Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 12-14

Nag-usap sina Miriam at Aaron Laban kay Moises

12 Sina Miriam at Aaron ay nagsalita ng laban kay Moises dahil sa babaing Cusita na kanyang pinakasalan—sapagkat siya'y nag-asawa nga ng isang babaing taga-Cus. Ang sabi nila, “Sa pamamagitan lang ba ni Moises nagsasalita si Yahweh? Hindi ba't sa pamamagitan din natin?” Narinig ni Yahweh ang usapan nilang ito. Si(A) Moises naman ay isang taong mapagpakumbaba higit kaninumang nabuhay sa ibabaw ng lupa.

Dahil dito, tinawag ni Yahweh sina Moises, Aaron at Miriam. Sinabi niya, “Magpunta kayong tatlo sa Toldang Tipanan.” At nagpunta nga sila. Si Yahweh ay bumabâ sa anyo ng haliging ulap at tumayo sa pintuan ng Toldang Tipanan. Tinawag niya sina Aaron at Miriam. Paglapit nila, sinabi niya, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Kung ang sinuma'y nais kong piliing propeta, nagpapakita ako sa kanya sa pangitain at kinakausap ko siya sa panaginip. Ngunit(B) kaiba ang ginawa ko kay Moises sapagkat ipinagkatiwala ko sa kanya ang aking buong sambahayang Israel. Kinakausap ko siya nang harap-harapan at sinasabi ko sa kanya ang lahat sa maliwanag na paraan, hindi sa pamamagitan ng talinghaga. At siya lamang ang nakakita sa aking anyo. Bakit hindi man lamang kayo natakot na magsalita laban sa kanya?” Nagalit sa kanila si Yahweh, at siya'y umalis.

10 Nang mawala na ang ulap sa ibabaw ng Toldang Tipanan, si Miriam ay nagkaroon ng maputing sakit sa balat na parang ketong. Nang makita ito ni Aaron, 11 sinabi niya kay Moises, “Kapatid ko, huwag mo sana kaming parusahan dahil sa aming kamangmangan at kasamaan. 12 Huwag mong pabayaang matulad siya sa isang buháy na patay, parang ipinanganak na nabubulok ang kalahati ng katawan.” 13 Kaya, nakiusap si Moises kay Yahweh, “O Diyos, pagalingin po sana ninyo si Miriam!”

14 Ngunit(C) ang sagot ni Yahweh, “Kung siya'y duraan ng kanyang ama, hindi ba siya magtatago ng pitong araw dahil sa kahihiyan? Hayaan ninyo siya ng pitong araw sa labas ng kampo.” 15 Kaya si Miriam ay pitong araw na nasa labas ng kampo. Hindi umalis ang bansang Israel hanggang hindi nakakapasok ng kampo si Miriam. 16 Mula sa Hazerot, patuloy silang naglakbay. Pagdating sa ilang ng Paran ay nagkampo sila.

Nagsugo ng Labindalawang Espiya sa Canaan(D)

13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumili ka ng isa sa mga kinikilalang pinuno ng bawat lipi at isugo mo sila upang manmanan ang Canaan, ang lupaing ibibigay ko sa inyo.” 3-15 Ganoon nga ang ginawa ni Moises. Kaya't mula sa ilang ng Paran, isinugo niya ang mga sumusunod na pinuno upang magmanman:

LipiPinuno
RubenSamua na anak ni Zacur
SimeonSafat na anak ni Hori
JudaCaleb na anak ni Jefune
IsacarIgal na anak ni Jose
EfraimOseas na anak ni Nun
BenjaminPalti na anak ni Rafu
ZebulunGadiel na anak ni Sodi
ManasesGadi na anak ni Susi
DanAmiel na anak ni Gemali
AsherSetur na anak ni Micael
NeftaliNahabi na anak ni Vapsi
GadGeuel na anak ni Maqui

16 Sila ang isinugo ni Moises upang maging espiya sa Canaan; si Oseas na anak ni Nun ay tinawag niyang Josue. 17 Bago lumakad ang mga espiya, sila'y pinagbilinan ni Moises, “Sa Negeb kayo dumaan saka magtuloy sa kaburulan. 18 Pag-aralan ninyong mabuti ang lupain. Tingnan ninyo kung malalakas o mahihina ang mga tao roon, kung marami o kakaunti. 19 Tingnan ninyo kung mainam o hindi ang lupa, at kung may matitibay na muog o wala ang mga bayang tinitirhan ng mga tao roon. 20 Tingnan din ninyo kung mataba ang mga bukirin doon o hindi, at kung maraming punongkahoy o wala. Lakasan ninyo ang inyong loob. At pagbalik ninyo, magdala kayo ng ilang bungangkahoy mula roon.” Noon ay panahon ng pagkahinog ng ubas.

