Old/New Testament
Ang mga Lupaing Hindi pa Nasasakop
13 Matandang-matanda na noon si Josue. Sinabi sa kanya ni Yahweh: “Matandang-matanda ka na ngunit malaki pang bahagi ng lupaing ito ang kailangan pang sakupin. 2 Ito ang mga hindi pa ninyo nasasakop: ang lupain ng mga Filisteo at ang lupain ng mga Gesureo; 3 buhat sa batis ng Sihor sa tabing silangan ng Egipto hanggang sa Ekron ay itinuturing na lupain din ng mga Cananeo kahit ito'y sakop ng mga haring Filisteo na nakatira sa Gaza, sa Asdod, sa Ashkelon, sa Gat, at sa Ekron; ang lupain ng mga Aveo 4 sa dakong timog, at ang lupain ng mga Cananeo, buhat sa Mehara na tinitirhan ng mga taga-Sidon hanggang sa Afec, sa may hangganan ng mga Amoreo; 5 ang lupain ng mga Gebalita at ang buong silangan ng Lebanon, buhat sa Baal-gad sa paanan ng Bundok ng Hermon hanggang sa pagpasok ng Hamat. 6 Kasama(A) rin dito ang lupain ng mga taga-Sidon na naninirahan sa kaburulan ng Lebanon hanggang sa Misrefot-mayim. Pagdating ninyo roon, palalayasin kong lahat ang mga naninirahan doon. Hatiin mo sa mga Israelita ang mga lupaing ito, ayon sa sinabi ko sa iyo. 7 Ipamahagi mo ngayon ang lupaing ito sa siyam na lipi at sa kalahati ng lipi ni Manases.”
Mga Lupaing Ibinigay sa mga Lipi nina Ruben, Gad at Manases
8 Ang(B) mga lipi nina Ruben, Gad at ang kalahati ng lipi ni Manases ay binigyan na ni Moises ng kanilang lupain sa gawing silangan ng Jordan. 9 Ang saklaw nila'y mula sa Aroer, na nasa tabi ng Kapatagan ng Arnon, at mula sa bayang nasa gitna ng libis patungo sa hilaga, kasama ang mga mataas na kapatagan ng Medeba hanggang sa Dibon. 10 Saklaw rin ang lahat ng lunsod na sakop ni Haring Sihon ng mga Amoreo, na nakatira sa Hesbon, tuloy sa hangganan ng Ammon. 11 Sakop pa rin ang Gilead, ang lupain ng mga Gesureo at mga Maacateo; ang kabundukan ng Hermon at ang buong Bashan hanggang Saleca. 12 Sakop din ang kaharian ni Og na hari ng Astarot at Edrei. (Ang haring ito ang kaisa-isang nalabi sa lahi ng mga higante na tinalo ni Moises at pinalayas sa lupaing iyon.) 13 Ngunit hindi pinaalis ng mga Israelita ang mga Gesureo at mga Maacateo. Naninirahan pa ang mga ito sa Israel hanggang ngayon.
14 Ang(C) lipi ni Levi ay hindi binigyan ni Moises ng bahagi sa lupain. Sa halip, ang tatanggapin nila'y ang bahaging kukunin sa mga handog ng sambayanan para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, ayon sa sinabi niya kay Moises.
15 Binigyan na ni Moises ng kani-kanilang bahagi sa lupain ang lipi ni Ruben, ayon sa kani-kanilang angkan. 16 Sakop nila ang lunsod ng Aroer na nasa gilid ng Ilog Arnon, at ang bayang nasa gitna ng libis, at ang mataas na kapatagan sa palibot ng Medeba. 17 Sakop din nila ang Hesbon at ang lahat ng lunsod sa mataas na kapatagan: ang Dibon, Bamot-baal, Beth-baal-meon, 18 Jahaz, Kedemot, Mefaat, 19 Kiryataim, at Sibma. Kasama pa rin ang lunsod ng Zaret-sahar na nasa burol sa gitna ng libis, 20 ang lunsod ng Beth-peor, ang mga libis ng Pisgah, at ang Beth-jesimot; 21 ang lahat ng lunsod sa mataas na kapatagan at ang lahat ng bayang saklaw ni Haring Sihon na hari ng Hesbon. Tinalo siya ni Moises pati ang mga hari ng Midian na sina Evi, Requem, Zur, Hur at Reba. Ang mga haring ito ay sakop ni Haring Sihon at nanirahan sa lupaing iyon. 22 Kabilang din sa mga pinatay roon ng mga Israelita ang manghuhulang si Balaam na anak ni Beor. 23 Ang Ilog Jordan ang hangganan ng lupaing napunta sa lipi ni Ruben, ayon sa kani-kanilang angkan. Ito ang mga lunsod at mga bayang napunta sa kanilang mga angkan at sambahayan.
