Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 35-36

Ang mga Lunsod para sa mga Levita

35 Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises nang sila'y nasa kapatagan ng Moab, sa may Jordan sa Jerico, “Sabihin mo sa mga Israelita na bigyan nila ng sariling mga lunsod at mga pastulan ang mga Levita. Ang mga lunsod na iyon ay magiging pag-aari ng mga Levita at doon sila maninirahan. Ang mga pastulang iyon ay para sa kanilang mga bakahan at kawan. Ang sukat ng pastulang ibibigay ninyo sa kanila ay 450 metro mula sa pader ng lunsod, 450 metro sa silangan, 450 sa timog, 450 sa kanluran, at 450 sa hilaga. Bigyan rin ninyo sila ng anim na lunsod-kanlungan na takbuhan ng mga nakapatay nang hindi sinasadya. Bukod dito, bibigyan pa ninyo sila ng apatnapu't dalawang lunsod, kasama ang mga pastulan ng mga ito. Samakatuwid, ang ibibigay ninyo sa kanila ay apatnapu't walong lunsod. Ang bilang ng lunsod na ibibigay ng bawat lipi ay batay sa laki ng lipi; sa malaking lipi, marami ang kukunin, sa maliit ay ilan lang.”

Ang mga Lunsod-Kanlungan(B)

Sinabi(C) ni Yahweh kay Moises, 10 “Sabihin mo sa mga Israelita: Pagtawid ninyo ng Ilog Jordan patungong Canaan, 11 pumili kayo ng mga lunsod-kanlungan na matatakbuhan ng sinumang makapatay nang di sinasadya. 12 Doon siya magtatago habang nililitis pa ang kanyang kaso upang huwag mapatay ng malapit na kamag-anak na gustong maghiganti. 13 Pumili kayo ng anim na lunsod-kanlungan; 14 tatlo sa silangan ng Jordan at tatlo sa Canaan. 15 Ang mga lunsod na ito'y maaaring pagtaguan ng sinumang makapatay nang di sinasadya, maging siya'y Israelita o isang dayuhan.

16-18 “Ang sinumang pumatay ng kapwa sa pamamagitan ng sandatang bakal, bato o kahoy ay nagkasala ng pagpaslang. Siya ay dapat patayin. 19 Tungkulin ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay na patayin ang pumaslang, kapag nakita niya ito.

20 “Papatayin din ang sinuman na dahil sa galit ay nakapatay sa pamamagitan ng panunulak, o pagpukol ng anuman, 21 o sa pamamagitan ng suntok, sapagkat siya'y nagkasala ng pagpaslang. Siya ay dapat patayin. Tungkulin ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay na patayin ang pumaslang, kapag nakita niya ito.

22 “Ngunit ang sinumang nakapatay nang hindi sinasadya, maging sa pamamagitan ng tulak, o pukol ng anumang bagay; 23 o kaya'y naghagis ng bato at may natamaang di niya nakikita, at hindi naman niya kaaway, 24 ang taong iyon ay hindi dapat ipaubaya ng sambayanan sa mga kamag-anak ng namatay upang paghigantihan ng mga ito. 25 Siya ay pangangalagaan ng sambayanan sa kamag-anak na gustong maghiganti; ibabalik siya sa lunsod-kanlungan at mananatili roon habang nabubuhay ang kasalukuyang pinakapunong pari. 26 Kapag ang nakapatay ay lumabas ng lunsod-kanlungan 27 at napatay siya ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay niya, ito'y walang pananagutan sa batas. 28 Ang nakapatay ay dapat manatili sa pinagtataguan niyang lunsod-kanlungan habang nabubuhay ang nanunungkulang pinakapunong pari. Pagkamatay nito, maaari nang umuwi ang nakapatay sa kanyang sariling bayan. 29 Ang mga tuntuning ito ay para sa inyo at sa lahat ng inyong mga salinlahi saanman kayo manirahan.

Mga Tuntunin tungkol sa Pagsaksi at Pagtubos sa Nakamatay

30 “Sinumang(D) pumatay ng kapwa ay papatayin din batay sa patotoo ng dalawa o higit pang saksi; walang papatayin dahil sa patotoo ng iisang saksi lang. 31 Sinumang pumatay nang sinasadya ay hindi maaaring tubusin ng salapi; dapat siyang patayin. 32 Sinumang nakapatay nang hindi sinasadya at nagtago sa isang lunsod-kanlungan ay hindi maaaring payagang umalis agad doon sa pamamagitan ng pagbabayad. Kailangang manatili siya roon habang nabubuhay pa ang nanunungkulang pinakapunong pari. 33 Kapag ginawa ninyo ito, dinudungisan ninyo ng dugo ang lupaing inyong tinitirhan. Ang dugo ng pagpaslang ay nagpaparumi sa lupa, at walang ibang makapagpapalinis nito kundi ang dugo ng pumaslang. 34 Huwag ninyong dungisan ang lupaing inyong tinitirhan, sapagkat akong si Yahweh ay naninirahang kasama ng sambayanang Israel.”

