Old/New Testament
6 Sinabi(A) pa ni Yahweh kay Moises, 2 “Nagkakasala ang sinumang magkaila tungkol sa isang bagay na inihabilin sa kanya, ang sumira sa kasunduan, ang magnakaw o magsamantala sa kapwa 3 at ang mag-angkin ng isang bagay na napulot at manumpang iyon ay wala sa kanya. 4 Babayaran niya ang kanyang ninakaw, o anumang napulot o inihabilin na inangkin niya. 5 Ibabalik niya ang alin man sa mga ito at daragdagan pa niya ito ng ikalimang bahagi ng halaga niyon sa araw na maghandog siya para sa kasalanan. 6 Ang iaalay naman niya bilang handog na pambayad sa kasalanan ay isang lalaking tupa na walang kapintasan. Itatakda mo ang halaga nito ayon sa sukatang itinakda ng santuwaryo. 7 Ihahandog iyon ng pari at siya'y patatawarin sa alinmang pagkakasala niya.”
Mga Handog na Sinusunog nang Buo
8 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 9 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ‘Ito ang tuntunin tungkol sa handog na sinusunog. Kailangang ilagay sa altar ang handog na sinusunog at doo'y hayaang magdamag na may apoy na nagniningas. 10 Magsusuot ng damit na lino at salawal na lino ang pari, at aalisin niya ang abo ng sinunog na handog at ilalagay sa tabi ng altar. 11 Pagkatapos, magpapalit siya ng kasuotan at dadalhin niya ang abo sa isang malinis na lugar sa labas ng kampo. 12 Ang apoy sa altar ay dapat panatilihing nagniningas; ito'y dapat gatungan tuwing umaga. Ihahanay sa ibabaw ng gatong ang handog na susunugin at ang tabang kinuha sa handog pangkapayapaan. 13 Hayaang laging may apoy sa altar at hindi ito dapat pabayaang mamatay.’”
Handog na Pagkaing Butil
14 “Ito naman ang tuntunin tungkol sa mga handog na pagkaing butil. Mga pari lamang ang maghahandog nito sa altar. 15 Dadakot ang pari ng harinang binuhusan ng langis at binudburan ng insenso at ito'y susunugin sa altar bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. 16 Ang natira ay magiging pagkain ng mga pari. 17 Lulutuin ito nang walang pampaalsa at doon nila kakainin sa isang banal na lugar, sa patyo ng Toldang Tipanan. Inilaan ko iyon para sa kanila bilang kaparte ng pagkaing handog sa akin. Iyo'y ganap na sagrado tulad ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na pambayad sa kasalanan. 18 Lahat ng lalaki mula sa lahi ni Aaron ay maaaring kumain nito. Ito ay bahagi nila magpakailanman sa mga pagkaing handog sa akin. Anumang madampian nito ay ituturing na banal.”
19 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 20 “Ito ang handog na dadalhin sa akin nina Aaron at ng mga paring mula sa kanyang angkan sa araw ng pagtatalaga sa kanila: kalahating salop ng mainam na harinang panghandog. Ang kalahati nito'y ihahandog sa umaga at ang kalahati nama'y sa gabi. 21 Ito'y mamasahing mabuti sa langis at ipiprito sa kawali at pagpipira-pirasuhin. Pagkatapos, susunugin sa altar bilang mabangong samyong handog sa akin, gaya ng handog na pagkaing butil. 22 Ang paring mula sa angkan ni Aaron ang maghahandog nito sa akin; ito'y batas na dapat sundin magpakailanman. Ang handog na ito ay susunugin para sa akin. 23 Ang lahat ng pagkaing butil na handog ng pari ay lubusang susunugin, at hindi ito maaaring kainin.”
Mga Tuntunin tungkol sa Handog para sa Kapatawaran ng Kasalanan
24 Sinabi rin ni Yahweh kay Moises, 25 “Sabihin mo kay Aaron at sa mga paring mula sa kanyang angkan, ‘Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog pangkasalanan. Ang handog pangkasalanan ay papatayin sa pinagpapatayan ng handog na susunugin. Ito'y ganap na sagrado. 26 Ang natirang hindi sinunog ay maaaring kainin ng paring naghandog nito. Ngunit kakainin niya ito sa isang banal na lugar, sa patyo ng Toldang Tipanan. 27 Ang anumang madampi sa laman niyon ay ituturing na banal. Ang damit na malagyan ng dugo nito ay lalabhan sa isang banal na lugar. 28 Ang palayok na pinaglutuan ng handog ay babasagin; ngunit kung ang pinaglutuan ay sisidlang tanso, ito'y kukuskusin at huhugasang mabuti. 29 Ang sinumang lalaking kabilang sa sambahayan ng pari ay maaaring kumain ng handog na ito; iyon ay ganap na sagrado. 30 Ngunit hindi maaaring kainin ang handog para sa kasalanan kung ang dugo nito ay dinala sa Toldang Tipanan upang doo'y gawing pantubos sa kasalanan. Ito ay dapat sunugin na lamang.’”