24 Binigyan na rin ni Moises ng kani-kanilang bahagi sa lupain ang bawat angkan sa lipi ni Gad. 25 Napunta sa kanila ang Jazer, ang buong Gilead, at ang kalahati ng lupain ng mga Ammonita hanggang sa Aroer na katapat ng Rabba. 26 Sakop nila ang mga lupain buhat sa Hesbon hanggang Ramot-mizpa at Bethonim, at buhat sa Mahanaim hanggang sa mga nasasakupan ng Lo-debar. 27 Sa Kapatagan naman ng Jordan ang sakop nila'y ang mga lunsod ng Beth-haram, Beth-nimra, Sucot, Zafon at ang nalalabi sa kaharian ni Sihon na hari ng Hesbon. Saklaw nga nila ang buong lupain sa gawing silangan buhat sa Ilog Jordan, at tuloy sa Lawa ng Galilea sa gawing hilaga. 28 Ito ang mga lunsod at bayang ibinigay sa mga angkan ng lipi ni Gad.
29 Binigyan na rin ni Moises ng bahagi sa lupain ang mga angkan ng kalahati ng lipi ni Manases. 30 Sakop nila ang Mahanaim at ang buong teritoryo ni Haring Og sa lupain ng Bashan. Kasama rin ng lupain nila ang animnapung bayan ng Bashan na sakop ng Jair. 31 Sakop rin nila ang kalahati ng Gilead at ang mga lunsod ng Astarot at Edrei sa kaharian ni Og sa Bashan. Ito ang mga lupaing ibinigay sa mga angkang bumubuo ng kalahati ng angkan ni Maquir na anak ni Manases. 32 Ganito ipinamahagi ni Moises ang mga lupain sa silangan ng Jerico at ng Ilog Jordan noong sila'y nasa kapatagan ng Moab. 33 Ngunit(D) hindi niya binigyan ng lupa ang lipi ni Levi sapagkat ang bahagi nila ay si Yahweh, ang Diyos ng Israel.
Ang Paghahati ng Canaan
14 Ang mga lipi ng Israel ay nakatanggap ng lupang pamana nang masakop nila ang Canaan. Ang paring si Eleazar at si Josue na anak ni Nun, katulong ang mga pinuno ng angkan ng bawat lipi, ang naghati ng lupain ng Canaan para sa mga Israelita. 2 Ang(E) paghahati ay isinagawa sa pamamagitan ng palabunutan, ayon sa utos ni Yahweh kay Moises. Siyam at kalahating lipi na lamang ang binigyan nila ng kani-kanilang bahagi sa lupain. 3 Ang(F) dalawang lipi at kalahati'y nabigyan na ni Moises ng kanilang bahagi sa silangan ng Jordan. Hindi rin kabilang sa siyam na lipi at kalahati ang mga Levita. 4 Hindi sila binigyan ng lupain. Sa halip, binigyan sila ng mga lunsod na matitirhan at mga kaparangan sa paligid para sa kanilang mga bakahan at mga kawan. Sa kabilang dako, ang mga nagmula sa lahi ni Jose ay pinagdalawang lipi: ang lipi ni Manases at ang lipi ni Efraim. 5 Pinaghati-hatian nga ng mga Israelita ang lupaing iyon ayon sa utos ni Yahweh kay Moises.
