Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 23-25

23 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Magpagawa ka rito ng pitong altar at magdala ka rito ng pitong toro at pitong tupa.” Ganoon nga ang ginawa ni Balac. At silang dalawa ay naghandog ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat altar. Sinabi ni Balaam kay Balac, “Bantayan mo ang mga handog na ito. Aalis muna ako at baka sakaling makipagkita na sa akin si Yahweh. Anumang sabihin niya sa akin ay sasabihin ko sa iyo.” At nagpunta siyang mag-isa sa tuktok ng isang burol.

Pinagpala ni Balaam ang Israel

Nakipagkita nga kay Balaam ang Diyos. Sinabi ni Balaam, “Nagpagawa po ako ng pitong altar at bawat isa'y pinaghandugan ko ng isang toro at isang lalaking tupa.” May sinabi kay Balaam si Yahweh. Pagkatapos, pinabalik ito kay Balac. Nadatnan niya si Balac at ang mga pinuno sa paligid ng handog na sinusunog. Sinabi ni Balaam,

“Mula sa Aram, sa bulubundukin sa silangan,
ipinatawag ako ni Balac na hari ng Moab.
Ang sabi niya sa akin, ‘Halika't ang bansa ni Jacob ay iyong sumpain.
Halika't itakwil mo ang bansang Israel!’
Ang pinagpala ng Diyos ay paano ko susumpain?
Ang binasbasan ni Yahweh, paano ko nga itatakwil?
Mula sa tuktok ng mga bundok sila'y aking natatanaw,
nakikita ko silang lahat mula sa kaburulan.
Sila'y isang bansang namumuhay na mag-isa,
alam nilang sila'y mapalad kaysa mga iba!
10 Ang lahi ni Jacob, alabok ang kagaya;
kung ang Israel ay bilangin, ito ba'y makakaya?
Mamatay nawa akong gaya ng anak ng Diyos;
sa kapayapaan ng matuwid, buhay ko nawa'y matapos!”

11 Itinanong ni Balac kay Balaam, “Bakit ganyan ang ginagawa mo? Di ba't tinawag kita para sumpain ang aking mga kaaway? Ngunit sa halip ay binabasbasan mo pa sila!”

12 Sumagot siya, “Hindi maaaring di ko sabihin ang ipinapasabi ni Yahweh.”

13 Sinabi sa kanya ni Balac, “Pumunta tayo sa ibang lugar, sa lugar na hindi mo makikita ang lahat ng mga Israelita. Doon mo sila sumpain.” 14 At nagpunta sila sa bukirin ni Zofim, sa taluktok ng Pisga. Nagpagawa sila roon ng pitong altar at bawat isa'y hinandugan ng tig-iisang toro at tig-iisang tupa.

15 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Dito ka lang sa may mga handog na sinusunog at pupunta ako sa dako roon para makipagkita kay Yahweh.”

16 Pagkalayo niya nang kaunti, nagpakita si Yahweh sa kanya at sinabi kung ano ang dapat niyang sabihin kay Balac. 17 Pagbalik niya, nakita niya si Balac at ang mga pinunong kasama nito na nakatayo sa paligid ng handog. Tinanong siya ni Balac, “Ano ang sabi ni Yahweh?”

18 Sinabi ni Balaam,

“Makinig ka, Balac, dinggin mo ako,
anak ni Zippor, may sasabihin ako sa iyo:
19 Ang Diyos ay di sinungaling na tulad ng tao.
Anumang sabihin niya'y kanyang gagawin,
kung mangako man siya, ito'y kanyang tutuparin.
20 Ang utos sa akin, sila'y pagpalain;
ang pagpapala ng Diyos, di ko kayang bawiin.
21 Sa Israel ay wala akong makitang kasawian,
sa kanila ay wala ring kapahamakan.
Ang Diyos nilang si Yahweh ang kanilang kasama,
ipinapahayag nilang siya ang hari nila.
22 Ang Diyos ang naglabas sa kanila sa Egipto,
sila'y ipinaglaban niya nang tulad sa mailap na toro.
23 Si Jacob ay hindi makakayang kulamin,
ang Israel ay hindi maaaring sumpain.
Tungkol sa Israel, ito ang sasabihin ng mga tao:
‘Ito ang gawa ng Diyos at pagmasdan ninyo!’
24 Ang Israel ay kasinlakas ng isang leon,
hindi tumitigil hanggang kaaway ay di nalalamon
at hanggang ang dugo nito ay di niya naiinom.”

