Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Levitico 4-5

Mga Handog para sa Kasalanang Di Sinasadya

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa bayang Israel kung ano ang dapat nilang gawin kapag sila'y nagkasala o hindi sinasadyang nakalabag sa alinmang utos ni Yahweh.

“Kung ang nagkasala'y ang pinakapunong pari, at nadamay pati ang sambayanan, mag-aalay siya ng isang batang toro na walang kapintasan bilang handog para sa kapatawaran ng kanyang kasalanan. Dadalhin niya ito sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan, ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at papatayin ito. Kukuha ng kaunting dugo ang pinakapunong pari at dadalhin sa Toldang Tipanan. Itutubog niya sa dugo ang kanyang daliri at sa harapan ko ay wiwisikan niya ng pitong beses ang tabing ng santuwaryo. Lalagyan din niya ng dugo ang mga sungay ng altar ng insensong nasa harapan ni Yahweh sa Dakong Banal. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng altar na sunugan ng mga handog sa harap ng Toldang Tipanan. Ang lahat ng taba nito ay kukunin, pati ang tabang bumabalot sa laman-loob. Kukunin din ang dalawang bato, ang taba ng balakang at ang tabang bumabalot sa atay. 10 Ibubukod ito gaya ng ginagawa sa taba ng torong handog pangkapayapaan, saka dadalhin sa altar at susunugin ng pari. 11 Ngunit ang balat ng toro at lahat ng laman nito, ulo't mga hita, at mga laman-loob, kasama ang dumi 12 ay dadalhin lahat sa labas ng kampo at susunugin sa isang malinis na lugar na pinagtatapunan ng abo.

13 “Kung ang buong kapulungan ng Israel ay magkasala nang di sinasadya at makagawa sila nang labag sa Kautusan nang di nila nalalaman, 14 at pagkatapos ay malaman nila ito, maghahandog ng isang batang toro ang buong kapulungan para sa kanilang kasalanan. Dadalhin nila ito sa harap ng Toldang Tipanan. 15 Ipapatong ng pinuno ang kanilang kamay sa ulo ng toro at papatayin nila ito sa harapan ni Yahweh. 16 Kukuha ng kaunting dugo ang pinakapunong pari upang dalhin ito sa Toldang Tipanan. 17 Itutubog niya sa dugo ang kanyang daliri at pitong beses niyang iwiwisik iyon sa harap ng tabing. 18 Lalagyan din niya ng dugo ang mga sungay sa altar na nasa Toldang Tipanan. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng altar na sunugan ng mga handog sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 19 Kanyang susunugin sa altar ang lahat ng taba 20 tulad ng ginagawa sa taba ng torong inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ito ang gagawin ng pari upang mapatawad ang buong sambayanan. 21 Pagkatapos, ilalabas sa kampo ang torong pinatay at susunugin din sa lugar na pinagdalhan sa unang toro. Ito ang handog para sa kasalanan ng sambayanan.

22 “Kung isang pinuno ang nagkasala nang di sinasadya dahil nakagawa siya ng isang bagay na ipinagbabawal ni Yahweh na kanyang Diyos, 23 sa oras na malaman niya ito ay maghahandog siya ng isang lalaking kambing na walang kapintasan. 24 Ipapatong niya sa ulo ng kambing ang kanyang kamay at papatayin niya ito sa harapan ni Yahweh, sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin para sa kasalanan. 25 Kukuha ng dugo ang pari at sa pamamagitan ng kanyang daliri, papahiran niya ang mga sungay ng altar ng sunugan ng mga handog. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng altar. 26 Dadalhin niya sa altar ang lahat ng taba at susunugin gaya ng taba na handog pangkapayapaan. Ito ang gagawin ng pari para matubos ang kasalanan ng pinuno at siya'y patatawarin.

27 “Kung(A) ang nagkasala nang di sinasadya ay isang karaniwang tao dahil lumabag siya sa utos ko 28 at malaman niya ito pagkatapos, maghahandog siya ng isang babaing kambing na walang kapintasan. 29 Ipapatong niya sa ulo ng kambing ang kanyang kamay at papatayin niya ito doon sa lugar na patayan ng mga handog na sinusunog. 30 Kukuha ng dugo ang pari at sa pamamagitan ng kanyang daliri'y papahiran niya ang mga sungay ng altar. Ibubuhos niya sa paanan nito ang natirang dugo. 31 Kukuning lahat ang taba nito, tulad ng taba ng handog pangkapayapaan at dadalhin sa altar. Ito'y susunugin ng pari bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. Sa ganitong paraan, matutubos ang kasalanan ng taong iyon.

32 “Kung ang handog para sa kasalanan ay isang tupa, kailanga'y babaing walang kapintasan. 33 Ipapatong niya sa ulo ng tupa ang kanyang kamay at papatayin ito sa pinagpapatayan ng handog na susunugin. 34 Kukuha ng kaunting dugo ang pari, at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay papahiran niya ang mga sungay ng altar na pinagsusunugan ng mga handog. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng altar. 35 Kukunin niya ang lahat ng taba nito gaya ng ginagawa sa taba ng tupang handog pangkapayapaan at dadalhin sa altar. Kasama ng pagkaing handog, susunugin ito ng pari para matubos ang kasalanan ng naghandog.

Mga Pagkakataong Kinakailangan ng Handog para sa Kapatawaran ng Kasalanan

“Kung kinakailangang tumestigo ang isang tao sa isang pangyayari na kanyang nakita o nalaman ngunit ayaw niyang magsalita, nagkakasala siya at dapat siyang parusahan. 2-3 Kung ang sinuman ay makahipo ng anumang bagay na marumi gaya ng patay na hayop, mailap man o hindi, o anumang bagay na marumi na nanggaling sa tao, matapos niyang malaman ito, siya'y nagkakasala at dapat panagutin.

