Old/New Testament
Ang Bukal Mula sa Malaking Bato(A)
20 Nang unang buwan, nakarating ang buong sambayanan ng Israel sa ilang ng Zin at nagkampo sila sa Kades. Doon namatay at inilibing si Miriam.
2 Wala(B) silang makuhang tubig doon, kaya nagpulong sila laban kina Moises at Aaron. 3 Sinabi nila, “Mabuti pa'y namatay na kami sa harap ng Tolda ni Yahweh kasama ng iba naming mga kapatid. 4 Bakit pa ninyo kami dinala rito? Upang patayin ba kasama ng aming mga alagang hayop? 5 Bakit ninyo kami inilabas sa Egipto at dinala sa disyertong ito na wala kahit isang butil na pagkain, igos, ubas o bunga ng punong granada! Wala man lang tubig na mainom!” 6 Nagpunta sina Moises at Aaron sa may pintuan ng Toldang Tipanan at nagpatirapa roon. Nagningning sa kanila ang kaluwalhatian ni Yahweh.
7 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 8 “Dalhin mo ang tungkod na nasa harap ng Kaban ng Tipan at isama ninyo ni Aaron ang buong bayan sa harap ng malaking bato. Pagdating doon, magsalita ka sa bato at lalabas ang tubig para sa taong-bayan at sa kanilang mga alagang hayop.” 9 Kinuha nga ni Moises ang tungkod mula sa Kaban ng Tipan.
10 Tinipon nina Moises at Aaron sa harap ng malaking bato ang buong bayan. Sinabi niya, “Makinig kayo, mga mapanghimagsik. Gusto ba ninyong magpabukal pa kami ng tubig mula sa batong ito?” 11 Pagkasabi(C) noon, dalawang ulit na pinalo ni Moises ang bato sa pamamagitan ng tungkod. Biglang bumukal ang masaganang tubig at nakainom ang mga tao pati ang kanilang mga alagang hayop.
12 Ngunit pinagsabihan ni Yahweh sina Moises at Aaron. Sabi niya, “Dahil kulang ang inyong pananalig sa akin na maipapakita ko sa mga Israelita na ako'y banal, hindi kayo ang magdadala sa bayang ito sa lupaing ibibigay ko sa kanila.”
13 Nangyari ito sa bukal ng Meriba, kung saan nagreklamo ang Israel laban kay Yahweh at ipinakita niya na siya ay banal.
Hindi Pinaraan sa Edom ang Israel
14 Mula sa Kades, nagpasabi si Moises sa hari ng Edom, “Ito ang ipinapasabi ng bayang Israel na iyong kamag-anak: Hindi kaila sa iyo ang mga kahirapang dinanas namin. 15 Alam mong ang mga ninuno namin ay nagpunta sa Egipto at nanirahan doon nang mahabang panahon, ngunit kami at ang aming mga ninuno ay inapi ng mga Egipcio. 16 Dahil dito, dumaing kami kay Yahweh. Dininig niya kami at isinugo sa amin ang isang anghel na siyang naglabas sa amin mula sa Egipto. At ngayo'y narito kami sa Kades, sa may hangganan ng iyong nasasakupan. 17 Ipinapakiusap kong paraanin mo kami sa iyong lupain. Hindi kami daraan sa alinmang bukirin o ubasan, ni kukuha ng isang patak na tubig sa inyong mga balon. Sa Lansangan ng Hari kami magdaraan at hindi kami lilihis sa kanan o sa kaliwa hanggang hindi kami nakakalampas sa iyong nasasakupan.”
18 Ngunit ganito ang sagot ng mga taga-Edom: “Huwag kayong makadaan-daan sa aming nasasakupan! Kapag kayo'y nangahas, sasalakayin namin kayo.”
19 Sinabi ng mga Israelita, “Hindi kami lilihis ng daan. Sakaling makainom kami o ang aming mga alagang hayop ng inyong tubig, babayaran namin, paraanin lamang ninyo kami.”
20 “Hindi maaari!” sagot ng mga taga-Edom. At tinipon nila ang kanilang buong hukbo upang salakayin ang mga Israelita. 21 Hindi nga pinaraan ng mga taga-Edom sa kanilang nasasakupang lugar ang mga Israelita kaya humanap na lang sila ng ibang daan.
