Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 27-28

Ang Altar(A)

27 “Gumawa ka ng isang altar na yari sa punong akasya; 2.2 metro ang haba, ganoon din ang lapad, at ang taas ay 1.3 metro. Ang apat na sulok niyon ay lagyan mo ng tulis na parang sungay. Gawin mo itong kaisang piraso ng altar at balutin mo ng tanso. Gumawa ka rin ng mga kagamitang tanso para sa altar: lalagyan ng abo ng sinunog na taba, ng pala, palanggana, malaking tinidor at lalagyan ng apoy. Gumawa ka rin ng parilyang tanso, at ang bawat sulok nito ay kabitan mo ng isang argolyang tanso na siyang bitbitan, at ikabit mo ang parilya sa ilalim ng tuntungan ng altar. Gumawa rin kayo ng pampasan na yari sa punong akasya at babalutin din ng tanso. Isuot mo ang mga ito sa mga argolya ng altar kung ito'y kailangang buhatin. Kaya nga't ang altar na gagawin mo ay may guwang sa gitna, ayon sa planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.

Ang Bulwagan ng Tabernakulo(B)

“Ang tabernakulo'y igawa mo ng bulwagang tatabingan ng mamahaling lino sa paligid. Sa gawing timog ay 45 metro ang haba ng tabing 10 na isasabit sa dalawampung posteng tanso na nakatindig sa dalawampung patungang tanso. Pilak naman ang mga kawit ng poste, gayon din ang mga baras na sabitan. 11 Ang ilalagay sa gawing hilaga ay tulad din ng nasa gawing timog; 45 metro ang haba ng mga tabing na nakasabit sa dalawampung posteng tanso na nakatindig sa dalawampung patungang tanso. Pilak naman ang mga kawit ng poste, gayon din ang baras. 12 Sa gawing kanluran naman, 22 metro ang haba ng tabing na isasabit sa sampung posteng nakatindig sa sampung patungan. 13 Ang luwang ng harapan sa gawing silangan ay 22 metro rin. 14 Ang isang tabi ng pintuan nito'y lalagyan ng kurtinang may habang 6.6 na metro, na nakasabit sa tatlong posteng nakapatong sa tatlong tuntungan. 15 Ganoon din sa kabilang gilid, 6.6 na metro ang haba ng kurtinang nakasabit sa tatlong posteng may kanya-kanyang tuntungan. 16 Ang kurtina naman sa mismong pinto ay 9 na metro ang haba, yari sa kulay asul, kulay ube at pulang lana, pinong lino na maganda ang burda. Isasabit ito sa apat na posteng nakatuntong sa apat na patungan. 17 Lahat ng poste sa bulwagan ay pagkakabitin ng baras na pilak; pilak din ang mga kawit ngunit tanso ang mga tuntungan. 18 Ang haba ng bulwagan ay 45 metro at 22 metro naman ang luwang. Ang mga tabing na pawang yari sa mamahaling lino ay 2.2 metro ang taas; ang mga patungan ay pawang tanso. 19 Lahat ng kagamitan sa tabernakulo, pati mga tulos ay panay tanso.

Ang Pangangalaga sa Ilawan(C)

20 “Pagdalhin mo ang mga Israelita ng pinakamainam na langis ng olibo para sa mga ilaw upang ito'y manatiling nagniningas. 21 Aalagaan ito ni Aaron at ng kanyang mga anak sa Toldang Tipanan. Ito'y ilalagay sa labas ng tabing, sa tapat ng Kaban ng Tipan. Hindi nila ito pababayaang mamatay mula hapon hanggang umaga at habang panahong gagawin ito ng mga Israelita at ng kanilang buong lahi.

Ang Kasuotan ng mga Pari(D)

28 “Ipatawag mo ang kapatid mong si Aaron at ang mga anak niyang sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Ibukod mo sila sa karamihan ng mga Israelita upang maglingkod sa akin bilang mga pari. Ipagpagawa mo ang kapatid mong si Aaron ng maganda at marangal na kasuotang nararapat sa kanyang banal na gawain. Ang mga kasuotang ito ay ipagawa mo sa mga taong binigyan ko ng kahusayan sa paggawa nito. Kailangan ito ni Aaron sa paglilingkod sa akin bilang pari. Ito ang kasuotang ipapagawa mo: pektoral, efod, abito, mahabang panloob na kasuotan, turbante at pamigkis. Ipagpagawa mo ng sagradong kasuotan si Aaron at ang mga anak niyang lalaki upang magamit nila sa paglilingkod sa akin bilang mga pari. Ang mga kasuotang ipapagawa mo ay gagamitan ng ginto, lanang asul, murado at pula, at pinong sinulid na lino.

