Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 146

Papuri sa Dios na Tagapagligtas

146 Purihin ang Panginoon!
    Karapat-dapat na purihin ang Panginoon.
Buong buhay akong magpupuri sa Panginoon.
    Aawitan ko ang aking Dios ng mga papuri habang akoʼy nabubuhay.

Huwag kayong magtiwala sa mga makapangyarihang tao o kaninuman,
    dahil silaʼy hindi makapagliligtas.
Kapag silaʼy namatay, babalik sila sa lupa,
    at ang kanilang mga binabalak ay mawawalang lahat.
Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob,
    na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios,
na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito.
    Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.
Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,
    at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.
    Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo.
Pinagagaling niya ang mga bulag para makakita,
    pinalalakas ang mga nanghihina,
    at ang mga matuwid ay minamahal niya.
Iniingatan niya ang mga dayuhan,
    tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,
    ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.

10 Mga taga-Zion, ang Panginoon na inyong Dios ay maghahari magpakailanman.

    Purihin ang Panginoon!

Kawikaan 28:11-28

11 Iniisip ng mayayaman na napakarunong na nila, ngunit alam ng taong mahirap na may pang-unawa kung anong klaseng tao talaga sila.
12 Kapag matuwid ang namumuno nagdiriwang ang mga tao, ngunit kapag ang pumalit ay masama, mga taoʼy nagtatago.
13 Hindi ka uunlad kung hindi mo ipapahayag ang iyong mga kasalanan, ngunit kung ipapahayag mo ito at tatalikdan, kahahabagan ka ng Dios.
14 Mapalad ang taong laging may paggalang sa Panginoon, ngunit mapapahamak ang taong matigas ang ulo.
15 Panganib sa mahihirap ang masamang pinuno gaya ng mabangis na leon at osong naghahanap ng mabibiktima.
16 Ang pinunong walang pang-unawa ay lubhang malupit.
    Hahaba naman ang buhay ng pinuno na sa kasakiman ay galit.
17 Ang taong hindi pinatatahimik ng kanyang budhi dahil sa pagpatay sa kanyang kapwa ay tatakas kahit saan hanggang sa siya ay mamatay. Huwag ninyo siyang tulungan.
18 Ang taong namumuhay nang matuwid ay ligtas sa kapahamakan, ngunit ang taong namumuhay sa maling pamamaraan ay bigla na lamang mapapahamak.
19 Ang masipag na magsasaka ay sasagana sa pagkain, ngunit maghihirap ang taong nag-aaksaya ng oras niya.
20 Ang taong tapat ay sasagana sa pagpapala, ngunit ang taong nagmamadaling yumaman ay parurusahan.
21 Hindi mabuti ang may kinikilingan, ngunit may mga gumagawa nito dahil sa kaunting suhol.
22 Nagmamadaling yumaman ang taong sa pera ay gahaman, ngunit ang hindi niya alam patungo pala siya sa kahirapan.
23 Pasasalamatan ka pa ng tao sa huli kapag sinaway mo siya ng tapat kaysa panay ang papuri mo sa kanya kahit hindi nararapat.
24 Ang taong nagnanakaw sa magulang at sasabihing hindi iyon kasalanan ay kasamahan ng mga kriminal.
25 Ang taong sakim ay nagpapasimula ng kaguluhan, ngunit ang taong nagtitiwala sa Panginoon ay magtatamo ng kasaganaan.
26 Hangal ang taong nagtitiwala sa kanyang sariling kakayahan. Ang taong namumuhay na may karunungan ay ligtas sa kapahamakan.
27 Ang taong mapagbigay sa mahihirap ay hindi kukulangin, ngunit ang nagbubulag-bulagan ay makakatanggap ng mga sumpa.
28 Kapag masama ang mga pinuno, mga tao ay nagtatago. Ngunit kapag namatay sila, ang matutuwid ang mamumuno.

Lucas 9:43-48

43 Namangha ang lahat sa kapangyarihan ng Dios.

Ang Ikalawang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)

Habang mangha pa ang lahat sa mga ginawa ni Jesus, sinabi niya sa mga tagasunod niya, 44 “Pakinggan ninyo at tandaan ang sasabihin kong ito: Ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao na kumokontra sa akin.” 45 Pero hindi nila naunawaan ang sinasabi niya, dahil inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Nag-aalangan naman silang magtanong sa kanya tungkol sa bagay na ito.

Sino ang Pinakadakila?(B)

46 Minsan, nagtalo-talo ang mga tagasunod ni Jesus kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya kumuha siya ng isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. 48 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap sa akin. At ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa aking Amang nagsugo sa akin. Sapagkat ang pinakamababa sa inyong lahat ang siyang pinakadakila.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®