Old/New Testament
Sina Debora at Barak
4 Nang mamatay si Ehud, ang bayang Israel ay muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh. 2 Kaya, hinayaan ni Yahweh na masakop sila ni Jabin, isang Cananeo na hari ng Hazor. Si Sisera na taga-Haroset Hagoyim ang pinuno ng kanyang hukbo. 3 Si Jabin ay may siyamnaraang karwaheng bakal. Pinagmalupitan at inapi niya ang Israel sa loob ng dalawampung taon. Kaya't humingi ng tulong kay Yahweh ang mga Israelita.
4 Noon, ang babaing propeta na si Debora, asawa ni Lapidot, ay nagsisilbing hukom ng Israel. 5 Nakaugalian na niyang maupo sa ilalim ng puno ng palmera sa kaburulan ng Efraim, sa pagitan ng Rama at Bethel. Pinupuntahan siya rito ng mga tao upang magpasya sa kanilang mga usapin. 6 Isang araw, ipinatawag niya si Barak na anak ni Abinoam na taga-Kades, mula sa lipi ni Neftali. Sinabi niya rito, “Ipinag-uutos sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na pumili ka ng sampung libong kawal mula sa lipi nina Neftali at Zebulun. Isama mo sila sa Bundok ng Tabor. 7 Lalabanan ninyo sa may Ilog Kison ang pangkat ni Sisera, ang pinuno ng hukbo ni Jabin. Ngunit pagtatagumpayin kita laban sa kanya.”
8 Sumagot si Barak, “Pupunta ako kung kasama ka. Ngunit kung hindi ka sasama, hindi ako pupunta.”
9 Sinabi ni Debora, “Kung gayon, sasama ako, ngunit wala kang makukuhang karangalan sapagkat si Sisera ay ibibigay ni Yahweh sa kamay ng isang babae.” Sumama nga si Debora kay Barak. 10 Nanawagan si Barak sa lipi nina Neftali at Zebulun, at sampung libong kalalakihan ang sumunod sa kanya. Sumama rin sa kanya si Debora.
11 Samantala, si Heber na isang Cineo ay lumayo sa mga kapwa niya Cineo. Ang mga Cineo ay buhat sa angkan ni Hobab na kamag-anak ng asawa ni Moises. Nagtayo si Heber ng tolda malapit sa kagubatan ng Zaananim, malapit sa Kades.
12 May nakapagsabi kay Sisera na si Barak ay pumunta sa Bundok Tabor. 13 Kaya, tinipon niya ang kanyang siyamnaraang karwaheng bakal at ang lahat ng kanyang kawal mula sa Haroset Hagoyim patungo sa Ilog Kison. 14 Sinabi ni Debora kay Barak, “Lusob! Ngayon ang araw na itinakda ni Yahweh upang gapiin mo si Sisera. Pangungunahan ka ni Yahweh!” Pumunta nga sa Bundok Tabor si Barak at ang sampung libong kawal niya. 15 Nang sumalakay sina Barak, nilito ni Yahweh sina Sisera. Nagkanya-kanyang takbuhan ang mga kawal nito. Si Sisera naman ay bumabâ sa kanyang karwahe at patakbong tumakas. 16 Hinabol nina Barak ang mga karwahe ni Sisera hanggang sa Haroset Hagoyim at pinatay nila ang lahat ng mga tauhan nito. Wala silang itinirang buháy.
17 Samantala, nakatakas si Sisera at nagtago sa tolda ni Jael na asawa ng Cineong si Heber, sapagkat magkaibigan si Haring Jabin ng Hazor at ang sambahayan ni Heber. 18 Nang makita ni Jael na papalapit si Sisera, sinabi niya, “Tuloy po kayo sa aking tolda at huwag kayong matakot.” Pumasok nga si Sisera at siya'y pinatago ni Jael sa likod ng tabing.[a] 19 Sinabi ni Sisera kay Jael, “Nauuhaw ako. Maaari mo ba akong bigyan ng tubig na maiinom?” Ang babae ay kumuha ng sisidlang-balat na puno ng gatas. Pinainom niya si Sisera, saka pinatagong muli.
