Old/New Testament
Ang Altar sa Tabi ng Jordan
22 Pagkatapos, tinipon ni Josue ang mga mandirigma ng lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. 2 Sinabi(A) niya, “Tinupad ninyo ang lahat ng tagubilin sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh, at sinunod ninyo ang bawat utos ko. 3 Hanggang sa panahong ito'y hindi ninyo pinabayaan ang mga kapatid ninyong Israelita. Tinupad ninyong mabuti ang lahat ng ipinag-utos ni Yahweh na inyong Diyos. 4 At ngayon, naibigay na ni Yahweh na inyong Diyos sa inyong mga kapatid ang kapayapaang ipinangako niya. Kaya umuwi na kayo sa inyong mga tahanan sa kabila ng Jordan, sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh. 5 Huwag lamang ninyong kakalimutang sundin ang mga tagubilin at kautusang ibinigay ni Moises sa inyo, “Ibigin ninyo si Yahweh na inyong Diyos. Sundin ninyo ang kanyang kalooban at tuparin ang kanyang mga utos. Maging tapat kayo sa kanya at paglingkuran ninyo siya nang buong puso't kaluluwa.” 6 Binasbasan sila ni Josue, at umuwi na sila.
7 Ang kalahati ng lipi ni Manases ay binigyan ni Moises ng lupain sa Bashan; ang kalahati ay binigyan ni Josue ng lupa sa kanluran ng Jordan, katabi ng iba pang lipi ng Israel. Nang sila'y pauwi na, binasbasan sila ni Josue 8 at sinabi sa kanila, “Mayayaman kayong babalik sa inyo—maraming baka, ginto, pilak, tanso, bakal at mga damit. Bahaginan ninyo ng mga nasamsam ninyo sa mga kaaway ang inyong mga kapatid.” 9 Umuwi na nga ang mga mandirigma ng lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. Iniwan nila sa Canaan ang ibang mga Israelita at bumalik sila sa Gilead, sa lupaing naging bahagi nila ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.
10 Pagdating nila ng Jordan na nasa panig ng Canaan, nagtayo sila ng isang mataas at malaking altar sa tabi ng ilog. 11 Nalaman ito ng ibang mga Israelita at ganito ang kumalat na usap-usapan, “Alam ninyo, nagtayo ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at ng kalahati ng lipi ni Manases ng isang altar sa hangganan ng Canaan bago tumawid ng Jordan.” 12 Pagkarinig nito'y nagtipun-tipon sila sa Shilo at humandang digmain ang nasabing mga lipi.
13 Sinugo ng bayang Israel si Finehas na anak ng paring si Eleazar, upang kausapin ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. 14 May kasama siyang sampung pinuno ng mga angkang buhat sa bawat lipi ni Israel. Bawat isa sa kanila ay pinuno ng mga angkan sa kani-kanilang mga lipi. 15 Pagdating sa Gilead, sinabi nila sa mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases, 16 “Ito(B) ang ipinapasabi sa inyo ng buong sambayanan ni Yahweh: ‘Bakit ninyo ginawa ang ganitong pagtataksil sa Diyos ng Israel? Naghihimagsik kayo laban kay Yahweh sa pagtatayo ninyo ng sariling altar. Siya'y tinalikuran ninyo. 17 Nalimutan(C) na ba ninyo ang kasalanan natin sa Peor? Hanggang ngayon nga'y nagtitiis pa tayo sa parusang salot na iginawad ni Yahweh sa atin! Hindi pa ba sapat iyon, 18 at ngayo'y nangahas pa kayong talikuran siya? Kapag naghimagsik kayo kay Yahweh ngayon, bukas din ay magagalit siya sa buong Israel. 19 Kaya, kung ang inyong lupain ay hindi angkop sa pagsamba sa kanya, tumawid kayo sa gawi namin, sa kinaroroonan ng kanyang tabernakulo. Doon na kayo manirahan, huwag lamang kayong magtayo ng ibang altar maliban sa altar ni Yahweh na ating Diyos, sapagkat iyan ay paghihimagsik laban sa kanya at sa amin. 20 Nakalimutan(D) na ba ninyo si Acan na anak ni Zera? Nang sumuway siya sa utos tungkol sa mga bagay na dapat sunugin, kasama niyang naparusahan ang buong Israel! Hindi lamang siya ang namatay dahil sa kanyang kasalanan.”
