Old/New Testament
Ang mga Lipi sa Silangan ng Jordan(A)
32 Napakarami ng hayop ng mga lipi nina Ruben at Gad. Nang makita nila na mainam ang pastulan sa Jazer at sa Gilead, 2 pumunta sila kay Moises, kay Eleazar at sa mga pinuno ng Israel. Sinabi nila, 3 “Ang Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Sebma, Nebo at Beon, 4 mga lupaing nilupig ni Yahweh para sa Israel ay mainam na pastulan ng mga hayop. Kaming mga lingkod ninyo ay may mga bakahan. 5 Kung inyong mamarapatin, ito na po lamang ang ibigay ninyo sa amin. Huwag na po ninyo kaming patawirin sa kabila ng Jordan.”
6 Ngunit ganito ang sagot ni Moises sa lipi ni Ruben at ni Gad, “Hahayaan ba ninyong makipaglaban ang inyong mga kapatid samantalang kayo'y nagpapasarap dito? 7 Gusto ba ninyong panghinaan ng loob ang mga Israelita sa pagpunta sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh? 8 Ganyan din ang ginawa ng inyong mga magulang nang sila'y suguin ko upang tiktikan ang Kades-barnea. 9 Nang makaahon sila sa may kapatagan ng Escol at makita ang lupain, sinira nila ang loob ng mga Israelita. 10 Dahil(B) doon, nagalit sa kanila si Yahweh. Kaya't isinumpa niya 11 na dahil sa hindi nila pagsunod sa kanya nang buong puso, isa man sa mga nanggaling sa Egipto na may gulang na dalawampung taon pataas ay hindi makakapasok sa lupain na kanyang ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob. 12 Wala ngang nakarating doon liban kay Caleb na anak ni Jefune na mula sa angkan ng Cenizeo at kay Josue na anak ni Nun, sapagkat sila lamang ang buong pusong sumunod kay Yahweh. 13 Nagalit nga sa kanila si Yahweh, kaya sila'y ginawa niyang mga lagalag sa ilang sa loob ng apatnapung taon, hanggang mamatay na lahat ang mga gumawa ng masama sa kanyang paningin. 14 At ngayon, kayo naman ang pumalit sa inyong mga makasalanang magulang. Gusto ba ninyong tularan ang ginawa nila at lalo pang magalit si Yahweh sa Israel? 15 Kapag tumalikod kayo sa kanya, pababayaan niya sa ilang ang Israel. At kayo ang magiging dahilan ng pagkalipol ng bayang ito.”
16 Lumapit sila kay Moises at sinabi: “Igagawa lang muna namin ng kulungan ang aming mga hayop, at ng tirahan ang aming mga pamilya. 17 Kailangang bago namin sila iwan ay matiyak naming ligtas sila sa mga tagarito. Pagkatapos, makikipaglaban kaming kasama ng mga Israelita hanggang makarating sila sa lupaing titirhan nila. 18 Hindi kami uuwi hanggang hindi nila nakakamtan ang lupaing dapat mapunta sa kanila. 19 At hindi na kami makikihati sa lupang masasakop nila sa kabila ng Jordan sapagkat nakakuha na kami ng parte rito sa silangan ng Jordan.”
20 Sumagot si Moises, “Kung talagang gagawin ninyo iyan, ngayon mismo sa harapan ni Yahweh ay humanda na kayo sa pakikipaglaban. 21 Ang lahat ninyong mandirigma ay tatawid sa Jordan at sa pamumuno ni Yahweh ay sasalakayin nila ang mga kaaway hanggang malipol silang lahat ni Yahweh 22 at masakop ang buong lupain. Kapag nagampanan na ninyo ang inyong tungkulin sa kanya at sa buong Israel, makakauwi na kayo. Pagkatapos, tunay ngang ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lupaing ito na nasa silangan ng Jordan. 23 Ngunit kung hindi ninyo gagawin ang inyong sinabi, magkakasala kayo laban kay Yahweh. At ito ang tandaan ninyo: tiyak na pagbabayaran ninyo ang inyong kasalanan. 24 Sige, igawa na ninyo ng tirahan ang inyong mga pamilya at ng kulungan ang inyong mga tupa. Subalit huwag na huwag ninyong kalilimutan ang inyong pangako.”