20 Sinabi ni Sisera, “Diyan ka muna sa may pintuan ng tolda. Kapag may nagtanong kung may tao rito, sabihin mong wala.”
21 Dahil sa matinding pagod, nakatulog nang mahimbing si Sisera. Si Jael naman ay kumuha ng maso at tulos ng tolda. Dahan-dahan siyang lumapit kay Sisera at pinukpok ang tulos sa noo nito hanggang sa bumaon sa lupa. Sa gayon, namatay si Sisera. 22 Nang dumating si Barak na naghahanap kay Sisera, sinabi niya, “Narito ang hinahanap ninyo.” Pagpasok ni Barak, nakita niyang patay na si Sisera. Nakabulagta ito at nakabaon pa sa noo ang tulos.
23 Nang araw na iyon, pinagtagumpay ng Diyos ang bayang Israel laban kay Jabin, ang haring Cananeo. 24 Patuloy nila itong ginipit hanggang sa lubusang matalo.
Ang Awit nina Debora at Barak
5 Nang araw na iyon, ang awit na ito'y inawit ni Debora at ni Barak na anak ni Abinoam:
2 “Purihin si Yahweh!
Ang mga Israelita'y buong giting na lumaban;
nagkusang-loob ang taong-bayan.
3 “Mga pinuno at mga hari, inyong dinggin,
ako'y aawit kay Yahweh, sa Diyos ng Israel!
4 “Nang sa bundok ng Seir, Yahweh, ikaw ay lumisan,
at nang ang lupain ng Edom ay iyong iniwan,
nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan,
tubig ng mga ulap sa kalangitan.
5 Nayanig(A) ang mga bundok sa harapan ni Yahweh, na nasa Zion,
sa harapan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.
6 “Nang panahon ni Shamgar, anak ni Anat,
gayundin naman nang panahon ni Jael,
ang mga manlalakbay ay lumilihis sa daan,
tumigil ang mga tao sa pangangalakal.
7 Noo'y iniwan na ang mga nayon sa Israel,
ngunit nang dumating ka, Debora,
sa Israel ika'y naging isang ina.
8 Pumipili sila ng mga bagong diyus-diyosan,
kaya't ang digmaa'y nasa mga pintuang-bayan.
Sa apatnapung libong Israel na lumaban,
mayroon bang nagdala ng sibat at kalasag man lang?
9 Ang pagmamalasakit ng puso ko'y sa mga pinunong Israelita,
na kusang nag-alay ng sariling buhay nila.
Purihin si Yahweh!
10 “Umawit kayo[b] habang sakay ng mapuputing asno,
habang maiinam na latag ang inuupuan ninyo
at kayong mga naglalakad saanman patungo.
11 Sabay sa himig ng mga pastol sa tabing balon
kung saan sinasaysay ang tagumpay ni Yahweh,
mga tagumpay ng Israel sa kanyang mga nayon.
Sa pintuan ng lunsod pumasok sila roon.
12 “Gumising ka, Debora, at ikaw ay tumayo!
Gumising ka't bumangon, umawit ng isang himig.
Barak, anak ni Abinoam,
kumilos ka't dalhin mong bihag ang mga kalaban.
13 Kumilos na ang mga dakila ng bayan;
alang-alang kay Yahweh malakas man ay lalabanan!
14 Sumalakay sa libis[c] ang hukbo ni Efraim,
kasunod sa paglusob ang lipi ni Benjamin.
Mga pinuno ng Maquir sa digmaa'y dumating,
gayundin ang mga pinuno na sa Zebulun nanggaling.
15 Ang mga pinuno ng Isacar sumama kay Debora,
gayundin kay Barak na tagapanguna,
at hanggang sa libis sumunod sa kanya.
Ngunit ang lipi ni Ruben ay di makapagpasya,
di nila malaman kung sila ay sasama.
16 Bakit ayaw ninyong iwan ang pastulan?
Hindi n'yo ba maiwan ang inyong mga kawan?
Ang lipi nga ni Ruben, sa pagpapasya'y nahirapan.
17 Ang Gilead ay nanatili sa silangan ng Jordan,
ang mga barko'y hindi iniwan ng lipi ni Dan.
Ang lipi ni Asher, sa tabing-dagat nagpaiwan,
sila'y nanatili sa mga daungan.
18 Itinaya ng Zebulun ang kanyang buhay,
gayundin ang Neftali na humarap sa digmaan.
19 “Ang mga hari'y dumating doon sa labanan,
silang mga hari ng lupang Canaan,
sa mga batis ng Megido doon sa Taanac,
ngunit wala silang nasamsam na pilak.
