Old/New Testament
Ang Pagpapala ng Pagiging Masunurin(A)
28 “Kung(B) susundin lamang ninyo si Yahweh na inyong Diyos at tutuparin ang kanyang mga utos, gagawin niya kayong pinakadakila sa lahat ng mga bansa sa balat ng lupa. 2 Mapapasa-inyo ang lahat ng mga pagpapalang ito kung susundin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh.
3 “Pagpapalain niya kayo sa inyong mga bayan at sa inyong mga bukid.
4 “Pagpapalain niya kayo ng maraming anak, masaganang ani sa inyong lupain, at maraming alagang hayop.
5 “Pagpapalain niya ang imbakan ng inyong inaning butil at ang mga pagkaing nagmumula roon.
6 “Pagpapalain niya kayo sa lahat ng inyong gagawin.
7 “Ang mga kaaway na magtatangkang lumaban sa inyo ay matatalo ninyo sa tulong ni Yahweh. Sasalakayin nila kayo ngunit magkakanya-kanya sila sa pagtakas.
8 “Pagpapalain niya ang inyong mga kamalig at lahat ng inyong gawain; pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo.
9 “Tulad ng pangako ni Yahweh, kayo'y gagawin niyang isang bansang matatag at nakalaan sa kanya kung susundin ninyo siya at tutuparin ang kanyang mga tuntunin. 10 Sa ganoon makikita ng lahat ng bansa na kayo'y kanyang bayan, at matatakot sila sa inyo. 11 Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay pagdating ninyo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Pararamihin niya ang inyong anak, at mga hayop, at pasasaganain ang ani ng inyong bukirin. 12 Bubuksan niya ang langit upang ibuhos sa inyo ang ulan sa kapanahunan. Pagpapalain nga niya kayo sa lahat ng inyong gagawin. Dahil dito, hindi kayo mangungutang, sa halip, kayo pa ang magpapautang sa ibang bansa. 13 Gagawin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh na pinuno ng mga bansa, at hindi tagasunod. Uunlad kayo at hindi mabibigo kung susundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 14 Huwag ninyong lalabagin ang alinman sa sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong lilihis sa kanan o sa kaliwa. Huwag kayong tatalikod kay Yahweh ni sasamba o maglilingkod sa mga diyus-diyosan.
Ang Ibubunga ng Pagsuway(C)
15 “Subalit kung hindi kayo makikinig kay Yahweh na inyong Diyos at hindi susunod sa kanyang mga utos at mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon, mangyayari sa inyo ang mga sumpang ito:
16 “Susumpain niya kayo, ang inyong mga lunsod at ang inyong mga bukid.
17 “Susumpain niya ang imbakan ng inyong inaning butil at ang mga pagkaing nagmumula roon.
18 “Susumpain niya kayo at magkakaroon lamang kayo ng iilang anak, mahinang ani, at kaunting alagang hayop.
19 “Mabibigo kayo sa lahat ng inyong gagawin.
20 “Padadalhan niya kayo ng kahirapan, kaguluhan, at kabiguan sa lahat ng inyong gagawin hanggang sa kayo'y malipol. Gagawin niya ito dahil sa pagtalikod ninyo sa kanya. 21 Hindi niya kayo aalisan ng salot hanggang sa maubos kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. 22 Lilipulin kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng sakit na pagkatuyo, nag-aapoy na lagnat, pamamaga ng katawan, at sakit sa balat; padadalhan din niya kayo ng matinding init at tagtuyot. Hindi kayo titigilan ng mga ito hanggang hindi kayo nalilipol. 23 Ipagkakait sa inyo ang ulan at dahil dito, magiging parang bakal ang lupa dahil sa pagkatigang. 24 Pauulanan kayo ni Yahweh ng alikabok sa halip na tubig hanggang sa kayo'y lubusang mapuksa.
