Old/New Testament
Ang Pangalawang Sensus
26 Pagkalipas(A) ng salot, sinabi ni Yahweh kina Moises at Eleazar na anak ni Aaron, 2 “Magsagawa ka ng isang sensus. Bilangin at ilista ninyo ang pangalan ng mga Israelita na maaaring isama sa hukbo upang makipagdigma, mula sa gulang na dalawampung taon pataas.” 3 Dahil dito, tinipon nila ang mga pinuno sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, sa tapat ng Jerico. 4 Binilang at inilista ang mga Israelita tulad ng iniutos ni Yahweh kay Moises. Ito ang listahan ng mga Israelitang umalis sa Egipto:
5 Sa lipi ni Ruben na panganay ni Israel ay ang mga angkan nina Hanoc, Fallu, 6 Hesron at Carmi. 7 Ang mga angkang ito ang bumubuo sa lipi ni Ruben. Silang lahat ay 43,730. 8 Ang anak ni Fallu ay si Eliab 9 at ang mga anak ni Eliab ay sina Nemuel, Datan at Abiram. Sina Datan at Abiram, kasama ng pangkat ni Korah, ang nagpasimuno sa mga Israelita ng paghihimagsik laban kina Moises at Aaron, at kay Yahweh. 10 Si Korah naman at ang kanyang 250 kasama ang nilamon ng lupa. Ang mga pangyayaring ito ay nagsilbing babala sa buong bayan. 11 Gayunma'y hindi kasamang namatay ang mga anak ni Korah.
12 Sa lipi naman ni Simeon ay ang mga angkan nina Nemuel, Jamin, Jaquin, 13 Zera at Saul. 14 Ang kabuuang bilang ng lipi ni Simeon ay 22,200.
15 Sa lipi ni Gad ay ang mga angkan nina Zefon, Hagui, Suni, 16 Ozni, Eri, 17 Arod at Areli. 18 Ang kabuuang bilang ng lipi ni Gad ay 40,500.
19 Sa lipi naman ni Juda, hindi kabilang sina Er at Onan na namatay sa Canaan, ay 20 ang mga angkan nina Sela, Fares, Zara, 21 Hezron at Hamul. 22 Ang kabuuang bilang sa lipi ni Juda ay 76,500.
23 Sa lipi ni Isacar ay ang mga angkan nina Tola, Pua, 24 Jasub at Simron. 25 Lahat-lahat sa lipi ni Isacar ay 64,300.
26 Sa lipi ni Zebulun ay ang mga angkan nina Sered, Elon at Jahleel. 27 Silang lahat ay 60,500.
28 Sa lipi ni Jose na may dalawang anak ay ang mga angkan nina Manases at Efraim.
29 Sa lipi ni Manases ay ang angkan ni Maquir at ang anak nitong si Gilead. 30 Ang angkan ni Gilead ay binubuo ng mga sambahayan nina Jezer, Helec, 31 Asriel, Shekem, 32 Semida, at Hefer. 33 Si Zelofehad na anak ni Hefer ay hindi nagkaanak ng lalaki, kundi panay babae: sina Maala, Noa, Hogla, Milca at Tirza. 34 Lahat-lahat sa angkan ni Manases ay 52,700.
35 Sa lipi ni Efraim ay ang mga angkan nina Sutela, Bequer, at Tahan. 36 Ito naman ang bumubuo sa angkan ni Sutela: si Eran at ang kanyang sambahayan. 37 Ang kabuuang bilang sa lipi ni Efraim ay 32,500. Ito ang mga angkang nagmula sa lipi ni Jose.
38 Sa lipi ni Benjamin ay ang mga angkan nina Bela, Asbel, Ahiram, 39 Sufam, at Hufam. 40 Ang bumubuo sa angkan ni Bela ay ang mga sambahayan nina Ard at Naaman. 41 Lahat-lahat sa lipi ni Benjamin ay 45,600.
42 Sa lipi ni Dan ay ang angkan ni Suham 43 na ang kabuuang bilang ay 64,400.
44 Sa lipi ni Asher ay ang mga angkan nina Imna, Isvi, at Beria. 45 Ang angkan ni Beria ay binubuo ng mga sambahayan nina Heber at Malquiel. 46 Si Asher ay may anak na babae na nagngangalang Sera. 47 Lahat-lahat sa lipi ni Asher ay 53,400.
48 Sa lipi ni Neftali ay ang mga angkan nina Jahzeel, Guni, 49 Jezer at Silem. 50 Lahat-lahat sa lipi ni Neftali ay 45,400.