20 Pati mga bituin ay nakipaglaban,
nilabanan si Sisera buhat sa kalangitan.
21 At sa kanilang pagtawid sa ilog ng Kison,
tinangay sila ng agos, nilamon ng mga alon.
Gayunman kaluluwa ko, tumatag ka't magpatuloy!
22 Sa bilis ng takbo ang yabag ay walang humpay,
kabayong matutulin sila ang nakasakay.
23 “Sumpain ang Meroz,” sabi ng anghel ni Yahweh.
“Sumpain nang labis ang naninirahan doon,
sapagkat hindi sila humarap at tumulong sa labanan,
nang digmain ni Yahweh ang mga kalaban.
24 “Higit ngang pinagpala ang babaing si Jael,
ang asawa ng Cineong si Heber,
sa lahat ng babaing nakatira sa mga tolda, higit na pagpapala nakalaan sa kanya.
25 Si Sisera'y humingi ng tubig na inumin, ngunit gatas ang ibinigay ni Jael;
malinamnam na gatas sa sisidlang mamahalin.
26 At habang ang tulos ng tolda'y hawak ng kaliwang kamay,
sa kanan nama'y hawak ang maso ng panday,
ibaon ang tulos sa sentido ni Sisera,
nabasag at nadurog ang ulo niya.
27 Sa paanan ni Jael, si Sisera'y nahandusay,
sa kanyang paana'y bumagsak at namatay.
28 “Itong ina ni Sisera ay naroon sa bintana,
naiinip, hindi mapakali, nagtatanong na may luha,
‘Bakit kaya hanggang ngayon ang anak ko'y wala pa,
kabayo at karwahe niya'y masyadong naaantala?’
29 Mga babaing tagapayo ay tumugon sa kanya;
at sa kanyang tanong ito rin ang sagot niya:
30 ‘Nagtatagal marahil siya sa paghanap ng samsam nila,
para sa isang kawal, isang babae o dalawa,
mamahaling kasuotan para sa kanyang ina,
at magarang damit naman para sa kanya.’
31 “Ganyan nawa malipol ang iyong mga kalaban, O Yahweh,
maging tulad naman ng sumisikat na araw ang iyong mga kaibigan.”
At nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng apatnapung taon.
Si Gideon
6 Muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh ang mga Israelita, kaya sila'y hinayaan niyang masakop ng mga Midianita sa loob ng pitong taon. 2 Higit na makapangyarihan ang mga Midianita kaysa sa mga Israelita. Kaya't ang mga Israelita ay nagsipagtago sa mga kuweba at sa mga kabundukan. 3 Tuwing magtatanim ang mga Israelita sa kanilang mga bukirin, sinasalakay sila ng mga Midianita, Amalekita, at iba pang mga lipi galing sa disyerto. 4 Nagkakampo ang mga ito sa lupain at sinisira ang mga pananim doon hanggang sa may Gaza. Wala silang itinitirang anuman na maaaring pakinabangan ng mga Israelita sapagkat kinukuha nilang lahat pati ang mga tupa, baka at asno. 5 Dumarating silang parang makapal na balang kasama ang kanilang mga baka, tolda at mga kamelyong hindi mabilang sa dami, at sinisira ang lupain. 6 Walang magawâ ang mga Israelita, kaya humingi sila ng tulong kay Yahweh.
7 Nang marinig ni Yahweh ang pagdaing ng mga Israelita dahil sa pagpapahirap ng mga Midianita, 8 sila'y pinadalhan niya ng propeta at ipinasabi ang ganito: “Inilabas ko kayo sa Egipto. 9 Iniligtas ko kayo sa kanilang pang-aalipin, at sa lahat ng inyong kaaway. Natalo ninyo sila at ibinigay sa inyo ang kanilang lupain. 10 Sinabi ko na sa inyo na ako si Yahweh na inyong Diyos at hindi kayo dapat sumamba sa mga diyos ng mga Amoreo, sa lupaing inyong tinitirhan ngayon. Ngunit hindi kayo nakinig sa akin.”
11 Dumating sa Ofra ang anghel ni Yahweh at naupo sa ilalim ng malaking puno na pag-aari ni Joas na buhat sa angkan ni Abiezer. Si Gideon na anak ni Joas ay kasalukuyang gumigiik noon ng trigo sa pisaan ng ubas. Patago ang kanyang paggiik upang hindi siya makita ng mga Midianita. 12 Nagpakita sa kanya ang anghel ni Yahweh at sinabi sa kanya, “Sumasaiyo si Yahweh, magiting na lalaki.”