25 Sinabi ni Balac kay Balaam, “Kung ayaw mo silang sumpain, huwag mo naman sanang pagpalain.”

26 Ngunit ang sagot ni Balaam, “Hindi ba't sinabi ko na sa iyong gagawin ko lamang ang lahat ng sinabi sa akin ni Yahweh?”

27 Sinabi ni Balac, “Halika. Lumipat tayo ng lugar at baka ipahintulot na ng Diyos na sumpain mo roon ang mga Israelita.” 28 At magkasama silang nagpunta sa tuktok ng Peor, kung saan natatanaw nila ang ilang.

29 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Magpagawa ka rito ng pitong altar at magpakuha ng pitong toro at pitong tupa.” 30 Gayon nga ang ginawa ni Balac. Bawat altar ay hinandugan niya ng tig-iisang toro at tig-iisang lalaking tupa.

24 Nang matiyak ni Balaam na talagang gusto ni Yahweh na basbasan niya ang Israel, hindi na siya humanap ng palatandaan tulad ng dati. Tumanaw siya sa ilang at nakita niya ang kampo ng Israel, sama-sama bawat lipi. Nilukuban siya ng Espiritu[a] ng Diyos at siya'y nagsalita,

“Ang pahayag ni Balaam na anak ni Beor,
ang pahayag ng taong may malinaw na paningin.[b]
Ang pahayag ng nakikinig sa mga salita ng Diyos,
at nakakakita ng pangitain buhat sa Makapangyarihan.
Kahit nabulagta sa lupa ngunit nanatiling malinaw ang paningin.
Anong ganda, O Jacob, ng iyong mga tolda;
kay inam, O Israel, ng iyong mga tirahan.
Wari'y napakalawak na libis,
parang hardin sa tabi ng batis.
Wari'y punongkahoy na mabango, itinanim ni Yahweh,
matataas na punong sedar sa tabi
ng mga bukal.
Ang tubig ay aapaw sa lahat niyang sisidlan,
kapangyarihan niya'y madarama sa lahat ng lugar.
Ang hari niya ay magiging mas malakas kaysa kay Agag,
at ang kanyang kaharian ay magiging napakalawak.
Inilabas siya ng Diyos sa bansang Egipto;
ang lakas na ginamit niya'y waring lakas ng toro.
Kaaway niya'y lulupigin pati buto'y dudurugin;
sa tulis ng kanyang pana, lahat sila'y tutuhugin.
Siya'y(A) parang leon sa kanyang higaan,
walang mangahas gumambala sa kanyang pagkahimlay.
Pagpalain nawa ang sa iyo ay nagpapala;
susumpain ang lahat ng sa iyo ay susumpa.”

Ang Pahayag ni Balaam

10 Galit na galit si Balac kay Balaam. Nanggigil siya sa galit at kanyang sinabi, “Ipinatawag kita upang sumpain ang aking mga kaaway. Ngunit anong ginawa mo? Tatlong beses mo pa silang binasbasan! 11 Mabuti pa'y umuwi ka na! Pararangalan sana kita pero hinadlangan iyon ni Yahweh.”

12 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Sinabi ko na sa iyong mga sugo 13 na kahit ibigay mo sa akin ang lahat ng pilak at ginto sa iyong sambahayan ay hindi ko gagawin ang hindi ipinagagawa sa akin ni Yahweh. Sinabi ko rin sa kanila na ang sasabihin lamang sa akin ni Yahweh ang siya kong sasabihin.”

