.
Sinasabi nila,
    “Sa pamamagitan ng aming pananalita ay magtatagumpay kami.
    Sasabihin namin ang gusto naming sabihin,
    at walang sinumang makakapigil sa amin.”

Sinabi ng Panginoon,
    “Kikilos ako! Nakikita ko ang kaapihan ng mga dukha,
    at naririnig ko ang iyakan ng mga naghihirap.
    Kayaʼt ibibigay ko sa kanila ang pinapangarap nilang kaligtasan.”
Ang pangako ng Panginoon ay purong katotohanan,
    gaya ng purong pilak na pitong ulit na nasubukan sa nagliliyab na pugon.

Panginoon, nalalaman namin na kami ay inyong iingatan,
    at ilalayo sa masamang henerasyong ito magpakailanman.
Pinalibutan nila kami,
    at pinupuri pa ng lahat ang kanilang kasuklam-suklam na gawain.

Kawikaan 14:12-31

12 Maaaring sa tingin mo ang daang tinatahak mo ay matuwid, ngunit kamatayan pala ang dulo nito.
13 Maaaring maitago ang kalungkutan sa pamamagitan ng pagtawa, ngunit pagkatapos ng kasiyahan nariyan pa rin ang kalungkutan.
14 Ang tao ay tatanggap ng nararapat sa kanya kung ano ang ginawa niya, mabuti man o masama.
15 Pinaniniwalaan ng mangmang ang lahat ng kanyang napapakinggan, ngunit ang taong marunong umunawa ay pinag-iisipan ang kanyang napakinggan.
16 Ang taong marunong ay iniingatan ang kanyang sarili at umiiwas sa gulo, ngunit ang taong hangal ay walang pag-iingat at padalos-dalos.
17 Ang taong madaling magalit ay nakagagawa ng kamangmangan. Ang taong mapanlinlang ay kinapopootan.
18 Makikita ang kamangmangan sa taong walang alam, ngunit makikita ang karunungan sa taong nakakaunawa kung ano ang mabuti at masama.
19 Ang taong masama ay yuyuko sa taong matuwid at magsusumamo na siya ay kahabagan.
20 Ang mga mahirap kadalasan ay hindi kinakaibigan kahit ng kanyang kapitbahay, ngunit ang mga mayaman ay maraming kaibigan.
21 Ang humahamak sa kapwa ay nagkakasala, ngunit ang tumutulong sa dukha ay pinagpapala.
22 Ang nagbabalak ng masama sa kapwa ay nagkakasala, ngunit ang nagpaplano nang mabuti ay dadamayan at mamahalin ng kapwa.
23 Ang masikap sa trabaho ay may pakinabang, ngunit magiging mahirap ang puro salita lang.
24 Ang karangalan ng taong marunong ay ang kanyang kayamanan, ngunit ang hangal ay lalo pang madadagdagan ang kahangalan.
25 Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng buhay, ngunit taksil ang saksing sinungaling.
26 Ang taong may takot sa Panginoon ay may kasiguraduhan at siya ang kanlungan ng kanyang sambahayan.
27 Ang pagkatakot sa Panginoon ay magpapabuti at magpapahaba ng iyong buhay[a] at maglalayo sa iyo sa kamatayan.
28 Ang kapangyarihan ng isang hari ay nasa dami ng kanyang nasasakupan, ngunit kung walang tauhan tiyak ang kanyang kapahamakan.
29 Ang mapagpasensya ay mas higit ang karunungan, ngunit ang madaling magalit ay nagpapakita ng kahangalan.
30 Ang payapang isipan ay nagpapalusog ng katawan, ngunit ang pagkainggit ay tulad ng kanser sa buto.
31 Ang nang-aapi ng mahihirap ay hinahamak ang Dios na lumikha sa kanila, ngunit ang nahahabag sa mahihirap ay pinararangalan ang Dios.

Gawa 4:1-12

Sina Pedro at Juan sa Harapan ng Korte

Habang nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga tao, nilapitan sila ng mga pari, ng kapitan ng mga guwardya sa templo, at ng mga Saduceo. Nagalit sila dahil nangangaral ang dalawa na muling nabuhay si Jesus, at itoʼy nagpapatunay na may muling pagkabuhay. Kaya dinakip nila sina Pedro at Juan. Iimbestigahan pa sana ang dalawa, pero dahil gabi na, ipinasok na lang muna sila sa bilangguan hanggang sa kinaumagahan. Pero kahit ganito ang nangyari sa kanila, marami sa mga nakarinig ng kanilang pagtuturo ang sumampalataya. Ang mga lalaki na sumampalataya ay 5,000.

Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga namamahalang pari, mga pinuno ng mga Judio at mga tagapagturo ng Kautusan. Naroon din si Anas na punong pari, si Caifas, si Juan, si Alexander, at ang iba pang mga miyembro ng pamilya ni Anas. Iniharap sa kanila sina Pedro at Juan at tinanong, “Sa anong kapangyarihan at kaninong awtoridad[a] ang inyong ginamit sa pagpapagaling sa taong lumpo?”

Si Pedro na puspos ng Banal na Espiritu ay sumagot, “Kayong mga namamahalang pari at mga pinuno ng mga Judio, kung ang itinatanong ninyo sa amin ay tungkol sa paggaling ng taong lumpo, 10 dapat malaman ninyong lahat at ng lahat ng taga-Israel, na ang taong ito na nakatayo rito ngayon ay pinagaling ng kapangyarihan[b] ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret. Siya ang inyong ipinako sa krus at pinatay, ngunit binuhay siyang muli ng Dios. 11 Si Jesus ang tinutukoy na bato sa talatang ito ng Kasulatan: ‘Ang bato na itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong pundasyon.’ 12 Walang sinuman sa mundong ito ang makapagliligtas sa atin kundi si Jesus lang.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®