51 Ang kabuuang bilang ng mga Israelita ay 601,730.
Ang Paghahati ng Lupain
52 Sinabi(B) ni Yahweh kay Moises, 53 “Hatiin mo ang lupain ayon sa laki ng bawat lipi. 54 Malaki ang kaparte ng malaking lipi at maliit ang sa maliit na lipi. Ang kaparte ng bawat lipi ay ayon sa dami ng kanyang bilang. 55 Ang lupain ay hahatiin sa pamamagitan ng palabunutan, sa pangalan ng bawat lipi. 56 Ang pagtatakda ng kaparte ng bawat lipi ay dadaanin sa palabunutan.”
Ang Lipi ni Levi
57 Ang lipi naman ni Levi ay binubuo ng mga angkan nina Gershon, Kohat, at Merari. 58 Kabilang din sa liping ito ang mga sambahayan ni Libni, Hebron, Mahli, Musi at Korah. Si Kohat ang ama ni Amram, 59 na napangasawa ni Jocebed na kabilang din sa lipi ni Levi. Isinilang si Jocebed sa Egipto. Naging anak nila sina Aaron, Moises at Miriam. 60 Naging(C) anak naman ni Aaron sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. 61 Sina(D) Nadab at Abihu ay namatay nang sila'y gumamit ng apoy na di karapat-dapat kay Yahweh. 62 Lahat-lahat, ang natala sa lipi ni Levi ay 23,000, mula sa gulang na isang buwan pataas. Sila'y hindi kabilang sa talaan ng Israel sapagkat hindi sila kasama sa paghahati ng lupain.
Sina Caleb at Josue Lamang ang Natira
63 Ito ang mga Israelitang binilang at inilista ni Moises at ng paring si Eleazar sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, sa may tapat ng Jerico. 64 Dito'y walang kasama isa man sa mga Israelitang itinala nina Moises at Aaron noong sila'y nasa Bundok ng Sinai. 65 Ang(E) mga ito'y namatay, liban kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun, tulad ng sinabi ni Yahweh.
Ang Kahilingan ng mga Anak ni Zelofehad
27 Sina Maala, Noa, Hogla, Milca at Tirza ay mga anak na babae ni Zelofehad. Si Zelofehad ay anak ni Gilead na anak ni Maquir, na anak ni Manases, na anak naman ni Jose. 2 Lumapit ang mga babaing ito kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa mga pinuno ng Israel sa harap ng Toldang Tipanan. Sinabi nila, 3 “Ang aming ama ay namatay sa ilang. Hindi nga siya kasamang namatay sa pangkat ni Korah na naghimagsik laban kay Yahweh, subalit namatay naman siya dahil sa sarili niyang kasalanan. Namatay siyang hindi nagkaanak ng lalaki. 4 Dahil ba sa wala siyang anak na lalaki ay buburahin na ninyo siya sa listahan ng Israel? Bigyan ninyo kami ng kaparteng lupa tulad ng mga kamag-anak ng aming ama.”
5 Ang usaping ito'y iniharap ni Moises kay Yahweh, 6 at ganito ang sagot ni Yahweh, 7 “Tama(F) ang mga anak ni Zelofehad. Dapat magkaroon ng kaparte ang kanilang ama. Ang mana niya ay ibigay mo sa kanyang mga anak. 8 At sabihin mo sa mga Israelita na kapag ang isang tao'y namatay na walang anak na lalaki, ang mana niya ay ibibigay sa mga anak na babae. 9 Kung wala ring anak na babae, ang kaparte niya ay ibibigay sa kanyang mga kapatid. 10 Kung wala siyang kapatid na lalaki ay ibibigay sa kanyang mga tiyo 11 at kung wala pa rin siyang tiyo, ang mana'y ibibigay sa pinakamalapit niyang kamag-anak. Ito ay mananatiling tuntunin sa Israel. Akong si Yahweh ang nagtakda nito bilang kautusan at tuntuning susundin ninyo.”
Ang Pagpili kay Josue Bilang Kahalili ni Moises(G)
12 Sinabi(H) ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka sa Bundok ng Abarim at tanawin mo ang lupaing ibibigay ko sa mga Israelita. 13 Pagkatapos, mamamatay ka na. Makakapiling mo na ang iyong mga yumaong magulang, tulad ng nangyari kay Aaron na iyong kapatid. 14 Sumuway ka rin sa akin sa ilang ng Zin nang maghimagsik sa akin ang buong sambayanan doon sa Meriba. Hindi mo pinakita sa mga Israelita doon sa may bukal na ako ay banal.” (Ito ang bukal doon sa Meriba sa Kades na nasa ilang ng Zin.)
15 Sinabi ni Moises, 16 “Hinihiling ko, Yahweh, Diyos na bukal ng buhay, na pumili kayo ng isang taong 17 mangunguna(I) sa Israel upang ang iyong sambayanan ay hindi matulad sa mga tupang walang pastol.”
