Old/New Testament
Nanawagan si Moises na Maging Masunurin ang Israel
4 “Ngayon, O Israel, pakinggan ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo upang mabuhay kayo nang matagal at mapasainyo ang lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, na inyong Diyos. 2 Huwag(A) ninyo itong daragdagan ni babawasan. Sundin ninyo ang mga utos na ibinigay ko sa inyo mula kay Yahweh. 3 Nakita(B) ninyo ang ginawa ni Yahweh sa Baal-peor; nilipol niya ang lahat ng sumamba kay Baal, 4 ngunit kayong nanatiling tapat kay Yahweh na inyong Diyos ay buháy pa hanggang ngayon.
5 “Ngayon nga'y itinuturo ko sa inyo ang mga batas at tuntunin na ito gaya ng ipinag-utos sa akin ni Yahweh na ating Diyos. Sundin ninyo ang mga ito sa lupaing malapit na ninyong sakupin at tirhan. 6 Unawain ninyo ito at sunding mabuti. Sa gayon makikita ng ibang bansa ang inyong karunungan at pang-unawa. Kaya't masasabi nila: ‘Ang dakilang bansang ito'y matalino at may malawak na pagkaunawa.’
7 “Sinong diyos ng ibang bansa ang handang tumulong anumang oras liban kay Yahweh? 8 Aling bansa ang may makatarungang tuntunin at kautusan tulad ng ibinigay ko sa inyo ngayon? 9 Ngunit mag-ingat kayo. Huwag ninyong kakalimutan o babaliwalain ang mga bagay na inyong nasaksihan, habang kayo'y nabubuhay. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo. 10 Huwag ninyong kalilimutan ang sinabi ni Yahweh nang kayo'y nasa harap ng Bundok ng Sinai:[a] ‘Tipunin mo sa harapan ko ang buong bayan. Ituturo ko sa kanila ang aking mga utos upang magkaroon sila ng takot sa akin habang sila'y nabubuhay; ituturo naman nila ito sa kanilang mga anak.’
11 “At(C) kayo'y nagtipon sa paanan ng bundok; ito'y naglagablab nang abot sa langit. Pagkatapos, nabalot ito ng ulap at kadiliman. 12 Mula sa gitna ng apoy, nagsalita sa inyo si Yahweh; narinig ninyo ang kanyang tinig ngunit hindi ninyo siya nakita. 13 Ipinahayag(D) niya ang mga tuntunin ng kasunduang ginawa niya sa inyo, ang sampung utos na isinulat niya sa dalawang tapyas ng bato. 14 Noon,(E) iniutos niya sa akin na ituro sa inyo ang mga tuntunin na inyong susundin sa lupaing sasakupin ninyo.
Ang Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan
15 “Nang kayo'y kausapin ni Yahweh mula sa apoy sa Sinai,[b] wala kayong nakitang anyo, kaya mag-ingat kayong mabuti. 16 Huwag(F) kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, maging kawangis ng tao, 17 hayop(G) sa ibabaw ng lupa, ibon, 18 ng anumang gumagapang o ng anumang isda. 19 Huwag ninyong sasambahin ang araw, buwan, bituin o alinmang bagay sa kalawakan na nilalang ni Yahweh para sa tao. 20 Iniligtas(H) kayo ni Yahweh mula sa napakainit na pugon ng pagkaalipin sa Egipto upang maging kanyang bayang hinirang. 21 Nagalit(I) sa akin si Yahweh dahil sa inyo, at isinumpa niyang hindi ako makakarating sa masaganang lupaing ibibigay niya sa inyo. 22 Hindi ninyo ako makakasama sa kabila ng Jordan. Dito na ako mamamatay ngunit kayo'y magpapatuloy upang sakupin ang lupaing iyon. 23 Mag-ingat kayo. Huwag na huwag ninyong kalilimutan ang kasunduan ninyo ni Yahweh. Huwag kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, gaya ng ipinagbawal niya sa inyo. 24 Sapagkat(J) si Yahweh na inyong Diyos ay tulad ng naglalagablab na apoy at siya ay mapanibughuing Diyos.
