Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Josue 19-21

Ang Bahagi ng Lipi ni Simeon

19 Pangalawang lumabas sa palabunutan ang bahagi ng lipi ni Simeon. Nasa loob ng lupain ng Juda ang lupaing ibinigay sa kanila. Sakop(A) nito ang Beer-seba, Seba at Molada; Hazar-shual, Bala at Ezem; Eltolad, Bethul at Horma; Ziklag, Beth-marcabot at Hazar-susa; Beth-lebaot at Saruhen—labingtatlong lunsod at bayan ang sakop nila.

Kasama rin ang apat na lunsod ng Ayin, Rimon, Eter at Asan at ang mga karatig-bayan nito. Sakop nito ang mga nayon sa paligid hanggang Baalat-beer o Rama ng Negeb. Ito ang lupaing napunta sa lipi ni Simeon bilang bahagi nila. Ang bahaging ito ay nasa loob ng teritoryo ng Juda; sapagkat ang lipi ni Juda ay tumanggap nang higit sa kanilang kinakailangan, ang bahagi nito ay ibinigay sa lipi ni Simeon.

Ang Bahagi ng Lipi ni Zebulun

10 Pangatlong lumabas sa palabunutan ang bahagi ng lipi ni Zebulun. Ang lupaing napunta sa kanila ay abot sa Sarid.[a] 11 Buhat dito ang kanyang hanggana'y umahong pakanluran patungo sa Marala, nagtuloy sa Dabeset, at sa batis na nasa silangan ng Jokneam. 12 Buhat din sa Sarid, ang hanggana'y pumasilangan hanggang sa Kislot-tabor, lumabas patungong Daberat, at umahon sa Jafia. 13 Buhat doon, nagpatuloy sa Gat-hefer, nagdaan ng Itcazin, lumabas sa Rimon, at lumikong patungo sa Nea. 14 Sa hilaga naman, ang hanggana'y lumikong patungo sa Hanaton, at nagtapos sa Kapatagan ng Jefte-el. 15 Ito ang mga lunsod ng Zebulun: Catat, Nahalal, Simron, Idala, Bethlehem—labindalawang lunsod kasama ang mga nayon nito. 16 Ang mga lunsod na ito at ang mga nayong sakop nila ang napapunta sa lipi ni Zebulun.

Ang Bahagi ng Lipi ni Isacar

17 Napunta sa lipi ni Isacar ang pang-apat na bahagi. 18 Sakop nito ang Jezreel, Kesulot at Sunem; 19 Hafaraim, Shion at Anaharat; 20 Rabit, Cision at Ebez; 21 Remet, En-ganim, En-hada at Beth-pazez. 22 Abot sa Tabor, sa Sahazuma at Beth-semes ang kanyang mga hangganan, at nagtapos sa Ilog Jordan. Labing-anim na lunsod, kasama ang kanilang mga sakop na nayon, ang nasasaklaw ng lupaing ito. 23 Ang mga lunsod at bayang ito ang bahaging napunta sa lipi ni Isacar.

Ang Bahagi ng Lipi ni Asher

24 Napunta naman sa lipi ni Asher ang ikalimang bahagi. 25 Sakop nito ang Helcat, Hali, Bethen at Acsaf; 26 ang Alamelec, Amad at Misal; abot sa Carmelo at sa Sihor-libnat ang hangganan sa kanluran. 27 Sa pasilangan naman, ang hanggana'y nagtungo sa Beth-dagon, at sa pahilaga, nagdaan sa gilid ng Zebulun at sa Kapatagan ng Jefte-el patungong Beth-emec at Neiel at nagtuloy sa Cabul. 28 Saklaw pa rin sa gawing hilaga ang Ebron, Rehob, Hamon, Cana at hanggang sa Dakilang Sidon. 29 Pagkatapos, ang hanggana'y lumikong patungo sa Rama, at nagtuloy sa Tiro, isang lunsod na napapaligiran ng pader; lumikong muli patungong Hosa, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Kasama sa hilagang-silangan ng lupaing iyon ang Mahalab, Aczib, 30 Uma, Afec at Rehob—dalawampu't dalawang lunsod, kasama ang mga nayong sakop nila. 31 Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng mga angkan ng lipi ni Asher.