18 Sinabi(J) ni Yahweh kay Moises, “Ipatawag mo si Josue na anak ni Nun; siya ay may natatanging kakayahan. Ipatong mo sa kanya ang iyong mga kamay. 19 Patayuin mo siya sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong Israel at doo'y ipahayag mo siya bilang iyong kahalili. 20 Bigyan mo siya ng iyong kapangyarihan upang sundin siya ng buong Israel. 21 Kay(K) Eleazar niya malalaman sa pamamagitan ng Urim kung ano ang aking kalooban. Kung ano ang sabihin ni Eleazar ay susundin ng buong kapulungan.” 22 Sinunod ni Moises ang lahat ng sinabi ni Yahweh. Ipinatawag nga niya si Josue, pinatayo sa harapan ni Eleazar at ng buong bayan. 23 Pagkatapos,(L) ipinatong niya rito ang kanyang mga kamay at ipinahayag na kahalili niya.
Mga Pang-araw-araw na Handog(M)
28 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na sila'y mag-alay sa akin ng mga handog na pagkaing butil, handog na susunugin, at mababangong handog sa takdang panahon.
3 “Ito ang ihahandog nila sa akin araw-araw bilang handog na susunugin: dalawang tupa na tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan; 4 isa sa umaga at isa sa hapon. 5 Ito'y sasamahan ng kalahating salop ng harina at minasa sa isang litrong langis ng olibo. 6 Ito ang pang-araw-araw ninyong handog na susunugin tulad ng sinabi ko sa inyo sa Bundok ng Sinai, isang mabangong handog sa akin. 7 Samahan ninyo ito ng isang litrong handog na inumin na inyong ibubuhos sa Dakong Banal para sa akin. 8 Ang isa pang tupa ay ihahandog nga sa hapon at sasamahan din ng handog na pagkaing butil at handog na inumin, tulad ng handog sa umaga, upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para sa akin.
Ang Handog Tuwing Araw ng Pamamahinga
9 “Tuwing Araw ng Pamamahinga, dalawang lalaking tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan ang inyong ihahandog. Sasamahan din ito ng handog na pagkaing butil at handog na inumin. Ang handog na pagkaing butil ay isang salop na harina at minasa sa langis ng olibo. 10 Ito ay ihahandog ninyo tuwing Araw ng Pamamahinga, bukod sa pang-araw-araw ninyong handog.
Ang Buwanang Handog
11 “Tuwing unang araw ng buwan, ito naman ang ihahandog ninyo: dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang tupa na walang kapintasan. 12 Ang handog na pagkaing butil ay isa't kalahating salop ng harinang minasa sa langis para sa bawat toro; isang salop para sa isang tupa, 13 at kalahating salop naman sa bawat batang tupa. Ito ay handog na susunugin, isang mabangong samyo para sa akin. 14 Ang inuming handog naman ay dalawang litro para sa bawat toro, 1 1/3 litro sa bawat lalaking tupa at isang litro naman sa bawat batang tupa. Ito ang buwanan ninyong handog. 15 Bukod sa pang-araw-araw na handog na susunugin at handog na pagkain, maghahandog pa rin kayo ng isang kambing na lalaki para sa kasalanan.
Ang Handog Tuwing Kapistahan(N)
16 “Ang(O) ika-14 na araw ng unang buwan ay Pista ng Paskwa ni Yahweh. 17 Ang(P) ika-15 araw ang simula ng pista, at pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. 18 Sa unang araw, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon. 19 Sa halip, magdala kayo ng handog na susunugin. Ito ang ihahandog ninyo: dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 20 Ito'y sasamahan ninyo ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa bawat toro, isang salop sa bawat lalaking tupa 21 at kalahating salop sa bawat batang tupa. 22 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa katubusan ng kasalanan ng bayan. 23 Ang mga ito'y ihahandog ninyo bukod pa sa pang-araw-araw na handog. 24 Sa loob ng pitong araw, iyan ang mga handog na inyong susunugin, isang mabangong samyo para sa akin. Ito'y inyong gagawin maliban pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at sa inuming handog. 25 Sa ikapitong araw, magdaraos muli kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon.
Ang Handog sa Pista ng Pag-aani(Q)
26 “Sa(R) unang araw ng Pista ng Pag-aani, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong at doon ninyo ihahandog ang unang ani ng inyong mga bukid. Huwag din kayong magtatrabaho sa araw na iyon. 27 Sa halip, mag-alay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo kay Yahweh. Ito ang inyong ihahandog: dalawang batang toro, isang lalaking tupa, at pitong batang tupa. 28 Sasamahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis ng olibo para sa bawat toro, isang salop para sa bawat lalaking tupa 29 at kalahating salop para sa bawat batang tupa. 30 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa katubusan ng kasalanan ng bayan. 31 Ito'y ihahandog ninyo, kasama ng handog na inumin, bukod sa pang-araw-araw na handog na susunugin at handog na pagkaing butil. Kinakailangang ang mga ito'y walang kapintasan.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)
8 Nang mga araw na iyon, muling nagkatipon ang napakaraming tao. Wala nang makain ang mga ito kaya't tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, 2 “Naaawa ako sa mga taong ito sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. 3 Kung pauuwiin ko sila nang gutom, mahihilo sila sa daan; malayo pa naman ang pinanggalingan ng ilan sa kanila.”