25 “Kahit gaano katagal ang abutin ninyo roon, kahit kayo'y magkaanak at magkaapo, huwag kayong gagawa ng mga larawan upang sambahin sapagkat magagalit sa inyo si Yahweh na inyong Diyos. Masama ito sa kanyang paningin. 26 Saksi ang langit at ang lupa na kapag nilabag ninyo ang utos na ito, hindi kayo magtatagal sa lupaing iyon sa kabila ng Jordan sapagkat malilipol kayo nang lubusan. 27 Paghihiwa-hiwalayin(K) kayo ni Yahweh sa iba't ibang bansa at kaunti lamang ang matitira sa inyo. 28 At sa lugar na pagtatapunan sa inyo ay maglilingkod kayo sa mga diyus-diyosang kahoy at bato na gawa ng mga tao. Sila'y hindi nakakakita, nakakarinig, nakakaamoy ni nakakakain. 29 Gayunman,(L) matatagpuan ninyong muli si Yahweh kung siya'y buong puso ninyong hahanapin. 30 Kapag nangyari na ang lahat ng ito, at kayo'y nasa matinding kahirapan, manunumbalik na kayo kay Yahweh at maglilingkod sa kanya. 31 Siya ay mahabagin. Hindi niya kayo pababayaang malipol sapagkat hindi niya kakalimutan ang kanyang kasunduan sa inyong mga ninuno.
32 “Ipagtanong ninyo kahit saan at kahit kanino kung may naganap nang tulad nito. May nasaksihan o nabalitaan na ba kayong gaya nito mula nang likhain ng Diyos ang daigdig? 33 Maliban sa inyo, mayroon pa bang ibang sambayanan na nakarinig sa tinig ng isang diyos mula sa haliging apoy, at nanatiling buháy? 34 Sino bang diyos ang nagtangkang maglabas ng isang buong lahi mula sa isang bansa upang maging kanya sa pamamagitan ng tagisan ng kapangyarihan, ng kababalaghan, ng digmaan, at ng makapangyarihang mga gawa, tulad ng ginawa sa Egipto ni Yahweh na inyong Diyos? 35 Ang(M) mga pangyayaring ito'y ipinakita niya sa inyo upang maniwala kayo na si Yahweh ay Diyos, at wala ng iba liban sa kanya. 36 Mula sa langit, nagsalita siya sa inyo upang kayo'y turuan. At dito sa lupa nagsalita siya mula sa apoy. 37 At dahil sa pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, pinili niya kayo, at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ay inilabas kayo sa Egipto. 38 Pinuksa niya ang mga bansang mas malaki at mas makapangyarihan kaysa inyo upang makapanirahan kayo sa lupaing ibinigay niya sa inyo ngayon. 39 Dahil dito, tandaan ninyo at huwag kalilimutan na sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos liban kay Yahweh. 40 Kaya nga, dapat ninyong sundin ang kanyang mga utos at tuntuning sinasabi ko sa inyo ngayon. Sa ganoon, pagpapalain kayo at ang lahing susunod sa inyo. Magtatagal kayo habang panahon sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.”
Ang mga Lunsod-Kanlungan sa Silangan ng Jordan
41 Pagkatapos,(N) pumili si Moises ng tatlong lunsod sa kabila ng Jordan 42 upang maging kanlungan ng sinumang makapatay nang di sinasadya. Kapag ito'y nakapasok sa alinman sa mga lunsod na iyon, ligtas na ito sa paghihiganti ng mga kamag-anak ng namatay. 43 Ito ang mga lunsod na ibinukod niya: ang Bezer sa mataas na kapatagan sa ilang para sa lipi ni Ruben; ang Ramot sa Gilead para sa lipi ni Gad, at ang Golan sa Bashan para sa lipi ni Manases.
