Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 16-18

Pinaalala ang Pista ng Paskwa(A)

16 “Ipagdiwang(B) ninyo ang unang buwan at ganapin ang Paskwa para kay Yahweh na inyong Diyos, sapagkat unang buwan nang ilabas niya kayo sa Egipto. Mag-aalay kayo ng tupa o baka bilang handog na pampaskwa sa lugar na pipiliin niya. Sa pagkain ninyo ng handog na ito, huwag ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa; sa loob ng pitong araw, ang kakainin ninyo ay tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng pagtitiis. Gagawin ninyo ito bilang pag-alala sa inyong pag-alis sa Egipto. Sa loob ng pitong araw na iyon, hindi dapat magkaroon ng pampaalsa sa nasasakupan ng inyong lupain. Huwag din ninyong pababayaang umagahin ang kahit kapiraso ng inihandog ninyo sa gabi. Ang paghahandog ay huwag ninyong gagawin sa loob ng inyu-inyong bayan, kundi sa lugar lamang na pipiliin ni Yahweh. Ito'y iaalay ninyo paglubog ng araw, sa oras ng pag-alis ninyo noon sa Egipto. Doon ninyo ito iluluto at kakainin sa lugar na pipiliin niya. Kinaumagahan, babalik na kayo sa inyu-inyong tolda. Anim na araw na hindi kayo kakain ng tinapay na may pampaalsa. Sa ikapitong araw, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong; sinuma'y huwag magtatrabaho sa araw na iyon.

Pinaalala ang Pista ng mga Sanlinggo(C)

“Pagkalipas(D) ng pitong linggo mula sa unang araw ng paggapas, 10 ipagdiriwang ninyo ang Pista ng mga Sanlinggo. Sa araw na iyon, dalhin ninyo kay Yahweh na inyong Diyos ang inyong kusang handog mula sa inyong ani, ayon sa dami ng pagpapala niya sa inyo. 11 Kasama ninyo sa pagdiriwang ang inyong sambahayan, mga alipin, ang mga Levitang kasama ninyo, ang mga dayuhan, ang mga ulila, at ang mga babaing balo; gaganapin ninyo ito sa lugar na pipiliin ni Yahweh. 12 Huwag ninyong kalilimutang kayo'y naging alipin din sa Egipto, kaya't sundin ninyong mabuti ang kanyang mga tuntunin.

Pinaalala ang Pista ng mga Tolda(E)

13 “Pitong(F) araw na ipagdiriwang ninyo ang Pista ng mga Tolda, matapos iligpit sa kamalig ang inyong inani at mailagay sa imbakan ang katas ng ubas. 14 Isasama ninyo sa pagdiriwang na ito ang inyong mga anak, mga alipin, ang mga Levita, mga dayuhan, mga ulila, at mga babaing balo. 15 Pitong araw kayong magpipista sa lugar na pipiliin ni Yahweh; pagpapalain niya ang inyong mga pananim at lahat ng inyong gagawin para makapagdiwang kayong lahat.

16 “Sa loob ng isang taon, ang inyong kalalakihan ay tatlong beses haharap kay Yahweh: tuwing Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, Pista ng mga Sanlinggo, at Pista ng mga Tolda. Magdadala sila ng handog tuwing haharap, 17 ayon sa kanilang makakaya, ayon sa dami ng pagpapalang tinanggap ninyo mula kay Yahweh na inyong Diyos.

Ang Paggagawad ng Katarungan

18 “Pumili kayo ng mga hukom at ng iba pang pinuno para sa bawat bayan, ayon sa inyong mga lipi. Sila ang magpapasya sa inyong mga usapin at maggagawad ng katarungan. 19 Huwag(G) ninyong pipilipitin ang katarungan at huwag kayong magtatangi ng tao ni tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa matatalino at nagpapahamak sa mga taong matuwid. 20 Katarungan lamang ang inyong paiiralin, at kayo'y mabubuhay nang matagal sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.

21 “Huwag(H) kayong magtatayo ng haligi bilang rebulto ng diyosang si Ashera sa tabi ng altar na gagawin ninyo para kay Yahweh na inyong Diyos. 22 At(I) huwag kayong gagawa ng rebultong sasambahin sapagkat iyon ay kasuklam-suklam sa kanya.

17 “Huwag kayong maghahandog ng baka o tupang may kapintasan o kapansanan sapagkat kasuklam-suklam iyon kay Yahweh na inyong Diyos.