Ang Bahagi ng Lipi ni Neftali

32 Napunta naman sa lipi ni Neftali ang ikaanim na bahagi. 33 Buhat sa Helef, sa gubat ng mga punong roble sa Zaananim, ang hangganan nito'y nagtungo sa Adamineceb, lumampas ng Jabneel, nagtuloy sa Lacum at nagtapos sa Jordan. 34 Sa pakanluran naman, ang hanggana'y nagtungo sa Aznot-tabor at lumampas na papuntang Hucoca. Karatig ng lupaing ito sa timog ang lupain ng Zebulun, sa kanluran ang lupain ng Asher, at sa silangan ang Juda sa kabila ng Jordan. 35 Ito ang mga lunsod ng Neftali na may mga pader: Sidim, Ser, Hamat, Racat, Cineret, 36 Adama, Rama, Hazor, 37 Kades, Edrei, En-hazor, 38 Jiron, Migdal-el, Horem, Beth-anat at Beth-semes—labinsiyam na lunsod kasama ang mga nayong sakop nila. 39 Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng lipi ni Neftali.

Ang Bahagi ng Lipi ni Dan

40 Napapunta sa lipi ni Dan ang ikapitong bahagi. 41 Sakop nito ang mga sumusunod: Zora, Estaol, Ir-semes, 42 Saalabin, Ayalon, Itla, 43 Elon, Timna, Ekron, 44 Elteque, Gibeton, Baalat, 45 Jehud, Bene-berac, Gat-rimon, 46 Me-jarcon, Racon at ang lupaing nasa tapat ng Joppa. 47 May(B) mga lupain para sa lipi ni Dan na hindi pa nila nasasakop. Kaya't nang kulangin sila ng lupain, sinalakay nila ang Lesem, sinakop ito at nilipol ang mga tagaroon. Pagkatapos nilang makuha ang Lesem, pinalitan nila ang pangalan nito at tinawag na Dan, alang-alang kay Dan na kanilang ninuno. 48 Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng lipi ni Dan, at pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi.

Ang Lupaing Ibinigay kay Josue

49 Matapos tanggapin ng mga Israelita ang kani-kanilang bahagi ng lupain, binigyan naman nila si Josue na anak ni Nun ng para sa kanya. 50 Ayon sa ipinag-utos ni Yahweh, ibinigay nila sa kanya ang lunsod na kanyang hiniling, ang Timnat-sera na nasa lupain ng Efraim. Muli itong itinayo ni Josue at doon siya nanirahan.

51 Ginawa ng paring si Eleazar at ni Josue na anak ni Nun ang pagbabahagi ng lupain sa pamamagitan ng palabunutan. Ginawa nila ito sa Shilo, sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan, katulong ang mga pinuno ng mga angkan. Sa ganitong paraan natapos ang pagbibigay sa bawat lipi ng kani-kanilang bahagi sa lupain.

Ang mga Lunsod-Kanlungan

20 Sinabi(C) ni Yahweh kay Josue, “Sabihin(D) mo sa bayang Israel na pumili sila ng mga lunsod-kanlungan ayon sa sinabi ko kay Moises. Ang makapatay nang di sinasadya ay maaaring tumakbo roon upang makaligtas sa paghihiganti ng namatayan. Maaari siyang tumakbo sa isa sa mga lunsod na ito, humarap sa hukuman na nasa pagpasok ng lunsod, at ipaliwanag sa matatanda ang nangyari. Papapasukin siya, at doon papatirahin. Kapag sinundan siya roon ng mga nagnanais maghiganti, hindi siya isusuko ng mga tagaroon sapagkat nakamatay siya ng kapwa Israelita nang di sinasadya at hindi bunsod ng galit. Mananatili siya roon hanggang sa litisin sa harap ng mga taong-bayan, at hanggang hindi namamatay ang Pinakapunong Pari na nanunungkulan nang panahong iyon. Kung mangyari ito, maaari na siyang umuwi sa kanyang sariling bayan kung saan siya'y nakapatay.”

Pinili nga nila ang Kades, sa Galilea, sa kaburulan ng Neftali; ang Shekem sa kaburulan ng Efraim; at ang Lunsod ng Arba (o Hebron) sa kaburulan ng Juda. Sa ibayo naman ng Jordan, sa kaburulang nasa silangan ng Jerico, pinili nila ang Bezer sa lupain ni Ruben; ang Ramot sa Gilead, sa lupain ni Gad; at ang Golan sa Bashan, sa lupain ni Manases. Ito ang mga lunsod-kanlungan na pinili para sa mga Israelita at para sa sinumang dayuhang naninirahang kasama nila. Ang makapatay nang di sinasadya ay maaaring pumunta roon hanggang sa siya'y litisin sa harap ng mga taong-bayan, upang huwag mapatay ng mga kamag-anak ng namatay.