Paunang Salita tungkol sa Kautusan
44 Ito ang kautusang ibinigay ni Moises sa mga Israelita, 45 mga batas at tuntuning ipinahayag niya nang sila'y lumabas sa Egipto. 46 Sila noon ay nasa silangan ng Jordan sa libis ng Beth-peor, sakop ni Haring Sihon ng mga Amoreo. Si Haring Sihon ay nagapi nga nina Moises nang sila'y umalis sa Egipto. 47 Sinakop nila ang lupain nito, pati ang lupain ni Haring Og. Ang dalawang haring ito ng mga Amoreo ang sumakop sa silangang bahagi ng Ilog Jordan. 48 Ang lupaing nasakop nila noon ay mula sa Aroer, sa tabi ng Ilog Arnon hanggang Bundok ng Zion o Hermon, 49 sakop din ang buong Araba sa silangan ng Jordan, hanggang sa baybayin ng Dagat na Patay sa paanan ng Bundok ng Pisga.
Ang Sampung Utos(O)
5 Tinipon ni Moises ang buong Israel at kanyang sinabi, “Bayang Israel, dinggin ninyo ang kautusan at ang mga tuntuning ibibigay ko sa inyo ngayon. Unawain ninyong mabuti at tuparin ang mga ito. 2 Ang Diyos nating si Yahweh ay gumawa ng kasunduan sa atin sa Bundok ng Sinai,[c] 3 hindi sa ating mga ninuno kundi sa ating nabubuhay ngayon. 4 Harap-harapan siyang nakipag-usap sa inyo sa bundok mula sa naglalagablab na apoy. 5 Habang ibinibigay niya ang kanyang mga utos, nakatayo ako sa pagitan ninyo at ni Yahweh sapagkat natatakot kayo sa ningas at ayaw ninyong umakyat sa bundok. Sinabi niya:
6 “‘Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin.
7 “‘Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.
8 “‘Huwag(P) kang gagawa ng diyus-diyosang imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. 9 Huwag(Q) mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. 10 Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig at pagkalinga sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan.
11 “‘Huwag(R) mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang gumamit nito nang walang kabuluhan.
12 “‘Ilaan(S) mo para sa akin ang Araw ng Pamamahinga, tulad ng ipinag-uutos ni Yahweh na iyong Diyos. 13 Anim(T) na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. 14 Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na iyo'y huwag magtatrabaho ang sinuman sa inyo; ikaw, ang iyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ni alinman sa mga alaga mong hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. Ang iyong alipin, lalaki man o babae ay kailangang mamahingang tulad mo. 15 Alalahanin mong naging alipin ka rin sa Egipto at mula roo'y inilabas kita sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Kaya iniutos ko na panatilihin mong nakalaan kay Yahweh ang Araw ng Pamamahinga.
16 “‘Igalang(U) mo ang iyong ama at ina tulad ng iniutos ko sa iyo. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal at sagana sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos.
17 “‘Huwag(V) kang papatay.
18 “‘Huwag(W) kang mangangalunya.
19 “‘Huwag(X) kang magnanakaw.
20 “‘Huwag(Y) kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.
21 “‘Huwag(Z) mong pagnanasaang maangkin ang asawa ng iyong kapwa. Huwag mong pagnasaang maangkin ang kanyang sambahayan, bukid, alilang lalaki o babae, baka, asno o anumang pag-aari niya.’
22 “Ang(AA) mga ito'y sinabi sa inyo ni Yahweh doon sa bundok, mula sa naglalagablab na apoy at makapal na usok. Liban doon, hindi na siya nagsalita sa inyo. Pagkatapos, isinulat niya ang mga ito sa dalawang tapyas na bato at ibinigay sa akin.