“Sinuman sa inyo ang matuklasang gumagawa ng masama laban kay Yahweh na inyong Diyos at sumisira sa ating kasunduan kay Yahweh, naglilingkod(J) at sumasamba sa mga diyus-diyosan, sa araw, sa buwan o sa mga bituin 4-5 ay siyasatin ninyong mabuti. Kapag ang sumbong o ang bintang na iyon ay napatunayan, ang nagkasala ay dadalhin sa pintuang bayan, at babatuhin hanggang mamatay. Ang(K) hatol na kamatayan ay igagawad kung may dalawa o tatlong saksi na nagpapatotoo; hindi sapat ang patotoo ng isang saksi. Ang(L) mga saksi ang unang babato sa nagkasala, saka ang taong-bayan. Sa ganitong paraan ay aalisin ninyo sa inyong sambayanan ang kasamaang tulad nito.

“Kung sa lugar ninyo ay may mabigat na usapin at hindi ninyo kayang lutasin, tulad ng patayan, pang-aapi o pananakit, pumunta kayo sa lugar na pinili ni Yahweh. Iharap ninyo ito sa mga paring Levita o hukom na nanunungkulan sa panahong iyon, at sila ang hahatol. 10 Tanggapin ninyo ang anumang ihatol nila sa inyo at sunding lahat ang kanilang tagubilin. 11 Kung ano ang sabihin nila, siya ninyong gawin; huwag kayong lalabag sa anumang pasya nila. 12 Papatayin ang sinumang hindi susunod sa katuruan ng pari o sa hatol ng hukom. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang kasamaan sa inyong sambayanan. 13 Kapag ito'y nabalitaan ng lahat, matatakot silang gumawa ng gayunding kasamaan.

Ang Paglalagay ng Hari

14 “Kapag(M) kayo'y naroon na at naninirahan nang maayos sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh, makakaisip kayong magkaroon ng hari, tulad ng mga bansa sa paligid ninyo. 15 Maaari kayong maglagay ng hari, ngunit ang ilalagay ninyo ay iyong pinili ni Yahweh at mula sa inyong lahi. Huwag ninyong gagawing hari ang sinumang dayuhan. 16 Ang(N) gagawin ninyong hari ay hindi dapat magparami ng kabayo para sa kanyang sarili; hindi rin niya maaaring iutos sa iba na magbalik sa Egipto para ikuha siya ng maraming kabayo, sapagkat ipinag-utos ni Yahweh, na huwag nang bumalik pa roon. 17 Hindi(O) siya dapat mag-asawa ng marami at baka siya makalimot kay Yahweh; ni hindi siya dapat magpayaman sa panahon ng paghahari. 18 Kapag siya'y nakaupo na sa trono, gagawa siya ng isang kopya ng mga kautusang ito na nasa pag-iingat ng mga paring Levita. 19 Ito ay para sa kanya at babasahin niya araw-araw upang magkaroon siya ng takot kay Yahweh na kanyang Diyos at upang buong puso niyang masunod ang mga kautusan at mga tuntunin ni Yahweh, 20 upang hindi siya magmalaki sa kanyang mga kababayan, at upang hindi siya lilihis sa mga tuntuning ito. Kung magkagayon, siya at ang kanyang mga anak ay maghahari nang matagal sa Israel.

Ang Bahagi ng mga Pari

18 “Ang mga paring Levita, ang buong lipi ni Levi ay walang mamanahing bahagi sa lupain ng Israel. Ang para sa kanila ay ang mga kaloob at handog kay Yahweh. Wala(P) silang bahagi sa lupain tulad ng ibang lipi sa Israel; si Yahweh ang kanilang bahagi, gaya ng kanyang pangako.

“Ang mga ito ang nakalaan para sa mga pari mula sa handog kay Yahweh, maging baka o tupa: ang mga balikat, ang mga pisngi at ang tiyan; ang unang ani ng mga pananim, ng alak, ng langis, at ang unang pinaggupitan ng inyong mga tupa. Ang lipi ni Levi ang pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya bilang mga pari habang panahon.

“Sakaling may Levita mula sa alinmang bayan ng lupain na kusang magpunta sa lugar na pinili ni Yahweh upang sumamba, maaaring maglingkod doon ang Levita kasama ng kapwa niya Levita. Siya ay bibigyan doon ng kanyang bahaging kasindami ng ibibigay sa mga Levita na dating naglilingkod doon, bukod sa bahagi niya mula sa mana ng kanyang ama.