Mga Tuntunin tungkol sa Kaparte ng Babaing Tagapagmana

36 Ang mga pinuno ng sambahayan ng angkan ni Gilead na anak ni Maquir at apo ni Manases na anak ni Jose ay lumapit kay Moises at sa mga pinuno ng Israel. Sinabi(E) nila, “Iniutos sa inyo ni Yahweh na ipamahagi ang lupain sa pamamagitan ng palabunutan. Iniutos din po na ang bahagi ng kapatid naming si Zelofehad ay ibigay sa mga anak niyang babae. Kung ang mapangasawa nila'y mula sa ibang lipi, ang bahagi nila'y mapupunta sa liping iyon, kaya't mababawasan ang bahagi ng aming lipi. At pagdating ng Taon ng Paglaya, kapag ang lupaing naipagbili ay ibinalik nang tuluyan sa dating may-ari, ang bahagi nila'y mauuwi nang lubusan sa lipi ng kanilang asawa. Kapag nagkagayon, mababawas ito sa aming lipi.”

Dahil dito, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Tama ang sinabi ng mga apo ni Jose. Kaya't ang utos ni Yahweh tungkol sa mga anak ni Zelofehad ay malaya silang mag-asawa sa sinumang gusto nila, ngunit huwag lamang lalabas sa lipi ng kanilang ama. Ang bahagi ng alinmang lipi ay hindi maaaring ilipat sa ibang lipi, iyon ay pananatilihin sa lipi ng kanilang ama. Ang babaing may namana sa kanyang ama ay kailangang kumuha ng mapapangasawa mula rin sa lipi nito, upang hindi malipat sa ibang lipi ang kaparte ng kanilang ama. Ang kaparte ng alinmang lipi ay hindi maaaring ilipat sa ibang lipi; pananatilihin ng bawat lipi ang kani-kanilang kaparte.”

10 Sinunod nga ng mga anak ni Zelofehad ang utos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises. 11 Sina Maala, Tirza, Hogla, Milca at Noa ay nag-asawa nga ng mga lalaking mula sa angkan ng kanilang ama, 12 na kabilang sa lipi ni Manases na anak ni Jose. Kaya, nanatili ang kanilang kaparte sa lipi ng kanilang ama.

13 Ito ang mga batas at tuntuning ibinigay ni Yahweh sa Israel sa pamamagitan ni Moises, sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan, sa tapat ng Jerico.

Marcos 10:1-31

Ang Katuruan ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)

10 Pag-alis doon, si Jesus ay nagpunta sa lupain ng Judea at tumawid sa ibayo ng Ilog Jordan. Muling dumagsa ang maraming tao at tulad ng kanyang palaging ginagawa, sila'y kanyang tinuruan.

May ilang Pariseong gustong subukin si Jesus; kaya't lumapit sila at nagtanong, “Naaayon po ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?”

Sumagot siya, “Ano ba ang utos ni Moises sa inyo?”

Sumagot(B) naman sila, “Ipinahintulot po ni Moises na ang lalaki ay gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay bago niya hiwalayan at palayasin ang kanyang asawa.”

Ngunit sinabi ni Jesus, “Ginawa ni Moises ang utos na iyon dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit(C) simula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, nilalang niya ang tao na lalaki at babae. ‘Dahil(D) dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, [magsasama sila ng kanyang asawa][a] at ang dalawa'y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”

10 Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Jesus tungkol sa bagay na ito. 11 Sinabi(E) niya sa kanila, “Kapag hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanyang asawa. 12 Gayon din naman, ang babaing humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”

Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(F)

13 May mga taong nagdala ng mga bata kay Jesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay, ngunit sinaway sila ng mga alagad. 14 Nagalit si Jesus nang makita ito at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. 15 Tandaan(G) ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos, tulad sa pagtanggap ng isang bata, ay hinding-hindi makakapasok sa kaharian ng Diyos.” 16 Kinalong ni Jesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.

Ang Lalaking Mayaman(H)

17 Nang siya'y paalis na, may isang lalaking patakbong lumapit kay Jesus, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”

18 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. 19 Alam(I) mo ang mga utos ng Diyos, ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; huwag kang mandaraya; igalang mo ang iyong ama at ina.’”

20 Sumagot ang lalaki, “Guro, mula pa sa aking pagkabata ay tinupad ko na ang lahat ng mga iyan.”

21 Magiliw siyang tiningnan ni Jesus at sinabi, “May isang bagay pa na dapat mong gawin. Ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo sa mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Nang marinig ito ng lalaki, siya'y nanlumo at malungkot na umalis sapagkat siya'y lubhang napakayaman.

23 Tiningnan ni Jesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa mga alagad, “Tunay ngang napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!” 24 Nagtaka ang mga alagad sa sinabi niyang ito. Ngunit muling sinabi ni Jesus, “Mga anak, talagang napakahirap [para sa mga mayayaman na][b] makapasok sa kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang dumaan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”

26 Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino pa kaya ang maliligtas?”

27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng tao, ngunit hindi ito imposible sa Diyos. Sapagkat ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.”

28 At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo.”

29 Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Magandang Balita, 30 ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan. 31 Ngunit(J) maraming nauuna na mahuhuli, at maraming nahúhulí ang mauuna.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.