Ang Efod

“Ang efod ay gagawin nilang yari sa ginto, lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula, at hinabing telang lino at buburdahan nang maganda. Palagyan mo ito ng dalawang tali sa balikat na siyang magdudugtong sa harap at likod. Kabitan ito ng pamigkis na yari din sa ginto, lanang asul, kulay ube at pula, at hinabing telang lino.

“Kumuha ka ng dalawang batong kornalina at ipaukit mo roon ang pangalan ng labindalawang anak na lalaki ni Israel, 10 tig-anim sa bawat bato ayon sa pagkakasunod ng kanilang kapanganakan. 11 Ipagawa mo ito sa mahusay na platero at ipakabit mo ito sa lalagyang ginto. 12 Ikakabit ito sa tali sa balikat ng efod bilang tagapagpaalala sa labindalawang anak na lalaki ni Israel. Sa ganitong paraan, dadalhin ni Aaron sa kanyang mga balikat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ni Israel upang sila'y maalala ni Yahweh.

13 “Magpapagawa ka rin ng dalawa pang patungang ginto, 14 at dalawang nilubid na ginto na ikakabit mo sa dalawang patungan.

Ang Pektoral(E)

15 “Gumawa ka rin ng pektoral na gagamitin ng pinakapunong pari sa pag-alam ng kalooban ni Yahweh. Buburdahan ito nang maganda, tulad ng sa efod. Ang gagamitin dito'y ginto, lanang kulay asul, kulay ube at pula, at telang lino. 16 Gawin mo itong parisukat at magkataklob: 0.2 metro ang haba, at ganoon din ang lapad. 17 Lagyan ito ng apat na hilera ng mga mamahaling bato. Sa unang hilera ay rubi, topaz at karbungko. 18 Sa ikalawang hilera naman ay esmeralda, safiro at brilyante. 19 Sa ikatlong hilera ay jacinto, agata at ametista. 20 At sa ikaapat na hilera ay berilo, kornalina at jasper. Ang mga ito'y ikakabit sa patungang ginto. 21 Labindalawa lahat ang batong gagamitin upang kumatawan sa labindalawang anak ni Israel. Tulad ng isang pantatak, sa bawat bato'y nakaukit nang maganda ang pangalan ng bawat anak na lalaki ni Israel. 22 Gumawa ka ng dalawang maliliit na lubid na ginto at ikabit mo sa pektoral. 23 Kabitan mo ito ng dalawang argolyang ginto sa mga sulok sa itaas, 24 at dito itatali ang dalawang lubid na ginto. 25 Ang kabilang dulo ng mga ito ay ikakabit naman sa dalawang patungang ginto na nasa tali sa balikat ng efod, sa gawing harapan. 26 Kabitan mo rin ng tig-isang argolyang ginto sa magkabilang sulok sa ibaba, sa bandang loob, malapit sa efod. 27 Gumawa ka ng dalawa pang argolyang ginto, ikabit mo ito sa tali sa balikat ng efod, sa harapan, sa tabi ng dugtungan, sa gawing itaas ng pamigkis. 28 Ang argolya ng pektoral at ang argolya ng efod ay pagkakabitin ng lubid na asul para huwag magkahiwalay.

29 “Kaya, pagpasok ni Aaron sa Dakong Banal na suot ang pektoral, dala niya, sa tapat ng kanyang puso, ang pangalan ng mga lipi ng Israel upang sila'y maalala ni Yahweh. 30 Ilalagay(F) naman sa pektoral ang Urim at Tumim upang ito'y nasa tapat din ng puso ni Aaron pagharap niya kay Yahweh. Tuwing siya'y haharap kay Yahweh, dala niya sa tapat ng kanyang puso ang kagamitan sa pag-alam ng kalooban ko para sa Israel.

Ang Iba pang Kasuotan ng Pari(G)

31 “Gumawa rin kayo ng damit na ilalagay sa ilalim ng efod. Ito'y yari sa telang kulay asul. 32 Lalagyan ito ng butas sa suotan ng ulo at lalagyan ng tupi ang paligid ng butas tulad ng karaniwang baro, upang hindi matastas. 33 Gagawa(H) ka ng palawit na parang bunga ng punong granada na yari sa lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula, at ikakabit mo sa laylayan. Pagkatapos, lagyan mo ng kampanilyang ginto ang pagitan ng mga palawit. 34 Ang magiging ayos nito ay isang hanay ng magkasalit na kampanilya at palawit sa buong laylayan. 35 Ito'y isusuot ni Aaron tuwing gaganap ng tungkulin bilang pari upang marinig ang tunog ng kampanilya tuwing siya'y papasok at lalabas sa Dakong Banal ni Yahweh. Sa gayon, hindi siya mamamatay.

