Old/New Testament
Ang Kasamaan ng Jerusalem
22 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, ikaw na ang humatol sa lunsod na itong puno ng mamamatay-tao. Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain. 3 Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko sa kanila: Darating na ang iyong wakas dahil sa pagpatay mo sa maraming tao at pagsamba sa mga diyus-diyosan. 4 Malaki ang pagkakasala mo dahil sa pagdanak ng dugo at sa pagkahumaling sa pagsamba sa diyus-diyosang ikaw na rin ang gumawa. Dumating na ang iyong wakas. Ikaw ay lalaitin at kukutyain ng lahat ng bansa. 5 Aalipustain ka ng lahat ng bansa, malayo o malapit man, dahil sa labis mong kasamaan.
6 “Ang mga pinuno ng Israel ay nagtiwala sa kanilang lakas at walang awang pumapatay. 7 Nawala(A) na ang paggalang sa mga magulang. Inapi ninyo ang mga dayuhan, gayon din ang mga ulila at balo. 8 Winalang-halaga(B) ninyo ang mga bagay na itinalaga para sa akin, pati ang Araw ng Pamamahinga. 9 Nagsinungaling ang ilan upang maipapatay ang kanilang magustuhan. May mga kasamahan kayong kumain ng handog sa mga diyus-diyosan. Ang iba nama'y gumagawa ng mahahalay na gawain. 10 Sa(C) kapulungan ninyo'y may sumisiping sa asawa ng kanilang ama. Ang iba nama'y sumisiping sa babaing kasalukuyang nireregla. 11 Mayroon namang humahalay sa asawa ng kanyang kapwa. May biyenang lalaki na sumisiping sa kanyang manugang at ang iba nama'y sa kanilang kapatid sa ina o sa ama. 12 May(D) nagpapaupa naman upang pumatay ng kapwa, at mayroon pang nagpapatubo nang malaki kung magpautang. Ako'y lubusan na ninyong kinalimutan.
13 “Ngayon, paparusahan ko kayo dahil sa inyong pagnanakaw at pagpatay. 14 Tingnan ko lang kung matatagalan ninyo ang gagawin ko sa inyo. Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y gagawin ko. 15 Ipapatapon ko kayo sa lahat ng dako, pangangalatin sa iba't ibang bayan. Sa gayon ko puputulin ang inyong kasamaan. 16 Lalapastanganin kayo ng ibang bansa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
Ang Pugon ni Yahweh
17 Sinabi sa akin ni Yahweh, 18 “Ezekiel, anak ng tao, mababa na ang tingin ko sa Israel. Siya'y tulad ng latak ng pinagtunawan ng pilak, tanso, lata, bakal, at tingga, matapos dalisayin sa pugon ang pilak. 19 Kaya nga, sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Kayo ay nahaluan, kaya titipunin ko kayo sa Jerusalem. 20 Kung paanong ang pilak, tanso, bakal, tingga, at lata ay inilalagay sa tunawan upang dalisayin, gayon ang gagawin ko sa inyo. Tutunawin ko kayo sa init ng nag-aalab kong poot. 21 Titipunin ko kayo para ibuhos sa inyo ang aking matinding poot, hanggang sa kayo'y matunaw. 22 Kung paanong ang pilak ay tinutunaw sa pugon, gayon ang gagawin ko sa inyo sa Jerusalem. Kapag naibuhos ko na sa inyo ang matindi kong poot, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
Ang Kasamaan ng mga Pinuno ng Israel
23 Muling nagsalita sa akin si Yahweh, 24 “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita na ang lupain ay marumi dahil sa kanilang kasalanan kaya paparusahan ko ito dahil sa pagkapoot ko. 25 Ang mga pinuno niya ay parang leong umuungal habang nilalapa ang kanyang biktima. Pumapatay sila ng maraming tao, nananamsam ng mga kayamanan, at maraming babae ang nabalo dahil sa kanila. 26 Ang(E) mga utos ko'y nilabag ng kanilang mga pari. Winawalang-halaga nila ang mga bagay na itinalaga para sa akin. Pinagsama-sama na nila ang sagrado at ang karaniwang mga bagay. Hindi na rin nila itinuro kung alin ang malinis at kung alin ang marumi. Winalang-halaga nila ang Araw ng Pamamahinga. Dahil dito, hindi na rin nila ako iginagalang. 27 Ang mga pinuno nila'y parang hayok na asong-gubat kung lumapa ng kanilang biktima. Sila'y walang awang pumapatay upang yumaman. 28 Pinagtatakpan pa ng mga propeta ang ganitong kasamaan, tulad ng maruming pader na pinipinturahan ng kalburo. Mga huwad ang kanilang pangitain at pawang kasinungalingan ang kanilang ipinapahayag. Sinasabi nilang, ‘Ito ang ipinapasabi ni Yahweh,’ kahit hindi ko ipinapasabi. 29 Ang mayayaman ay nandadaya at nagnanakaw. Inaapi nila ang mahihirap, at walang tigil ang panghuhuthot sa mga taga-ibang bayan. 30 Humanap ako ng isang taong makakapaglagay ng pader upang ipagsanggalang ang lunsod sa araw na ibuhos ko ang aking poot, ngunit wala akong makita. 31 Kaya, ibubuhos ko na sa kanila ang nag-aalab kong poot at sila'y aking lilipulin. Sisingilin ko na sila sa masasama nilang gawain.”
