Old/New Testament
25 “Kapag may usaping iniharap sa hukuman, at napawalang-sala ang walang kasalanan at nahatulan ang may sala, 2 at kung ang angkop na parusa ay hagupit, padadapain ng hukom ang may sala, at hahagupitin ayon sa bigat ng kanyang kasalanan. 3 Apatnapu(A) ang pinakamaraming hagupit na maaaring ibigay sa may sala; ang higit dito ay paghamak na sa kanyang pagkatao.
4 “Huwag(B) ninyong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.
Ang Pag-aasawang Muli ng Isang Biyuda
5 “Kung(C) may dalawang magkapatid na naninirahan sa parehong bahay at mamatay na walang anak ang isang lalaking may asawa, ang nabiyuda niya ay hindi maaaring mag-asawa sa iba; dapat siyang pakasalan ng kapatid ng namatay at ito ang tutupad sa tungkulin ng kapatid na namatay. 6 Ang kanilang unang anak na lalaki ay isusunod sa pangalan ng namatay upang hindi mawala sa Israel ang pangalan nito. 7 Kung(D) (E) ayaw ng kapatid ng namatay na pakasalan ang balo, dudulog ito sa matatandang namumuno sa bayan. Sasabihin ng nabiyuda, ‘Ayaw ng lalaking ito na panatilihin ang pangalan ng kanyang kapatid. Ayaw niyang gampanan ang kanyang tungkulin para sa kanyang kapatid.’ 8 Kung magkagayon, ang kapatid ng yumao ay ipapatawag ng matatandang pinuno at pagsasabihan. Kapag ayaw pa rin niya, 9 lalapitan siya ng biyuda, hahablutin ang sandalyas nito saka duduraan sa mukha, at sasabihing, ‘Ganyan ang bagay sa taong tumatangging panatilihin ang pangalan ng kanyang kapatid.’ 10 At ang sambahayan ng lalaking ito'y makikilala sa buong Israel sa tawag na, Ang Sambahayan ng Lalaking Hinubaran ng Sandalyas.
Iba Pang Tuntunin
11 “Kapag may dalawang lalaking nag-aaway at ang asawa ng isa ay lumapit upang tulungan ang kanyang asawa at dinaklot ang ari ng kalaban, 12 puputulin ang kamay ng babaing iyon; hindi siya dapat kaawaan.
13 “Huwag kayong gagamit ng dalawang uri ng pabigat sa timbangan, isang mabigat at isang magaan. 14 Huwag din kayong gagamit ng dalawang uri ng takalan, isang malaki at isang maliit. 15 Ang tamang pabigat ang gagamitin ninyo sa timbangan, at ang gagamiting takalan ay iyong husto sa sukat upang mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. 16 Lahat ng mandaraya ay kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos.
Ang Paglipol sa Lahi ni Amalek
17 “Huwag(F) ninyong kalilimutan ang ginawa ng mga Amalekita sa inyo nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto. 18 Wala silang takot sa Diyos. Sinalakay nila kayo nang kayo'y lupaypay sa hirap, at pinuksa ang mga kasamahan ninyo sa hulihan. 19 Kapag nalupig na ninyo ang lahat ng inyong mga kaaway at panatag na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos, ubusin ninyo ang lahi ng mga Amalekita roon. Huwag ninyo itong kalilimutan.
Ang mga Tuntunin tungkol sa Unang Bunga at Ikasampung Bahagi ng mga Ani
26 “Kapag nasakop na ninyo ang lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, at matiwasay na kayong naninirahan doon, 2 kumuha(G) kayo ng unang bunga ng inyong mga pananim. Ilagay ninyo iyon sa isang basket at dalhin sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Yahweh na kung saan ay sasambahin ang kanyang pangalan. 3 Haharap kayo sa paring nakatalaga roon at inyong sasabihin, ‘Kinikilala ko ngayon sa harap ni Yahweh na ako'y nakarating na sa lupaing ipinangako niya sa aming mga ninuno.’
4 “Kukunin naman ng pari ang basket at ilalagay sa harap ng altar. 5 Pagkatapos ay bibigkasin ninyo ang mga salitang ito sa harapan ni Yahweh:
‘Isang pagala-galang Arameo ang aking ninuno. Dinala niya ang kanyang pamilya sa Egipto upang manirahan doon. Kakaunti lamang sila nang magpunta doon, ngunit sila'y dumami nang dumami at naging isang malaki at makapangyarihang bansa. 6 Pinagmalupitan kami at inalipin ng mga Egipcio. 7 Kaya't humingi kami ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng aming mga ninuno. Dininig niya kami at nakita niya ang aming pagdurusa, kahirapan at kaapihang dinaranas. 8 Inilabas kami ni Yahweh mula sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, ng mga kakila-kilabot na gawa at mga kababalaghan 9 at dinala sa lupaing ito na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. 10 Kaya, narito ngayon, Yahweh, ang unang bunga ng aming mga pananim sa lupaing ibinigay mo sa amin.’