21 Sumagot ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases sa mga pinuno ng mga angkan ng Israel, 22 “Si Yahweh ay Diyos ng mga diyos! Si Yahweh ang Makapangyarihan sa lahat. Siya lamang ang Diyos! Alam niya kung bakit ginawa namin ito, at dapat din ninyong malaman! Kung kami'y sumuway at kung kami'y nagtaksil kay Yahweh, huwag na niya kaming hayaang mabuhay sa araw na ito. 23 Kung nagtayo kami ng sariling altar upang suwayin si Yahweh, kung nag-alay kami ng handog na susunugin, o handog na pagkaing butil, o handog na pinagsasaluhan, parusahan nawa kami ni Yahweh!
24 “Ginawa namin ito sa takot na baka dumating ang araw na sabihin ng inyong mga anak sa aming mga anak, ‘Ano ang kinalaman ninyo kay Yahweh, ang Diyos ng Israel? 25 Siya na rin ang nagtakda na ang Ilog Jordan ay maging hangganang maghihiwalay sa atin. Kayong mga lipi ni Ruben at ni Gad ay walang bahagi kay Yahweh na Diyos ng Israel.’ Kapag nangyari iyon, ang aming mga anak ay maaaring hadlangan ng inyong mga anak sa pagsamba kay Yahweh. 26 Ang totoo, itinayo namin ang altar na ito, hindi upang pagsunugan o pag-alayan ng mga handog. 27 Itinayo namin ito upang maging bantayog para sa amin, para sa inyo, at para sa ating mga salinlahi—upang maging katibayan na talagang sinasamba natin si Yahweh sa pamamagitan ng mga handog na susunugin, mga alay at handog na pinagsasaluhan. Sa ganoon, hindi masasabi ng inyong mga anak sa aming mga anak, ‘Wala kayong pakialam kay Yahweh.’ 28 At kung sakaling mangyari ito, masasabi ng aming mga anak, ‘Tingnan ninyo! Nagtayo ang aming mga ninuno ng isang altar na katulad ng altar ni Yahweh, hindi upang pagsunugan o pag-alayan ng mga handog, kundi upang maging saksi para sa amin at para sa inyo.’ 29 Kailanma'y hindi namin inisip sumuway kay Yahweh o tumalikod sa kanya. Hindi kami nagtayo ng iba pang altar na pagsusunugan ng handog, o pag-aalayan ng handog na pagkaing butil, o handog na pinagsasaluhan, bukod sa altar ni Yahweh—sa altar na nasa harap ng kanyang tabernakulo.”
30 Narinig ni Finehas at ng mga pinuno ng mga angkan ng Israel na kasama niya, ang sinabi ng mga lipi nina Ruben, Gad at Manases, at nasiyahan sila. 31 Kaya, sinabi sa kanila ni Finehas, ang anak ng paring si Eleazar, “Alam na namin ngayon na kasama natin si Yahweh sa araw na ito. Hindi kayo nagtaksil kay Yahweh, kaya iniligtas ninyo ang Israel sa parusa ni Yahweh.”
32 Iniwan ni Finehas at ng mga pinuno ng mga angkan ang mga lipi ni Ruben at ni Gad sa lupain ng Gilead. Nagbalik na sila sa Canaan at iniulat sa Israel ang buong pangyayari. 33 Natuwa ang mga Israelita at nagpuri sa Diyos. Hindi na nila muling nabanggit ang balak nilang paglusob at pagwasak sa lupain nina Gad at Ruben.
34 Ang altar na iyon ay tinawag na “Saksi” sapagkat sabi ng mga lipi nina Gad at Ruben, “Saksi ito para sa ating lahat na si Yahweh ay siyang Diyos.”
