Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 19-21

Ang mga Lunsod-Kanlungan(A)

19 “Kapag(B) nalipol na ni Yahweh na inyong Diyos ang mga mamamayan sa lupaing ibinigay niya sa inyo, at kayo na ang nakatira roon, magbukod kayo ng tatlong lunsod. Gagawan ninyo iyon ng mga kalsada. Hatiin ninyo sa tatlo ang buong lupaing ibibigay ni Yahweh sa inyo. Sa bawat bahagi ay maglagay kayo ng lunsod-kanlungan na siyang tatakbuhan ng sinumang makapatay nang hindi sinasadya.

“Ito ang tuntunin ukol sa sinumang nakapatay ng tao nang hindi sinasadya o hindi dahil sa away. Halimbawa: sinumang nagpuputol ng kahoy sa gubat, tumilapon ang talim ng kanyang palakol, at tinamaan ang kasama niya. Kung namatay ang tinamaan, ang nakapatay ay maaaring magtago at manirahan sa isa sa mga lunsod na ito. Kung hindi siya makakapagtago agad dahil malayo ang lunsod-kanlungan, baka siya ay patayin ng kamag-anak ng namatay bilang paghihiganti dahil sa bugso ng damdamin. Hindi dapat patayin ang sinumang nakapatay sa ganitong paraan sapagkat hindi naman dahil sa alitan at hindi rin sinasadya ang pagkapatay. Iyan ang dahilan kaya ko kayo pinagbubukod ng tatlong lunsod.

“Kapag pinalawak na ng Diyos ninyong si Yahweh ang inyong nasasakupan sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno, at kapag naibigay na niya nang buong-buo ang lupang kanyang ipinangako, maaari kayong magbukod ng tatlo pang lunsod kung susundin ninyong mabuti ang lahat ng kanyang utos, at iibigin siya nang tapat. (Pahihintulutan ito ni Yahweh kung buong sipag ninyong susundin ang kanyang mga tuntunin, kung siya ay buong puso ninyong iibigin, at kung lalakad kayo ayon sa kanyang kalooban.) 10 Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pagdanak ng dugo ng mga taong walang kasalanan. Ang kamatayan ng walang sala ay pananagutan ninyo kay Yahweh sa lupaing ibinibigay niya sa inyo.

11 “Kung ang pagpatay ay binalak o dahil sa alitan at ang nakapatay ay tumakbo sa isa sa mga lunsod na ito, 12 ipadarakip siya ng pinuno ng kanyang bayan at ibibigay siya sa pinakamalapit na kamag-anak ng napatay upang patayin din. 13 Huwag ninyo siyang kaaawaan. Kailangang alisin sa Israel ang mamamatay-taong tulad nito. Sa ganoon, makakapamuhay kayo nang matiwasay.

Mga Batong Palatandaan

14 “Huwag(C) ninyong gagalawin ang mga batong palatandaan ng hangganan ng lupa ng inyong kapwa. Inilagay ng inyong mga ninuno ang mga palatandaang iyon sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.

Mga Tuntunin tungkol sa Pagsaksi

15 “Hindi(D) sapat ang patotoo ng isang saksi upang mahatulang nagkasala ang isang tao. Kailangan ang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. 16 Kapag ang isang taong may masamang hangarin ay nagbintang nang hindi totoo sa kanyang kapwa, 17 silang dalawa'y pupunta sa lugar na pinili ni Yahweh at haharap sa mga pari at sa mga hukom na nanunungkulan. 18 Sisiyasatin silang mabuti ng mga hukom at kapag napatunayang kasinungalingan ang bintang, 19 ang parusang hinahangad niya sa kanyang pinagbintangan ay sa kanya igagawad. Alisin ninyo ang ganyang kasamaan sa inyong sambayanan. 20 Kapag ito'y nabalitaan ng lahat, matatakot silang gumawa ng ganoong kasamaan. 21 Huwag(E) kayong maaawa sa ganitong uri ng tao. Kung ano ang inutang, iyon din ang kabayaran; buhay sa buhay, mata sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa.