“Pagkasabi noon, ilapag ninyo ang inyong dala sa harap ng altar, saka kayo luluhod upang sambahin si Yahweh. 11 Dahil sa kabutihan niya sa inyo, kayong lahat ay magdiriwang, kasama ang buong sambahayan, ang mga Levita, at ang mga nakikipamayan sa inyo.
12 “Sa(H) ikatlong taon, ibubukod ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani upang ibigay sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila, at sa mga balo upang sila'y may makain. Kapag nagawa na ito, 13 sasabihin ninyo kay Yahweh na inyong Diyos, ‘Naibukod ko na po ang bahaging nakalaan sa inyo, at naibigay ko na sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at balo, ayon sa utos ninyo sa akin. Hindi ko nilabag o kinaligtaan isa man sa inyong utos. 14 Hindi ko binawasan ang ikasampung bahagi kahit sa panahon ng kahirapan. Hindi ko ito inilabas sa aking bahay nang ako'y marumi. Hindi ko rin iniatang sa mga patay ang bahagi nito. Dininig ko ang inyong tinig, Yahweh, aking Diyos. Sinunod kong lahat ang iniutos ninyo sa amin. 15 Kaya nga, tingnan ninyo kami mula sa inyong banal na tahanan sa langit at pagpalain ninyo ang bayang Israel pati na ang lupaing ibinigay ninyo sa amin ayon sa pangako ninyo sa aming mga ninuno, ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.’
Bayang Nakalaan kay Yahweh
16 “Ngayon ay ibinigay nga sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh ang mga tuntuning ito; sundin ninyo ito nang buong puso't kaluluwa. 17 Ipinahayag ninyo ngayon na si Yahweh ang inyong Diyos, lalakad kayo ayon sa kanyang daan, susundin ang kanyang mga tuntunin at papakinggan ang kanyang tinig. 18 Ipinahayag(I) naman niya sa inyo na kayo ay kanyang bayang hinirang, tulad ng kanyang pangako, at dapat ninyong sundin ang kanyang mga tuntunin. 19 Pagpapalain niya kayo higit sa lahat ng bansang kanyang itinatag. Kayo ang bansang nakalaan sa kanya. At tulad ng kanyang pangako, kayo ay tatanggap ng papuri, katanyagan at karangalan.”
Ang Altar sa Bundok ng Ebal
27 Ganito naman ang bilin ni Moises, kasama ang matatandang namumuno sa sambayanan: “Sundin ninyong lahat ang kautusang ibinibigay ko sa inyo ngayon. 2 Pagkatawid(J) ninyo sa ibayo ng Jordan at papasok na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, maglagay kayo ng malalaking bato, at inyong palitadahan sa ibabaw. 3 At isusulat ninyo roon ang lahat ng mga batas na ito pagdating ninyo sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, ang lupaing ipinangako sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. 4 Ilagay ninyo iyon sa Bundok ng Ebal at palitadahan ninyo, tulad ng sinasabi ko ngayon. 5 Magtayo(K) kayo roon ng altar na bato para kay Yahweh na inyong Diyos. Mga batong hindi ginamitan ng paet ang inyong gamitin. 6 Mga batong hindi tinapyas ang gagamitin ninyo para sa altar at doon ninyo iaalay ang inyong mga handog na susunugin. 7 Dito rin ihahain ang handog na pangkapayapaan at sa harap nito kayo magsasalu-salo sa panahon ng inyong pasasalamat sa Diyos ninyong si Yahweh. 8 At sa ibabaw ng mga batong iyon, isusulat ninyo nang malinaw ang bawat salita ng kautusan ni Yahweh.”
9 Sinabi ni Moises at ng mga paring Levita, “Tumahimik kayo at makinig, bayang Israel. Mula ngayon, kayo na ang sambayanan ni Yahweh. 10 Kaya, sumunod kayo sa kanya at tuparin ang mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon.”
Ang mga Sumpa ng Hindi Pagsunod kay Yahweh
11 Nang araw ring iyon, ganito ang itinagubilin ni Moises sa buong Israel, 12 “Pagkatawid(L) ninyo ng Jordan, ang mga lipi nina Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose, at Benjamin ay tatayo sa tapat ng Bundok ng Gerizim upang bigkasin ang pagpapala. 13 Ang mga lipi naman nina Ruben, Gad, Asher, Zebulun, Dan, at Neftali ay tatayo sa tapat ng Bundok ng Ebal upang bigkasin ang mga sumpa. 14 Ganito naman ang isisigaw ng mga pari:
15 “‘Sumpain(M) ang sinumang gumawa ng anumang imahen upang sambahin kahit palihim, ito ay kasuklam-suklam kay Yahweh.’