Mga Tuntunin tungkol sa Handog na Pambayad sa Kasalanan
7 “Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog na pambayad sa kasalanan. Ito'y ganap na sagrado. 2 Ang handog na pambayad sa kasalanan ay papatayin sa lugar na pinagpapatayan ng mga handog na susunugin. Ang dugo nito'y ibubuhos sa paligid ng altar. 3 Ang lahat ng taba nito ay ibubukod at ihahandog—taba ng buntot, tabang bumabalot sa laman-loob, 4 ang dalawang bato at ang taba nito, ang taba ng balakang at ang taba na bumabalot sa atay. 5 Lahat ng ito'y dadalhin sa altar at susunugin ng pari bilang handog na pambayad sa kasalanan kay Yahweh. 6 Ang matitira ay maaaring kainin ng mga anak na lalaki na kabilang sa angkan ng pari. Ngunit ito'y kakainin sa isang sagradong lugar sapagkat ang pagkaing ito'y napakabanal.
7 “Iisa ang tuntunin sa handog na pambayad sa kasalanan at sa handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ang kukuha ng handog na ito ay ang paring gumaganap sa paghahandog. 8 Ang balat ng handog na susunugin ay ibibigay rin sa paring gumanap sa paghahandog, 9 gayundin ang mga handog na pagkaing butil na niluto sa pugon, sa ihawan o pinirito sa kawali. 10 Ngunit ang natirang handog na harina, maging ito'y may halong langis o wala, ay paghahati-hatian ng mga paring mula sa angkan ni Aaron.
Handog Pangkapayapaan
11 “Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog pangkapayapaan. 12 Kung ito'y inihandog bilang pasasalamat, ang handog ay sasamahan ng tinapay na walang pampaalsa. Ito'y maaaring makakapal na tinapay na yari sa harinang minasa sa langis, o maninipis na tinapay na pinahiran ng langis, o tinapay na yari rin sa harinang minasa sa langis. 13 Ang mga ito ay isasama sa tinapay na may pampaalsa at sa handog pangkapayapaan bilang pagpapasalamat. 14 Sa bawat uri ng tinapay ay magbubukod ng isang ihahandog kay Yahweh at ito'y kukunin ng paring nagbuhos ng dugo ng handog pangkapayapaan. 15 Ang laman ng handog pangkapayapaan bilang pagpapasalamat ay kakaining lahat sa araw ng paghahandog; walang dapat itira para kinabukasan.
16 “Ngunit kung ang handog pangkapayapaan ay panata o kusang-loob, makakain iyon sa araw ng paghahandog at ang matitira'y maaaring kainin sa kinabukasan. 17 Kung mayroon pa ring natira sa ikatlong araw, dapat nang sunugin iyon. 18 Kapag may kumain pa nito, ang handog na iyo'y hindi tatanggapin at mawawalan ng kabuluhan. Iyo'y magiging kasuklam-suklam at pananagutin ang sinumang kumain niyon. 19 Ang handog na karneng nadampian ng anumang bagay na marumi ay hindi dapat kainin; dapat itong sunugin.
“Ang sinumang malinis ayon sa batas ay maaaring kumain ng karneng ito. 20 Ngunit ang kumain ng karneng handog pangkapayapaan nang di nararapat ay ititiwalag sa bayan ng Diyos. 21 Ititiwalag sa sambahayan ng Diyos ang sinumang makahawak ng marumi: tao, hayop o anumang bagay na karumal-dumal, at pagkatapos ay kumain ng handog pangkapayapaan.”
22 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 23 “Sabihin mo sa bayang Israel na huwag silang kakain ng taba ng baka, tupa o kambing. 24 Ang taba ng hayop na kusang namatay o ng hayop na niluray ng kapwa hayop ay maaaring gamitin sa ibang bagay, huwag lamang kakainin. 25 Kaya, ang sinumang kumain ng taba ng hayop na inihandog kay Yahweh ay ititiwalag sa sambayanan. 26 At(B) kahit saan kayo naroon, huwag kayong kakain ng dugo ng anumang hayop o ibon. 27 Ang sinumang kumain nito ay ititiwalag sa sambayanan ng Diyos.”
28 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 29 “Sabihin mo rin ito sa bayang Israel: ‘Ang sinumang maghahandog para sa kapayapaan ay magbubukod ng bahagi nito para sa akin. 30 Siya mismo ang maghahandog nito. Dadalhin din niya ang taba at dibdib nito sa harap ng altar upang ihain bilang tanging handog. 31 Kukunin ng pari ang taba nito at susunugin sa altar, ngunit ang dibdib ay ibibigay kay Aaron at sa kanyang mga anak. 32 Ang kanang hita naman ay ibibigay sa paring 33 nagbuhos ng dugo sa altar at nagsunog ng tabang handog pangkapayapaan. 34 Sapagkat iniuutos ko sa bayang Israel na ang dibdib at ang hita ng hayop na handog pangkapayapaan ay ipagkakaloob kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ito'y panghabang panahong tungkulin ng bayang Israel. 35 Ito nga ang bahagi ng handog kay Yahweh na nakalaan kay Aaron at sa kanyang mga anak mula nang sila'y gawing mga pari para kay Yahweh. 36 Nang araw na iyon, iniutos ni Yahweh na ito'y ibigay sa kanila. Ang tuntuning ito ay dapat tuparin ng bayang Israel habang panahon.’”