Pinagharian ng Takot ang Lahat(AB)
23 “Nang marinig ninyo ang kanyang tinig mula sa kadiliman, habang nagliliyab ang bundok, lumapit sa akin ang pinuno ng bawat angkan at ang inyong matatandang pinuno. 24 Sinabi nila, ‘Ipinakita sa atin ni Yahweh na ating Diyos ang kanyang kaluwalhatian at kadakilaan, at ipinarinig sa atin ang kanyang tinig. Nakipag-usap siya sa atin nang harapan ngunit hindi tayo namatay. 25 Bakit natin hihintaying mamatay tayo rito? Lalamunin tayo ng apoy na ito at tiyak na mamamatay tayo kapag nagsalita pa siya sa atin. 26 Sinong tao ang nanatiling buháy matapos marinig mula sa apoy ang tinig ng Diyos na buháy? 27 Ikaw na lang ang makipag-usap kay Yahweh na ating Diyos. Sabihin mo na lamang sa amin ang lahat ng sasabihin niya sa iyo, at susundin namin.’
28 “Narinig ni Yahweh ang sinabi ninyo noon at ito naman ang kanyang sinabi sa akin: ‘Narinig ko ang sinabi nila sa iyo at tamang lahat iyon. 29 Sana nga'y manatili ang takot nila sa akin at lagi nilang sundin ang aking mga utos upang maging matiwasay ang buhay nila at ng kanilang mga anak habang panahon. 30 Magbalik ka sa kanila at pauwiin mo na sila. 31 Ngunit mananatili ka rito at sasabihin ko sa iyo ang aking mga batas at mga tuntunin. Ituturo mo ito sa kanila upang kanilang sundin sa lupaing ibibigay ko sa kanila.’
32 “Sundin ninyong mabuti ang lahat ng iniuutos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Huwag kayong lilihis sa mga ito. 33 Mamuhay kayo ayon sa kanyang mga utos. Sa ganoon, sasagana kayo at hahaba ang buhay ninyo sa lupaing sasakupin ninyo.
Ang Pangunahing Utos
6 “Ito nga ang Kautusan at mga tuntuning ibinigay niya sa akin, na siya ninyong susundin sa lupaing inyong sasakupin. 2 Ang mga ito'y ibinigay sa inyo ni Yahweh at sa inyong mga anak at sa mga susunod na salinlahi upang magkaroon kayo ng takot sa kanya. Kung ito'y susundin ninyo, hahaba ang inyong buhay. 3 Kaya nga, pakinggan ninyo ito at sunding mabuti. Kung magkagayo'y sasagana kayo, at darami ang inyong lahi pagdating ninyo sa lupaing ipinangako ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.
4 “Pakinggan(AC) mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh.[d] 5 Ibigin(AD) mo si Yahweh na iyong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas. 6 Ang(AE) mga utos niya'y itanim ninyo sa inyong puso. 7 Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga. 8 Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, itali sa inyong noo, 9 isulat sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at mga tarangkahan.
Babala Laban sa Pagsuway
10 “Malapit(AF) na kayong dalhin ni Yahweh sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Maninirahan kayo sa malalaki at magagandang lunsod na hindi kayo ang nagtatag. 11 Titira kayo sa mga tahanang sagana sa lahat ng bagay ngunit hindi ninyo pinaghirapan. Iinom kayo ng tubig na galing sa mga balong hindi ninyo hinukay. Mamimitas kayo sa mga ubasan at sa mga olibong hindi ninyo itinanim. Kung kayo'y naroon na at masagana na sa lahat ng bagay, 12 huwag na huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na naglabas sa inyo sa Egipto, sa bayan ng pagkaalipin. 13 Magkaroon(AG) kayo ng takot kay Yahweh, paglingkuran ninyo siya at sa kanyang pangalan kayo manumpa. 14 Huwag kayong maglilingkod sa diyus-diyosan ng mga bayang pupuntahan ninyo 15 sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay mapanibughuing Diyos; kapag sumamba kayo sa diyus-diyosan magagalit siya sa inyo at lilipulin niya kayong lahat.