Ang Pamamaalam ni Josue
23 Marami nang taon ang lumipas buhat nang bigyan ni Yahweh ang bayang Israel ng kapayapaan. Hindi na sila ginagambala ng mga kaaway na nasa palibot nila. At matandang-matanda na si Josue, 2 kaya tinipon niya ang buong Israel: ang matatanda, ang mga pinuno ng mga angkan, mga hukom at ang mga tagapangasiwa sa bayan. Sinabi niya, “Ako'y matanda na. 3 Nasaksihan ninyo ang ginawa ni Yahweh sa lahat ng bansang ito dahil sa inyo. Si Yahweh na inyong Diyos ang nakipaglaban sa inyong mga kaaway. 4 Kaya, makinig kayo! Ibinibigay ko sa inyong lahat bilang bahagi ng inyong mga lipi ang buong lupaing nasa pagitan ng Ilog Jordan sa gawing silangan, at ng Dagat Mediteraneo sa kanluran: ang lupain ng mga bansang nasakop ko na, gayundin ang mga lupaing hindi pa nasasakop. 5 Si Yahweh na inyong Diyos ang siyang magpapalayas sa mga bansang iyon pagdating ninyo roon. Sila'y palalayasin niya sa kanilang mga lupain upang kayo ang manirahan doon, gaya ng ipinangako sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. 6 Magpakatatag kayo at sundin ninyo ang lahat ng nasusulat sa aklat ng Kautusan ni Moises. Huwag kayong lilihis sa anumang ipinag-uutos nito. 7 Huwag kayong makikisalamuha sa mga bansang natitira pa sa lupain ninyo. Huwag kayong mananalangin sa kanilang mga diyus-diyosan; huwag kayong manunumpa sa pangalan ng mga ito, at huwag din kayong sasamba o maglilingkod sa kanila. 8 Sa halip ay manatili kayong tapat kay Yahweh na inyong Diyos, gaya ng ginagawa ninyo hanggang ngayon. 9 Dahil diyan, pinalayas niya ang maraming malalaki at makapangyarihang bansa pagdating ninyo, at wala pang nakakatalo sa inyo hanggang ngayon. 10 Ang(E) isa sa inyo'y kayang patakbuhin ang sanlibong kaaway sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ang siyang nakikipaglaban para sa inyo, tulad ng kanyang ipinangako. 11 Kaya palagi ninyong ibigin si Yahweh na inyong Diyos. 12 Kapag tinalikuran ninyo siya, at nakipagkaibigan kayo sa mga bansang natitira pa sa lupain ninyo, kapag nag-asawa kayo o nakisalamuha sa kanila, 13 tandaan ninyo ito: hindi na palalayasin ni Yahweh ang mga bansang ito. Sa halip, sila'y magiging parang bitag para sa inyo, malupit na latigo sa inyong gulugod, tinik na tutusok sa inyong mga mata, hanggang sa maubos ang lahi ninyo sa lupaing ito na ibinigay sa inyo ni Yahweh.
14 “Malapit na akong pumanaw sa daigdig na ito. Alam ninyo sa inyong puso't kaluluwa na tinupad ng Diyos ninyong si Yahweh ang bawat mabuting bagay na ipinangako niya sa inyo. Wala siyang hindi tinupad. 15-16 Ngunit tulad ng lahat ng magagandang bagay na ipinangako sa inyo ay tinupad ni Yahweh, maaari rin niyang gawin sa inyo ang lahat ng mga masasamang bagay hanggang sa kayo'y malipol sa masaganang lupaing ito na ibinigay ni Yahweh na inyong Diyos. Kapag hindi kayo tumupad sa kasunduang ibinigay niya sa inyo, at kayo'y sumamba at naglingkod sa mga diyus-diyosan, paparusahan niya kayo.”
