Revised Common Lectionary (Complementary)
15 “Makinig kayo! Sa araw na ito, pinapapili ko kayo: buhay o kamatayan, kasaganaan o kahirapan. 16 Inuutusan ko kayo ngayon na mahalin ang Panginoon na inyong Dios, na mamuhay ayon sa kanyang pamamaraan, at sundin ang kanyang mga utos at tuntunin. Kung gagawin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal at dadami, at pagpapalain kayo ng Panginoon doon sa lupaing titirhan at aangkinin ninyo.
17 “Ngunit kung tatalikod kayo at hindi susunod sa kanya, at kung sasamba kayo at maglilingkod sa ibang mga dios; 18 ngayon pa lang, binabalaan ko na kayo na siguradong mamamatay kayo. Hindi kayo mabubuhay nang matagal sa lupaing titirhan ninyo at mamanahin doon sa kabila ng Jordan.
19 “Sa araw na ito, tinawag ko ang langit at lupa na maging saksi kung alin dito ang pipiliin ninyo: buhay o kamatayan, pagpapala o sumpa. Piliin sana ninyo ang buhay para mabuhay kayo nang matagal pati na ang inyong mga anak.[a] 20 Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios. Sundin ninyo siya at manatili kayo sa kanya, dahil siya ang inyong buhay. Kung gagawin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal doon sa lupain na ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob.”
Mapalad ang Taong Matuwid
1 Mapalad ang taong hindi namumuhay ayon sa payo ng masasama,
o sumusunod sa mali nilang halimbawa,
at hindi nakikisama sa mgataong nangungutya.
2 Sa halip ay nagagalak siyang sumunod sa mga aral na mula sa Panginoon,
at araw-gabi ito ay kanyang pinagbubulay-bulayan.
3 Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na itinanim sa tabi ng sapa,
na namumunga sa takdang panahon at hindi nalalanta ang mga dahon.
Magtatagumpay siya sa anumang kanyang ginagawa.
4 Ngunit iba ang mga taong masama;
silaʼy parang ipa na tinatangay ng hangin.
5 Parurusahan sila ng Dios sa araw ng paghatol,
at ihihiwalay sa mga matuwid.
6 Sapagkat pinapatnubayan ng Panginoon ang mga matuwid,
ngunit ang buhay ng taong masama ay hahantong sa kapahamakan.
1 Mula kay Pablo na nakabilanggo dahil kay Cristo Jesus, kasama si Timoteo na ating kapatid.
Filemon, aming minamahal na kamanggagawa sa Panginoon, 2 kasama si Afia na ating kapatid, si Arkipus na kapwa natin sundalo ni Cristo, at ang mga mananampalatayang nagtitipon[a] sa iyong tahanan sa pagsamba sa Dios:
3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon
4 Lagi akong nagpapasalamat sa Dios sa tuwing ipinapanalangin kita, 5 dahil nabalitaan ko ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus at ang pagmamahal mo sa lahat ng mga pinabanal[b] ng Dios. 6 Idinadalangin ko na sana ang pagiging mapagbigay mo, na bunga ng iyong pananampalataya,[c] ay magpatuloy habang lumalago ang iyong pang-unawa sa lahat ng mabubuting bagay na ibinigay sa atin dahil tayoʼy nakay Cristo. 7 Minamahal kong kapatid, labis na nagbigay kagalakan at kaaliwan sa akin ang iyong pagmamahal sa mga mananampalataya na nagpasigla sa kanila.
Ang Hiling ni Pablo para kay Onesimus
8 Ngayon, bilang apostol ni Cristo, maaari kitang utusan kung ano ang dapat mong gawin, 9 pero dahil mahal kita, minarapat kong makiusap na lamang sa iyo. Kaya bilang isang nakatatanda at bilanggo dahil kay Cristo, 10 nakikiusap ako sa iyo para kay Onesimus, na sana patawarin mo na siya. Siyaʼy naging anak ko sa pananampalataya rito sa bilangguan. 11 Datiʼy wala siyang pakinabang sa iyo, ngunit ngayoʼy kapaki-pakinabang na siya sa ating dalawa.
12 Pinababalik ko na sa iyo ang minamahal kong si Onesimus. 13 Gusto ko sanang dito na muna siya upang sa pamamagitan niya, makakatulong ka sa akin habang nakabilanggo ako dahil sa aking pagpapahayag ng Magandang Balita. 14 Ngunit ayaw ko itong gawin nang wala kang pahintulot, upang maging kusang-loob ang iyong pagtulong at hindi sapilitan.
15 Marahil nahiwalay siya sa iyo nang saglit upang sa kanyang pagbabalik ay hindi na kayo magkahiwalay pang muli. 16 Kahit na alipin mo siya, isa na rin siyang minamahal na kapatid. Napamahal siya sa akin, at lalo na sa iyo, ngayong hindi mo lang siya alipin kundi kapatid pa sa Panginoon.
17 Kaya kung itinuturing mo akong kamanggagawa[d] sa Panginoon, tanggapin mo siya na parang ako ang iyong tinatanggap. 18 Kung siya man ay nagkasala o nagkautang sa iyo, ako na lamang ang singilin mo. 19 Ako mismo, si Pablo, ang sumulat nito: Ako ang magbabayad sa anumang pagkakautang niya sa iyo. Kahit na kung tutuusin ay utang mo sa akin ang iyong pagkakilala kay Cristo. 20 Kaya kapatid, pagbigyan mo sana ang aking kahilingan alang-alang sa Panginoon. Paligayahin mo ang puso ko bilang kapatid kay Cristo. 21 Sumulat ako dahil malaki ang tiwala kong pagbibigyan mo ang aking kahilingan, at alam kong higit pa roon ang iyong gagawin.
Ang Pagsunod sa Panginoon(A)
25 Maraming tao ang sumunod kay Jesus sa paglalakbay niya papuntang Jerusalem. Lumingon siya at sinabi sa kanila, 26 “Ang sinumang nais sumunod sa akin, pero mas mahalaga sa kanya ang kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid at maging ang kanyang sarili ay hindi maaaring maging tagasunod ko. 27 Ang sinumang ayaw sumunod sa akin dahil natatakot siyang mamatay para sa akin[a] ay hindi maaaring maging tagasunod ko. 28 Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay katulad ng isang tao na nagbabalak magtayo ng isang tore. Una, iisipin muna niya kung magkano ang magagastos niya sa pagpapatayo at kung may sapat siyang perang gagastusin hanggang sa matapos ito. 29 Sapagkat kung hindi niya ito gagawin, baka hanggang pundasyon lang ang maipagawa niya at hindi na maipatapos. Kaya pagtatawanan siya ng makakakita nito. 30 Sasabihin nila, ‘Nagpatayo ng bahay ang taong ito pero hindi nakayang ipatapos.’ 31 Katulad din ng isang hari na gustong makipagdigma sa kanyang kapwa hari. Dapat isipin muna niya kung makakayanan ng 10,000 sundalo niya ang 20,000 sundalo ng kanyang kaaway. 32 At kung sa palagay niyaʼy hindi niya kaya, magpapadala na lang siya ng mga sugo para makipagkasundo bago dumating ang kanyang kaaway. 33 Ganyan din ang gawin ninyo. Isipin muna ninyong mabuti ang pagsunod sa akin, dahil kung hindi ninyo magagawang talikuran ang lahat ng nasa inyo ay hindi kayo maaaring maging tagasunod ko.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®