16 “Huwag(AH) ninyong susubukin si Yahweh na inyong Diyos, tulad ng ginawa ninyo sa Masah. 17 Sundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos at mga tuntunin. 18 Gawin ninyo kung ano ang tama at mabuti sa paningin ni Yahweh, at mamumuhay kayong matiwasay. Masasakop ninyo ang lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno; 19 mapapalayas ninyo ang inyong mga kaaway, tulad ng pangako niya sa inyo.
20 “Kapag dumating ang araw na itanong ng inyong mga anak kung bakit kayo binigyan ni Yahweh ng kautusan at mga tuntunin, 21 ganito ang sabihin ninyo: ‘Noong araw, inalipin kami ng Faraon sa Egipto. Pinalaya kami roon ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 22 Nasaksihan namin ang maraming kababalaghang ginawa niya laban sa Faraon at sa mga Egipcio. 23 Inilabas niya kami sa Egipto upang dalhin sa lupaing ipinangako niya sa ating mga ninuno. 24 Ibinigay niya sa amin ang kautusan at mga tuntuning ito upang magtaglay kami ng takot sa kanya. Sa ganoon, sasagana tayo at iingatan niyang tulad ng ginagawa niya sa atin ngayon. 25 Kalulugdan tayo ng Diyos nating si Yahweh kung susundin natin nang buong katapatan ang lahat ng ipinag-uutos niya sa atin.’
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)
11 Narating nina Jesus ang mga bayan ng Bethfage at Bethania, malapit sa may Bundok ng mga Olibo. Nang papalapit na sila sa Jerusalem, pinauna ni Jesus ang dalawa sa mga alagad 2 at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok na pagpasok, makikita ninyo ang isang batang asno na hindi pa nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. 3 Kapag may nagtanong kung bakit ninyo kinakalagan iyon, sabihin ninyong iyon ay kailangan ng Panginoon[a] at ibabalik din niya agad.”
4 Kaya't lumakad ang dalawang alagad at nakita nga nila ang batang asno sa tabi ng daan, nakatali ito sa may pinto ng isang bahay. Nang kinakalagan na nila ang hayop, 5 tinanong sila ng ilang nakatayo roon, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?”
6 Sumagot sila gaya ng bilin ni Jesus, at hinayaan na silang umalis. 7 Dinala nila kay Jesus ang batang asno. Matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal ay sumakay si Jesus. 8 Marami ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, samantalang ang iba nama'y pumutol ng madahong sanga ng kahoy at iyon ang kanilang inilatag sa daan. 9 Ang(B) mga tao sa unahan at sa hulihan ni Jesus ay sumisigaw ng ganito, “Purihin ang Diyos![b] Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! 10 Pagpalain ang malapit nang itatatag na kaharian ng ating amang si David! Purihin ang Panginoon sa Kataas-taasan!”
11 Pumunta si Jesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo at tiningnan niya ang lahat ng bagay doon. At dahil gumagabi na, lumabas siya at nagbalik sa Bethania na kasama ang Labindalawa.
Sinumpa ang Puno ng Igos(C)
12 Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Bethania, si Jesus ay nakaramdam ng gutom. 13 Nakita niya sa di-kalayuan ang isang malagong puno ng igos. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Dahil hindi pa panahon ng igos noon, wala siyang nakita kundi mga dahon lamang. 14 Kaya't sinabi niya sa puno ng igos, “Wala nang makakakain pa ng iyong bunga.” Ang sinabi niyang iyon ay narinig ng kanyang mga alagad.
Pinalayas ang mga Nangangalakal sa Templo(D)
15 Pagdating nila sa Jerusalem, si Jesus ay pumasok sa Templo. Ipinagtabuyan niya ang mga nagbebenta at namimili roon, at ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. 16 Pinagbawalan din niyang tumawid sa patyo ng Templo ang mga may dalang paninda 17 at(E) tinuruan niya ang mga tao nang ganito, “Nasusulat, ‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw!”
18 Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Buhat noo'y humanap na sila ng paraan upang patayin si Jesus. Subalit natatakot sila sa kanya dahil humahanga ang lahat sa kanyang mga turo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.