25 “Hahayaan niyang matalo kayo ng inyong mga kaaway. Lalaban kayo sa kanila ngunit magkakanya-kanya kayo ng takbo. Dahil dito, kikilabutan ang lahat ng bansa sa inyong sinapit. 26 Kakainin ng mga ibon at mga hayop ang inyong mga bangkay ngunit walang mag-aabalang bumugaw sa mga ito. 27 Pahihirapan kayo ng mga pigsa, gaya ng ginawa ni Yahweh sa mga Egipcio. Tatadtarin niya kayo ng galis, buni at pangangati ng balat na hindi mapapagaling. 28 Dahil sa mga gagawin ni Yahweh sa inyo ay masisiraan kayo ng bait, bubulagin niya kayo at lilituhin. 29 Parang bulag kayong mangangapa sa katanghaliang-tapat, at maliligaw kayo sa inyong mga lakad. Anuman ang inyong gawin ay hindi kayo magtatagumpay. Patuloy kayong gigipitin at sasamsaman ng ari-arian ngunit walang sasaklolo sa inyo.
30 “Makikipagkasundo kayong pakasal sa isang babae ngunit iba ang mapapangasawa niya. Magtatayo kayo ng bahay ngunit iba ang titira. Magtatanim kayo ng ubas ngunit iba ang makikinabang. 31 Kakatayin ang sarili ninyong baka sa harapan ninyo ngunit hindi ninyo matitikman. Aagawin sa inyo ang inyong asno at hindi na ibabalik. Ang mga tupa ninyo'y sasamsamin ng kaaway at hindi na ninyo mababawi. 32 Ang inyong mga anak ay kitang-kita ninyong ibibigay sa ibang tao, ngunit wala kayong magagawa. 33 Isang bansang hindi ninyo kilala ang makikinabang sa ani ng inyong lupain at sa bunga ng inyong pagpapagod. Pahihirapan nila kayo at patuloy na aapihin 34 hanggang sa masiraan kayo ng bait dahil sa inyong paghihirap. 35 Pahihirapan kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng bukol sa tuhod at binti. Hindi ninyo ito mapapagaling, sa halip ay kakalat mula sa ulo hanggang paa.
36 “Kayo at ang inyong hari ay ipapabihag ni Yahweh sa isang bansang hindi ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Maglilingkod kayo sa kanilang diyos na yari sa kahoy at bato. 37 Sa mga bansang pagtatapunan sa inyo ni Yahweh ay magiging katatawanan kayo at pag-uusapan. Magtataka ang mga tao roon sa inyong kinahinatnan.
38 “Maghahasik kayo ng marami ngunit kaunti lamang ang maaani sapagkat sisirain ng mga balang. 39 Magtatanim kayo ng ubas at masinop ninyo itong aalagaan ngunit hindi kayo makakatikim ng bunga o katas nito sapagkat sisirain ng uod. 40 Magkakaroon nga kayo ng maraming punong olibo sa inyong lupain ngunit hindi kayo makakakuha ng langis sapagkat malalagas ang mga bunga nito. 41 Magkakaanak kayo ngunit mawawala sa inyo sapagkat mabibihag ng mga kaaway. 42 Uubusin ng mga kulisap ang inyong mga punongkahoy at pananim.
43 “Uunlad ang kabuhayan ng mga dayuhang kasama ninyo ngunit ang kabuhayan ninyo'y patuloy na babagsak. 44 Sila ang magpapautang sa inyo at wala kayong maipapautang sa kanila. Sila ang mamumuno sa inyo at kayo'y tagasunod nila.
45 “Kapag hindi kayo nakinig sa Diyos ninyong si Yahweh at hindi sumunod sa kanyang mga utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo, magaganap sa inyo ang lahat ng mga sumpang ito hanggang kayo'y lubusang mapuksa. 46 Ang mga ito'y magsisilbing patotoo ng hatol ng Diyos sa inyo at sa inyong magiging lahi magpakailanman. 47 Hindi ninyo pinaglingkuran nang buong kasiyahan at kagalakan si Yahweh sa panahon ng inyong kasaganaan. 48 Kaya, ipapasakop niya kayo sa inyong mga kaaway. Sila ang paglilingkuran ninyo sa panahon ng kagutuman, kauhawan, kahubaran at kakulangan sa lahat ng bagay. Pahihirapan kayo ni Yahweh hanggang kayo ay malipol. 49 Ipapalusob kayo ni Yahweh sa isang bansang mula pa sa kabilang panig ng daigdig. Hindi ninyo alam ang kanilang wika. Simbilis ng agila na sasalakayin nila kayo. 50 Matitigas ang kalooban ng mga taong iyon, at walang awa sa matanda man o bata. 51 Uubusin nila ang inyong mga hayop, pati ang ani ng inyong lupain. Wala silang ititira sa inyong ani, inumin, langis, baka o kawan, hanggang sa kayo'y malipol. 52 Kukubkubin nila ang inyong mga bayan sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh hanggang sa gumuho ang nagtataasang pader na sa akala ninyo'y magliligtas sa inyo.