21 Pagdating sa Canaan, tiningnan ng mga espiya ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa malapit sa Pasong Hamat. 22 Umahon sila ng Negeb at nakarating ng Hebron at doo'y natagpuan nila ang mga angkan nina Ahiman, Sesai at Talmai. Ang mga ito'y mula sa lahi ni Anac. (Ang Hebron ay pitong taon nang lunsod bago ang Zoan sa Egipto.) 23 Pagdating nila sa kapatagan ng Escol, kumuha sila ng isang buwig ng ubas na pinasan ng dalawang tao. Nanguha rin sila ng bunga ng punong granada at igos. 24 Ang lugar na iyon ay tinawag nilang Escol[a] dahil sa malaking buwig ng ubas na nakuha nila roon.

25 Pagkaraan ng apatnapung araw, umuwi na ang mga espiya 26 at humarap kina Moises, Aaron at sa buong bayang Israel na natitipon noon sa Paran, sakop ng Kades. Iniulat nila ang kanilang nakita at ipinakita ang mga uwi nilang bungangkahoy. 27 Ang sabi nila, “Pinag-aralan namin ang lupain at natuklasan naming ito'y mayaman at masagana sa lahat ng bagay. Katunayan ang bungangkahoy na kinuha namin doon. 28 Ngunit malalakas ang mga tagaroon. Malalaki ang lunsod at matitibay ang mga pader. Bukod dito, naroon din ang mga lahi ng higante. 29 Sakop ng mga Amalekita ang Negeb. Ang kaburulan ay tinitirhan naman ng mga Heteo, Jebuseo at Amoreo. Mga Cananeo naman ang nasa baybay-dagat at sa tabi ng Ilog Jordan.”

30 Subalit pinatahimik ni Caleb ang mga taong-bayan na nagrereklamo na noon kay Moises. Sinabi ni Caleb, “Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lusubin na natin sila sapagkat kaya natin silang gapiin.”

31 Ngunit sumagot ang ibang espiyang kasama niya, “Hindi natin sila kaya sapagkat mas malakas sila kaysa atin.” 32 Hindi maganda ang kanilang ulat tungkol sa lupaing pinasiyasat sa kanila. Ito ang sinabi nila, “Malalaking tao ang nakatira doon at sinumang magtangkang sumakop sa kanila ay lalamunin nila. 33 Nakita(E) namin doon ang mga higante. Sila ay mula sa lahi ni Anac. Mga tipaklong lamang kami kung ihahambing sa kanila.”

Naghimagsik kay Yahweh ang Israel

14 Nalungkot ang buong bayan ng Israel at magdamag na nag-iyakan. Nagbulungan sila laban kina Moises at Aaron. Ang sabi nila, “Mabuti pang namatay na tayo sa Egipto o kaya'y sa ilang kaysa tayo'y patayin ng ating mga kaaway sa lupaing pinagdalhan sa atin ni Yahweh, at bihagin ang ating asawa't mga anak. Mabuti pa'y bumalik na tayo sa Egipto.” At nag-usap-usap sila na pumili ng isang lider na mangunguna sa kanilang pagbalik.

Sina Moises at Aaron ay nagpatirapa na nakikita ng buong bayan. Dahil sa hinagpis, pinunit nina Josue na anak ni Nun at Caleb na anak ni Jefune ang kanilang kasuotan. Sinabi nila, “Mainam ang lupaing tiningnan namin, saganang-sagana sa lahat ng bagay. Kung malulugod sa atin si Yahweh, ibibigay niya sa atin ang lupaing iyon na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. Huwag(F) lamang kayong maghihimagsik laban sa kanya. Magtiwala kayo sa kanya at huwag matakot sa mga tagaroon. Madali natin silang matatalo. Kasama natin si Yahweh at ginapi na niya ang kanilang mga diyos. Kaya huwag kayong matakot.” 10 Ngunit binantaang babatuhin ng taong-bayan sina Josue at Caleb. Kaya't ipinakita ni Yahweh ang kanyang kaluwalhatian sa ibabaw ng Toldang Tipanan.