25 Sinabi ng mga anak nina Gad at Ruben kay Moises, “Gagawin po namin ang ipinag-uutos ninyo sa amin. 26 Ang aming mga anak, asawa at mga hayop ay iiwan namin dito sa Gilead. 27 At kaming mga lingkod ninyo, lahat kaming maaaring makipaglaban ay tatawid ng Jordan sa pamumuno ni Yahweh at makikipaglaban gaya ng inyong ipinag-uutos.”
28 Kaya't(C) ipinagbilin ni Moises kay Eleazar, kay Josue, at sa mga pinuno ng mga angkan at mga lipi ng Israel, 29 “Kapag ang mga anak nina Gad at Ruben na handang makipaglaban sa ilalim ng pamumuno ni Yahweh ay tumawid ng Jordan at tumulong sa inyo sa pagsakop sa lupaing titirhan ninyo, ibigay ninyo sa kanila ang lupain ng Gilead. 30 Ngunit kapag hindi sila tumawid ng Jordan at hindi nakipaglabang kasama ninyo, sa Canaan din sila maninirahang kasama ninyo.”
31 Sinabi ng mga anak nina Gad at Ruben, “Gagawin po namin ang ipinag-uutos ni Yahweh. 32 Sa pamumuno niya'y tatawid kami ng Jordan at makikipaglaban upang manatiling sa amin ang lupaing nasa silangan ng Jordan.”
33 At ibinigay nga ni Moises sa mga lipi ni Gad, Ruben at sa kalahati ng lipi ni Manases ang mga kaharian ni Haring Sihon ng mga Amoreo, at Haring Og ng Bashan. 34 Itinayong muli ng lipi ni Gad ang Dibon, Atarot, Aroer, 35 Atarot-sofan, Jazer, Jogbeha, 36 Beth-nimra at Beth-haran. Ang mga lunsod na ito'y pinaligiran nila ng pader at nilagyan ng mga kulungan ng kanilang mga hayop. 37 Itinayo naman ng lipi ni Ruben ang Hesbon, Eleale, Kiryataim, 38 Nebo,(D) Baal-meon (ang mga ito'y pinalitan nila ng pangalan) at Sibma. Binigyan nila ng bagong pangalan ang mga lunsod na muli nilang itinayo.
39 Ang Gilead ay sinakop naman ng mga anak ni Maquir, buhat sa lipi ni Manases; itinaboy nila ang mga Amoreo rito. 40 Ang lugar na iyo'y ibinigay ni Moises sa kanila at doon sila nanirahan. 41 Ang mga nayon sa paligid ng Ham ay sinakop ni Jair na anak din ni Manases; tinawag niya itong “Mga Nayon ni Jair.” 42 Ang Kenat at ang sakop nito ay sinakop naman ni Noba na anak din ni Manases. Tinawag niya itong Noba, ayon sa kanyang pangalan.
Ang Paglalakbay ng Israel
33 Ito ang mga yugto ng paglalakbay ng Israel mula sa Egipto, ayon sa kani-kanilang pangkat, sa pangunguna nina Moises at Aaron. 2 Ayon sa utos ni Yahweh, itinala ni Moises ang bawat yugto ng kanilang paglalakbay buhat sa simula.
3 Umalis ang mga Israelita sa Rameses nang ika-15 araw ng unang buwan, kinabukasan ng Paskwa. Taas-noo silang umalis ng Egipto, kitang-kita ng mga Egipcio 4 habang ang mga ito'y abalang-abala sa paglilibing sa kanilang mga panganay na pinatay ni Yahweh. Ipinakita ni Yahweh na siya'y mas makapangyarihan kaysa mga diyos ng Egipto.
5 Mula sa Rameses, nagkampo sila sa Sucot. 6 Mula sa Sucot, nagkampo sila sa Etam, sa may gilid ng ilang. 7 Mula sa Etam, nagbalik sila sa Pi Hahirot, silangan ng Baal-zefon, at nagkampo sa tapat ng Migdol. 8 Pag-alis nila ng Pi Hahirot, tumawid sila ng dagat at nagtuloy sa ilang. Tatlong araw silang naglakbay sa ilang ng Etam saka nagkampo sa Mara. 9 Mula sa Mara nagtuloy sila ng Elim. Nakakita sila roon ng labindalawang bukal at pitumpung puno ng palmera, at nagkampo sila roon.