13 Sumagot si Gideon, “Mawalang-galang na po. Kung talagang kasama namin si Yahweh, bakit ganito ang nangyayari sa amin? Nasaan na ngayon ang mga kababalaghang ginawa niya noon gaya ng ikinuwento sa amin ng aming mga ninuno, kung paanong sila'y iniligtas niya sa Egipto? Pinabayaan na kami ni Yahweh sa kamay ng mga Midianita.”
14 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Lumakad ka at gamitin mo ang buong lakas mo upang iligtas ang Israel mula sa mga Midianita. Ako mismo ang nagsusugo sa iyo.”
15 Sumagot si Gideon, “Ngunit Panginoon, paano ko maililigtas ang Israel? Ang aming angkan ang pinakamahina sa lipi ni Manases, at ako naman ang pinakahamak sa pamilya namin.”
16 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Makakaya mo ito sapagkat tutulungan kita. Matatalo mo ang mga Midianitang ito na para ka lang lumaban sa isang tao.”
17 Sumagot si Gideon, “Kung ako po ay talagang kalugud-lugod sa inyo, bigyan ninyo ako ng palatandaang kayo nga ang nag-uutos sa akin. 18 Huwag po muna kayong umalis at hahainan ko kayo ng pagkaing handog.”
“Hihintayin kita,” sagot ni Yahweh.
19 Umuwi nga si Gideon at nagluto ng isang batang kambing at gumawa ng tinapay na walang pampaalsa mula sa limang salop na harina. Pagkaluto, inilagay niya ang karne sa basket at ang sabaw sa isang palayok. Inihain niya ito sa anghel ni Yahweh sa ilalim ng malaking puno. 20 Sinabi sa kanya ng anghel, “Ipatong mo sa malaking batong ito ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, buhusan mo ng sabaw.” Iyon nga ang ginawa ni Gideon. 21 Ang karne at ang tinapay ay hinawakan ng anghel ni Yahweh sa pamamagitan ng tungkod. May lumabas na apoy mula sa bato at nasunog ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, ang anghel ni Yahweh ay nawala sa kanyang paningin.
22 Saka pa lamang naunawaan ni Gideon na anghel nga ni Yahweh ang nakausap niya. Dahil dito, kinilabutan siya sa takot at sinabi, “Panginoong Yahweh, tulungan mo po ako! Harap-harapan kong nakita ang iyong anghel!”
23 Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, “Huminahon ka. Huwag kang matakot. Hindi ka mamamatay.”
24 At si Gideon ay nagtayo roon ng isang altar para kay Yahweh na tinawag niyang, “Si Yahweh ay Kapayapaan.” (Hanggang ngayon ay naroon pa sa Ofra ang altar, sa lugar na sakop ng angkan ni Abiezer.)
Sinira ni Gideon ang Altar ni Baal
25 Kinagabihan, sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Kunin mo ang toro ng iyong ama, at isa pang toro na pitong taóng gulang. Gibain mo ang altar ni Baal na ipinagawa ng iyong ama at putulin mo ang rebulto ni Ashera sa tabi nito. 26 Pagkatapos, magpatung-patong ka ng mga bato sa ibabaw ng burol na ito bilang altar para kay Yahweh na iyong Diyos. Pagputul-putulin mo ang rebulto ni Ashera at gawin mong panggatong sa ibabaw ng altar. Ialay mo roon ang pangalawang toro ng iyong ama bilang handog na sinusunog.” 27 Kaya't isinama ni Gideon ang sampu sa kanyang mga tagapaglingkod at ginawa ang sinabi sa kanya ni Yahweh. Gabi nang gawin niya ito sapagkat natatakot siya sa kanyang pamilya at sa mga taong-bayan.
28 Kinabukasan ng madaling-araw, nakita na lamang ng mga tao na wasak na ang altar ni Baal at putul-putol na ang rebulto ni Ashera na ipinanggatong sa pangalawang toro na sinunog sa altar na itinayo roon. 29 Nagtanungan sila, “Sino kaya ang may kagagawan nito?” Nagsiyasat sila at nalaman nilang si Gideon na anak ni Joas ang may kagagawan niyon. 30 Sinabi ng mga taong-bayan kay Joas, “Ilabas mo rito ang anak mo at papatayin namin. Giniba niya ang altar ni Baal at pinagputul-putol ang rebulto ni Ashera sa tabi ng altar.”