Nanalangin si Moises para sa Bayan

11 Itinanong ni Yahweh kay Moises, “Hanggang kailan ako hahamakin ng mga taong ito? Kailan pa sila maniniwala sa akin samantalang nasaksihan naman nilang lahat ang mga himalang ginawa ko para sa kanila? 12 Padadalhan ko sila ng salot at aalisan ng karapatan sa mana. At ikaw ang gagawin kong ama ng isang bansang higit na marami at makapangyarihan kaysa kanila.”

13 Sumagot(G) si Moises, “Malalaman ng mga Egipcio ang gagawin ninyong iyan. Alam pa naman nila na ang Israel ay inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. 14 At(H) kung ito'y sabihin nila sa mga taga-Canaan, alam din ng mga iyon na ang Israel ay pinapatnubayan ninyo. Alam nilang kayo ay harap-harapang nagpapakita sa Israel at ang bayang ito'y inyong pinapatnubayan sa pamamagitan ng haliging ulap kung araw at haliging apoy kung gabi. 15 Kung lilipulin ninyo sila, sasabihin ng lahat na 16 nilipol ninyo ang Israel sa ilang sapagkat hindi ninyo sila kayang dalhin sa lupaing ipinangako ninyo sa kanila. 17 Kaya nga, isinasamo kong minsan pa ninyong ipakita ang inyong kapangyarihan tulad ng sinabi ninyo noong una, 18 ‘Si Yahweh ay hindi madaling magalit, mahabagin at handang magpatawad. Subalit hindi niya ipinagwawalang-bahala ang kasamaan, sapagkat ang kasalanan ng mga magulang ay kanyang sisingilin hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.’ 19 Isinasamo ko nga, Yahweh, patawarin na ninyo ang mga taong ito at patnubayan sila tulad ng inyong ginagawa mula nang sila'y ilabas ninyo sa Egipto, sapagkat kayo ay Diyos ng pag-ibig, at handang magpatawad sa mga nagkasala.”

20 Sinabi ni Yahweh, “Dahil sa panalangin mo, pinapatawad ko na sila. 21 Ngunit(I) ito ang tandaan mo: hanggang ako'y buháy at nalulukuban ng aking kaluwalhatian ang buong mundo, 22-23 isa man sa mga nakakita ng himalang ginawa ko ay hindi makakapasok sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninuno. Paulit-ulit nila akong sinusubok at hindi nila ako sinusunod. 24 Ngunit(J) si Caleb na aking lingkod ay naiiba sa kanila. Sumunod siya sa akin nang buong katapatan, kaya makakapasok siya sa lupaing iyon, pati ang kanyang angkan. 25 Kaya bukas, magpatuloy kayo sa paglalakbay patungong Dagat na Pula.[b] Lumigid kayo sa ilang sapagkat ang mga Amoreo at Cananeo ay nasa kapatagan.”

Ang Parusa sa Israel

26 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 27 “Hanggang ngayo'y patuloy pa rin ang mga Israelita sa pagrereklamo laban sa akin. Kailan pa ba sila tatahimik? 28 Sabihin ninyo sa kanila na ito ang ipinapasabi ko: ‘Habang buháy akong si Yahweh, gagawin ko sa inyo ang narinig kong gusto ninyong mangyari. 29 Mamamatay(K) kayo dito sa ilang. Sa mga kabilang sa sensus, samakatuwid ay iyong mula sa dalawampung taon pataas, 30 isa man ay walang makakarating sa lupaing ipinangako ko, maliban kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun. 31 Ang makakarating lamang doon ay ang inyong mga anak na sinasabi ninyong mabibihag ng kaaway. Sila ang maninirahan doon. 32 Ngunit mamamatay kayo dito sa ilang. 33 Ang(L) mga anak ninyo'y magpapalabuy-laboy rito sa loob ng apatnapung taon, hanggang hindi kayo namamatay lahat. Ito ang kabayaran ng inyong hindi pagsampalataya. 34 Ang apatnapung araw na pinagmanman ninyo sa lupaing iyon ay tutumbasan ko ng apatnapung taon ng pagpapahirap upang madama ninyo ang aking poot sa loob ng panahong iyon.’ 35 Akong si Yahweh ang maysabi nito at gagawin ko ito sa masamang bayang ito. Mamamatay sila rito sa ilang.”