Nagsalita si Josue sa mga Tao sa Shekem
24 Tinipon ni Josue sa Shekem ang lahat ng lipi ng Israel. Pinapunta niya roon ang matatandang namumuno, mga tagapangasiwa, ang mga hukom at ang mga opisyal ng Israel, at sila'y humarap sa Diyos. 2 Sinabi(F) niya, “Ito ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Noong una, ang inyong mga ninuno ay nanirahan sa kabila ng Ilog Eufrates. Isa sa mga ito si Terah na ama ni Abraham at ni Nahor. Sumamba sila sa mga diyus-diyosan. 3 Tinawag(G) ko si Abraham buhat sa lupaing iyon at dinala ko siya at pinatnubayan sa buong lupain ng Canaan. Pinarami ko ang lahing nagmula sa kanya. Ibinigay ko sa kanya si Isaac, 4 at(H) kay Isaac ay ibinigay ko si Jacob at si Esau. Ibinigay ko kay Esau ang kaburulan ng Seir bilang bahagi niya. Ngunit si Jacob at ang kanyang mga anak ay nagpunta sa Egipto. 5 Isinugo(I) ko si Moises at si Aaron, at sa pamamagitan ng mga salot ay pinahirapan ko ang mga Egipcio. Pagkatapos ay inilabas ko kayo roon. 6 Inilabas(J) ko sa Egipto ang inyong mga ninuno at nakarating sila sa Dagat na Pula.[a] Hinabol sila ng mga Egipciong sakay ng mga karwahe at kabayo hanggang sa may dagat. 7 Ang inyong mga ninuno'y humingi ng tulong sa akin, at naglagay ako ng dilim sa pagitan nila at ng mga Egipcio. Pinagsama kong muli ang nahating dagat at sila'y natabunan ng tubig. Nasaksihan ninyo ang mga ginawa ko sa mga Egipcio. At matagal kayong nanirahan sa ilang.
8 “‘Pagkatapos,(K) dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo sa silangan ng Jordan. Nilabanan nila kayo, ngunit pinagtagumpay ko kayo laban sa kanila. Pinuksa ko sila at nasakop ninyo ang kanilang lupain. 9 Nilabanan(L) kayo ng hari ng Moab na si Balac na anak ni Zippor at isinugo niya si Balaam na anak ni Beor upang sumpain kayo. 10 Ngunit hindi ko hinayaang gawin ni Balaam iyon, sa halip pinagpala niya kayo. Sa ganoon, iniligtas ko kayo sa kamay ni Balac. 11 Tumawid(M) kayo ng Jordan at nakarating sa Jerico. Nilabanan kayo ng mga taga-Jerico at ng mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergeseo, Hivita, at Jebuseo. Ngunit sila'y ibinigay ko sa inyong kapangyarihan. 12 Parang(N) hinabol ng mga putakti na nagtakbuhan ang dalawang haring Amoreo at pinalayas ko sila bago kayo dumating. Walang kinalaman sa pangyayaring iyon ang inyong mga tabak at pana. 13 Binigyan(O) ko kayo ng lupaing hindi ninyo binungkal. Pinatira ko kayo sa mga lunsod na hindi kayo ang nagtayo. Kumakain kayo ngayon ng ubas at olibo na galing sa mga punong hindi kayo ang nagtanim.’
14 “Kaya ngayon, sambahin ninyo si Yahweh at paglingkuran ninyo siya nang buong puso't katapatan. Alisin ninyo ang mga diyus-diyosang dating sinasamba ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia at sa Egipto. Si Yahweh lamang ang inyong paglingkuran. 15 At kung ayaw ninyong maglingkod kay Yahweh, pumili kayo ngayon kung sino ang inyong paglilingkuran: ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia, o ang mga diyos ng mga Amoreo, na sinasamba dito sa lupaing inyong tinitirhan. Ngunit para sa akin at sa aking sambahayan, kay Yahweh kami maglilingkod.”
16 Sumagot ang bayan, “Hindi namin magagawang talikuran si Yahweh at maglingkod sa ibang diyos! 17 Si Yahweh, na ating Diyos, ang siyang humango sa atin sa pagkaalipin sa Egipto. Nasaksihan din namin ang mga kababalaghang ginawa niya upang tayo'y maingatan saanman tayo makarating at mailigtas sa mga kaaway sa mga bansang ating dinaanan. 18 Pagdating natin, pinalayas ni Yahweh sa lupaing ito ang mga Amoreong nanirahan dito. Kaya't kay Yahweh rin kami maglilingkod sapagkat siya ang aming Diyos.”
19 Ngunit sinabi ni Josue sa taong-bayan, “Hindi ninyo kayang maglingkod kay Yahweh sapagkat siya'y isang Diyos na banal at siya'y mapanibughuing Diyos. Hindi niya palalampasin ang inyong mga pagsuway at pagkakasala. 20 Kapag tinalikuran ninyo siya at naglingkod kayo sa mga diyos ng ibang bansa, kapopootan niya kayo at paparusahan. Hindi niya panghihinayangang lipulin kayo sa kabila ng kanyang mga kabutihan sa inyo.”