36 “Gumawa ka rin ng isang palamuting ginto na may nakaukit na ganito: ‘Inilaan kay Yahweh.’ 37 Itali mo ito ng asul na lubid sa turbante, 38 sa tapat ng noo ni Aaron; siya ang magdadala ng anumang pagkukulang ng mga Israelita sa kanilang paghahandog kay Yahweh. Sa gayo'y magiging kalugud-lugod sa kanya ang kanilang mga handog.

39 “Ipagpagawa mo si Aaron ng mahabang panloob na kasuotan at turbanteng yari sa telang lino at pamigkis na buburdahan nang maganda.

40 “Ang mga anak naman ni Aaron ay ipagpapagawa mo ng mahabang panloob na kasuotan, pamigkis at karaniwang turbante upang sila'y maging kagalang-galang at maayos tingnan. 41 Ipasuot mo ito sa kapatid mong si Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki. Buhusan mo sila ng langis, italaga at ilaan sa paglilingkod sa akin bilang mga pari. 42 Ipagpapagawa mo rin sila ng linong salawal na hanggang hita para hindi makita ang kanilang kahubaran. 43 Si Aaron at ang mga anak niyang lalaki ay magsusuot nito pagpunta sa Toldang Tipanan o paglapit sa altar sa Dakong Banal para hindi magkasala at nang hindi sila mamatay. Mananatili itong tuntunin para kay Aaron at sa kanyang salinlahi.

Mateo 21:1-22

Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)

21 Nang malapit na sila sa Jerusalem, dumaan sila sa Bethfage, sa Bundok ng mga Olibo. Inutusan ni Jesus ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa susunod na nayon at makikita ninyo kaagad doon ang isang babaing asno na nakatali, kasama ang kanyang anak. Kalagan ninyo ang mga iyon at dalhin sa akin. Kapag may nagtanong sa inyo, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon at ibibigay niya agad ang mga iyon sa inyo.”

Sa gayon, natupad ang sinabi ng propeta:

“Sa(B) lungsod[a] ng Zion ay ipahayag ninyo,
    ‘Tingnan mo, ang iyong hari ay dumarating.
Siya'y mapagpakumbaba; masdan mo't siya'y nakasakay sa isang asno,
    at sa isang bisiro na anak ng asno.’”

Lumakad nga ang mga alagad at ginawa ang iniutos ni Jesus. Dinala nila kay Jesus ang asno at ang bisiro, at isinapin sa likod ng mga ito ang kanilang balabal at sumakay si Jesus. Maraming naglatag ng kanilang balabal sa daan; mayroon namang pumutol ng mga sanga ng kahoy at ito'y inilatag sa daan. Nagsisigawan(C) ang mga taong nauuna at sumusunod sa kanya. Sigaw nila, “Purihin ang anak ni David! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos!”[b]

10 Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, nagulo ang buong lungsod. “Sino kaya ito?” tanong nila. 11 “Si Jesus, ang propetang taga-Nazaret sa Galilea,” sagot ng karamihan.

Nagalit si Jesus(D)

12 Pumasok si Jesus sa Templo at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagtitinda at namimili roon. Ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. 13 Sinabi(E) niya, “Sinasabi sa Kasulatan,

‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan.’
    Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”

14 Habang si Jesus ay nasa Templo, lumapit sa kanya ang mga bulag at mga pilay, at sila'y kanyang pinagaling. 15 Nagalit ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga himalang ginawa niya at marinig ang mga batang sumisigaw sa loob ng Templo, “Purihin ang Anak ni David!”

16 Sinabi(F) nila kay Jesus, “Naririnig mo ba ang sinasabi nila?”

“Naririnig ko,” tugon ni Jesus. “Hindi ba ninyo nabasa sa kasulatan: ‘Pinalabas mo sa bibig ng mga sanggol at ng mga pasusuhin ang wagas na papuri’?”

17 Iniwan sila ni Jesus at lumabas siya ng lungsod papuntang Bethania. Doon siya nagpalipas ng gabi.

Sinumpa ang Puno ng Igos(G)

18 Kinaumagahan, nang si Jesus ay pabalik sa lungsod, siya'y nakaramdam ng gutom. 19 Nakita niya ang isang puno ng igos sa tabi ng daan at nilapitan iyon. Wala siyang nakitang bunga kundi mga dahon lamang. Kaya't sinabi niya dito, “Hindi ka na mamumunga kailanman!” Agad na natuyo ang puno.

20 Nakita ng mga alagad ang nangyari at sila'y namangha. “Paanong natuyo agad ang puno ng igos?” tanong nila.

21 Sumagot(H) si Jesus, “Tandaan ninyo: kung kayo'y maniniwala at hindi mag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos na ito. Hindi lamang iyan, kung sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan, at tumalon ka sa dagat,’ mangyayari ang inyong sinabi. 22 Anumang hingin ninyo sa panalangin ay tatanggapin ninyo kung naniniwala kayo.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.