Namatay si Aaron sa Bundok ng Hor
22 Naglakbay ang mga Israelita mula sa Kades at nakarating sa Bundok ng Hor, 23 sa may hanggahan ng lupain ng Edom. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 24 “Mamamatay si Aaron at hindi siya makakapasok sa lupaing ibibigay ko sa Israel sapagkat sinuway ninyo ang utos ko sa inyo sa Meriba. 25 Isama mo siya at ang anak niyang si Eleazar sa itaas ng Bundok ng Hor. 26 Pagdating doon, hubarin mo ang kasuotan niya at isuot mo iyon kay Eleazar. At doon na mamamatay si Aaron.” 27 Ganoon nga ang ginawa ni Moises. Umakyat sila sa bundok habang nakatingin ang buong bayan. 28 Pagdating(D) sa itaas ng bundok, hinubad ni Moises ang kasuotan ni Aaron at isinuot kay Eleazar. Doon ay namatay si Aaron, subalit sina Moises at Eleazar ay bumalik sa kapatagan. 29 Nang malaman ng sambayanan na patay na si Aaron, tatlumpung araw silang nagluksa.
Sinalakay ng mga Cananeo ang mga Israelita
21 Nabalitaan(E) ng hari ng Arad, isang haring Cananeo sa timog, na magdaraan sa Atarim ang mga Israelita. Sinalakay niya ang mga ito at nakabihag ng ilan. 2 Kaya ang mga Israelita'y gumawa ng panata kay Yahweh. Sabi nila, “Tulungan ninyo kaming talunin ang mga taong ito at wawasakin namin ang kanilang mga lunsod para sa iyo.” 3 Dininig naman sila ni Yahweh. Kaya, nang mabihag nila ang mga Cananeo ay winasak nga nila ang lunsod ng mga ito, at tinawag nilang Horma[a] ang lugar na iyon.
Ang mga Makamandag na Ahas
4 Mula(F) sa Bundok ng Hor, nagpatuloy ang mga Israelita patungong Dagat na Pula[b] upang iwasan ang Edom. Subalit nainip sila sa pasikut-sikot na paglalakbay. 5 Nagreklamo sila sa Diyos at kay Moises, “Inilabas mo ba kami sa Egipto upang mamatay lamang sa ilang na ito? Wala kaming makain ni mainom! Suyang-suya na kami sa walang kuwentang pagkaing ito.” 6 Dahil(G) dito, pinadalhan sila ni Yahweh ng mga makamandag na ahas at maraming Israelita ang natuklaw ng mga ito at namatay. 7 Kaya, lumapit sila kay Moises. Sinabi nila, “Nagkasala kami kay Yahweh at sa iyo. Ipanalangin mo kami na kanyang paalisin ang mga ahas na ito.” Nanalangin nga si Moises para sa Israel 8 at ganito ang sagot sa kanya ni Yahweh: “Gumawa ka ng isang ahas na tanso. Ilagay mo iyon sa dulo ng isang mahabang kahoy. Sinumang natuklaw ng ahas at tumingin doon ay hindi mamamatay.” 9 Ganoon(H) nga ang ginawa ni Moises. Kaya lahat ng natuklaw ng ahas ay tumitingin sa ahas na tanso at hindi nga namamatay.
Ang Paglalakbay ng Israel sa Palibot ng Moab
10 Ang bayang Israel ay nagpatuloy sa paglalakbay at nagkampo sa Obot. 11 Mula roon, nagtuloy sila sa mga guho ng Abarim, sa ilang na nasa silangan ng Moab. 12 Pag-alis doon, nagpatuloy sila sa Libis ng Zared. 13 Buhat naman dito ay nagtuloy sila sa kabila ng Ilog Arnon, isang lugar na nasa pagitan ng lupain ng mga Amoreo at ng mga Moabita. 14 Kaya natala sa Aklat ng mga Pakikipagdigma ni Yahweh ang ganito:
“Parang ipu-ipong sinakop niya ang Waheb at ang kapatagan ng Arnon,
15 at ang kataasan hanggang sa kapatagan ng Ar
at sa hangganan ng Moab.”