31 Sumagot si Joas, “Ipinaglalaban ba ninyo si Baal? Ipinagtatanggol n'yo ba siya? Sinumang makipaglaban para sa kanya ay papatayin bago mag-umaga. Kung siya'y talagang diyos, hayaan ninyong ipagtanggol niya ang kanyang sarili. Di ba't kanyang altar ang giniba?” 32 Mula noon, si Gideon ay tinaguriang Jerubaal[d] dahil sa sinabi ni Joas na, “Hayaan ninyong ipagtanggol ni Baal ang kanyang sarili. Hindi ba't sa kanya naman ang altar na giniba?”
33 Ang mga Midianita, Amalekita, at iba pang mga lipi sa silangan ay sama-samang tumawid sa Ilog Jordan at nagkampo sa Libis ng Jezreel. 34 Lumukob kay Gideon ang Espiritu[e] ni Yahweh; hinipan niya ang trumpeta bilang hudyat na sumunod sa kanya ang mga kalalakihan ng angkan ni Abiezer. 35 Nagpadala siya ng mga sugo sa buong nasasakupan ng mga lipi nina Manases, Asher, Zebulun at Neftali upang makiisa sa kanya ang mga liping ito. Nagpasya namang sumama ang mga ito kay Gideon.
Humingi ng Palatandaan si Gideon
36 Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Sinabi ninyo sa akin na ako ang gagamitin ninyo upang iligtas ang Israel. 37 Dahil dito, maglalatag ako ng isang lana sa giikan ng trigo. Kapag nabasa ito ng hamog ngunit tuyo ang paligid, ako nga ang gagamitin ninyo upang iligtas ang Israel.” 38 Ganoon nga ang ginawa ni Gideon. Kinabukasan ng umaga, kinuha niya ang lanang inilatag sa giikan, at nang pigain niya ito, napuno niya ng tubig ang isang mangkok. 39 Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Huwag po kayong magagalit sa akin. Mayroon pa po akong isang hihilingin. Nais ko pong matuyo naman itong lana at mabasa ng hamog ang lupa sa paligid.” 40 Kinagabihan, ginawa nga iyon ng Diyos. Tuyo ang lana ngunit basa ng hamog ang lupa sa paligid nito.
Ang Lalaking Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)
31 Mula roon, si Jesus ay nagpunta sa Capernaum sa Galilea at nagturo sa mga tao nang Araw ng Pamamahinga. 32 Namangha(B) sila sa kanyang pagtuturo sapagkat may kapangyarihan ang kanyang pananalita. 33 May isang lalaki noon sa sinagoga na sinasapian ng masamang espiritu. Sumigaw ito nang malakas, 34 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”
35 Subalit sinaway siya ni Jesus, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa taong iyan!” At nang mailugmok ang lalaki sa kanilang kalagitnaan, lumabas ang demonyo sa kanya nang hindi siya sinasaktan.
36 Namangha ang lahat ng nakasaksi kaya't nasabi nila sa isa't isa, “Ano ito? Makapangyarihan at mabisa ang kanyang salita! Nauutusan niyang lumayas ang masasamang espiritu, at lumalayas naman sila!” 37 At kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon.
Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao(C)
38 Si Jesus ay umalis sa sinagoga at nagpunta sa bahay ni Simon. Nagkataong ang biyenan ni Simon ay may mataas na lagnat kaya't nakiusap sila kay Jesus na ito'y pagalingin. 39 Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na mawala ang lagnat, at ito'y nawala nga. Kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila.
40 Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng mga kasamahan nilang maysakit, anuman ang karamdaman ng mga ito. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa bawat isa, at silang lahat ay gumaling. 41 Lumabas sa marami ang mga demonyo, na sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila na siya ang Cristo.
Nangaral si Jesus sa Judea(D)
42 Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag muna siyang umalis. 43 Subalit sinabi niya, “Dapat ko ring ipangaral sa ibang mga bayan ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, sapagkat ito ang dahilan kaya ako isinugo.” 44 At nagpatuloy siya ng pangangaral sa mga sinagoga sa buong Judea.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.