Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 73

Ang Makatarungang Hatol ng Dios

73 Tunay na mabuti ang Dios sa Israel,
    lalo na sa mga taong malilinis ang puso.
Ngunit ako, halos mawalan na ako ng pananampalataya.
Nainggit ako nang makita ko na ang mayayabang at masasama ay umuunlad.
Malulusog ang kanilang mga katawan
    at hindi sila nahihirapan.
Hindi sila naghihirap at nababagabag na tulad ng iba.
Kaya ipinapakita nila ang kanilang kayabangan at kalupitan.[a]
Ang kanilang puso ay puno ng kasamaan,
    at ang laging iniisip ay paggawa ng masama.
Kinukutya nila at pinagsasabihan ng masama ang iba.
    Mayayabang sila at nagbabantang manakit.
Nagsasalita sila ng masama laban sa Dios at sa mga tao.
10 Kaya kahit na ang mga mamamayan ng Dios ay lumilingon sa kanila at pinaniniwalaan ang mga sinasabi nila.
11 Sinasabi nila, “Paano malalaman ng Dios?
    Walang alam ang Kataas-taasang Dios.”

12 Ganito ang buhay ng masasama:
    wala nang problema, yumayaman pa.
13 Bakit ganoon? Wala bang kabuluhan ang malinis kong pamumuhay at paglayo sa kasalanan?
14 Nagdurusa ako buong araw.
    Bawat umaga akoʼy inyong pinarurusahan.
15 Kung sasabihin ko rin ang sinabi nila,
    para na rin akong nagtraydor sa inyong mga mamamayan.
16 Kaya sinikap kong unawain ang mga bagay na ito,
    ngunit napakahirap.
17 Pero nang pumunta ako sa inyong templo,
    doon ko naunawaan ang kahihinatnan ng masama.
18 Tunay na inilalagay nʼyo sila sa madulas na daan,
    at ibinabagsak sa kapahamakan.
19 Bigla silang mapapahamak;
    mamamatay silang lahat at nakakatakot ang kanilang kahahantungan.
20 Para silang isang panaginip na pagsapit ng umaga ay wala na.
    Makakalimutan na sila kapag pinarusahan nʼyo na.

21 Nang nasaktan ang aking damdamin at nagtanim ako ng sama ng loob,
22 para akong naging hayop sa inyong paningin,
    mangmang at hindi nakakaunawa.
23 Ngunit patuloy akong lumapit sa inyo at inakay nʼyo ako.
24 Ginagabayan ako ng inyong mga payo,
    at pagkatapos ay tatanggapin nʼyo ako bilang isang pangunahing pandangal.
25 Walang sinuman sa langit ang kailangan ko kundi kayo lamang.
    At walang sinuman sa mundo ang hinahangad ko maliban sa inyo.
26 Manghina man ang aking katawan at isipan, kayo, O Dios, ang aking kalakasan.
    Kayo lang ang kailangan ko magpakailanman.
27 Ang mga taong lumalayo sa inyo ay tiyak na mapapahamak.
    Ang mga nagtaksil sa inyo ay lilipuling lahat.
28 Ngunit ako, minabuti kong maging malapit sa Dios.
    Kayo, Panginoong Dios, ang pinili kong kanlungan,
    upang maihayag ko ang lahat ng inyong mga ginawa.

Jonas 3

Pumunta si Jonas sa Nineve

Muling nagsalita ang Panginoon kay Jonas. Sinabi niya, “Pumunta ka agad sa Nineve, ang malaking lungsod, at sabihin mo sa mga taga-roon ang ipinapasabi ko sa iyo.” Pumunta agad si Jonas sa Nineve ayon sa sinabi ng Panginoon. Malaking lungsod ang Nineve; aabutin ng tatlong araw kung ito ay lalakarin.

Pumasok si Jonas sa Nineve. Pagkatapos ng maghapong paglalakad, sinabi niya sa mga taga-roon, “May 40 araw na lamang ang natitira at wawasakin na ang Nineve.”

Naniwala ang mga taga-roon sa pahayag na ito mula sa Dios. Kaya lahat sila, mula sa pinakadakila hanggang sa pinakaaba ay nagsuot ng damit na panluksa[a] at nag-ayuno upang ipakita ang kanilang pagsisisi. Sapagkat nang mapakinggan ng hari ang mensahe ni Jonas, tumayo siya mula sa kanyang trono, inalis ang kanyang balabal, nagsuot ng damit na panluksa at naupo sa lupa upang ipakita ang kanyang pagsisisi. At nagpalabas siya ng isang proklamasyon sa Nineve na nagsasabi, “Ayon sa utos ng hari at ng kanyang mga pinuno, walang sinumang kakain at iinom, kahit ang inyong mga baka, tupa o kambing. Magsuot kayong lahat ng damit na panluksa pati na ang inyong mga hayop, at taimtim na manalangin sa Dios. Talikdan ninyo ang masamang pamumuhay at pagmamalupit. Baka sakaling magbago ang isip ng Dios at mawala ang kanyang galit sa atin at hindi na niya tayo lipulin.”

10 Nakita ng Dios ang kanilang ginawa, kung paano nila tinalikuran ang kanilang masamang pamumuhay. Kaya nagbago ang kanyang isip, at hindi na niya nilipol ang mga taga-Nineve gaya ng kanyang sinabi noon.

2 Pedro 3:8-13

Ngunit huwag sana ninyong kakalimutan mga minamahal, na sa Panginoon, walang pinagkaiba ang isang araw sa isang libong taon. Para sa kanya ang mga ito ay pareho lang. Hindi nagpapabaya ang Panginoon sa pagtupad sa pangako niya, gaya ng inaakala ng ilan. Ang totoo, binibigyan lang niya ng pagkakataong magsisi ang lahat sa mga kasalanan nila, dahil ayaw niyang mapahamak ang sinuman. 10 Ang araw ng Panginoon ay darating na tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, biglang mawawala ang kalangitan na may nakakapangilabot na ugong. Masusunog ang lupa[a], at mawawala ang lahat ng nasa lupa. 11 Kung ganito ang magiging kahihinatnan ng lahat, dapat kayong mamuhay nang banal at makadios, 12 habang hinihintay nʼyo ang araw ng pagdating ng Dios at ginagawa ang makakayanan nʼyo para mapadali ang pagdating niya. Sa araw na ito, masusunog ang langit sa apoy at matutunaw ang lahat ng nasa lupa sa tindi ng init. 13 Ngunit ayon sa pangako niya, may maaasahan din tayong bagong langit at lupa na paghaharian ng katarungan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®