“Ang buong bayan ay sasagot ng: ‘Amen.’
16 “‘Sumpain(N) ang sinumang hindi gumagalang sa kanyang ama at ina.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
17 “‘Sumpain(O) ang sinumang gumalaw sa palatandaan ng hangganan ng lupang pag-aari ng kanyang kapwa.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
18 “‘Sumpain(P) ang sinumang magligaw sa bulag.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
19 “‘Sumpain(Q) ang sinumang magkait ng katarungan sa mga dayuhan, ulila at biyuda.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
20 “‘Sumpain(R) ang sinumang nakikipagtalik sa ibang asawa ng kanyang ama, sapagkat inilalagay niya sa kahihiyan ang kanyang sariling ama.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
21 “‘Sumpain(S) ang sinumang makipagtalik sa anumang uri ng hayop.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
22 “‘Sumpain(T) ang sinumang sumiping sa kanyang kapatid na babae, kahit pa ito'y kapatid sa ama o sa ina.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
23 “‘Sumpain(U) ang sinumang sumiping sa kanyang biyenang babae.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
24 “‘Sumpain ang sinumang lihim na pumatay sa kanyang kapwa.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
25 “‘Sumpain ang sinumang nagpapabayad upang pumatay ng taong walang kasalanan.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
26 “‘Sumpain(V) ang sinumang hindi susunod sa mga utos na ito.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
Ipagkakaila ni Pedro si Jesus(A)
27 Sinabi(B) ni Jesus sa kanila, “Ako'y iiwan ninyong lahat, sapagkat sinasabi sa kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magkakawatak-watak ang mga tupa.’ 28 Ngunit(C) pagkatapos na ako'y muling buhayin, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”
29 Sumagot si Pedro, “Kahit na po kayo iwan ng lahat, hindi ko kayo iiwan.”
30 Sabi ni Jesus sa kanya, “Tandaan mo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok nang makalawa, tatlong beses mo akong ikakaila.”
31 Subalit lalong ipinagdiinan ni Pedro, “Kahit ako'y pataying kasama ninyo, hindi ko kayo ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat.
Ang Panalangin sa Getsemani(D)
32 Dumating sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Maupo muna kayo rito habang ako'y nananalangin.” 33 At isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. 34 Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko'y labis na nalulungkot at ako'y halos mamatay na! Maghintay kayo rito at magbantay.”
35 Lumayo siya nang kaunti, at pagkatapos ay nagpatirapa upang manalangin na kung maaari'y huwag nang sumapit sa kanya ang oras ng paghihirap. 36 Nanalangin siya, “Ama ko, Ama ko! Magagawa mo ang lahat ng bagay. Alisin mo sa akin ang paghihirap na ito, ngunit hindi ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang masunod.”
37 Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Natutulog ka ba, Simon? Hindi ka ba makapagbantay kahit isang oras man lamang? 38 Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”
39 Muling lumayo si Jesus upang manalangin at inulit niya ang kanyang kahilingan. 40 Nagbalik siyang muli sa kanyang mga alagad, at sila'y naratnan niyang natutulog dahil sila'y antok na antok. At hindi nila malaman kung ano ang kanilang isasagot sa kanya.
41 Sa ikatlo niyang pagbabalik ay sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at namamahinga? Tama na, sapagkat dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao'y ibigay sa kamay ng mga makasalanan. 42 Bumangon kayo! Narito na ang magkakanulo sa akin.”
Ang Pagdakip kay Jesus(E)
43 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may mga dalang tabak at pamalo. Sila'y isinugo ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng bayan. 44 Bago pa man dumating, nagbigay na si Judas ng isang hudyat, “Kung sino ang hahalikan ko, siya iyon. Dakpin ninyo siya at bantayang mabuti.”
45 Pagdating ni Judas, agad siyang lumapit kay Jesus. “Guro!” ang bati niya, at ito'y kanyang hinalikan. 46 Agad ngang sinunggaban at dinakip ng mga tao si Jesus. 47 Bumunot ng tabak ang isa sa mga nakatayo roon at tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon. 48 Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may dalang tabak at pamalo upang ako'y dakpin? 49 Araw-araw(F) akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit kailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan!”
50 Tumakas ang lahat ng mga alagad at iniwan siya.
51 Sinundan si Jesus ng isang binatang walang damit maliban sa balabal niyang lino. Sinunggaban ito ng mga tao 52 ngunit iniwan niya ang kanyang balabal at tumakas na hubad.
Si Jesus sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio(G)
53 Dinala nila si Jesus sa bahay ng pinakapunong pari na kung saan ay nagkakatipon na doon ang lahat ng mga punong pari, mga pinuno ng bayan at mga tagapagturo ng Kautusan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.