10 Mula sa Elim, nagkampo sila sa baybayin ng Dagat na Pula.[a] 11 Mula sa Dagat na Pula, nagkampo sila sa ilang ng Sin. 12 Mula sa ilang ng Sin, nagkampo sila sa Dofca. 13 Mula sa Dofca, nagtuloy sila ng Alus. 14 Mula sa Alus, nagkampo sila sa Refidim, isang lugar na walang maiinom na tubig.
15-37 Mula sa Refidim hanggang sa bundok ng Hor, sila ay nagkampo sa mga sumusunod na lugar: ilang ng Sinai, Kibrot-hataava, Hazerot, Ritma, Rimon-farez, Libna, Rissa, Ceelata, Bundok ng Sefer, Harada, Maquelot, Tahat, Tare, Mitca, Asmona, Moserot, Bene-yaacan, Hor-haguidgad, Jotbata, Abrona, Ezion-geber, ilang ng Zin na tinatawag na Kades, at sa Bundok ng Hor na nasa may hangganan ng lupain ng Edom.
38-39 Sa utos ni Yahweh, ang paring si Aaron ay umakyat sa Bundok ng Hor. Namatay siya roon sa gulang na 123 taon. Noo'y unang araw ng ikalimang buwan, ika-40 taon mula nang umalis sila sa Egipto.
40 Nabalitaan(E) ng hari ng Arad na naninirahan sa timog ng Canaan ang pagdating ng mga Israelita sa Bundok ng Hor.
41-49 Mula naman sa Bundok ng Hor hanggang sa kapatagan ng Moab, ang mga Israelita ay nagkampo sa mga sumusunod na lugar: Zalmona, Punon, Obot, Iye-Abarim na sakop ng Moab, Dibon-gad, Almondiblataim, kabundukan ng Abarim malapit sa Bundok ng Nebo, at sa kapatagan ng Moab sa kabila ng Jordan at katapat ng Jerico, sa pagitan ng Beth-jesimon at Abelsitim.
Ang mga Hangganan sa Canaan
50 Nang sila'y nasa kapatagan ng Moab, sinabi ni Yahweh kay Moises, 51 “Ganito ang sabihin mo sa mga Israelita: Pagkatawid ninyo ng Jordan papuntang Canaan, 52 palayasin ninyo ang mga naninirahan doon, durugin ninyo ang kanilang mga rebultong bato at imaheng metal. Gibain din ninyo ang mga sambahan nila sa burol. 53 Sakupin ninyo ang lupaing iyon at doon kayo tumira sapagkat ibinibigay ko sa inyo ang lupaing iyon. 54 Hatiin(F) ninyo ang lupain sa bawat lipi at ang paghahati ay ibabatay sa laki ng lipi. Sa malaking lipi malaking parte, sa maliit ay maliit din. Ang pagbibigay ng kanya-kanyang bahagi ay dadaanin sa palabunutan. 55 Ngunit kung hindi ninyo palalayasin ang mga nakatira doon, ang matitira ay magiging parang tinik sa inyong lalamunan, at puwing sa inyong mga mata. Balang araw, sila ang gugulo sa inyo. 56 Kapag nangyari ito, sa inyo ko ipalalasap ang parusang gagawin ko sana sa kanila.”
34 Sinabi ni Yahweh kay Moises 2 ang mga tagubilin para sa bansang Israel, “Pagpasok ninyo sa Canaan, ang lupaing ibinibigay ko sa inyo, ang mga hangganan ng inyong nasasakupan ay ang mga ito: 3 Sa timog, ang ilang ng Zin na katapat ng Edom, ang dulo ng Dagat na Patay, 4 ang daan paakyat sa Acrabim, ang Zin hanggang sa timog ng Kades-barnea, ang Hazaradar at ang Azmon, 5 at ang Batis ng Egipto hanggang sa dagat.
6 “Sa kanluran: ang Dagat Mediteraneo.
7 “Sa hilaga: ang bahagi ng Dagat Mediteraneo, ang Bundok ng Hor, 8 ang Hamat, ang Zedad; 9 at ang Zifron hanggang Hazar-enan.