Mga Tuntunin tungkol sa Pakikidigma

20 “Kung kayo'y makikipagdigma, huwag kayong matatakot kahit na mas malaki ang hukbong kalaban ninyo at mas marami ang kanilang kabayo at karwahe, sapagkat kasama ninyo si Yahweh, ang Diyos na naglabas sa inyo sa Egipto. Bago kayo makipaglaban, tatayo ang isang pari sa unahan ng hukbo at sasabihin niya ang ganito: ‘Pakinggan mo, Israel! Sa araw na ito ay makikipagdigma ka. Lakasan mo ang iyong loob at huwag kang matakot sapagkat kasama mo ang Diyos mong si Yahweh; siya ang makikipaglaban para sa iyo at pagtatagumpayin ka niya.’ Ganito naman ang sasabihin ng mga pinunong kawal: ‘Sinuman ang may bagong bahay subalit hindi pa ito naitatalaga ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang tumira sa bahay niya. Sinuman ang may bagong ubasan subalit hindi pa nakakatikim ng bunga niyon ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang makinabang sa kanyang ubasan. Sinuman sa inyo ang nakatakdang ikasal subalit hindi pa nagsasama ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang magpakasal sa kanyang minamahal. Sinuman sa inyo ang natatakot o naduduwag ay maaari nang umuwi; baka maduwag ding kagaya niya ang iba.’ Matapos itong sabihin ng mga pinunong kawal, maglalagay sila ng mga mangunguna sa bawat pangkat.

10 “Bago ninyo salakayin ang isang lunsod, alamin muna ninyo kung gusto nilang sumuko. 11 Kapag binuksan nila ang pintuan ng kanilang lunsod at sumuko sa inyo, magiging alipin ninyo sila at magtatrabaho para sa inyo. 12 Kung ayaw nilang sumuko at sa halip ay gustong lumaban, kubkubin ninyo sila. 13 Kapag sila'y nalupig na ninyo sa tulong ng Diyos ninyong si Yahweh, patayin ninyo ang lahat ng kalalakihan roon. 14 Bihagin ninyo ang mga babae at ang mga bata, at samsamin ang mga hayop at lahat ng maaari ninyong makuha. Para sa inyo ang mga iyon, at maaari ninyong kunin sapagkat ipinagkaloob sa inyo ni Yahweh. 15 Ganyan ang gagawin ninyo sa mga lunsod na malayo sa inyo. 16 Ngunit sa mga lunsod sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh ay wala kayong ititirang buháy. 17 Lipulin ninyo ang mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo, tulad ng utos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. 18 Kailangang gawin ninyo ito upang hindi nila kayo maakit sa kasuklam-suklam nilang pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Sa ganito'y makakaiwas kayo sa paggawa ng isang bagay na kasuklam-suklam kay Yahweh.

19 “Kapag kinubkob ninyo ang isang lunsod, huwag ninyong putulin ang mga punongkahoy doon kahit matagal na ninyong kinukubkob ang lugar na iyon. Ang mga puno ay hindi ninyo kaaway, bagkus makakapagbigay pa ito sa inyo ng pagkain, kaya huwag ninyo itong puputulin. 20 Ang mga puno na hindi makakain ang bunga ang siya ninyong puputulin kung kailangan ninyo sa pagkubkob.

Pagpapasya tungkol sa Di-malutas na Krimen

21 “Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh at may nakita kayong bangkay sa parang at hindi ninyo alam kung sino ang pumatay, ipagbigay-alam ninyo iyon sa matatandang pinuno at mga hukom upang sukatin nila ang distansya ng mga lunsod sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Pagkatapos, ang pinuno ng pinakamalapit na lunsod ay kukuha ng isang dumalagang baka na hindi pa napapagtrabaho. Dadalhin nila ito sa isang batis na may umaagos na tubig, sa isang lugar na hindi pa nabubungkal ni natatamnan. Pagdating doon, babaliin ang leeg ng baka. Pagkatapos, lalapit ang mga paring Levita sapagkat sila ang pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya at upang magbigay ng basbas sa pamamagitan ng kanyang pangalan. Sila ay magpapasya sa bawat usapin. Ang mga pinuno ng lunsod na malapit sa pinangyarihan ng krimen ay maghuhugas ng kanilang mga kamay sa ibabaw ng dumalagang baka. Sasabihin nila, ‘Hindi kami ang pumatay. Hindi rin namin alam kung sino ang gumawa nito. Patawarin mo po, Yahweh, ang iyong bayang Israel na iyong iniligtas. Huwag mo po kaming panagutin sa pagkamatay ng taong ito.’ Hindi kayo mananagot sa mga ganitong pangyayari kung gagawin ninyo ang naaayon sa kagustuhan ni Yahweh.