53 “Kapag kinubkob kayo ng inyong mga kaaway, sa tindi ng inyong gutom ay kakainin ninyo pati ang inyong mga anak na ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. 54 Magiging maramot pati ang pinakamabait na tao. Hindi niya bibigyan ng pagkain pati kanyang kapatid, asawa o ang nalalabi niyang anak. 55 Sinuman sa kanila'y hindi niya bibigyan ng kinakain niyang karne ng kanyang anak sa takot na mawalan siya ng makakain. Ganyan ang aabutin ninyo sa panahon ng pagkubkob sa inyo ng inyong mga kaaway. 56 Maging ang pinakamabait at pinakamaselang babae sa Israel na dati'y hindi tumutuntong ng lupa ay magiging maramot pati sa asawa't mga anak. 57 Maging(D) ang kasisilang na sanggol at ang mga anak na kanyang isinilang ay ipagdadamot niya. Lihim niya itong kakainin at pagkaubos ay ang sanggol ang isusunod niya. Ganyan nga ang aabutin ninyo sa panahon ng pagsalakay sa inyo ng inyong mga kaaway.
58 “Kapag hindi ninyo sinunod ang lahat ng utos sa aklat na ito at hindi ninyo iginalang ang kahanga-hanga at kakila-kilabot na pangalan ni Yahweh, 59 kayo at hanggang sa inyong kaapu-apuhan ay padadalhan niya ng matinding kahirapan at mga salot na walang katapusan. 60 Ipadaranas niya sa inyo ang mga kinatatakutan ninyong sakit na ipinadala niya sa Egipto. Hindi na kayo gagaling sa mga sakit na ito. 61 Padadalhan din niya kayo ng iba pang karamdamang hindi nabanggit sa aklat na ito ng kautusan hanggang sa kayo'y mapuksa. 62 At kahit dumami pa kayo na sindami ng bituin sa langit, kaunti lamang ang matitira sa inyo sapagkat hindi kayo nakinig sa Diyos ninyong si Yahweh. 63 Kung gaano kalaki ang kanyang kasiyahan sa pagpapala at pagpapaunlad sa inyo, gayon din kalaki ang kasiyahan niya sa pagwasak at pagpuksa sa inyo. Bubunutin niya pati ang pinakaugat ng inyong lahi sa lupaing ibibigay niya sa inyo.
64 “Sa gagawin sa inyo ni Yahweh ay magkakawatak-watak kayo sa lahat ng sulok ng daigdig at kayo'y sasamba sa mga diyos na yari sa kahoy at bato, sa mga diyus-diyosang kailanma'y hindi ninyo nakilala ni ng inyong mga ninuno. 65 Hindi kayo mapapanatag doon. Lagi kayong mag-aalala. Mamumuhay kayo sa kabiguan at matinding kalungkutan. 66 Laging manganganib ang inyong buhay. Araw at gabi'y paghaharian kayo ng takot at walang katiyakan ang buhay. 67 Dahil sa malaking takot na likha ng inyong nakikita, kung araw ay sasabihin ninyong sana'y gumabi na, at kung gabi naman sana'y mag-umaga na. 68 Ibabalik kayo ni Yahweh sa Egipto, sakay ng mga barko, kahit naipangako niyang hindi na kayo pababalikin doon. Ipagbibili ninyo ang mga sarili ninyo upang maging alipin ng inyong mga kaaway ngunit walang bibili sa inyo.”