Ibinigay kay Caleb ang Hebron
6 Lumapit(G) noon kay Josue sa Gilgal ang ilan sa lipi ni Juda. Isa sa kanila si Caleb na anak ni Jefune, na mula sa angkan ng Cenizeo. Sinabi nito kay Josue, “Alam mo ang sinabi ni Yahweh kay Moises na kanyang lingkod tungkol sa ating dalawa nang tayo'y nasa Kades-barnea. 7 Apatnapung(H) taon pa lamang ako noon. Isinugo niya tayo buhat sa Kades-barnea upang lihim na manmanan ang lupaing ito, at iniulat ko sa kanya ang buong katotohanan. 8 Kahit na ang bayan ay tinakot ng ibang kasama natin, buong katapatan pa rin akong sumunod kay Yahweh na ating Diyos. 9 Kaya't(I) ipinangako sa akin noon ni Moises na dahil sa aking buong katapatan sa pagsunod kay Yahweh, magiging bahagi ko at ng aking mga anak ang lupang matapakan ng aking mga paa. 10 Apatnapu't limang taon na ang lumipas buhat nang sabihin ito ni Yahweh kay Moises. Noo'y naglalakbay pa sa disyerto ang bayang Israel. Iningatan ni Yahweh ang buhay ko hanggang ngayon. Walumpu't limang taon na ako ngayon 11 ngunit hindi pa nagbabago ang lakas ko mula nang ako'y isugo ni Moises upang siyasatin ang lupaing ito. Kaya ko pang makipaglaban at gawin ang kahit anong trabaho. 12 Kaya ibigay mo na sa akin ang kaburulang ipinangako sa akin ni Yahweh. Narinig mo rin na mga higante ang nakatira doon at matitibay ang pader ng naglalakihan nilang lunsod. Ngunit sa tulong ni Yahweh ay palalayasin ko sila sa lupaing iyon gaya ng ipinangako niya.”
13 Binasbasan nga ni Josue si Caleb na anak ni Jefune, at ibinigay sa kanya ang Hebron. 14 Ang lupain ng Hebron ay nananatili hanggang ngayon sa angkan ni Caleb na anak ni Jefune, na isang Cenizeo, sapagkat buong katapatan siyang sumunod kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 15 Noong una'y Lunsod ng Arba ang pangalan ng Hebron, bilang alaala kay Arba, ang pinakadakila sa mga Anaceo.
At nagkaroon nga ng kapayapaan sa buong lupain.
Ang Lupang para sa Lipi ni Juda
15 Ang lupaing napapunta sa lipi ni Juda ay mula sa dulo ng Edom at hanggang sa ilang ng Zin sa kaduluhan sa gawing timog.
Ito ang pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi. 2 Nagmula ang hangganan ng lupaing ito sa timog ng Dagat na Patay, 3 nagtuloy sa Landas ng Acrabim, at lumampas patungo sa ilang ng Zin. Buhat doo'y umahon sa Kades-barnea, nagdaan ng Hezron, nagtuloy sa Adar at lumikong patungo sa Carca. 4 Matapos tahakin ang Asmona, tinunton ang batis ng Egipto at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Ito ang hangganan ng Juda sa timog.