Babala Laban sa Pagsunod sa Kaugalian ng mga Pagano

“Kapag kayo'y naroon na sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, huwag kayong gagaya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga tao roon. 10 Sinuman(Q) sa inyo'y huwag magsusunog ng kanyang anak bilang handog. Huwag kayong manghuhula, huwag gagawin ang ginagawa ng mga mangkukulam, 11 ng(R) mga mananawas, at ng mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay. 12 Sinumang gumawa ng alinman sa mga ito ay kasusuklaman ni Yahweh na inyong Diyos. Pakatatandaan ninyo na iyan ang dahilan kaya niya itataboy ang mga nakatira sa lupaing pupuntahan ninyo. 13 Lubos(S) kayong maging tapat sa Diyos ninyong si Yahweh. 14 Ang mga bansang inyong sasakupin ay sumusunod sa mga manghuhula at mga naniniwala sa mga agimat. Subalit ang mga ito ay ipinagbabawal sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.

Ang Diyos ay Magpapadala ng Propeta

15 “Mula(T) sa inyo, si Yahweh na inyong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang[a] katulad ko. Dapat kayong makinig sa kanya.[b] 16 Ito ang kasagutan sa hiling ninyo kay Yahweh nang kayo'y nagkakatipon sa Sinai.[c] Ang sabi ninyo, ‘Huwag mo nang iparinig pang muli sa amin ang tinig ni Yahweh ni ipakita ang kakila-kilabot na apoy na ito sapagkat tiyak na mamamatay kami.’ 17 Sinabi naman niya sa akin, ‘Tama ang sabi nila, 18 kaya mula sa kanila, pipili ako para sa kanila ng isang propetang[d] katulad mo. Sasabihin ko sa kanya[e] ang aking kalooban, at siya[f] ang magsasabi nito sa mga tao. 19 Sinumang(U) hindi makinig sa kanya na nagsasalita para sa akin ay mananagot sa akin. 20 Ngunit ang sinumang propetang magsalita para sa ibang diyos o kaya'y magkunwaring nagsasalita para sa akin subalit hindi ko naman inatasan, ang propetang tulad niyon ay dapat patayin.’

21 “Upang matiyak ninyo kung ang sinabi ng propeta ay galing kay Yahweh o hindi, 22 ito ang palatandaan: kapag hindi nangyari o nagkatotoo ang sinabi niya, iyon ay hindi mula kay Yahweh; ang mensahe niya ay gawa-gawa lamang niya. Huwag ninyo siyang katatakutan.

Marcos 13:1-20

Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)

13 Nang palabas na si Jesus sa Templo, sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Guro, tingnan po ninyo! Napakalaki at napakaganda ng mga gusali at ng mga batong ginamit dito!”

Sumagot si Jesus, “Nakikita mo ba ang naglalakihang gusaling iyan? Walang batong magkapatong na matitira diyan. Magigiba lahat iyan.”

Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(B)

Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, sa may tapat ng Templo, palihim siyang tinanong nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, “Kailan po ba mangyayari ang mga bagay na ito, at ano po ba ang palatandaan na ang lahat ng mga ito'y malapit nang maganap?”

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo malinlang ninuman. Maraming darating at gagamitin ang aking pangalan. Sila ay magpapanggap na sila ang Cristo, at ililigaw nila ang marami. Huwag kayong mababagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga usap-usapan tungkol sa digmaan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. Sapagkat maglalaban-laban ang mga bansa at ang mga kaharian. Lilindol sa iba't ibang dako, at magkakaroon ng mga taggutom. Ang mga ito'y pasimula pa lamang ng paghihirap na tulad ng nararanasan ng isang nanganganak.

“Mag-ingat(C) kayo! Sapagkat kayo'y darakpin at isasakdal sa mga Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, hahagupitin sa mga sinagoga, at dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa inyong pagsunod sa akin, upang magpatotoo sa kanila. 10 Ngunit kailangan munang maipangaral sa lahat ng bansa ang Magandang Balita. 11 Kapag kayo'y dinakip nila at nilitis, huwag kayong mabahala kung ano ang sasabihin ninyo. Sa oras na iyon, sabihin ninyo ang mga salitang ibibigay sa inyo, sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo. 12 Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak, at lalabanan naman ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. 13 Kapopootan(D) kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang manatiling matatag hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”

Ang Kasuklam-suklam na Kalapastanganan(E)

14 “Kapag(F) nakita na ninyo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan na nasa dakong di dapat kalagyan (unawain ito ng nagbabasa), ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papuntang kabundukan. 15 Ang(G) nasa bubungan ay huwag nang mag-aksaya ng panahon na kumuha pa ng kahit ano sa loob ng bahay, 16 at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa upang kumuha ng balabal. 17 Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! 18 Ipanalangin ninyong huwag mangyari ang mga ito sa panahon ng taglamig, 19 sapagkat(H) sa mga araw na iyon ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, at hindi na muling mararanasan pa kahit kailan. 20 At kung hindi pinaikli ng Panginoon ang mga araw na iyon, walang sinumang makakaligtas; subalit alang-alang sa kanyang mga hinirang, pinaikli niya ang mga iyon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.