Ang Tipan ni Yahweh sa Israel sa Lupain ng Moab
29 Ito ang mga tuntunin ng kasunduang ibinigay ni Yahweh kay Moises upang sabihin sa mga Israelita nang sila'y nasa lupain ng Moab, bukod pa sa kasunduang ginawa niya sa Sinai.[a]
2 Tinipon ni Moises ang mga Israelita at sinabi, “Hindi kaila sa inyo ang ginawa ni Yahweh kay Faraon, sa kanyang mga tauhan at sa buong Egipto. 3 Nakita ninyo ang kapangyarihan ni Yahweh at ang mga tanda at kababalaghang ginawa niya. 4 Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa niya hinahayaang maunawaan ninyo ang inyong mga naranasan. 5 Apatnapung taon akong nanguna sa inyo sa ilang. Hindi kailanman nasira ang inyong kasuotan ni napudpod ang inyong sandalyas. 6 Wala kayong pagkain o inumin ngunit binigyan kayo ni Yahweh upang malaman ninyong siya ang ating Diyos. 7 Pagdating(E) ninyo rito, dinigma tayo ni Haring Sihon ng Hesbon at ni Haring Og ng Bashan. Ngunit nagapi natin sila. 8 Nasakop(F) natin ang kanilang lupain at iyon ang ibinigay natin sa lipi nina Ruben, Gad at sa kalahati ng lipi ni Manases. 9 Kaya, sundin ninyong mabuti ang mga tuntunin ng kasunduang ito upang magtagumpay kayo sa lahat ng inyong gagawin.
10 “Ngayo'y narito tayong lahat sa harapan ni Yahweh—ang pinuno ng bawat lipi, ang matatandang pinuno, ang mga opisyal, ang mga mandirigma ng Israel, 11 ang inyong mga asawa at mga anak, at kahit ang mga dayuhang nagsisibak ng kahoy at nag-iigib ng tubig para sa inyo— 12 upang manumpa sa pangalan ni Yahweh at makipagtipan sa kanya. 13 Sa pamamagitan ng kasunduang ito, ipinapahayag niyang kayo ang kanyang bayan at siya ay inyong Diyos tulad ng kanyang ipinangako sa mga ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. 14 At ang kasunduang ito'y hindi lamang para sa ating narito ngayon 15 kundi pati sa mga magiging mga anak natin.
16 “Hindi kaila sa inyo ang naging buhay natin sa Egipto, at sa mga bansang nadaanan natin sa paglalakbay. 17 Nakita ninyo ang kasuklam-suklam nilang gawain, ang mga diyos nilang yari sa bato, kahoy, pilak at ginto. 18 Mag-ingat(G) nga kayo at baka sa inyo'y may isang lalaki, babae, sambahayan o angkang tumalikod kay Yahweh upang maglingkod sa diyus-diyosan ng mga bansang iyon. Baka sa inyo'y may lumitaw na isang taong katulad ng punongkahoy na mapait at nakakalason ang bunga. 19 Baka kung marinig niya ang mga tuntunin ng kasunduang ito ay sabihin niya sa kanyang sariling hindi siya mapapahamak kahit sundin ang sariling kagustuhan. Ito ang magdadala ng kapahamakan sa lahat, mabuti man o masama. 20 Hindi patatawarin ni Yahweh ang ganoong tao, sa halip ay magagalit siya sa taong iyon. Mangyayari sa kanya ang lahat ng sumpang nakasulat sa aklat ng kautusang ito hanggang sa lubusan siyang mapuksa ni Yahweh. 21 Ihihiwalay siya ni Yahweh mula sa mga lipi ng Israel upang ibuhos sa kanya ang sumpang nakatala sa aklat na ito.