“Kung ang isang tao ay sumumpa nang pabigla-bigla tungkol sa anumang bagay, mabuti man o masama, sa oras na malaman niya ito, siya'y nagkakasala at dapat panagutin.

“Kung magkasala ang sinuman sa alinmang paraang nabanggit, dapat niyang ipahayag ang kanyang kasalanan. At upang siya'y mapatawad, maghahandog siya kay Yahweh ng isang babaing tupa o kambing. Ihahandog ito ng pari upang siya'y patawarin sa kanyang kasalanan.

“Ngunit kung hindi niya kayang maghandog ng tupa o kambing, magdala siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati; ang isa'y handog para sa kasalanan at ang isa nama'y handog na susunugin. Dadalhin niya ito sa pari upang ihandog sa akin. Ang ibong handog para sa kasalanan ay gigilitan niya ng leeg ngunit hindi puputulin ang ulo. Ang dugo ay iwiwisik niya sa tabi ng altar at ang natira'y patutuluin sa paanan nito. Iyan ang handog pangkasalanan. 10 Ang isa naman ay iaalay bilang handog na susunugin ayon sa Kautusan upang patawarin siya.

11 “Kung hindi pa rin niya makayang maghandog ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati, magdadala na lamang siya ng kalahating salop ng piling harina. Hindi niya ito bubuhusan ng langis ni hahaluan man ng insenso sapagkat ito'y handog pangkasalanan. 12 Dadalhin niya sa pari ang harina. Kukuha naman ito ng sandakot at susunugin sa altar bilang tanda na iyon ay handog kay Yahweh. 13 Ganito ang gagawin ng pari bilang pantubos sa alinmang pagkakasalang nabanggit. Tulad ng handog na pagkaing butil, ang matitira ay para sa pari.”

Mga Handog na Pambayad sa Kasalanan

14 Sinabi rin ni Yahweh kay Moises, 15 “Kung ang sinuma'y makalimot magbigay ng anumang nauukol kay Yahweh, mag-aalay siya ng handog na pambayad sa kasalanan. Maghahandog siya ng isang lalaking tupa na walang kapintasan. Itatakda mo ang halaga nito ayon sa sukatang itinakda ng santuwaryo. 16 Babayaran niya ang halagang di niya naibigay at magdaragdag pa siya ng ikalimang bahagi nito, at ito'y ibibigay sa pari. Ang tupa'y dadalhin sa pari upang ialay bilang handog na pambayad sa kasalanan, at siya'y patatawarin.

17 “Kung ang sinuma'y makalabag sa alinmang utos ko kahit hindi niya ito nalalaman, siya'y nagkakasala at dapat parusahan. 18 Magdadala siya sa pari ng isang lalaking tupa na walang kapintasan bilang handog na pambayad sa kasalanan. Itatakda mo ang halaga nito ayon sa halaga ng salapi sa santuwaryo. Ito'y ihahandog ng pari, at patatawarin ang nagkasala. 19 Ang handog na ito'y handog na pambayad sa kasalanan, sapagkat nagkasala siya kay Yahweh.”

Mateo 24:29-51

Ang Pagparito ng Anak ng Tao(A)

29 “Pagkatapos(B) ng kapighatian sa mga araw na iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. 30 Pagkatapos,(C) lilitaw sa langit ang tanda ng Anak ng Tao at mananangis ang lahat ng mga bansa sa daigdig. Makikita nila ang Anak ng Tao na nasa alapaap at dumarating na may dakilang kapangyarihan at kadakilaan. 31 Sa hudyat ng malakas na tunog ng trumpeta, susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang mula sa lahat ng dako.”

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(D)

32 “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag ang mga sanga nito ay umuusbong at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 33 Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng ito, malalaman ninyong malapit na siyang[a] dumating, halos naririto na. 34 Tandaan ninyo, magaganap ang lahat ng mga ito bago maubos ang salinlahing ito. 35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga sinasabi ay tiyak na mananatili.”

Walang Nakakaalam ng Araw o Oras(E)

36 “Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit [o maging ang Anak man].[b] Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. 37 Ang(F) pagdating ng Anak ng Tao ay tulad noong panahon ni Noe. 38 Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga tao'y nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. 39 Hindi(G) nila namamalayan ang nangyayari hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat. Gayundin ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa panahong iyon, may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 41 May dalawang babaing nagtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 42 Kaya't maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon. 43 Unawain(H) ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, siya'y maghahanda at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. 44 Kaya't lagi kayong maging handa, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

Dapat Palaging Maging Handa(I)

45 “Sino ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba't ang pinamamahala ng kanyang panginoon upang magpakain sa iba pang mga alipin sa takdang oras? 46 Pinagpala ang aliping iyon kapag dinatnan siyang tapat na naglilingkod sa pagbabalik ng kanyang panginoon! 47 Sinasabi ko sa inyo, gagawin siyang tagapamahala ng kanyang panginoon sa lahat ng mga ari-arian nito. 48 Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin niya sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon.’ 49 Kaya't sisimulan niyang bugbugin ang kanyang kapwa alipin, at makikipagkainan at makikipag-inuman sa mga lasenggo. 50 Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. 51 Bibigyan siya ng kanyang panginoon ng matinding parusa,[c] at pagkatapos ay isasama sa mga mapagkunwari. Doo'y tatangis siya at magngangalit ang ngipin.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.