Namatay ang Sampung Masamang Espiya

36 At ang mga espiya na nagbigay ng masamang ulat na siyang naging dahilan ng kaguluhan sa Israel 37 ay nilipol ni Yahweh sa pamamagitan ng salot. 38 Ngunit hindi namatay si Josue na anak ni Nun at si Caleb na anak ni Jefune.

Nalupig ang Israel sa Horma(M)

39 Lahat ng bilin ni Yahweh ay sinabi ni Moises sa mga Israelita, at sila'y nag-iyakan. 40 Kinaumagahan, nagpunta sila sa ibabaw ng burol. Sinabi nila, “Papunta na kami sa lupaing sinasabi ni Yahweh. Tinatanggap naming kami'y nagkasala.”

41 Ngunit sinabi ni Moises, “Bakit ninyo sinusuway si Yahweh? Hindi ba ninyo alam na hindi magtatagumpay ang ginagawa ninyong iyan? 42 Huwag na kayong tumuloy. Kapag tumuloy kayo, malulupig kayo ng inyong mga kaaway sapagkat hindi kayo sasamahan ni Yahweh. 43 Ang mga Amalekita at Cananeo ay naroon sa pupuntahan ninyo at tiyak na papatayin nila kayo. Hindi ninyo maaasahan ang patnubay ni Yahweh sapagkat siya'y itinakwil na ninyo.”

44 Ngunit nagpatuloy pa rin sila kahit wala sa kanila ang Kaban ng Tipan at hindi nila kasama si Moises. 45 Sinalakay nga sila ng mga Amalekita at mga Cananeo na naninirahan sa kaburulan, tinalo sila ng mga ito at tinugis sila hanggang sa Horma.

Marcos 5:21-43

Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Dinudugo(A)

21 Si Jesus ay sumakay sa bangka[a] at bumalik sa kabilang ibayo. Nasa baybayin pa lamang siya ng lawa ay dinumog na siya ng napakaraming tao. 22 Naroon din ang isang tagapamahala ng sinagoga na ang pangalan ay Jairo. Pagkakita kay Jesus, siya'y lumuhod sa paanan nito 23 at nagmakaawa, “Nag-aagaw-buhay po ang anak kong dalagita. Maawa po kayo, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya ay gumaling at mabuhay!”

24 Sumama naman si Jesus. Ngunit sumunod din sa kanya ang napakaraming tao, kaya't halos maipit na siya.

25 Kasama rin doon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. 26 Hirap(B) na hirap na siya sa sakit na iyon, at marami nang doktor ang sumuri sa kanya. Naubos na ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot ngunit hindi pa rin siya gumagaling. Sa halip, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. 27 Nabalitaan niya ang tungkol kay Jesus kaya't nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Jesus, at hinipo ang damit nito, 28 sapagkat iniisip niyang: “mahipo ko lang ang kanyang damit, gagaling na ako.” 29 Agad ngang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya.

30 Naramdaman agad ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya't bumaling siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa aking damit?”

31 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong napakaraming nagsisiksikan sa paligid ninyo, bakit pa ninyo itinatanong kung sino ang humipo sa damit ninyo?”

32 Subalit lumingun-lingon si Jesus upang tingnan kung sino ang humipo sa damit niya. 33 Palibhasa'y alam ng babae ang nangyari, siya'y nanginginig sa takot na lumapit kay Jesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan. 34 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na at ipanatag mo ang iyong kalooban. Ikaw ay magaling na.”

35 Habang nagsasalita pa si Jesus, may ilang taong dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak. Huwag na po ninyong abalahin ang Guro,” sabi nila.

36 Ngunit nang marinig ito ni Jesus,[b] sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang.”

37 At hindi pinayagan ni Jesus na sumama sa kanya ang mga tao maliban kina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. 38 Nang dumating sila sa bahay ni Jairo, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao, may mga nag-iiyakan at nananaghoy. 39 Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata. Siya'y natutulog lamang.”

40 Dahil sa sinabi niya, pinagtawanan siya ng mga tao. Subalit pinalabas niya ang lahat maliban sa tatlong alagad at sa mga magulang ng bata, at pumasok sila sa kinaroroonan ng bata. 41 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi, “Talitha koum,” na ang ibig sabihi'y “Ineng, bumangon ka!”

42 Noon di'y bumangon ang bata at lumakad, at labis na namangha ang lahat. Ang batang ito'y labindalawang taong gulang na. 43 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus na huwag nilang sasabihin kaninuman ang nangyari. Pagkatapos, iniutos niyang bigyan ng makakain ang bata.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.