16 Mula sa Arnon, nagpatuloy sila hanggang sa lugar na tinatawag na Balon. Ang lugar na ito'y tinawag na Balon sapagkat dito sila pinahukay ni Yahweh ng balon para makunan ng tubig. 17 Umawit sila roon ng ganito:
“Bumukal ka ng tubig, O balon
at sa iyo'y awit ang aming tugon,
18 mga pinuno ang humukay sa iyo
na ang gamit ay tungkod at setro.”
Mula sa ilang na iyon ay nagtuloy sila sa Matana, 19 nagdaan ng Nahaliel at Bamot. 20 Pag-alis doo'y nagtuloy sila sa isang kapatagang sakop din ng Moab, sa tuktok ng Pisga na nakaharap sa ilang.
Nalupig ng Israel sina Haring Sihon at Og(I)
21 Ang mga Israelita'y nagsugo kay Haring Sihon, isang Amoreo. Ipinasabi nila, 22 “Maaari po bang makiraan kami sa inyong lupain? Hindi po kami daraan sa alinmang bukirin o ubasan, ni iinom sa inyong balon. Sa Lansangan ng Hari po kami daraan hanggang sa makalampas kami sa inyong nasasakupan.” 23 Subalit hindi sila pinahintulutan ni Haring Sihon; sa halip, tinipon niya ang kanyang hukbo at sinalakay ang mga Israelita sa Jahaz. 24 Ngunit nagwagi ang mga Israelita at nasakop ang kanyang lupain, mula sa Ilog Arnon hanggang Jabok, sa may hangganan ng Ammon. Matitibay ang mga kuta ng Ammon. 25 Sinakop ng mga Israelita ang mga lunsod ng mga Amoreo, pati ang Lunsod ng Hesbon at ang mga bayang sakop nito. Pagkatapos, sila na ang nanirahan sa mga lunsod na ito ng mga Amoreo. 26 Ang Hesbon ang siyang punong-lunsod ni Haring Sihon na lumupig sa hari ng Moab at sumakop sa lupain nito hanggang Ilog Arnon. 27 Kaya ang sabi ng mga mang-aawit,
“Halikayo sa Hesbon
at muling itayo ang lunsod ni Sihon.
28 Mula(J) (K) sa Hesbon na lunsod ni Sihon,
lumabas na parang apoy ang kanyang hukbo.
Tinupok nito ang lunsod ng Ar sa Moab,
at nilamon ang kaburulan[c] ng Arnon.
29 Kawawa ka, Moab, sapagkat ito na ang iyong wakas!
Kawawa ka, bayan ng diyos na si Cemos!
Ang mga anak mong lalaki ay hinayaan niyang maging pugante.
Ang mga anak mong babae ay nabihag ni Sihon na hari ng mga Amoreo.
30 Napuksa pati ang mga sanggol
mula sa Hesbon hanggang sa Dibon,
mula sa Nasim hanggang sa Nofa na malapit sa Medeba.”
31 Nanirahan nga ang mga Israelita sa lupaing nakuha nila sa mga Amoreo. 32 Pagkatapos, si Moises ay nagsugo ng mga espiya sa Jazer, at nasakop din nila ito pati ang mga karatig-bayan nito. Pinalayas din nila ang mga Amoreo roon.
33 Hinarap naman nila ang Bashan, ngunit nilabanan sila ni Haring Og sa Edrei. 34 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Huwag kang matakot sapagkat ipapalupig ko siya sa iyo. Magagawa mo sa kanya ang ginawa mo kay Haring Sihon ng Hesbon.” 35 Napatay nga nila si Og, ang mga anak nito at ang lahat ng kababayan nito, wala silang itinirang buháy. Sinakop nila ang lupaing iyon.
Ipinatawag ni Balac si Balaam
22 Nagpatuloy ng paglalakbay ang mga Israelita at nagkampo sila sa kapatagan ng Moab, sa gawing silangan ng Jordan, sa tapat ng Jerico. 2 Ang lahat ng ginawa ng mga Israelita sa mga Amoreo ay hindi lingid kay Haring Balac na anak ni Zippor. Ngunit hindi siya makakilos laban sa mga Israelita sapagkat napakarami ng mga ito. 3 Natakot sa mga Israelita ang mga Moabita sapagkat lubhang napakarami ng mga Israelita. 4 Kaya sinabi nila sa pinuno ng Midian, “Uubusin ng mga taong ito ang mga bayan sa paligid natin, tulad ng pag-ubos ng baka sa sariwang damo.” 5 At nagsugo si Haring Balac kay Balaam na anak ni Beor, sa bayan ng Petor, sa may Ilog Eufrates sa lupain ng mga Amaw. Ganito ang kanyang ipinasabi: “May isang sambayanang dumating buhat sa Egipto. Nasakop na nila ang mga bansa sa paligid namin. Malapit na sila ngayon sa aking lupain. 6 Napakarami nila. Magpunta ka agad dito at sumpain mo sila. Siguro malulupig ko sila pagkatapos mong sumpain sapagkat alam kong pinagpapala ang binabasbasan mo at minamalas naman ang mga isinusumpa mo.”