21 Sumagot ang taong-bayan kay Josue, “Hindi po mangyayari iyan! Kay Yahweh kami maglilingkod.”
22 Sinabi ni Josue, “Kayo na rin ang mga saksi na pinili ninyong paglingkuran si Yahweh.”
Sumagot naman sila, “Opo! Saksi kami.”
23 Sinabing muli ni Josue, “Kung gayon, itapon ninyo ang mga diyus-diyosang iniingatan pa ninyo. Manumpa kayo kay Yahweh, sa Diyos ng Israel.”
24 Sumagot muli ang mga tao, “Maglilingkod kami kay Yahweh na aming Diyos at susundin namin ang kanyang mga utos.”
25 Kaya, nang araw na iyon ay gumawa si Josue ng kasunduan para tuparin ng sambayanan. Binigyan niya sila sa Shekem ng mga batas at tuntunin. 26 Isinulat ni Josue ang mga batas na ito sa Aklat ng Kautusan ng Diyos. Kumuha siya ng isang malaking bato, itinayo sa lilim ng sagradong puno sa Banal na Lugar ni Yahweh. 27 At sinabi niya sa lahat, “Tingnan ninyo ang batong ito. Ito ang ating saksi. Narinig nito ang lahat ng sinabi sa atin ni Yahweh. Ito rin ang magiging saksi laban sa inyo, kapag kayo'y tumalikod sa Diyos.” 28 Pagkatapos, pinaalis na ni Josue ang mga tao, at umuwi sila sa kani-kanilang lupain.
Ang Pagkamatay ni Josue at ni Eleazar
29 Lumipas ang sandaling panahon at ang lingkod ni Yahweh na si Josue, na anak ni Nun, ay namatay sa gulang na 110 taon. 30 Inilibing(P) siya sa kanyang sariling lupain sa Timnat-sera, sa kaburulan ng Efraim, hilaga ng Bundok ng Gaas.
31 Naglingkod kay Yahweh ang sambayanang Israel habang nabubuhay si Josue. Kahit wala na siya, nanatili pa rin silang tapat kay Yahweh habang nabubuhay ang mga pinunong nakasaksi sa lahat ng mga ginawa ni Yahweh para sa Israel.
32 Dinala(Q) ng bayang Israel ang mga buto ni Jose nang sila'y umalis sa Egipto. Ibinaon nila ito sa Shekem, sa lupaing binili ni Jacob sa mga anak ni Hamor, na ama ni Shekem, sa halagang sandaang pirasong pilak. Ang lupaing ito ay kasama sa naging bahagi ng mga anak ni Jose.
33 Namatay din si Eleazar na anak ni Aaron at inilibing sa Gibea, ang bayang ibinigay sa anak niyang si Finehas sa kaburulan ng Efraim.
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
3 Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea at si Herodes ang pinuno sa Galilea. Ang kapatid nitong si Felipe ang pinuno sa lupain ng Iturea at Traconite at si Lisanias ang pinuno sa Abilinia. 2 Nang sina Anas at Caifas ang mga pinakapunong pari ng mga Judio, si Juan na anak ni Zacarias ay nakatira sa ilang. Ipinahayag ng Diyos ang kanyang salita kay Juan, 3 kaya't nilibot niya ang mga lupain sa magkabilang panig ng Jordan. Siya'y nangaral, “Pagsisihan at talikuran ninyo ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo upang kayo'y patawarin ng Diyos.” 4 Sa(B) gayon, natupad ang nakasulat sa aklat ni Propeta Isaias,
“Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon.
Gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!
5 Matatambakan ang bawat libis,
at mapapatag ang bawat burol at bundok.
Magiging tuwid ang daang liku-liko,
at patag ang daang baku-bako.
6 At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos!’”
7 Kaya't(C) sinabi ni Juan sa maraming taong lumapit sa kanya upang magpabautismo, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa poot na darating? 8 Ipakita(D) ninyo sa pamamagitan ng gawa na nagsisisi kayo, at huwag ninyong sabihing mga anak kayo ni Abraham. Sinasabi ko sa inyo, mula sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga tunay na anak ni Abraham. 9 Ngayon(E) pa ma'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.”
10 Tinanong siya ng mga tao, “Kung gayon, ano po ang dapat naming gawin?”
11 Sumagot siya sa kanila, “Sinumang mayroong dalawang balabal, ibigay mo ang isa sa wala. Gayon din ang gawin ng sinumang may pagkain.”