Ang Magkapatid na Makasalanan
23 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, may magkapatid na babae. 3 Sa kanilang kabataan, sila'y naging mahalay sa Egipto. Doon ay hinayaan nilang paglaruan ang maseselang bahagi ng kanilang katawan. 4 Ohola[a] ang pangalan ng matanda at Oholiba[b] naman ang bata. Sila'y parehong naging akin at nag-anak ng marami. Ang Ohola ay ang Samaria, at ang Jerusalem ay ang Oholiba.
5 “Si Ohola ay nagpakasama samantalang nasa aking pagkukupkop. Nakiapid siya sa mga taga-Asiria, 6 mga mandirigmang nakasuot ng kulay ube, mga gobernador, sa mga punong-kawal na puro mga gwapo, at sa mga pinunong mangangabayo. 7 Nakipagtalik siya sa mga piling tauhan ng Asiria, at nakiisa sa pagsamba at paglilingkod sa diyus-diyosan ng mga ito. 8 Patuloy siyang nagpakasama. Noong kabataan niya sa Egipto, siya'y sumiping sa mga kabinataan. Binayaan niyang simsimin ang kanyang bango at ibuhos sa kanya ang kanilang matinding pagnanasa. 9 Kaya, pinabayaan ko na siya sa kamay ng Asiria na kanyang mangingibig. 10 At siya'y ginahasa nito. Pinatay siya sa tabak, pati ang kanyang mga anak. At siya ay naging usap-usapan ng mga kababaihan. Ang parusa ay ipinaranas na sa kanya.
11 “Nakita ito ni Oholiba. Naging mas masama siya kaysa kanyang kapatid. 12 Nahumaling din siya sa mga taga-Asiria: sa mga gobernador, punong-kawal, mandirigmang larawan ng kapangyarihan, mangangabayo na pawang kaakit-akit. 13 At nakita kong siya man ay nagpakasamang tulad ng kanyang kapatid. 14 Ngunit hindi pa siya nakuntento roon. Nakakita siya ng larawan ng mga lalaki, nakaukit sa pader; ito'y larawan ng mga pinuno ng Babilonia na nakaguhit ng matingkad na pula. 15 Ang mga ito'y may magagandang pamigkis. Magaganda rin ang palawit ng kanilang mga turbante. Sila ay mga pinuno at mga taga-Babiloniang naninirahan sa Caldea. 16 Nang makita niya ang mga ito, nahumaling siya. Kaya, pinasabihan niya ang mga iyon. 17 At pinuntahan siya ng mga taga-Babilonia. Sinipingan siya ng mga ito at pinagpasasaan. Pagkatapos niyang magpakasaya sa piling ng mga ito, siya ay lumayo na muhing-muhi. 18 Nang makita ko ang hayagan niyang pagpapakasama at pagpapaubaya, namuhi ako sa kanya, tulad ng pagkamuhi ko sa kanyang kapatid. Siya'y aking tinalikuran. 19 Nagpatuloy siya sa pakikiapid tulad ng ginawa niya sa Egipto noong kanyang kabataan. 20 Doo'y nahumaling siya sa mga kalaguyo na kung manibasib ay parang asno at kung magbuhos ng binhi ay parang kabayo. 21 Ang ginagawa mo'y tulad ng ginawa mo sa pakikiapid sa Egipto. Hinayaan mong simsimin ang iyong bango at himas-himasin ang iyong mga dibdib.