7 Nagpunta ang mga pinuno ng Moab at ng Midian kay Balaam na dala ang pambayad para sumpain nito ang Israel. Sinabi nila ang ipinapasabi ni Balac. 8 Ito ang tugon ni Balaam: “Dito na kayo matulog ngayong gabi para masabi ko agad sa inyo ang anumang sasabihin sa akin ni Yahweh.” At doon nga sila natulog.
9 Itinanong ng Diyos kay Balaam, “Sino ba 'yang mga taong kasama mo?”
10 Sumagot si Balaam, “Mga sugo po ni Haring Balac ng Moab na anak ni Zippor. 11 Gusto niyang sumpain ko ang sambayanang galing sa Egipto sapagkat nasakop na ng mga ito ang halos lahat ng lupain sa paligid. Baka raw po sa ganoong paraan niya maitaboy sa malayo ang mga iyon.”
12 Sinabi ng Diyos kay Balaam, “Hindi ka dapat sumama sa mga taong iyan. Huwag mong sumpain ang mga taong tinutukoy nila sapagkat pinagpala ko ang mga iyon.”
13 Kinaumagahan, sinabi ni Balaam sa mga panauhin niya, “Umuwi na kayo. Ayaw akong pasamahin ni Yahweh sa inyo.” 14 Umuwi nga ang mga pinuno at sinabi kay Haring Balac na ayaw sumama sa kanila ni Balaam.
15 Kaya't nagsugong muli si Balac ng mas marami at kagalang-galang na mga pinuno kay Balaam. 16 Pagdating doon, sinabi nila, “Ipinapasabi ni Balac na huwag kang mag-atubili sa pagpunta sa kanya. 17 Pagdating mo raw doon, pararangalan ka niyang mabuti at ibibigay sa iyo ang anumang magustuhan mo, sumpain mo lamang ang mga Israelita.”
18 Ang sagot ni Balaam, “Ibigay man sa akin ni Balac ang lahat ng ginto't pilak sa kanyang palasyo, kahit kaunti'y hindi ko maaaring suwayin ang utos sa akin ni Yahweh na aking Diyos. 19 Gayunman, dito na kayo magpalipas ng gabi para malaman natin kung ano pa ang sasabihin sa akin ni Yahweh.”
20 Kinagabihan, lumapit ang Diyos kay Balaam at sinabi sa kanya, “Sumama ka sa kanila ngunit ang ipinapasabi ko lamang sa iyo ang sasabihin mo.”
Ang Anghel at ang Asno ni Balaam
21 Kinabukasan ng umaga, inihanda ni Balaam ang kanyang asno at sumama sa mga pinuno ni Balac, 22 kasama ang dalawa niyang utusan. Nagalit ang Diyos dahil sa pangyayaring ito kaya't hinadlangan ng anghel ni Yahweh ang daraanan ni Balaam. 23 Nakatayo sa daan ang anghel, hawak ang kanyang tabak. Nang makita ng asno ang anghel, lumihis ito ng daan at nagpunta sa bukirin. Kaya, pinalo ito ni Balaam at pilit na ibinabalik sa daan. 24 Ang anghel naman ni Yahweh ay tumayo sa makitid na daan sa pagitan ng ubasan at ng pader. 25 Nang makita siya ng asno, sumiksik ito sa pader at naipit ang paa ni Balaam. Kaya't muli itong pinalo ni Balaam. 26 Ngunit ang anghel ay humarang muli sa lugar na wala nang malilihisan ang asno. 27 Nang makita na naman siya ng asno, nahiga na lamang ito. Kaya, nagalit si Balaam at muling pinalo ang asno. 28 Ngunit pinagsalita ni Yahweh ang asno. Itinanong nito kay Balaam, “Ano bang kasalanan ko sa iyo? Bakit tatlong beses mo na akong pinapalo?”