Ang mga Lunsod ng mga Levita

21 Ang mga pinuno ng mga angkan sa lipi ni Levi ay lumapit sa paring si Eleazar, gayundin kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno ng mga angkan ng buong Israel. Nasa Shilo pa sila noon, sa lupain ng Canaan. Sinabi nila, “Ipinag-utos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises na kami'y bigyan ng mga lunsod na matitirhan at mga pastulan sa palibot para sa aming mga kawan.” Dahil dito, ang mga anak ni Levi ay binigyan nga ng mga Israelita ng mga lunsod at pastulan mula sa kani-kanilang bahagi, ayon sa utos ni Yahweh.

Unang tumanggap ng mga lunsod ang mga sambahayan sa angkan ni Kohat. Labingtatlong lunsod mula sa mga lipi ni Juda, Simeon at Benjamin ang ibinigay sa mga angkan ng mga pari sa lahi ni Aaron. Ang ibang mga sambahayan sa angkan ni Kohat ay tumanggap ng sampung lunsod mula sa lipi ni Efraim, ni Dan at sa kalahati ng lipi ni Manases.

Ang mga sambahayan sa angkan ni Gershon ay binigyan ng labingtatlong lunsod mula sa mga lipi ni Isacar, ni Asher, ni Neftali at sa kalahati ng lipi ni Manases na nasa Bashan.

Ang mga sambahayan sa angkan ni Merari ay tumanggap ng labindalawang lunsod mula sa mga lipi nina Ruben, Gad at Zebulun.

Sa pamamagitan ng palabunutan, ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises, binigyan ng mga Israelita ang mga anak ni Levi ng mga lunsod at mga pastulan.

Ito ang mga pangalan ng mga lunsod na galing sa mga lipi ni Simeon at ni Juda, na ibinigay sa 10 mga anak ni Aaron, mula sa angkan ni Kohat na anak ni Levi. Sila ang unang nabigyan batay sa palabunutan. 11 Tinanggap nila ang Lunsod ng Arba (si Arba ang ninuno ng mga Anaceo) na ngayo'y tinatawag na Hebron sa kaburulan ng Juda. Kasama nito ang mga pastulan sa palibot. 12 Ngunit ang mga bukirin ng bayan at ng mga nayon ay ibinigay na kay Caleb na anak ni Jefune, bilang kanyang bahagi sa lupain.

13 Ito pa ang mga lunsod na ibinigay sa mga anak ng paring si Aaron: ang Hebron na isa sa mga lunsod-kanlungan, at ang mga pastulang sakop nito; ang Libna, kasama rin ang mga pastulan nito; 14 ang Jatir, Estemoa, 15 Holon, Debir, 16 Ayin, Juta at Beth-semes, kasama rin ang mga pastulan nito. Siyam na lunsod ang galing sa mga lipi ni Simeon at ni Juda. 17 Mula naman sa lipi ni Benjamin, tinanggap nila ang Gibeon, Geba, 18 Anatot, at Almon—apat na lunsod, kasama ang pastulan ng mga ito. 19 Lahat-lahat, ang mga angkang ito buhat sa lahi ni Aaron ay tumanggap ng labingtatlong lunsod, kasama ang mga pastulan nito.

20 Ang ibang mga Levita sa angkan ni Kohat ay tumanggap ng ilang lunsod mula sa lipi ni Efraim. 21 Ibinigay sa kanila ang Shekem na isa rin sa mga lunsod-kanlungan sa kaburulan ng Efraim, kasama ang mga pastulan nito. Ibinigay rin sa kanila ang Gezer, 22 Kibzaim at Beth-horon, gayundin ang mga pastulan nito. Apat na lunsod ang galing sa lipi ni Efraim. 23 Binigyan din sila ng apat na lunsod mula sa lipi ni Dan: ang Elteque, Gibeton, 24 Ayalon, at Gat-rimon, kasama ang mga pastulan nito. 25 Dalawa naman ang galing sa kalahating lipi ni Manases sa kanluran ng Jordan: Taanac at Gat-rimon kasama rin ang mga pastulan nito. 26 Sampung lunsod lahat pati ang mga pastulan nito, ang napunta sa mga sambahayan sa angkan ni Kohat.