14 “Oo, uuwi ako. Ngunit sasabihin ko muna sa iyo kung ano ang gagawin sa inyo ng bayang ito balang araw.”

15 Muli siyang nagsalita,

“Ang pahayag ni Balaam na anak ni Beor,
ang mensahe ng taong may malinaw na paningin.[c]
16 Ang pahayag ng isang taong nakikinig sa salita ng Diyos,
ng nakakaalam ng kalooban ng Kataas-taasang Diyos,
ng nakakakita ng pangitain buhat sa Makapangyarihan.
Kahit nabuwal sa lupa'y malinaw pa rin ang aking paningin.
17 Mayroon akong nakikita ngunit hindi pa ngayon magaganap,
nakikita ko ngayon ang mangyayari sa hinaharap.
Mula sa lahi ni Jacob ay lilitaw ang isang bituin,
sa lahi ni Israel ay may maghahari rin.
Mga pinuno ni Moab ay kanyang lilipulin,
lahat ng mga anak ni Set ay kanyang pababagsakin.
18 Sasakupin niya ang Edom at ang mga kaaway niya sa Seir,
samantala'y patuloy na magwawagi ang bansang Israel.
19 Lulupigin silang lahat nitong bansang Israel,
ang natitirang buháy sa mga lunsod ay kanilang uubusin.”

20 Nang makita niya sa pangitain ang Amalek ay ganito ang sinabi niya:

“Ang Amalek ay bansang pangunahin,
ngunit sa huli, siya ay lilipulin.”

21 Sinabi pa niya nang makita sa pangitain ang mga Cineo:

“Tirahan mo ay matibay at matatag.
22 Gayunman, ang bansang Cineo ay parang pugad na nasa mataas.
Di magtatagal, bibihagin ka ni Asur.”

23 Nagpatuloy siya sa kanyang pahayag,

“Sino'ng maaaring mabuhay kapag ito'y isinagawa ng Diyos?
24 Darating ang mga barko, mula sa Kitim
upang kanilang lusubin si Asur at si Eber,
ngunit sa bandang huli, siya'y malulupig din.”

25 Pagkatapos, si Balaam ay umuwi na, at ganoon din si Balac.

Sumamba ang Israel kay Baal-peor

25 Samantalang nakahimpil sa Sitim ang Israel, ang mga kalalakihan nila'y nakipagtalik sa mga babaing Moabita na naroroon. Inanyayahan sila ng mga ito sa paghahandog nila sa mga diyus-diyosan. Ang mga Israelita'y nakikain sa mga atang na iyon at sumamba rin sa mga diyus-diyosan doon. Sumali sa pagsamba kay Baal-peor ang mga Israelita kaya nagalit sa kanila si Yahweh. Sinabi niya kay Moises, “Tipunin mo ang mga pinuno ng Israel at patayin mo sila sa harap ng madla para mapawi ang galit ko sa Israel.” Iniutos ni Moises sa mga hukom ng Israel, “Patayin ninyo ang lahat ng kasamahan ninyong sumamba kay Baal-peor.”

Samantalang si Moises at ang buong bayan ay nananangis sa harap ng Toldang Tipanan, dumating ang isang Israelita. May kasama itong Midianita, at hayagang ipinasok sa kanyang tolda. Nang makita ito ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ni Aaron, umuwi siya at kumuha ng sibat. Sinundan niya sa tolda ang Israelitang may kasamang Midianita at tinuhog silang dalawa ng sibat. Dahil dito, tumigil ang salot na sumasalanta sa Israel. Gayunman, dalawampu't apat na libo na ang namatay sa salot na iyon.

10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 11 “Dahil sa ginawa ni Finehas, pinahalagahan niya ang aking karangalan. Kaya, hindi ko nilipol ang mga Israelita dahil sa aking galit. 12 Sabihin mo sa kanyang ako'y gumagawa ng isang kasunduan sa kanya; ipinapangako kong hindi ko siya pababayaan kailanman. 13 Mananatili ang walang katapusang pagkapari sa kanya at sa kanyang angkan sapagkat ipinagtanggol niya ang aking karangalan, at ginawa niya ang pagtubos sa kasalanan ng sambayanang Israel.”