29 Sinabi ni Balaam sa asno, “Pinalo kita sapagkat ginagawa mo akong hangal. Kung may tabak lang ako, baka napatay na kita.”
30 Sinabi ng asno kay Balaam, “Hindi ba't ako ay iyong asno at sa simula pa'y ako lang ang sinasakyan mo? Ginawa ko na ba ito sa iyo?”
“Hindi!” sagot ni Balaam.
31 Sa sandaling ito'y ipinakita ni Yahweh kay Balaam ang anghel na nakatayo sa daan at may hawak pa ring tabak. Kaya't nagpatirapa si Balaam. 32 Tinanong siya ng anghel ni Yahweh, “Bakit tatlong beses mo nang pinalo ang iyong asno? Sadyang humaharang ako sa daan sapagkat mali ang binabalak mong gawin. 33 Tuwing makikita ako ng asno mo ay lumilihis ito. Pangatlong beses na niyang ginagawa ito. Kung hindi siya lumihis baka napatay na kita, ngunit siya'y hindi ko sasaktan.”
34 Sinabi ni Balaam sa anghel, “Nagkasala ako. Hindi ko alam na nakatayo kayo sa aking daraanan. Babalik na ako kung hindi ayon sa inyong kalooban ang lakad kong ito.”
35 Sumagot ang anghel, “Huwag ka nang bumalik. Sumama ka sa kanila ngunit ang sinabi ko sa iyo ang sabihin mo sa kanila.” At sumama si Balaam sa mga sugo ni Balac.
Si Balaam at si Balac
36 Nang malaman ni Balac na dumarating si Balaam, sinalubong niya ito sa lunsod ng Ar sa may Ilog Arnon sa may hangganan ng Moab. 37 Sinabi niya kay Balaam, “Kailangang-kailangan kita kaya kita ipinatawag. Bakit ngayon ka lang? Akala mo ba'y hindi kita kayang gantimpalaan?”
38 Sumagot si Balaam, “Naparito nga ako ngunit wala akong maaaring sabihin liban sa ipinapasabi sa akin ng Diyos.” 39 At sila'y magkasamang nagpunta sa lunsod ng Huzot. 40 Pagdating doon, si Balac ay naghandog ng baka at tupa. Pagkatapos, pinakain niya si Balaam at ang mga pinunong kasama nila.
41 Kinabukasan, isinama ni Balac si Balaam sa Bamot-Baal kung saan ay abot-tanaw na ang ilang mga Israelita.
Mga Nakaugaliang Katuruan(A)
7 Lumapit kay Jesus ang mga Pariseo kasama ang ilang tagapagturo ng Kautusan na galing pa sa Jerusalem. 2 Nakita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumakain nang marumi ang mga kamay dahil hindi nahugasan ayon sa kaugalian ng mga Judio.
3 (Sapagkat ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga't hindi muna sila nakapaghuhugas ng kamay ayon sa kaugaliang minana nila mula sa kanilang mga ninuno. 4 Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan.[a] Marami pa silang sinusunod na katuruang minana, tulad ng paghuhugas ng mga tasa, pitsel, sisidlang tanso, [at mga higaan].[b]) 5 Kaya tinanong si Jesus ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi man lamang naghuhugas ng kamay ayon sa kaugalian.”
6 Sinagot(B) sila ni Jesus, “Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo, nang kanyang isulat,
‘Ang paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang,
sapagkat ito'y sa bibig at hindi sa puso bumubukal.
7 Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba,
sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’
8 Binabaliwala ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo'y mga tradisyon ng tao.”
9 Sinabi pa ni Jesus, “Ang gagaling ninyo! Para lamang masunod ang inyong mga tradisyon, pinapawalang-bisa ninyo ang utos ng Diyos! 10 Halimbawa,(C) iniutos ni Moises na ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’, at ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ 11 Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Naihandog ko na sa Diyos[c] ang mga tulong ko sa inyo’; 12 ang taong iyon ay hindi na ninyo pinapatulong sa kanilang mga magulang. 13 Sa gayong paraan, pinapawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga itinuturo ninyo. At marami pa kayong ginagawang katulad nito.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.