27 Ang mga sambahayan sa angkan ni Gershon na anak ni Levi ay tumanggap naman ng dalawang lunsod buhat sa kalahating lipi ni Manases sa silangan ng Jordan. Napunta sa kanila ang Golan na sakop ng Bashan at isang lunsod-kanlungan, pati ang Beestera, kasama ang mga pastulan nito. 28 Buhat naman sa lipi ni Isacar, tumanggap sila ng apat na lunsod: ang Cision at Daberat, 29 Jarmut at En-ganim, kasama ang mga pastulan nito. 30 Apat ding lunsod ang tinanggap nila sa lipi ni Asher: ang Misal, Abdon, 31 Helcat, at Rehob, kasama ang mga pastulan nito. 32 Tatlong lunsod ang tinanggap nila sa lipi ni Neftali: ang Kades sa Galilea, isang lunsod-kanlungan, Hamotdor at Cartan, kasama ang mga pastulan nito. 33 Labingtatlong lunsod lahat ang napunta sa mga Levitang buhat sa angkan ni Gershon.

34 Ang mga lunsod na ito mula sa lipi ni Zebulun ay tinanggap ng iba pang Levita, mga angkang buhat sa lahi ni Merari: ang Jokneam, Carta, 35 Dimna, at Nahalal—apat na lunsod, kasama ang mga pastulan nito. 36 Buhat naman sa lipi ni Ruben, tinanggap nila ang Bezer, Jahaz, 37 Kedemot, at Mefaat—apat na lunsod, kasama ang mga pastulan nito. 38 At buhat sa lipi ni Gad, tinanggap nila ang Ramot sa Gilead, isa pa rin sa mga lunsod-kanlungan, Mahanaim, 39 Hesbon, at Jazer—apat na lunsod, kasama ang kanilang mga pastulan. 40 Labindalawang lunsod, kasama ang kanilang mga pastulan, ang tinanggap ng mga sambahayan sa angkan ni Merari.

41 Apatnapu't walong lunsod lahat, kasama ang kanilang mga pastulan, ang binawas sa lupain ng labing-isang lipi ni Israel at ibinigay sa mga Levita. 42 May kanya-kanyang pastulan ang bawat lunsod na ito.

Ang Pagsakop ng Israel sa Buong Lupain

43 Ibinigay nga ni Yahweh sa bayang Israel ang lahat ng lupaing ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. Kaya't nang masakop na nila ang buong lupain, doon na sila nanirahan. 44 Binigyan sila ni Yahweh ng kapayapaan sa buong lupain, ayon sa ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. Hindi sila natalo kailanman ng kanilang mga kaaway, sapagkat pinagtatagumpay sila ni Yahweh laban sa lahat ng kaaway. 45 Tinupad ni Yahweh ang lahat ng ipinangako niya sa sambayanang Israel.

Lucas 2:25-52

25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27 Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa itinatakda ng Kautusan, 28 kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,

29 “Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa
    ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.
30 Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,
31     na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.
32 Ito(A) po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil
    at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel.”

33 Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34 Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35 kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso.”

36 Naroon(B) din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa lipi ni Asher. Siya'y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, 37 at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. 38 Nang oras na iyon, lumapit siya kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.

Ang Pagbalik sa Nazaret

39 Nang(C) maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa itinatakda ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. 40 Ang bata'y lumaking malusog, puspos ng karunungan, at kalugud-lugod sa Diyos.

Ang Batang si Jesus sa Loob ng Templo

41 Taun-taon,(D) tuwing Pista ng Paskwa, ang mga magulang ni Jesus ay pumupunta sa Jerusalem. 42 Nang siya'y labindalawang taon na, dumalo sila sa pista, ayon sa kanilang kaugalian. 43 Sila'y umuwi na pagkatapos ng pista. Ang batang si Jesus ay nagpaiwan sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. 44 Sa pag-aakalang siya ay kasama ng pangkat, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Pagkatapos, siya ay hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala, ngunit 45 hindi nila natagpuan si Jesus. Kaya't bumalik sila sa Jerusalem upang doon maghanap. 46 Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya'y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, 47 at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang pang-unawa at mga sagot. 48 Namangha rin ang kanyang mga magulang nang siya'y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pag-aalala ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.”

49 Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako'y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?”[a] 50 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niyang ito.

51 Siya'y sumama sa kanila pauwi sa Nazaret, at siya'y naging masunurin sa kanila. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy(E) na lumaki si Jesus sa pangangatawan, lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.