14 Ang Israelitang nagsama ng Midianita at napatay ni Finehas ay si Zimri na anak ni Salu at isa sa mga pinuno ng angkan sa lipi ni Simeon. 15 Ang Midianita naman ay si Cozbi na anak ni Zur, na isa sa mga pinuno ng angkan sa Midian.

16 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 17 “Salakayin ninyo ang mga Midianita at puksain sila 18 dahil sa kasamaang ginawa nila sa inyo nang akitin nila kayong sumamba sa mga diyus-diyosan sa Peor, at sa ginawa ng kababayan nilang si Cozbi na pinatay ni Finehas noong sinasalanta kayo ng salot sa Peor.”

Marcos 7:14-37

Ang Nagpaparumi sa Tao(A)

14 Muling pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat at unawain ang aking sasabihin! 15 Hindi nagiging marumi ang isang tao dahil sa pagkaing pumapasok sa kanyang bibig, kundi dahil sa lumalabas dito. [16 Makinig ang may pandinig!]”[a]

17 Iniwan ni Jesus ang mga tao, at nang makapasok na siya sa bahay, siya'y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. 18 “Pati ba naman kayo ay hindi pa rin makaunawa?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi nagiging marumi ang isang tao dahil sa pagkaing ipinapasok niya sa kanyang bibig, 19 sapagkat hindi naman iyon pumapasok sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” (Sa ganitong paraan ay ipinahayag ni Jesus na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin.)

20 At sinabi rin niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos. 21 Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay, 22 mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan. 23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay nanggagaling sa puso at dahil sa mga ito ay nagiging marumi ang tao.”

Pinagaling ang Anak ng Babaing Taga-Tiro(B)

24 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lugar na malapit sa Tiro [at ng Sidon].[b] Tumuloy siya sa isang bahay doon at ayaw niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi ganoon ang nangyari. 25 Ang pagdating niya'y nabalitaan ng isang babae na may anak na babaing sinasapian ng masamang espiritu. Pumunta agad kay Jesus ang ina at nagpatirapa sa kanyang harapan. 26 Ang babaing ito'y isang Hentil na taga-Sirofenicia. Nakiusap ito kay Jesus na palayasin ang demonyong sumapi sa kanyang anak. 27 Ngunit sinabi ni Jesus, “Kailangang ang mga anak muna ang pakainin. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga aso.”

28 Tugon ng babae, “Tunay nga po, Panginoon, ngunit maging ang mga asong nasa ilalim ng mesa ay kumakain ng mga nalalaglag mula sa kinakain ng mga anak.”

29 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.”

30 Umuwi ang babae at naratnan niya sa higaan ang bata. Iniwan na nga ito ng demonyo.

Ang Pagpapagaling sa Taong Bingi at Pipi

31 Umalis si Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan sa Sidon at nagtuloy sa Lawa ng Galilea. Tinahak niya ang lupain ng Decapolis. 32 Dinala ng mga tao sa kanya ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita, at nakiusap sila sa kanya na ipatong niya rito ang kanyang kamay. 33 Inilayo muna ni Jesus sa karamihan ang lalaki, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, dumura si Jesus at ipinahid ito sa dila ng pipi. 34 Tumingala si Jesus sa langit, nagbuntong-hininga at sinabi sa lalaki, “Effata,” na ang ibig sabihi'y, “Mabuksan!”

35 Noon di'y nakarinig ang lalaki at nakapagsalita na nang maayos. 36 Sinabi ni Jesus sa mga tao na huwag ipamalita ito, ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nila itong ipinamamalita. 37 Buong paghangang sinasabi nila, “Napakahusay ng lahat ng kanyang ginagawa! Binibigyan niya ng pandinig ang mga bingi at pinapagsalita ang mga pipi!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.