37 Ito ang mga tuntunin tungkol sa mga handog na susunugin, handog na pagkaing butil, handog para sa kapatawaran ng kasalanan, handog na pambayad sa kasalanan, handog sa pagtatalaga at handog pangkapayapaan. 38 Iniutos ito ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai, noong sila'y nasa ilang, nang araw na ang mga Israelita'y utusan ni Yahweh na maghandog sa kanya.
Talinghaga tungkol sa Sampung Dalaga
25 “Ang(A) kaharian ng langit ay maitutulad dito. May sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa'y may dalang ilawan. 2 Ang lima sa kanila'y hangal at ang lima nama'y matatalino. 3 Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. 4 Ang matatalino nama'y nagbaon ng langis, bukod pa sa nasa kanilang mga ilawan. 5 Naantala ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya't inantok at nakatulog sila sa paghihintay.
6 “Ngunit nang hatinggabi na'y may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas na kayo upang salubungin siya!’ 7 Agad bumangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. 8 Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan naman ninyo kami kahit kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan.’
9 “‘Baka hindi ito magkasya sa ating lahat. Mabuti pa'y pumunta muna kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo,’ tugon naman ng matatalino. 10 Kaya't lumakad ang limang dalagang iyon upang bumili ng langis. Habang wala sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at isinara ang pinto.
11 “Pagkatapos,(B) dumating naman ang iba pang dalaga. ‘Panginoon, panginoon, papasukin po ninyo kami!’ pakiusap nila.
12 “Ngunit tumugon siya, ‘Sino ba kayo? Hindi ko kayo kilala.’”
13 Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus, “Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras man.”
Talinghaga tungkol sa Tatlong Alipin(C)
14 “Ang(D) paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang taong maglalakbay. Kaya't tinawag niya ang kanyang mga tauhan at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. 15 Binigyan niya ng salaping ginto[a] ang bawat isa ayon sa kanilang kakayahan. Binigyan niya ang isa ng limanlibong salaping ginto, ang isa nama'y dalawang libong salaping ginto, at ang isa pa ay isanlibong salaping ginto. Pagkatapos nito, siya'y umalis. 16 Kumilos agad ang tumanggap ng limanlibong salaping ginto at ipinangalakal iyon. Kumita siya ng limanlibong salaping ginto. 17 Gayundin naman, ang tumanggap ng dalawang libong salaping ginto ay kumita pa ng dalawang libong salaping ginto. 18 Ngunit ang tumanggap ng isanlibong salaping ginto ay humukay sa lupa at itinago ang salaping ginto ng kanyang panginoon.
19 “Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga tauhang iyon at sila'y pinag-ulat. 20 Lumapit ang tumanggap ng limanlibong salaping ginto at sinabi, ‘Panginoon, ito po ang limanlibong salaping ginto na iniwan ninyo sa akin. Heto naman po ang limanlibong salaping ginto na tinubo nito.’
21 “Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Halika, samahan mo ako sa aking kagalakan. Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya gagawin kitang tagapamahala ng malaking halaga.’
22 “Lumapit din ang tumanggap ng dalawang libong salaping ginto at ang sabi, ‘Panginoon, ito po ang iniwan ninyo sa aking dalawang libong salaping ginto. Heto naman po ang dalawang libong salaping ginto na tinubo nito.’
23 “Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya't pamamahalain kita sa malaking halaga. Samahan mo ako sa aking kagalakan!’
24 “Lumapit naman ang tumanggap ng isanlibong salaping ginto at sinabi, ‘Alam ko pong kayo'y mahigpit at pinipitas ninyo ang bunga ng hindi ninyo itinanim at inaani ninyo ang hindi ninyo inihasik. 25 Natakot po ako, kaya't ibinaon ko sa lupa ang inyong salaping ginto. Heto na po ang inyong salapi.’
26 “Sumagot ang kanyang panginoon, ‘Masama at tamad na lingkod! Alam mo palang pinipitas ko ang bunga ng hindi ko itinanim at inaani ko ang hindi ko inihasik, 27 bakit hindi mo na lamang inilagay sa bangko ang aking salapi! Kahit paano'y may tinubo sana ito! 28 Kunin ninyo sa kanya ang isanlibong salaping ginto at ibigay sa may sampung libong salaping ginto. 29 Sapagkat(E) ang mayroon ay bibigyan pa, at magkakaroon ng sagana; ngunit ang wala, pati ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. 30 Itapon(F) ninyo sa kadiliman sa labas ang walang silbing taong iyan! Doo'y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.