Mga Tuntunin tungkol sa mga Bihag na Babae

10 “Kung pagtagumpayin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh sa pakikipagdigma sa inyong mga kaaway at sila'y mabihag ninyo, 11 at kung sakaling may makita kayong magandang babae mula sa mga bihag at nais ninyo itong maging asawa, 12 dalhin ninyo siya sa inyong bahay, ipaahit ninyo ang kanyang buhok, ipaputol ang mga kuko, 13 at pagbihisin. Mananatili siya sa inyong bahay sa loob ng isang buwan upang ipagluksa ang kanyang mga magulang. Pagkatapos, maaari na siyang pakasalan at sipingan. 14 Subalit kung ang lalaki'y hindi na nasisiyahan sa kanya, dapat na niya itong palayain. Hindi siya maaaring ipagbili at gawing alipin sapagkat nadungisan na ang kanyang puri.

Tuntunin tungkol sa Karapatan ng Panganay

15 “Kung ang isang lalaki ay may dalawang asawa, at mas mahal niya ang isa, ngunit kapwa may anak at ang panganay niyang lalaki ay ipinanganak doon sa hindi niya gaanong mahal, 16 huwag aalisin sa kanya ang karapatan bilang panganay upang ilipat sa anak ng asawa na kanyang minamahal. 17 Ang kikilalaning panganay ay ang una niyang anak at dito ibibigay ang dalawang bahagi ng kanyang ari-arian, kahit siya'y anak ng hindi gaanong mahal.

Tuntunin tungkol sa Anak na Matigas ang Ulo

18 “Kung matigas ang ulo at suwail ang isang anak, at ayaw makinig sa kanyang mga magulang sa kabila ng kanilang pagdisiplina, 19 siya ay dadalhin ng kanyang mga magulang sa pintuang-bayan at ihaharap sa pinuno ng bayan. 20 Ang sasabihin nila, ‘Matigas ang ulo at suwail ang anak naming ito; at ayaw makinig sa amin. Siya ay lasenggo at nilulustay ang aming kayamanan.’ 21 Pagkatapos, babatuhin siya ng taong-bayan hanggang sa mamatay. Ganyan ang inyong gagawin sa masasamang tulad niya. Mapapabalita ito sa buong Israel at matatakot silang tumulad doon.

Iba't ibang Tuntunin

22 “Kapag ibinitin ninyo sa punongkahoy ang bangkay ng isang taong pinatay bilang parusa sa nagawang kasalanan, 23 hindi(F) dapat abutan ng gabi ang bangkay na iyon sa ganoong kalagayan. Kailangan siyang ilibing sa araw ding iyon, sapagkat ang ibinitin sa punongkahoy ay isinumpa ng Diyos. Kapag hindi ninyo inilibing agad, madadamay sa sumpa ang lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.

Marcos 13:21-37

21 “Kung may magsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o kaya'y ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 22 Sapagkat may mga magpapanggap na Cristo at may mga magpapanggap na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang ng Diyos. 23 Kaya't mag-ingat kayo. Sinasabi ko na sa inyo ang lahat ng bagay bago pa man ito mangyari.”

Ang Pagbabalik ng Anak ng Tao(A)

24 “Subalit(B) sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, 25 malalaglag(C) mula sa langit ang mga bituin, at magugulo ang mga kapangyarihan sa kalawakan. 26 Pagkatapos,(D) makikita nila ang Anak ng Tao na nasa ulap, may dakilang kapangyarihan at karangalan. 27 Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig upang tipunin ng mga ito ang mga hinirang ng Diyos.”

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(E)

28 “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag sumisibol na ang mga sanga nito at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 29 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang kanyang pagdating; siya'y halos naririto na. 30 Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago lumipas ang kasalukuyang salinlahi. 31 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman.”

Walang Nakakaalam ng Araw o Oras(F)

32 “Ngunit(G) walang nakakaalam ng araw o ng oras na iyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. 33 Mag-ingat kayo at maging handa dahil hindi ninyo alam kung kailan ito mangyayari. 34 Ang(H) katulad nito'y isang taong maglalakbay sa malayo. Iniwan niya ang kanyang tahanan sa pamamahala ng kanyang mga alipin. Binigyan niya ang bawat isa ng kanya-kanyang gawain, at inutusan niya ang tanod na magbantay. 35 Gayundin naman, magbantay kayong lagi dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng sambahayan. Ito'y maaaring sa takipsilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya'y sa umaga. 36 Baka siya'y biglang dumating at maratnan kayong natutulog. 37 Ang sinasabi ko sa inyo'y sinasabi ko sa lahat. Maging handa kayo!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.