12 Dumating(F) din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sila'y nagtanong sa kanya, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?”
13 “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin,” tugon niya.
14 Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami po naman, ano ang dapat naming gawin?”
“Huwag kayong kukuha ng pera kaninuman nang sapilitan o sa pamamagitan ng hindi makatuwirang paratang, at masiyahan kayo sa inyong sweldo,” sagot niya.
15 Nananabik noon ang mga tao sa pagdating ng Cristo, at inakala nilang si Juan mismo ang kanilang hinihintay. 16 Dahil dito sinabi niya sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa pamamagitan ng tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ay magbabautismo sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng apoy. Siya'y higit na makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas. 17 Hawak na niya ang kalaykay upang linisin ang giikan at upang tipunin ang trigo sa kanyang kamalig. Ngunit ang ipa'y susunugin niya sa apoy na di mamamatay kailanman.”
18 Marami pang bagay na ipinapangaral si Juan sa mga tao sa kanyang pamamahayag ng Magandang Balita. 19 Si(G) Herodes man na pinuno ng Galilea ay pinagsabihan din ni Juan dahil kinakasama niya ang kanyang hipag na si Herodias at dahil sa iba pang kasamaang ginagawa nito. 20 Dahil dito'y ipinabilanggo ni Herodes si Juan, at ito'y nadagdag pa sa mga kasalanan ni Herodes.
Binautismuhan si Jesus(H)
21 Nang mabautismuhan na ni Juan ang mga tao, binautismuhan din niya si Jesus. Habang nananalangin si Jesus, nabuksan ang langit 22 at(I) bumabâ sa kanya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati. Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”
Ang Talaan ng mga Ninuno ni Jesus(J)
23 Magtatatlumpung taon na si Jesus nang siya'y magsimulang mangaral. Ipinapalagay ng mga tao na siya'y anak ni Jose. Si Jose naman ay anak ni Eli, 24 na anak ni Matat. Si Matat ay anak ni Levi na anak ni Melqui, at si Melqui nama'y anak ni Janai na anak ni Jose. 25 Si Jose ay anak ni Matatias na anak ni Amos. Si Amos ay anak ni Nahum na anak ni Esli. Si Esli ay anak ni Nagai, 26 anak ni Maat na anak ni Matatias. Si Matatias ay anak ni Semei na anak ni Josec. Si Josec ay anak ni Joda 27 na anak ni Joanan. At si Joanan ay anak ni Resa na anak ni Zerubabel, anak ni Salatiel na anak ni Neri. 28 Si Neri ay anak ni Melqui na anak ni Adi. Si Adi ay anak ni Cosam na anak ni Elmadam, na anak ni Er. 29 Si Er ay anak ni Josue na anak ni Eliezer, anak ni Jorim na anak ni Matat. Si Matat ay anak ni Levi 30 na anak ni Simeon na anak ni Juda. Si Juda ay anak ni Jose. Si Jose ay anak ni Jonam na anak ni Eliaquim, 31 na anak ni Melea. Si Melea ay anak ni Menna na anak ni Matata, anak ni Natan na anak ni David. 32 Si David ay anak ni Jesse na anak ni Obed, at si Obed ay anak naman ni Boaz. Si Boaz ay anak ni Salmon na anak ni Naason, 33 anak ni Aminadab na anak ni Admin. Si Admin ay anak ni Arni na anak ni Esrom, na anak ni Fares. Si Fares ay anak ni Juda 34 na anak ni Jacob. Si Jacob ay anak ni Isaac na anak ni Abraham. Si Abraham ay anak ni Terah na anak ni Nahor. 35 Si Nahor ay anak ni Serug na anak ni Reu, na anak ni Peleg, at si Peleg ay anak ni Eber na anak ni Sala. 36 Si Sala ay anak ni Cainan na anak ni Arfaxad na anak ni Shem. Si Shem ay anak ni Noe, anak ni Lamec 37 na anak ni Matusalem na anak ni Enoc. Si Enoc ay anak ni Jared na anak ni Mahalaleel na anak ni Kenan. 38 Si Kenan ay anak ni Enos na anak ni Set. At si Set ay anak ni Adan na anak ng Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.