5 Sa gawing silangan ang hangganan ng lupaing ito'y ang Dagat na Patay hanggang sa bunganga ng Jordan. Dito naman nagsimula ang hangganang hilaga. 6 Umahon ito sa balikat ng Beth-hogla, dumaan sa hilaga ng Beth-araba at nagtuloy sa Bato ni Bohan, na anak ni Ruben. 7 Buhat sa Libis ng Kaguluhan, umahon sa Debir at nagtuloy sa hilaga. Lumiko ito patungong Gilgal na nasa tapat ng Pag-ahon sa Adumim sa timog ng libis, tumawid ng batis ng En-shemes at nagtuloy sa Batis ng En-rogel. 8 Buhat dito'y paahong tinahak ang Libis ng Ben Hinom na nasa timog ng burol ng mga Jebuseo (na tinatawag ding Jerusalem). Umahon uli patungo sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng kanluran ng Libis ng Ben Hinom at sa dulong hilaga ng Libis ng Refaim. 9 Buhat sa taluktok ng bundok ay lumikong patungo sa Batis ng Neftoa, at lumabas sa mga lunsod sa Bundok ng Efron, at bumaling na papuntang Baala (na tinatawag ding Lunsod ng Jearim). 10 Umikot sa kanluran ng Baala patungo sa Bundok ng Seir, nagdaan sa libis na hilaga ng Bundok Jearim (na tinatawag ding Kesalon), lumusong na patungong Beth-semes, at nagtuloy sa Timna. 11 Buhat naman dito, umahon sa libis ng Bundok sa hilaga ng Ekron at bumaling na papuntang Sicron. Tinahak ang Bundok ng Baala, lumabas sa Jabneel, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo na siyang naging 12 hangganan sa kanluran. Ito ang mga hangganan ng lupaing napapunta sa lipi ni Juda na pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi.
Sinakop ni Caleb ang Hebron at Debir(J)
13 Gaya(K) ng sinabi ni Yahweh kay Josue, isang bahagi ng lupaing kaparte ng lipi ni Juda ay ibinigay kay Caleb na anak ni Jefune. Ibinigay sa kanya ang Hebron, ang lunsod na dating sakop ni Arba na ama ni Anac. 14 Pinalayas ni Caleb sa lupaing iyon ang tatlong anak na lalaki ni Anac: sina Sesai, Ahiman at Talmai. 15 Pagkatapos, nilusob niya ang Debir, na noong una'y tinatawag na Lunsod ng Sefer. 16 At sinabi ni Caleb, “Ipakakasal ko ang anak kong si Acsa sa sinumang sumalakay at sumakop sa Lunsod ng Sefer.” 17 Si Otniel na anak ni Kenaz na kapatid ni Caleb ang nakagawa niyon, kaya't si Acsa'y ipinakasal ni Caleb kay Otniel. 18 Nang makasal na ang dalawa, sinabi ni Otniel sa asawa na humingi ng isang bukirin kay Caleb na kanyang ama. Pumunta nga si Acsa kay Caleb, at pagkababa sa asnong sinasakyan, tinanong siya ni Caleb, “Anong kailangan mo?”
19 Sumagot si Acsa, “Bigyan mo po ako ng makukunan ng tubig, sapagkat lupang tigang ang ibinigay mo sa akin.” Kaya't ibinigay sa kanya ni Caleb ang mga bukal sa gawing itaas at sa gawing ibaba.
Ang mga Lunsod ng Juda
20 Ito ang mga lupaing napapunta sa lipi ni Juda, at pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi. 21 Ang mga lunsod na nasa kadulu-duluhang timog, sa may hangganan ng Edom ay ang Cabzeel, Eder at Jagur; 22 Cina, Dimona at Adada; 23 Kades, Hazor at Itnan; 24 Zif, Telem at Bealot; 25 Hazor-hadata, Kiryot-hesron (na tinatawag ding Hazor); 26 Amam, Shema at Molada; 27 Hazar-gada, Hesmon at Beth-pelet; 28 Hazar-shual, Beer-seba at Bizotia; 29 Baala, Iyim at Ezem; 30 Eltolad, Cesil at Horma; 31 Ziklag, Madmana at Sansana; 32 Lebaot, Silhim, Ayin at Rimon; dalawampu't siyam na lunsod, kasama ang mga nayon sa palibot.
33 Ang mga lunsod sa kapatagan ay ang sumusunod: Estaol, Zora at Asena; 34 Zanoa, En-ganim, Tapua at Enam; 35 Jarmut, Adullam, Soco at Azeka; 36 Saaraim, Aditaim, Gedera at Gederotaim. Lahat-lahat ay labing-apat na lunsod pati ang mga nayong nasa paligid.
37 Kasama rin ang mga sumusunod: Zenan, Hadasa at Migdal-gad; 38 Dilan, Mizpa at Jokteel; 39 Laquis, Bozcat at Eglon; 40 Cabon, Lamam at Kitlis; 41 Gederot, Beth-dagon, Naama at Makeda; labing-anim na lunsod, kasama ang mga nayong nasa paligid.