Ang Hatol ng Diyos sa Nakababatang Kapatid
22 “Kaya nga, Oholiba, ito ang sinasabi ko sa iyo: Ngayon, ang kinamuhian mong mga kalaguyo ay inudyukan ko laban sa iyo. Ipapalusob kita sa kanila mula sa iba't ibang dako. 23 Darating ang mga taga-Babilonia, Caldea, Pecod, Soa, Koa, at lahat ng taga-Asiria; ang makikisig na kabinataan, gobernador, punong-kawal, pinuno at mandirigma na pawang kabayuhan. 24 Ikaw ay sasalakayin nilang sakay ng mga karwahe at kariton. Magmumula sila sa iba't ibang dako. Sila'y may pananggalang sa braso, at panay naka-helmet. Ipauubaya ko sa kanila ang pagpaparusa sa iyo. Hahayaan kong gawin nila sa iyo ang gusto nila. 25 Ipalalasap ko sa iyo ang tindi ng aking galit. Tatagpasin nila ang iyong ilong at tainga. At ang iyong mga anak ay ihahagis sa apoy. 26 Huhubaran nila kayo ng kasuotan at alahas. 27 Sa ganyang paraan ko puputulin ang iyong mahalay na pamumuhay mula pa nang ika'y nasa Egipto. Sa gayon, hindi ka na mahuhumaling sa mga diyus-diyosan at malilimutan mo na ang Egipto.” 28 Ito ang sinasabi ni Yahweh: “Ipauubaya kita sa mga taong kinamumuhian mo. 29 Ipadarama naman nila sa iyo ang kanilang kalupitan. Sasamsamin nila ang lahat ng iyong ari-arian pati iyong kasuotan. Iiwan ka nilang hubo't hubad. Nagpakasama ka. 30 Nakiapid ka sa mga bansa at nakisamba sa kanilang mga diyus-diyosan. 31 Pinarisan mo ang iyong kapatid kaya naman ipalalasap ko sa iyo ang parusang ipinataw ko sa kanya.”
32 Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh:
“Ang iinuman mong saro ng iyong kapatid ay malaki at malalim.
Ikaw ay pagtatawanan at tutuyain;
pagkat umaapaw ang laman nito.
33 Malalasing ka at matitigib ng kalungkutan,
sapagkat ang saro ng Samaria na kapatid mo,
ay saro ng pagkatakot at pagkawasak.
34 Iyong uubusin ang laman ng saro,
pagkatapos, babasagin mo ito at susugatan ang iyong dibdib.”
35 Kaya nga ipinapasabi ni Yahweh: “Dahil sa iyong paglimot at pagtalikod sa akin, pagdurusahan mo ang iyong pakikiapid at mahalay na pamumuhay.”
Ang Parusa ni Yahweh sa Magkapatid
36 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, hahatulan mo na ba sina Ohola at Oholiba? Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain. 37 Sila'y naging mamamatay-tao at mapangalunya. Pinatay nila ang kanilang mga anak at inihandog sa kanilang diyus-diyosan. 38 Bukod dito, pinarumi pa nila ang aking Templo at winalang-halaga ang Araw ng Pamamahinga. 39 Sinalaula nila ang aking Templo nang sila'y pumasok dito pagkatapos ihandog sa diyus-diyosan ang kanilang mga anak.
40 “Paulit-ulit pa silang nagpasundo ng mga lalaki mula sa malalayong dako. Nagpaayos pa silang mabuti para sa mga iyon: naglinis sila, nagkulay ng mata, at naglagay ng mga hiyas. 41 Nagpagawa pa sila ng isang magarang pahingahan, at ng isang mesang ubod ng ganda at doon inilagay ang kamanyang at langis na ibinigay ko sa kanila. 42 Napapaligiran sila ng mga taong nagkakaingay sa tuwa. Naroon din ang mga karaniwang tao mula sa ilang. Ang mga babae ay sinuotan nila ng pulseras at pinutungan ng magagandang korona.