22 “Makikita ng salinlahing susunod sa atin, at ng mga dayuhang mula sa malalayong bansa ang mabigat na parusa ni Yahweh. 23 Makikita(H) nila ang lupaing tinupok sa pamamagitan ng asupre at tinabunan ng asin. Kaya't kahit damo ay hindi tutubo roon, gaya ng nangyari sa Sodoma at Gomorra, Adma at Zeboim nang ibagsak niya rito ang kanyang matinding galit. 24 At sasabihin ng lahat ng nakakita nito, ‘Bakit pinuksa ni Yahweh ang bansang ito? Bakit matindi ang naging galit niya sa kanila?’ 25 Ang isasagot ay, ‘Sapagkat tinalikuran nila ang kanilang kasunduan kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno na siyang naglabas sa kanila sa Egipto. 26 Sila'y naglingkod at sumamba sa mga diyus-diyosang hindi nila kilala at ipinagbabawal ni Yahweh sa kanila. 27 Iyan ang dahilan kaya nagalit sa kanila si Yahweh at ibinagsak sa kanila ang mga sumpang nakasulat sa aklat na ito. 28 At dahil sa matindi niyang galit, sila'y pinaalis ni Yahweh sa kanilang lupain at itinapon sa ibang lugar. Naroon sila ngayon.’
29 “May mga bagay na sadyang inilihim ng Diyos nating si Yahweh. Ngunit ipinahayag ang kautusang ito upang sundin natin at ng ating mga anak magpakailanman.
54 Si Pedro'y sumunod kay Jesus, ngunit malayo ang agwat niya sa kanya. Nagtuloy siya hanggang sa patyo ng pinakapunong pari at naupo upang magpainit sa tabi ng apoy. Katabi niya roon ang mga bantay. 55 Ang mga punong pari at ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio ay naghanap ng maipaparatang kay Jesus upang siya'y maipapatay, ngunit wala silang makita. 56 Maraming saksi ang nagsabi ng kasinungalingan laban sa kanya, ngunit hindi nagkatugma-tugma ang kanilang mga patotoo.
57 May ilang sumaksi ng kasinungalingan laban sa kanya na nagsasabi, 58 “Narinig(A) naming sinabi ng taong iyan, ‘Gigibain ko ang Templong ito na gawa ng tao at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na di gawa ng tao.’” 59 Ngunit hindi rin nagkatugma-tugma ang kanilang mga patotoo tungkol dito.
60 Tumayo ang pinakapunong pari sa harap ng kapulungan at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang nila sa iyo?” 61 Ngunit hindi umimik si Jesus at hindi sumagot ng anuman. Muli siyang tinanong ng pinakapunong pari, “Ikaw nga ba ang Cristo, ang Anak ng Kapuri-puri?”
62 Sumagot(B) si Jesus, “Ako nga. Makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan at dumarating na nasa mga ulap ng kalangitan.”
63 Pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang kasuotan at sinabi, “Kailangan pa ba natin ng mga saksi? 64 Narinig(C) ninyo ang kanyang paglapastangan sa Diyos! Ano ang inyong pasya?”
At nagkaisa silang lahat na hatulan siya ng kamatayan.
65 At siya'y sinimulan nilang pahirapan; dinuraan siya ng ilan, piniringan at pinagsusuntok. “Hulaan mo nga, sino ang sumuntok sa iyo?” sabi nila. At siya'y binugbog ng mga bantay.
Ang Pagkakaila ni Pedro kay Jesus(D)
66 Samantala, si Pedro naman ay nasa patyo sa ibaba nang lumapit ang isang babaing katulong ng pinakapunong pari. 67 Nakita nito si Pedro na nagpapainit sa apoy, pinagmasdang mabuti at pagkatapos ay sinabi, “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Nazaret!”
68 Ngunit nagkaila si Pedro, “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo.” Umalis siya at nagpunta sa labasan [at tumilaok ang manok].[a]
69 Nakita na naman siya ng babaing katulong at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito'y isa sa kanila!” 70 At muling nagkaila si Pedro.
Makalipas ang ilang sandali, sinabi kay Pedro ng mga nakatayo roon, “Talagang isa ka nga sa kanila. Taga-Galilea ka rin, hindi ba?”
71 “Parusahan nawa ako ng Diyos kung nagsisinungaling ako! Hindi ko kilala ang taong iyan,” sagot ni Pedro.
72 Siya namang pagtilaok muli ng manok. Naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok nang dalawang beses, tatlong beses mo akong ikakaila.” Nanlumo siya at nanangis.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.