4 “Ito po ay isang liblib na lugar. Saan po tayo kukuha ng pagkain para sa ganito karaming tao?” tanong ng mga alagad.
5 “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Jesus.
“Pito po,” sagot nila.
6 Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao at kinuha ang pitong tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos, hinati-hati ang mga tinapay at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Ganoon nga ang ginawa ng mga alagad. 7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Muli siyang nagpasalamat sa Diyos at pagkatapos ay iniutos niyang ipamahagi din iyon sa mga tao. 8 Kumain ang lahat at nabusog. Nang tipunin nila ang lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. 9 May apat na libong tao ang kumain. Matapos pauwiin ang mga tao, 10 sumakay si Jesus sa bangka, kasama ang kanyang mga alagad, at nagtungo sila sa lupain ng Dalmanuta.
Humingi ng Palatandaan ang mga Pariseo(B)
11 May(C) dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Jesus. Nais nilang subukin siya kaya't hiniling nilang magpakita siya ng isang himala mula sa langit. 12 Napabuntong-hininga(D) si Jesus at sinabi sa kanila, “Bakit naghahanap ng himala ang mga tao sa panahong ito? Pakatandaan ninyo: hindi sila bibigyan ng hinihingi nilang himala.” 13 At sila'y iniwan niya. Muli siyang sumakay sa bangka at tumawid sa ibayo.
Ang Pampaalsang Ginagamit ng mga Pariseo at ni Herodes(E)
14 Nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay; iisa lang ang kanilang tinapay sa bangka. 15 Sinabi(F) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at ni Herodes.” 16 Sabi nila sa isa't isa, “Wala kasi tayong dalang tinapay kaya sinabi niya iyon.”
17 Dahil alam ni Jesus ang kanilang pinag-uusapan, sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo pinag-uusapang kayo'y walang dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaintindi? Hindi pa ba ito abot ng inyong isip? 18 Wala(G) ba kayong mata? Bakit hindi kayo makakita? Wala ba kayong tainga? Bakit hindi kayo makarinig? Hindi ba ninyo naaalala 19 nang paghati-hatiin ko ang limang tinapay para sa limanlibong tao? Ilang kaing ang napuno ninyo ng lumabis na pagkain?”
“Labindalawa po,” tugon nila.
20 “At nang paghati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa apat na libong tao, ilang kaing ang napuno ninyo?” tanong niya.
“Pito po,” muli nilang sagot.
21 “At hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ito?” tanong niya.
Pinagaling ang Isang Lalaking Bulag
22 Pagdating nila sa Bethsaida, dinala ng ilang tao kay Jesus ang isang bulag at pinakiusapan nilang hipuin niya ang taong ito. 23 Inakay niya ang bulag at dinala ito sa labas ng bayan. Matapos duraan at takpan ang mga mata nito ng kanyang kamay, tinanong ni Jesus, “May nakikita ka ba?”
24 Tumingin ang lalaki at sumagot, “Nakakakita po ako ng mga tao, ngunit para silang mga punongkahoy na naglalakad.”
25 Muling inilagay ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata ng bulag. Sa pagkakataong ito, tuminging mabuti ang bulag. Nanumbalik ang kanyang paningin at nakakita na siya nang malinaw. 26 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maaari ka nang umuwi. Huwag ka nang bumalik sa bayan.”
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(H)
27 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa mga nayon ng Cesarea na sakop ng Filipos. Habang sila'y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin?”
28 Sumagot(I) sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo daw po si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba, si Elias daw kayo; may nagsasabi ring isa raw kayo sa mga propeta.”
29 “Ngunit(J) kayo naman, ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” tanong niya.
Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo.”
30 “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.
Unang Pagpapahayag tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(K)
31 Mula noon, itinuro ni Jesus sa mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdanas ng matinding hirap. Siya'y itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” 32 Malinaw na sinabi niya ito sa kanila at dahil dito'y dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan. 33 Ngunit tumalikod si Jesus, tumingin sa mga alagad, at sinabi kay Pedro, “Umalis ka sa harap ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi sa tao.”
34 Pinalapit(L) ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay dapat itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 35 Ang(M) sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 37 Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kapag ikinahiya ninyo ako at ang aking mga salita sa harap ng mga taksil at makasalanang mga tao sa panahong ito, ikakahiya rin kayo ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.