10 “Sa silangan: mula sa Hazar-enan hanggang Sefam; 11 ang Ribla, gawing silangan ng Ayin, ang baybayin ng Lawa ng Cineret, 12 at ang Jordan hanggang sa Dagat na Patay. Ito ang mga hangganan ng inyong lupain.”
13 Sinabi(G) (H) ni Moises sa mga Israelita, “Iyan ang lupaing ibibigay ni Yahweh sa siyam at kalahating lipi ng Israel; ang partihan ay dadaanin sa pamamagitan ng palabunutan. 14 Ang mga lipi ni Ruben, ni Gad, at ang kalahati ng lipi ni Manases ay mayroon nang bahagi, at nahati na sa kani-kanilang sambahayan. 15 Ito ay nasa silangan ng Jordan, sa tapat ng Jerico.”
Ang mga Namahala sa Paghahati ng Lupain
16 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 17 “Ang paring si Eleazar at si Josue na anak ni Nun ang mamamahala sa pagpaparte sa lupain. 18 Pumili ka rin ng isang pinuno sa bawat lipi para makatulong nila sa pagpaparte ng lupain.” 19-28 Ito ang mga pinuno na napili ni Yahweh:
Lipi | Pinuno |
---|---|
Juda | Caleb na anak ni Jefune |
Simeon | Selemuel na anak ni Amiud |
Benjamin | Elidad na anak ni Cislon |
Dan | Buqui na anak ni Jogli |
Manases | Haniel na anak ni Efod |
Efraim | Kemuel na anak ni Siftan |
Zebulun | Elisafan na anak ni Parnah |
Isacar | Paltiel na anak ni Azan |
Asher | Ahiud na anak ni Selomi |
Neftali | Pedael na anak ni Amiud |
29 Ang mga kalalakihang ito ang pinamahala ni Yahweh sa paghahati ng lupain ng Canaan na ibinigay niya sa Israel.
Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay at Muling Pagkabuhay(A)
30 Pag-alis nila roon, nagdaan sila sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng mga tao ang kanyang kinaroroonan, 31 dahil tinuturuan niya noon ang kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga taong papatay sa kanya, ngunit siya'y mabubuhay muli pagkatapos ng tatlong araw. 32 Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi, at natatakot din naman silang magtanong sa kanya.
Ang Pinakadakila(B)
33 Dumating sila sa Capernaum. Nang sila'y nasa bahay na, tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?” 34 Hindi(C) sila makasagot sapagkat ang pinagtatalunan nila'y kung sino sa kanila ang pinakadakila.
35 Naupo(D) si Jesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” 36 Tinawag niya ang isang bata at pinatayo sa gitna nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanyang mga alagad, 37 “Ang(E) sinumang tumatanggap sa isang batang tulad nito alang-alang sa aking pangalan ay ako ang tinatanggap; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi lamang ako ang kanyang tinatanggap kundi pati na rin ang nagsugo sa akin.”
Kapanig Natin ang Hindi Laban sa Atin(F)
38 Sinabi sa kanya ni Juan, “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.”
39 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat ang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ay hindi magsasalita ng masama laban sa akin pagkatapos gawin ito. 40 Sapagkat(G) ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin. 41 Tandaan(H) ninyo: ang sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo'y tagasunod ko ay tiyak na tatanggap ng gantimpala.”
Sanhi ng Pagkakasala(I)
42 “Mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig [sa akin.][a] 43 Kung(J) ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mas mabuti pa ang pumasok sa buhay na walang hanggan na putol ang isang kamay, kaysa may dalawang kamay na mapunta ka sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay. [44 Doo'y hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila at ang apoy.][b] 45 Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mabuti pa ang pumasok sa buhay na walang hanggan na putol ang isang paa, kaysa may dalawang paa na mapunta ka sa impiyerno. [46 Doo'y hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila at ang apoy.][c] 47 At(K) kung ang isang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito! Mabuti pang pumasok ka sa kaharian ng Diyos na iisa lang ang mata, kaysa may dalawang mata ngunit itatapon ka naman sa impiyerno. 48 Doo'y(L) hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at ang apoy ay hindi napapatay.
49 “Sapagkat ang bawat isa'y dadalisayin sa apoy [at ang bawat handog sa Diyos ay lalagyan ng asin.][d] 50 Mabuti(M) ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Taglayin ninyo ang katangian ng asin, at mamuhay kayong may kapayapaan sa isa't isa.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.