42 Kabilang din ang Libna, Eter at Asan; 43 Jefte, Asena at Nezib; 44 Keila, Aczib at Maresa—siyam na lunsod at ang mga nayon sa palibot.
45 Gayon din ang lunsod ng Ekron at ang mga bayan at nayon sa paligid; 46 ang lahat ng mga lunsod sa malapit sa Asdod buhat sa Ekron hanggang sa Dagat Mediteraneo.
47 Kasama rin ang mga lunsod ng Asdod at Gaza, at ang mga bayan at nayong sakop nila, hanggang sa batis ng Egipto at baybayin ng Dagat Mediteraneo.
48 Sa kaburulan naman ay ang mga lunsod ng Samir, Jatir, Soco; 49 Dana, Kiryat Sanna (na tinatawag ding Debir), 50 Anab, Estemoa at Anim; 51 Goshen, Holon at Gilo—labing-isang lunsod, kasama pati ang kanilang mga nayon.
52 Gayon din ang Arab, Duma at Eshan, 53 Janim, Beth-tapua at Afeca; 54 Humta, Lunsod ng Arba o Hebron at Sior—siyam na lunsod kasama ang mga nayon sa paligid.
55 Kabilang pa rin ang Maon, Carmelo, Zif at Juta; 56 Jezreel, Jocdeam at Zanoa, 57 Cain, Gabaa at Timna—sampung lunsod at ang mga nayon sa paligid.
58 Halhul, Beth-sur at Gedor, 59 Meara, Beth-anot at Eltecon—anim na lunsod, kasama ang kanilang mga nayon.
60 Kasama rin ang lunsod ng Baal (o Lunsod ng Jearim), at ang Rabba—dalawang lunsod kasama ang kanilang mga nayon.
61 Sa ilang naman, ang Beth-araba, Midin at Secaca; 62 Nibsan, ang Lunsod ng Asin at En-gedi—anim na lunsod, kasama pati ang mga nayon sa paligid nila.
63 Ngunit(L) hindi napaalis ng lipi ni Juda ang mga Jebuseo na naninirahan sa Jerusalem, kaya hanggang ngayo'y kasama nilang naninirahan doon ang mga ito.
Isinilang si Juan na Tagapagbautismo
57 Dumating ang oras ng panganganak ni Elizabeth at nagsilang siya ng isang sanggol na lalaki. 58 Nang mabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya'y labis na pinagpala ng Panginoon, nakigalak sila sa kanya.
59 Makalipas(A) ang isang linggo, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang itatawag nila sa bata, gaya ng pangalan ng kanyang ama, 60 ngunit sinabi ni Elizabeth, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.”
61 “Subalit wala naman kayong kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila. 62 Sinenyasan nila ang kanyang ama upang itanong kung ano ang ibig nitong itawag sa sanggol.
63 Humingi si Zacarias ng masusulatan at ganito ang kanyang isinulat, “Juan ang pangalan niya.” Namangha ang lahat. 64 Noon din ay nakapagsalita si Zacarias, at siya'y nagpuri sa Diyos. 65 Natakot ang lahat ng tagaroon, at naging usap-usapan sa buong bulubundukin ng Judea ang mga bagay na iyon. 66 Pinag-isipan ito ng mga nakabalita, anupa't naging tanong nilang lahat, “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat nasa kanya ang kapangyarihan ng Panginoon.
Ang Awit ni Zacarias
67 Si Zacarias na ama ng bata ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos:
68 “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!
Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan.
69 Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
mula sa angkan ni David na kanyang lingkod.
70 Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta,
71 na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway,
mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
72 Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno,
at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.
73 Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham,
74 na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot,
75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay.
76 Ikaw,(B) anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos;
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan,
77 at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan,
ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
78 Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos.
Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan.
79 Tatanglawan(C) niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan,
at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan.”
80 Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya'y nanirahan sa ilang, hanggang sa araw na nakilala siya ng bansang Israel.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.