43 “Nasabi ko sa aking sarili: Ang babaing iyon ay tumanda na sa pakikiapid. Gayunpaman, marami pa ring nakikipagtalik sa kanya 44 sapagkat ang paglapit sa kanya'y tulad ng paglapit ng isang lalaki sa isang babaing mahalay. Ganoon sila lumalapit kina Ohola at Oholiba para isagawa ang kanilang kahalayan. 45 Ngunit hahatulan sila ng mga taong matuwid dahil sa kanilang pangangalunya at pagpatay, sapagkat mapakiapid sila at ang mga kamay nila'y tigmak ng dugo.”
46 Kaya nga, ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Ipapalusob na sila sa naghihintay na hukbo upang sila'y takutin at pagnakawan. 47 Sila'y babatuhin ng malaking hukbong yaon at gagamitan ng tabak. Papatayin sila pati kanilang mga anak, at susunugin ang kanilang mga tirahan. 48 Sa ganitong paraan ko wawakasan ang kahalayan sa lupaing iyon upang magsilbing babala sa mga kababaihan, at nang walang sumunod sa kanilang hakbang. 49 Pagbabayaran ninyong magkapatid ang inyong kahalayan, at daranasin ang bigat ng parusa sa pagsamba sa diyus-diyosan. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
1 Mula kay Pedro, isang apostol ni Jesu-Cristo—
Sa mga hinirang ng Diyos na nakikipamayan sa mga lalawigan ng Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia. 2 Kayo'y pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang layunin sa mula't mula pa at pinabanal ng Espiritu Santo, upang maging masunurin kay Jesu-Cristo at nilinis sa pamamagitan ng kanyang dugo.
Sumagana nawa sa inyo ang kagandahang-loob at kapayapaan.
Isang Buháy na Pag-asa
3 Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa 4 na magmamana tayo ng kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo. 5 Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang nakahandang ihayag sa katapusan ng panahon.
6 Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. 7 Ang ginto, bagama't nasisira, ay pinapadaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay sinusubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo. 8 Hindi ninyo siya nakita ngunit siya'y inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, 9 sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong[a] pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong buhay.
10 Tungkol sa kaligtasang ito masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang nagpahayag tungkol sa pagpapalang nakalaan sa inyo. 11 Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila nang unang ipahayag nito ang hirap na titiisin ni Cristo at ang karangalang tatamuhin niya. 12 Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila ay para sa inyo, at hindi para sa kanila. Ang mga katotohanang ito'y narinig ninyo ngayon sa mga nangangaral ng Magandang Balita sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na isinugo mula sa langit. Maging ang mga anghel sa langit ay nanabik na maunawaan ang mga katotohanang ito.
Paanyaya sa Banal na Pamumuhay
13 Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong mga isipan para sa dapat ninyong gawin. Maging mahinahon kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo. 14 Bilang masunuring mga anak, huwag kayong umayon sa masasamang pagnanasa tulad ng ginagawa ninyo noong kayo'y wala pang tunay na pagkaunawa. 15 Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, 16 sapagkat(A) nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal.”
17 Walang kinikilingan ang Diyos. Hinahatulan niya ang mga tao ayon sa mga ginawa nila. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, mamuhay kayong may takot sa kanya habang kayo'y nasa mundong ito. 18 Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Tinubos kayo hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira, tulad ng ginto o pilak, 19 kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya'y tulad ng korderong walang dungis at kapintasan. 20 Itinalaga siya ng Diyos bago pa nilikha ang daigdig, at alang-alang sa inyo ay ipinahayag sa mga huling araw na ito. 21 Dahil kay Cristo, sumasampalataya kayo sa Diyos na sa kanya'y muling bumuhay at nagparangal, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos.
22 Ngayon nalinis na ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pagmamahal sa mga kapatid. Kaya, maalab at taos-puso kayong magmahalan. 23 Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng binhing nasisira, kundi sa pamamagitan ng buháy at walang kamatayang salita ng Diyos. 24 Ayon(B) sa kasulatan,
“Ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
gaya ng bulaklak nito ang lahat niyang kariktan.
Ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay kumukupas,
25 ngunit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”
Ang salitang ito ay ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.